Sino si Rodrigo Duterte?
Anong nangyari noong "war on drugs" sa Pilipinas? Nagpapatuloy pa ba ang "war on drugs"?
Ano-ano ang mga sakdal laban kay Duterte?
Anong mangyayari sa pagdinig sa kumpirmasyon ng mga sakdal?
Ano-ano ang mga karapatan ni Duterte habang may pagdinig sa kumpirmasyon ng mga sakdal?
Maaari bang lumahok sa pagdinig ang mga biktima ng mga diumano'y krimen?
Ano-ano ang hakbang na mayroon para protektahan ang mga saksi sa ICC?
Paano masusundan ng taong-bayan sa Pilipinas ang paglilitis sa The Hague?
Anong mangyayari pagkatapos ng kumpirmasyon ng pagdinig sa mga sakdal?
Hindi ba umalis ang Pilipinas sa ICC? Bakit maaari pa ring mag-imbestiga at magsampa ng kaso ang prosekyutor ng ICC laban kay Duterte?
Maaari bang kasuhan ng ICC ang sinoman para sa mga pamamaslang o ibang krimeng ginawa noong "war on drugs" ng Pilipinas?
Mayroon na bang napanagot sa Pilipinas para sa mga krimeng ginawa noong "war on drugs"?
Ano-anong hakbang ang dapat tahakin ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.?
Mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026, pakikinggan ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague ang mga ebidensiya laban sa dating pangulo ng Pilipinas Rodrigo Duterte sa isang pagdinig ng "kumpirmasyon ng mga sakdal" upang matukoy kung dapat tumuloy sa paglilitis ang kaso laban sa kaniya.
Inaresto si Duterte sa Maynila noong Marso 11, 2025, ng mga awtoridad ng Pilipinas sa bisa ng isang arrest warrant na inilabas ng mga hukom ng ICC at ipinadala sa Interpol, ang internasyonal na organisasyon ng pulisyang pangkrimen. Una siyang humarap sa korte sa pamamagitan ng video link mula sa kulungan sa The Hague, noong Marso 14, 2025.
Nagbukas ng imbestigasyon ang Opisina ng Prosekyutor ng ICC sa mga krimen sa Pilipinas sa loob ng hurisdiksiyon ng korte noong Setyembre 2021. Saklaw ng imbestigasyon ang mga diumano'y krimeng ginawa mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 16, 2019, isang araw bago maipatupad ang pag-alis ng Pilipinas mula sa founding treaty ng ICC—ang Rome Statute. Kasama sa mga diumano'y krimen ang malaking bilang ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Davao City habang mayor si Duterte, pati rin sa buong bansa noong siya ay pangulo.
Ang sumusunod na dokumentong palatanungang may sagot ay nagbibigay ng background na impormasyon tungkol sa kaso, ng papalapit na kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal, at ng maaaring susunod na hakbang sa mga pagdinig.
Si Rodrigo Duterte, ipinanganak noong 1945, ay naging presidente ng Pilipinas mula Hunyo 2016 hanggang Hunyo 2022. Bago maihalal si Duterte bilang pangulo, naging mayor at vice mayor siya ng Davao City sa katimugang Pilipinas ng higit sa dalawang dekada.
Sinimulan ni Pangulong Duterte ang isang pambansang "war on drugs" pagkatapos maupo noong 2016, diumano para labanan ang distribusyon at konsumpsiyon ng droga, lalo na sa mahihirap na pook sa mga kalunsuran. May inilunsad siyang kaparehong kampanya noong mayor siya ng Davao City.
Humantong sa libo-libong labag-sa-batas na pagpatay ang "war on drugs," kadalasan ng maralitang tagalungsod. Nalaman ng Human Rights Watch at ng iba pa na ang pulisya ay regular na nagpapalsipika ng ebidensiya, halimbawa ng palsong paglalagay ng baril, para bigyang-katwiran ang pamamaslang. Iniulat ng gobyerno na pumaslang ang miyembro ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency ng 6,252 tao noong operasyong kontra-droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2022. Nang maupong pangulo ni Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, tumigil sa paglalabas ng estadistika ang gobyerno, pero nagpatuloy ang pamamaslang.
Hindi kabilang sa opisyal na bilang ng napaslang ang mga pinatay ng mga di-kilalang armadong lalaki na kumikilos sa pangangasiwa ng lokal na pulisya at mga opisyal na totoong natukoy ng Human Rights Watch at iba pang tagasubaybay sa karapatan. Natantiya ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights sa isang ulat noong 2020 na sa kabuuan ay hindi bababa sa 8,663 ang bilang ng napaslang. Sinasabi ng mga lokal na grupong pangkarapatang pantao at ang hinirang ng gobyerno na Komisyon ng Karapatang Pantao na posibleng triple ang totoong bilang ng mga napaslang sa "drug war."
Nagpatuloy sa Pilipinas ang pamamaslang ng pulisya at mga di-kilalang salarin sa mga ginagawang drug raid pagkatapos ng termino ni Duterte bilang pangulo. Noong 2025, ipinakita ng pagsubaybay ng independiyenteng research group na Dahas na 271 ang napaslang sa mga insidenteng may kinalaman sa "drug war" sa buong Pilipinas. Pagkatapos maupo sa puwesto si Marcos noong Hulyo 1, 2022, higit sa 1,000 tao ang napaslang bilang parte ng kampanyang kontra droga.
Humihiling ang Opisina ng Prosekyutor ng ICC ng kumpirmasyon sa tatlong bilang ng krimeng laban sa sangkatauhan ng pagpatay kay Duterte batay sa mga sumusunod na insidenteng nakasaad sa "Dokumentong Naglalaman ng mga Sakdal" nito:
- Siyam na insidenteng may kinalaman sa 19 murder sa Davao City mula 2013 hanggang 2016, noong mayor si Duterte;
- Limang insidenteng may kinalaman sa 14 murder ng "mga indibidwal na tinatawag na 'high-value'," kabilang ang kanilang diumano'y pagiging sangkot sa paggawa ng droga o sa mga sindikato ng droga," sa mga lugar sa buong Pilipinas noong 2016 at 2017, noong pangulo si Duterte; at
- Tatlumpu't limang insidenteng may kinalaman sa 45 murder at tangkang murder na ginawa sa mga clearance operation sa mga barangay sa buong Pilipinas noong 2016 at 2018 noong pangulo si Duterte.
Isinaad ng Opisina ng Prosekyutor na ang mga espesipikong insidenteng binalangkas sa dokumentong naglalaman ng mga sakdal ay "isang hindi kumpletong listahan ng mga halimbawa ng mga gawaing batayan ng kaso," at ang 78 biktimang kabilang sa dokumento ay "isang hindi-kumpletong listahan ng mga biktima sa kasong ito." Dagdag pang tala na kung makukumpirma ang mga sakdal laban kay Duterte, maaaring hilingin ng prosekyusyon na magpresenta sa paglilitis ng mga ebidensiya ng dagdag na insidente at mga biktima na nakapaloob sa balangkas ng kumpirmadong sakdal.
Nagpaparatang ang prosekyusyon na kriminal na responsable si Duterte sa maraming paraan para sa mga krimeng ito: sa hindi direktang pagsasagawa ng mga ito kasama ng iba, sa pamamagitan ng kontrol na hawak niya at sa suportang ibinigay niya sa mga tagapagpatupad ng batas sa Pilipinas at sa sinasabing Davao Death Squad; sa pag-utos at pag-udyok sa kanila; at sa pagtulong at pagsulsol sa kanila.
Sa ICC, inilalabas ang mga arrest warrant ng isang pretrial chamber batay sa isang aplikasyon ng Opisina ng Prosekyutor. Sa arrest warrant nito laban kay Duterte, hiniling ng Opisina ng Prosekyutor ang pagsama sa sakdal ng tortyur at reyp bilang krimen laban sa sangkatauhan bukod pa sa murder. Kinilala ng mga hukom ng pretrial chamber na sinusuportahan ng impormasyong ibinigay ng prosekyusyon ang pasya na maaaring may akto ng toryur at reyp. Gayunpaman, wala silang nakitang sapat na ugnay ng mga aktong ito at ng malawakang atake sa populasyong sibilyan—isang kailangang elemento sa krimen laban sa sangkatauhan—para mabigyang-katwiran ang pagsama ng mga ito sa sakdal sa warrant.
Hindi isang pag-uusig ang pagkumpirma sa mga sakdal kay Duterte. Ginaganap ito sa harap ng pretrial chamber na binubuo ng tatlong hukom. Nagbibigay-daan ang pagdinig sa mga hukom na suriin kung may sapat na ebidensiya ang prosekyuson para ituloy ang pag-uusig sa isa o higit pang sakdal na nabanggit. Hindi kailangang ipresenta ng proseksyuson ang lahat ng ebidensiya sa yugtong ito pero sapat para sa mga hukom na magkaroon ng "matibay na batayan para maniwala" na ginawa ni Duterte ang mga diumano'y krimen. Mas mataas na pasanin ito kaysa sa "makatwirang batayan" na pamantayang ginagamit ng kamara kapag naglalabas ng arrest warrant.
Si Duterte, sa pamamagitan ng kaniyang abogado ng depensa, ay maaaring tumutol sa mga sakdal, hamunin ang ebidensiya ng prosekyusyon, at maghain ng sarili niyang ebidensiya. Gayunman, hindi nakatuon ang pagdinig sa pagsusuri ng pagtukoy ng sala o kawalang-sala.
Unang naka-iskedyul na magsimula ang kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal noong Setyembre 23, 2025. Gayunman, noong Setyembre 8, nagdesisyon ang pretrial chamber na ipagpaliban ang pagdinig nang walang katiyakan dahil ikinatwiran ng mga abogado ni Duterte na wala siyang kakayahang lumahok sa paglilitis dahil sa "maramihang kapansanan sa pag-iisip," at humiling ng pagpapaliban sa paglilitis.
Noong Enero 26, 2026, tinanggihan ng pretrial chamber ang mga argumento ng depensa at napatunayang kaya ni Duterte na lumahok sa kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal. Iniskedyul ng kamara na simulan ang pagdinig sa Pebrero 23. Para tumulong sa kanilang pagsusuri, nagtalaga ng isang lupon na binubuo ng tatlong independiyenteng ekspertong medikal na gumawa ng medikal na pagsusuri kay Duterte at nagsumite ng kanilang natuklasan sa kamara noong Disyembre 5.
Ang mga karapatan ni Duterte sa pagdinig na ito ay katulad ng mga karapatan niya sa paglilitis. Ipinagpapalagay na inosente siya hanggang mapatunayang may sala, at may karapatan sa isang patas at mabilis na pagdinig na isasagawa nang walang kinikilingan.
Bago ang pagdinig, binigyan si Duterte ng dokumentong naglalaman ng mga kasong inihain ng prosekyutor, pati na rin ng listahan ng mga ebidensiyang sasandigan ng prosekyusyon sa pagdinig. Ilang buwan nang tuloy-tuloy ang pagsisiwalat ng ebidensiyang ito.
Nakakulong si Duterte mula nang ilipat siya sa The Hague noong Marso 2025. Nagbibigay ang Rome Statute ng karapatan sa isang indibidwal na nasa kustodiya ng ICC na humiling ng pansamantalang paglaya habang naghihintay ng paglilitis. Maaaring magtakda ang mga hukom ng isa o higit pang kondisyon para pahintulutan ang gayong paglaya, kabilang ang mga limitasyon sa paglalakbay at sa komunikasyon ng indibidwal. Nagsumite si Duterte ng kahilingan para sa pansamantalang paglaya noong Hunyo 12, 2025—idinulog, bukod pa sa ibang kadahilanan, ang kaniyang katandaan—kasunod ng nabagong kahilingan noong Agosto 19. Noong Oktubre 10, tinanggihan ng pretrial chamber ang kahilingang iyon, na kinumpirma kalaunan sa kabila ng apela.
Alinsunod ng panuntunan sa paglaya o pagkulong ng isang tao, binibigyan ng Rome Statute ng pagkakataon ang pretrial chamber ng pana-panahong pagrebyu sa desisyon nito. Noong Enero 26, 2026, ang pretrial judges ay nagsagawa ng unang peryodikong rebyu ng detensiyon ni Duterte at napatunayang walang nagbago o walang bagong sirkunstansiya na magbibigay-katwiran sa pagpapalaya kay Duterte. Inapela ni Duterte ang desisyon. Hinihingi rin ng balangkas na nangangasiwa ng korte na magdaos ng pagdinig ang pretrial chamber kahit isang beses sa isang taon upang repasuhin ang detensiyon ng isang indibidwal. Nakaiskedyul ang gayong unang pagdinig ni Duterte sa bandang huli ng kumpirmasyon ng mga sakdal, sa Pebrero 27.
Batay sa mga rekomendasyon ng lupon ng mga medikong ekspertong sumuri kay Duterte, pati na rin ang opisyal na mediko ng detention center ng korte, nag-utos ang mga hukom ng ilang puwang para sa kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal kabilang ang paglimita sa haba ng arawang sesyon, at pagpapayag sa madalas na pahinga.
Nagbibigay ng pagkakataon ang Rome Statute na lumahok ang mga biktima sa pagdinig ng ICC, isang papel na naiiba sa pagtestigo bilang saksi. Ang sistemang ito—na nagpapahintulot sa mga biktima na maipaalam sa korte ang kanilang pananaw at hinaing sa pamamagitan ng mga legal na kinatawan—ay isang importanteng pagbabago na may potensiyal na maseguro na may ugnayan ang pagdinig sa mga direktang apektado ng mga diumano'y krimen.
Maaaring makinabang ang mga biktimang kalahok na hindi kayang kumuha ng legal na representasyon sa tulong-pinansiyal na ibinibigay ng korte, at ang korte ay may obligasyon na seguruhin ang kaligtasan at kapakanan ng mga biktimang kalahok. Tinitiyak ng mga hukom, sa kanilang papel, na hindi nakakapinsala, o hindi salungat, sa karapatan ng akusado sa patas na paglilitis ang paglahok ng mga biktima.
Noong Enero 26, 2026, pinahintulutan ng pretrial chamber ang 39 biktima na lumahok sa kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal kay Duterte. Nagtalaga rin para sa mga lalahok na biktima ang mga hukom ng tatlong legal na kinatawan na haharap sa hukom ng ICC sa ngalan nila, kabilang ang pagbibigay ng panimula at pangwakas na pahayag pati na rin ang pagsusumite sa panahon ng kumpirmasyon ng pagdinig.
Naglalaman ng komprehensibong probisyon para sa proteksiyon ng mga biktima at saksing lumalahok sa gawain ng ICC ang Rome Statute at Mga Panuntunan ng Pamamaraan at Ebidensiya ng korte, pati na sa panahong ginagawa ang pagdinig. Mayroong nakalaan na Yunit para sa mga Biktima at Saksi ang korte na may mandatong espesipikong magbigay ng kinakailangang suporta at proteksiyon para sa mga biktima at saksi.
Maaaring mag-utos ang mga hukom ng ICC ng iba't ibang pananggalang, depende sa espesipikong sirkunstansiya at kahinaan ng mga indibidwal na saksi. Sa mga pagdinig sa korte, maaaring kabilang dito ang mga hakbang na magkukubli ng identidad ng mga saksi, tulad ng pagbaluktot sa mukha at pag-iba ng boses habang nagbibigay sila ng ebidensiya, ang paggamit ng alyas, o ang pagsagawa ng pagdinig sa mga pribado o saradong sesyon. Nagbibigay rin ang korte ng mga pananggalang na hakbang para sa mga saksi labas sa mga pagdinig sa loob ng korte. Ang mga ito ay targeted na pag-aayos na panseguridad na nakatuon sa pagtatago ng interaksiyon sa korte ng mga saksi. Maaaring kasama rito ang pagsasagawa ng panayam sa isang ligtas at lihim na lokasyon, at bilang huling pamamaraan, ang relokasyon ng mga saksi at ng kanilang malapit na kamag-anak sa ibang bansa.
May labis na kahalagahan para sa daan-daang libong tao sa buong Pilipinas na nagdusa, nasaksihan, o nagdokumento ng mga pang-aabuso sa konteksto ng "war on drugs" ang pagbubukas ng pagdinig laban kay Duterte sa ICC. Nagpapahiwatig din ito ng matinding babala sa ibang nag-iisip na hindi sila abot ng kamay ng hustisya.
Gayunpaman, malayo ang lokasyon ng ICC mula sa Pilipinas. Hinaharap ng korte ang hamon sa pagseguro na makabuluhan ang mga pagdinig nito sa mga taong pinakaapektado ng diumano'y krimen at alam ng mga biktima ang kanilang mga karapatan.
Kasunod ng pag-aresto kay Duterte at sa paghahanda sa kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal, dinamihan ng korte ang kanilang pakikipag-ugnayan kasama ang mga organisasyong lipunang sibil sa Pilipinas, na siyang pangunahing tagpuan ng korte para sa mga biktima at mga apektadong komunidad. Kasama rito ang buwanan, may paksa at interaktibong huntahan para madagdagan ang pag-unawa sa mga espesipikong suliraning may kinalaman sa pagdinig sa harap ng korte (tulad ng pakikilahok ng biktima). Isinalin sa Filipino at Sebwano ang mga pangunahing kasangkapan sa impormasyon ng korte, tulad ng mga inilabas na balita at mga dokumentong nagpapaliwanag sa mga bahagi ng pagdinig ng korte, at ibinahagi sa mga organisasyong sosyo-sibil sa Pilipinas.
Para labanan ang mapanganib na misinformation sa Pilipinas tungkol sa korte at sa mga pagdinig laban kay Duterte, aktibo ring nakikiugnay ang korte sa midya ng bansa para tiyaking aabot sa populasyon ang mga ulat na ayon sa katotohanan.
Ipapalabas, nang may 30-minutong pagkaantala, ang kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal sa website ng korte pati na rin sa Facebook account at YouTube Channel nito. Maaari ring makakuha ng transkripsiyon sa website ng korte.
Pagkatapos ng pagdinig, mayroong 60 araw ang pretrial chamber para maglabas ng nakasulat na desisyon. Kung magpasya ang chamber na mayroong "matibay na batayan para maniwala" na ginawa ni Duterte ang mga diumano'y krimen, makukumpirma ang mga sakdal, at magpapatuloy ang kaso sa paglilitis.
Kung magdesisyon ang mga hukom na walang sapat na ebidensiya para kumpirmahin ang ilan o ang lahat ng sakdal, maaaring magsumite ang prosekyusyon ng dagdag na ebidensiya at humiling ng bagong kumpirmasyon ng pagdinig ng mga sakdal.
Maaari ring ipagpaliban ng mga hukom ang pagdinig at hilingin sa prosekyusyon na isaalang-alang ang pagbibigay ng mas marami pang ebidensiya o kaya ay magsagawa ng karagdagang imbestigasyon kaugnay ng isang partikular na sakdal. Bukod dito, maaari nilang hilingin sa prosekyusyon na isaalang-alang ang pag-amyenda sa sakdal kung nagmumukhang ibang krimen ang pinapatunayan ng ebidensiyang ipinakita.
Noong Marso 17, 2018, pormal na ipinaalam ni dating Pangulong Duterte sa United Nations secretary-general na aalis ang Pilipinas mula sa Rome Statute ng ICC. Alinsunod sa ICC treaty, nagkaroon ito ng bisa pagkatapos ng isang taon. Pinapayagan ng mga probisyon ng Rome Statute na mapanatili ang hurisdiksiyon ng korte sa mga krimeng ginawa bago ang pag-alis. Sa kaso ng Pilipinas, ito ay mula Nobyembre 1, 2011—ang petsa kung kailan nagkabisa ang Rome Statute sa Pilipinas—hanggang at kasama ang Marso 16, 2019.
Kinumpirma ng hukom ng pretrial chamber ang hurisdiksiyon ng korte sa mga diumano'y krimeng ginawa sa Pilipinas sa loob ng panahong ito, nang pinahintulutan nila ang parehong pagbubukas, at kinalaunan, ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Opisina ng Prosekyutor sa Pilipinas. Kasunod ng hiling ng prosekyutor ng ICC, inawtorisahan ng mga hukom ng korte ang pagbubukas ng opisyal na imbestigasyon ng sitwasyon sa Pilipinas noong Setyembre 2021.
Pansamantalang nasuspinde ang imbestigasyon kasunod ng hiling ng gobyerno ng Pilipinas na ibigay muna ang pagsisiyasat sa mga awtoridad ng bansa. Noong Nobyembre 2022, humiling ang prosekyutor ng ICC ng pahintulot mula sa mga hukom na ipagpatuloy ng opisina niya ang imbestigasyon sa Pilipinas, na siyang ipinagkaloob nila noong Hunyo 2023. Napanatili ang desisyon sa kabila ng apela noong Hulyo ng taong iyon.
Gayong karamihan sa hukom ng apela ang nanindigan sa pretrial na desisyon sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ang nagpasya na hindi pagpapasyahan ang isyu ng hurisdiksiyon, dalawang hukom ang hindi sumang-ayon. Katwiran nila na walang hurisdiksiyon ang korte sa sitwasyon sa Pilipinas dahil ang hiling ng prosekyutor na buksan ang opisyal na pagsisiyasat ay dumating pagkatapos na magkabisa ang pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute.
Noong Mayo 1, 2025, hinamon ni Duterte ang hurisdiksiyon ng korte sa kaso gamit ang parehong linya ng argumento tulad ng sa hindi sang-ayong opinyon. Noong Oktubre 23, tinanggihan ng pretrial chamber ang hamong iyon, nang malaman na dahil nagsimula ang pangunang eksaminasyon nito bago ang pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute, maaaring mapanatili ng korte ang hurisdiksiyon nito sa kaso. Dagdag pa, napagpasyahan ng mga hukom na magpapahina sa layunin at hangarin ng Rome Statute ang pagpayag sa isang pang-estadong partido na umiwas sa hurisdiksiyon ng korte sa ilalim ng mga ganitong sirkunstansiya—bilang narating lamang ang desisyon nitong umalis pagkatapos simulan ng prosekyusyon ang pangunahing pagsusuri. Inapela ni Duterte ang pasya ng pretrial chamber at nakabinbin ang usapin sa appeals chamber.
Maaari bang kasuhan ng ICC ang sinoman para sa mga pamamaslang o ibang krimeng ginawa noong "war on drugs" ng Pilipinas?
Patuloy ang imbestigasyon ng Opisina ng Prosekyutor sa sitwasyon ng Pilipinas, at may awtoridad ang prosekyutor na tukuyin kung aling mga kaso ang itutuloy batay roon. Patakaran ng prosekyutor ng ICC na targetin ang mga pinaka-responsable para sa mga krimeng natukoy sa imbestigasyon.
Ang kriminal na pananagutan sa ilalim ng ICC ay maaaring sumaklaw sa mga gumagawa ng krimen pero pati na rin sa mga tagapag-utos saka na rin sa mga nasa katungkulan ng pamumuno na alam o dapat nakakaalam sa mga pang-aabuso, at hindi nagawang pigilin sila o ireport o usigin silang mga responsable. Sa ICC, walang sinoman ang ligtas sa pananagutan batay sa opisyal na katungkulan.
May napakalimitadong lokal na pangkrimen na pagsisikap para imbestigahan at usigin ang mga responsable sa ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang krimeng ginawa noong "war on drugs." Limang kaso lang ang nagresulta sa paghatol sa miyembro ng kapulisan, sa kabuuang siyam na opisyal na sinetensiyahan sa buong bansa. Ang pinakahuling kaso ay ang paghatol noong Setyembre 2025 sa isang koronel ng pulisya para sa homisidyo: binaril niya ang isang lalaki sa bahay nito sa Baguio City sa isang "buy-bust" operation noong Hulyo 2016.
Noong Nobyembre 2021, hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa prosekyutor ng ICC na ipagpaliban ang imbestigasyon, sa kadahilanang nagsimula na ang lokal na awtoridad ng sariling imbestigasyon sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay na sangkot ang pulisya noong mga operasyon ng "drug war." Sinuri ng isang lupon ng mga hukom ng ICC ang iba't ibang lokal na pagdinig, kasama ang pagrebyu sa mga kasong administratibo at pangkrimen laban sa pulisya na inihain ng Kagawaran ng Katarungan ng Pilipinas, at panloob na pandisiplinang pagdinig ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, bukod sa iba pang pagsisikap.
Sa isang desisyon noong Enero 2023, nagpasya ang hukom ng ICC na bigo ang gobyerno ng Pilipinas na patunayan ang mga pahayag nitong gumagawa ito ng sapat na aksiyon para imbestigahan at usigin ang mga pamamaslang sa ilalim administrasyon ni Pangulong Duterte. Ang desisyon ay napagtibay sa kabila ng apela.
Ano-anong hakbang ang dapat tahakin ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.?
Hindi kailanman itinakwil ni Pangulong Marcos ang "war on drugs" bilang patakaran ng estado at hindi pa pinawalang-bisa ang mga utos, at iba pang pahayag ng patakaran, ni dating Pangulong Duterte. Dapat pormal na ipahayag ni Marcos ang pagwawakas ng "drug war" at mag-utos ng mga imbestigasyon sa pulis at iba pang opisyal na sangkot sa mga labag sa batas na pamamaslang. Dapat magbigay ang mga ahensiya ng gobyerno ng sapat at tuloy-tuloy na suporta sa mga pamilya ng mga biktima ng "drug war," lalo na sa kabataan. Dapat ding simulan ni Marcos ang proseso ng muling pagsali sa Rome Statute upang ipakita ang paninindigan sa internasyonal na hustisya at pananagutan para sa mga karumal-dumal na krimen.