Skip to main content
Donate Now

Pilipinas: Magsisimula na Ang Pagdinig ng ICC Kay Duterte

Palatanungan ng Pagdinig na Kukumpirma sa mga Sakdal laban sa Dating Pangulo

Nakikita sa screen si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas sa loob ng silid ng hukuman ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands. Marso 14, 2025. © 2025 Peter Dejong/AP Photo

(The Hague) – Ang unang pangunahing pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kaso ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ay isang mahalagang hakbang na magtitiyak ng hustisya para sa mga biktima ng "war on drugs" sa Pilipinas, sabi ng Human Rights Watch ngayon araw. Naglathala ang Human Rights Watch ng dokumento ng palatanungang may kasamang sagot para sa nalalapit na pagdinig. 

Mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026, didinigin ng isang lupon na binubuo ng tatlong hukom ng ICC ang mga ebidensiya upang matukoy kung kukumpirmahin ang mga paratang laban kay Duterte at papaabutin sa paglilitis. Ang pagdinig ay hindi isang paglilitis at hindi nakatuon sa pagsusuri ng sala o kawalang-sala ni Duterte. Pagkatapos ng pagdinig, may 60 araw ang mga hukom para maglabas ng nakasulat na desisyon.

"Maling inakala ng dating Pangulong Duterte na siya ay nakakaangat, hindi naaabot ng batas," sabi ni Maria Elena Vignoli, nakatataas na tagapayo sa hustisyang pandaigdig ng Human Rights Watch." Sinasalamin ng kaso ng ICC ang determinasyon ng mga biktima at kanilang pamilya sa pagsusulong ng hustisya sa kabila ng lahat ng mga balakid at panganib.

Iniulat ng pulisya ng Pilipinas ang halos 6,200 Pilipino na namatay sa mga operasyong kontra-droga ng gobyerno mula 2016 hanggang 2022. Pinanindigan ng mga grupo para sa karapatang pantao sa Pilipinas na higit sa 30,000 tao ang pinaslang noong "war on drugs," kadalasang maralitang tagalungsod. Maraming bata ang kasama sa mga napaslang o kaya ay nagdusa dahil sa mapaminsalang kinahinatnan ng kampanyang kontra-droga ni Duterte.

Ipinapahiwatig ng patuloy na parusa ng US laban sa ICC at ang kriminal na paghatol in absentia [sa pagliban] sa mga opisyal ng ICC sa Rusya ang lumalalang atake sa pandaigdigang tuntunin ng batas. Pinapatunayan ng pag-usad ng kaso ni Duterte ang ugnay at halaga ng hukuman sa pagtitiyak ng pananagutan sa mabigat na pandaigdigang krimen, sabi ng Human Rights Watch.

Hindi kailanman itinakwil ng kasalukuyang pangulo ng Pilipinas, Ferdinand Marcos Jr., ang "war on drugs" bilang patakaran ng estado at hindi pinawalang-bisa ang utos ni Duterte at iba pang pahayag ng patakaran. Mula nang maupo si Marcos noong Hulyo 1, 2022, higit sa 1,000 tao ang naiulat na napaslang bilang parte ng kampanya kontra-droga.

"Dapat maging udyok kay Marcos ang paglilitis ng ICC kay Duterte na iwanan ang nakaraan, ilayo ang sarili niya mula sa madugong patakaran ng pinalitan niya, at itaguyod ang hustisya at panuntunan ng batas," sabi ni Vignoli. "Dapat niyang ipahayag sa publiko ang wakas ng 'drug war,' mag-utos ng kapani-paniwalang imbestigasyon sa mga responsable sa pang-aabuso, at gumawa ng hakbang sa muling pagsali sa ICC."

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country