(The Hague) – Isang malaking hakbang sa pagkamit ng hustisya ng mga biktima ng "war on drugs" ng bansa ang kumpirmasyon ng International Criminal Court (ICC) sa lahat ng sakdal sa mga krimen laban sa sangkatauhan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 23, 2026, sabi ng Human Rights Watch ngayong araw.
Nagkakaisang napatunayan ng tatlong pretrial na hukom na matibay ang batayan para mapaniwalaang ginawa ni Duterte ang mga krimen laban sa sangkatauhan na pagpatay at tangkang pagpatay noong mayor siya ng Davao City at pangulo sa konteksto ng kampanyang "war on drugs" mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. Iaanunsiyo pagkaraan ng hukom ng ICC ang petsa ng simula ng paglilitis kay Duterte.
"Nagbukas ng pinto sa matagal nang inaabangang hustisya ng mga pamilya ng biktima ng "drug war" at isang mahalagang pagkilala sa kanilang pagdurusa ang desisyon ng ICC na litisin na si Duterte," sabi ni Maria Elena Vignoli, nakatataas na tagapayo sa internasyonal na hustisya ng Human Rights Watch. "Malakas na mensahe sa mga gumawa ng mabibigat na krimen sa Pilipinas at iba pang lugar na walang sinuman ang nakakataas sa batas, at hindi sila ligtas sa hustisya sa kalaunan."
Ang desisyon para kumpirmahin ang mga sakdal laban kay Duterte ay kasunod ng pagdinig noong Pebrero 23-27 kung saan dininig ng pretrial na hukom ang Opisina ng Prosekyutor, ang mga abogado sa depensa ni Duterte, at ang mga kinatawan ng mga biktima upang tukuyin kung itutuloy ang kaso sa paglilitis. Sa panahong iyon, nagharap ng ebidensiya ang opisina ng prosekyutor na nagpapatunay sa tatlong bilang ng murder at tangkang murder na diumano'y ginawa sa 49 espesipikong insidente laban sa 78 biktima. Gayunman, tinukoy din ng opisina na hindi kumpletong listahan ang mga ito, at maaaring humiling na magpresenta sa paglilitis ng ebidensiya ng mga karagdagang insidente at mga biktima sa loob ng balangkas ng nakumpirmang sakdal.
Maaaring iapela ang buong desisyon ng kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay Duterte nang may awtorisasyon ng pretrial chamber.
Inaresto ng mga awtoridad ng Pilipinas si Duterte sa Maynila noong Marso 11, 2025, sa bisa ng isang arrest warrant na inilabas ng hukom ng ICC at ipinadala sa Interpol, ang International Criminal Police Organization. Nananatili siyang detenido sa The Hague mula noon.
Nagbukas ng imbestigasyon ang Opisina ng Prosekyutor sa mga krimen sa Pilipinas na pumapaloob sa hurisdiksiyon ng korte noong Setyembre 2021. Nagpapatuloy ang imbestigasyon at sumasaklaw sa mga diumano'y krimeng ginawa mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 16, 2019, isang araw bago nagkabisa ang pag-alis ng Pilipinas sa Rome Statute, ang founding treaty ng ICC. Noong Abril 22, 2026, naglabas ng desisyon ang ICC appeals chamber na kumukumpirmang nananatiling nasa hurisdiksiyon ng korte ang sitwasyon ng Pilipinas para sa diumano'y krimeng ginawa hanggang sa pagkakabisa ng pag-alis sa Rome Statute.
Hindi kailanman itinakwil ng kasalukuyang pangulo ng Pilipinas, Ferdinand Marcos Jr., ang "war on drugs" bilang patakaran ng gobyerno at hindi pa pinawalang-bisa ang mga utos, at iba pang pahayag ng patakaran, na inilabas ng dating Pangulong Duterte. Dapat na pormal na ipahayag ng Pangulong Marcos ang katapusan ng "drug war" at mag-utos ng mga imbestigasyon sa pulisya at iba pang opisyal na sangkot sa ilegal na pamamaslang. Dapat ding simulan ni Marcos ang proseso ng muling pagsali ng Pilipinas sa Rome Statute upang ipakita ang paninindigan sa internasyonal na hustisya at pananagutan para sa mga karumal-dumal na krimen, sabi ng Human Rights Watch.
Ang desisyon na litisin na si Duterte ay dumating sa panahong hinaharap ng ICC ang matinding panggigipit at pang-aatake sa kasarinlan nito. Noong Disyembre 2025, hinatulan in absentia [kahit wala doon] ng isang hukumang Ruso ang prosekyutor ng ICC at walong hukom ng korte at hinatulang makulong bilang paghihiganti sa arrest warrant ng korte laban sa Pangulo ng Rusya na si Vladimir Putin.
Noong Pebrero 2025, naglabas ng ehekutibong utos ang pangulo ng US Donald Trump na nag-aawtorisa ng parusa sa mga opisyal ng ICC at iba pang sumusuporta sa gawain ng korte. Malinaw sa utos na ito na hangad ng administrasyong Trump na protektahan ang mga opisyal ng US at Israel sa pagharap sa mga kaso ng ICC. Simula noon, nagpataw ng parusa ang gobyerno ng US sa prosekyutor ng ICC, sa dalawang diputadong prosekyutor, walo sa mga hukom ng korte, isang eksperto ng UN, at tatlong pangunahing organisasyon sa karapatang pantaong Palestino.
"Lalong pagtitibayin ng paglitis sa kaso ni Duterte ang kritikal na tungkulin ng korte bilang huling pamamaraan para maimbestigahan at mausig ang mga pinakaseryosong krimen," sabi ni Vignoli. "Dapat pag-ibayuhin ng mga miyembrong bansa ng ICC ang mga gawaing poprotekta sa korte at sa mga sumusuporta sa gawain nito, para maisakatuparan ang pangunahing mandato nito sa Pilipinas at maging sa labas pa nito."