Skip to main content
Nagmartsa ang mga nagpoprotesta sa labas ng palasyo ng Malacanang, Maynila, Pilipinas noong Hunyo 30, 2021. © 2021 AP Photo/Aaron Favila
  1. Bakit nagbukas ng imbestigasyon ang ICC?
  2. Anong nangyari bago ang desisyon noong Enero 26 at bakit itinigil ang imbestigasyon?
  3. Bakit inawtorisahan ng hukom ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC?
  4. Hindi ba umalis na ang Pilipinas sa ICC? Bakit nakakapag-imbestiga pa rin dito ang ICC?
  5. Anong kasunod na mangyayari? Gaano katagal bago ang paglilitis?
  6. Sino ang posibleng target ng mga imbestigasyon ng ICC? Ilang tao ang puwedeng masakdal?
  7. Kahit maghabla ang ICC laban sa mga indibidwal para sa mga krimeng ginawa sa Pilipinas, posible ba talaga ang pag-aresto?

 

Noong Enero 26, 2023, inawtorisahan ng isang kamarang pretrial ng International Criminal Court (ICC) ang prosekyutor ng korte para ituloy ang imbestigasyon nito sa sitwasyon sa Pilipinas. Sakop ng imbestigasyon ang diumano'y krimeng ginawa mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016, kasama ang napakaraming extrajudicial killings sa Davao City habang mayor pa ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, pati sa ibang parte ng bansa noong nasa puwesto siya hanggang Marso 16, 2019, isang araw bago magkabisa ang pag-urong ng Pilipinas mula sa founding treaty ng ICC, ang Rome Statute. Umapela noong Pebrero 3 ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng desisyon noong Enero 26. Nakabinbin ang apelang ito.

Isang independentiyeng institusyong panghukuman ang ICC na may kapangyarihang mag-imbestiga at mang-usig ng mga indibidwal para sa krimen sa digmaan, krimen laban sa sangkatauhan, genocide, at krimen ng agresyon. Ipinakita ng pagkakatatag nito noong 2002 ang kagustuhan ng maraming bansa na labanan ang impunity sa pinakamasamang krimen sa buong mundo. Sa kasalukuyan, 123 bansa ang miyembro ng ICC, ginagawaran ng awtoridad ang ICC sa ilalim ng Rome Statute, na imbestigahan at usigin ang krimeng ginawa ng kanilang mamamayan o ng sinuman sa kanilang teritoryo. Isang korteng last resortang ICC, ibig sabihin na makikialam lamang ito kung ayaw o hindi kayang mag-imbestiga at mang-usig ng mga lokal na awtoridad sa mga krimeng nasa mandato ng ICC.

Tinatalakay sa sumusunod na katanungan at sagot na inihanda ng Human Rights Watch ang kamakailang desisyon ng mga hukom na payagan ang pagtuloy ng imbestigasyon sa Pilipinas, ang apela, at ang mga susunod na hakbang.

  1. Bakit nagbukas ng imbestigasyon ang ICC

Nang maupo sa puwesto noong 2016, inilunsad ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang "giyera kontra droga," na humantong sa libo-libong pamamaslang ng karamiha'y maralitang tagalungsod. Natuklasan ng Human Rights Watch at iba pa na palagiang pinapalsipika ng mga pulis ang ebidensiya para bigyang-katwiran ang ilegal na pamamaslang. Iniulat ng gobyerno na nakapatay ng 6,252 katao ang Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa operasyong kontra-droga nito mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2022. Nang mahirang na presidente si Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, inihinto ng gobyerno ang paglathala ng estadistikang ito.

Hindi kasama sa opisyal na bilang ng namatay ang mga pinaslang ng mga di-kilalang gunmen, na sa paniniwala ng Human Rights Watch at iba pang sumusubaybay sa karapatan, na may kapani-paniwalang ebidensiyang nakikipagtulungan ito sa mga lokal na pulisya at opisyal. Nataya ng OHCHR sa isang ulat noong 2020 na ang bilang ng mga napaslang ay hindi bababa sa 8,663. Pahayag ng mga lokal na grupo sa karapatan at hinirang ng gobyerno na Komisyon sa Mga Karapatang Pantao ng Pilipinas na ang totoong bilang ng drug war killings ay posibleng triple ng bilang sa report ng UN.

Ang saklaw ng "drug war" killings ang nag-udyok sa dating prosekyutor ng ICC na si Fatou Bensouda na ianunsiyo noong Pebrero 2018 ang pagbubukas ng panimulang imbestigasyon sa mga pamamaslang, konektado ang marami sa mga ito sa "extrajudicial killings sa pagpapatupad ng operasyong kontra-droga ng pulisya." Noong Mayo 2021, alinsunod sa pagsusuri niya sa mga krimeng ito, humiling ng awtorisasyon si Bensouda mula sa korte na magbukas ng imbestigasyon sa sitwasyon sa Pilipinas. Inawtorisahan ng kamarang pre-trial ng ICC ang pagbubukas ng imbestigasyon noong Setyembre 2021.

  1. Anong nangyari bago ang desisyon noong Enero 26 at bakit itinigil ang imbestigasyon?

Noong Nobyembre 2021, hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa prosekyutor ng ICC na ipagpaliban ang imbestigasyon dahil nagsimula nang mag-imbestiga ang mga lokal na awtoridad sa extrajudicial killings na iniuugnay sa pulisya tuwing may operasyong "digmaan sa droga." Pagkatanggap ng hiling, pansamantalang sinuspinde ang mga aktibidad ng imbestigasyon habang nakabinbin ang pagtatasa niya sa hiling.

Noong Hunyo 2022, humingi si Karim Khan, kasalukuyang prosekyutor ng korte, ng awtorisasyon mula sa hukom ng ICC para ituloy niya ang imbestigasyon, pinunang hindi nakapagbigay-patunay ang gobyerno ng Pilipinas para sa hiling sa deferral nito at ang tinutukoy na lokal na pagdinig ay "hindi sapat na sumasalamin sa imbestigasyon ng korte."

  1. Bakit inawtorisahan ng hukom ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC?

Sa pagdedesisyon na ituloy ang imbestigasyon, sinuri ng hukom ng ICC ang materyal mula sa gobyerno ng Pilipinas at prosekyutor ng ICC, pati ang mga obserbasyon ng mga biktima at kanilang pamilya, para tasahin ang pag-iral ng lokal na pagdinig na maggagarantiya sa pagpapaliban ng imbestigasyon sa mga lokal na awtoridad sa pamamagitan ng tunay na pag-iimbestiga at pag-uusig ng krimen sa ilalim ng hurisdiksiyon ng korte.

Kasama sa pagsusuri ang impormasyon sa di-pangkrimeng habla na diumano'y kaugnay ng mga krimen sa ilalim ng hurisdiksiyon ng korte, ang mga ito ay:

  • Isang rebyung isinagawa ng Kagawaran ng Katarungan – Ito ay "isang ad hoc group ng mga miyembro ng Kagawaran ng Katarungan" na inatasang magrebyu ng kasong administratibo at kriminal laban sa tauhan ng Philippine National Police na sangkot sa mga operasyong kontra-droga na humantong sa mga pagpatay." Nakita ng mga hukom ng ICC na itong rebyu ay hindi tumbas sa makabuluhang imbestigasyong nararapat sa deferral at ang bilang ng mga kasong nirebyu ng panel ay mababa kumpara sa bilang ng diumano'y pinaslang sa mga operasyong "giyera kontra droga."
  • "Writ of amparo proceedings" - Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, isa itong "remedyong maaaring makuha ng kahit sinong tao na ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ay nalalabag o napagbabantaang mayurakan dahil sa mga aktong labag sa batas o pagkukulang ng pampublikong opisyal o kawani, o isang pribadong indibidwal o entidad." Ang ganitong pagdinig ay maaaring tumungo sa kriminal na imbestigasyon, pero natuklasan ng hukom na ang posibilidad na ito ay hindi sapat para bigyang-katwiran ang deferral.
  • Mga Gawain ng Administrative Order No. 35 Committee at ng United Nations Joint Program on Human Rights - Ang Administrative Order No. 35 Committee ay isang komiteng inter-agency na pinangungunahan ng kalihim ng hustisya at nakapokus sa extra-judicial killing na labag sa batas, sapilitang pagkawala, tortyur at iba pang matinding paglabag sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng tao. Ang United Nations Joint Program on Human Rights ay technical assistance at capacity building na programa. Ayon sa mga hukom, alinman ay hindi nagsagawa ng kongkretong hakbang na nararapat para sa deferral.
  • Mga Imbestigasyong isinagawa ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police - Ito ay mga pandisiplinang pagdinig laban sa kawani ng pulisya na, ayon sa mga hukom, ang pangunahing layon ay hindi isulong pa ang pangkrimeng pagdinig at sa gayon ay hindi magbibigay-dahilan pabor sa pagpapaliban ng imbestigasyon ng ICC.

Kabilang rin sa pagsusuri ng mga hukom ang impormasyon sa anumang pangkrimeng pagdinig tungkol sa diumano'y krimeng isinagawa sa rehiyong Davao City mula 2011 hanggang 2016, gawaing bukod sa murder na maaaring katumbas ng krimen laban sa sangkatauhan, diumanong pamamaslang labas sa opisyal na operasyong pampulisya, kasama dito ang ginawa ng mga "vigilante," at anumang diumanong patakarang pang-estado o organisasyon kaugnay sa krimen laban sa sangkatauhan.

Base sa pagsusuring ito, napagpasiyahan ng ICC panel na binubuo ng tatlong hukom na bigo ang gobyerno ng Pilipinas na magbigay-katwiran sa pahayag na gumagawa ito ng sapat na aksiyon para imbestigahan at usigin ang pamamaslang na naganap noong administrasyon ni Pangulong Durterte. Sabi nila na ang lokal na inisyatibo ng gobyerno ng Pilipinas "[kapag] tinasa sa pangkalahatan, ay hindi katumbas ng nadarama, kongkreto at progresibong imbestigatibong mga hakbang na sapat na sumasalamin sa imbestigasyon ng korte.

  1. Hindi ba umalis na ang Pilipinas sa ICC? Bakit nakakapag-imbestiga pa rin dito ang ICC?

Noong Marso 17, 2018, pormal na inabisuhan ng dating pangulong Duterte ang United Nations secretary-general na aalis ang Pilipinas sa Rome Statute ng ICC. Alinsunod sa ICC treaty, magkakabisa ang paglisan pagkaraan nang isang taon. Sa mga probisyon ng Rome Statute, pinapayagan ang korte na mapanatili ang hurisdiksyon nito sa mga krimeng ginawa bago ang paglisan. Sa kaso ng Pilipinas, ito ay mula Nobyembre 1, 2011 – ang petsa ng pagkabisa ng Rome Statute sa Pilipinas – hanggang Marso 16, 2019.

Sa desisyon nila noong Enero 26, sinagot ng mga hukom ng ICC ang pahayag ng gobyerno ng Pilipinas na walang hurisdiksiyon ang korte sa sitwasyon sa Pilipinas sa ilalim ng prinsipyo ng di-paghimasok at patas na soberanya na napapaloob sa United Nations Charter. Ang di-paghimasok ay tungkol sa karapatan ng mga estado na isakatuparan ang kanilang mga lokal na gawain nang walang paghimasok ng tagalabas. Ang patas na soberanya ay may kinalaman sa pagkakapantay-pantay ng mga bansa sa internasyonal na komunidad.

Pahayag ng ng hukom: "Sa pagpapatibay ng Statute, malinaw na tinatanggap ng Pilipinas ang hurisdiksiyon ng Korte, sa loob ng saklaw na iminandato sa kasunduan, at batay sa kung paano umaandar ang sistema ng complementarity." Kasama dito ang obligasyon ng gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa korte kaugnay sa imbestigasyon. Nakasalalay ang ICC sa kooperasyon ng mga miyembrong bansa na ipatupad ang mandato nito, kasama ang akses sa pinangyarihan ng krimen, saksi, at pag-aresto.

  1. Anong sunod na mangyayari? Gaano katagal bago ang paglilitis?

Noong Pebrero 3, 2023, iniapela ng gobyerno ng Pilipinas ang Enero 26 na desisyon na mag-aawtorisa sa muling pagsisimula ng imbestigasyon ng ICC at humingi ng suspension ng imbestigasyon habang nakabinbin ang apela. Kung hindi kukumpirmahin ang awtorisasyon ng hukom ng kamara sa pag-apela ng ICC, kakailanganing isara ng prosekyutor ang imbestigasyon sa sitwasyon sa Pilipinas. Kapag kinumpirma nila ang imbestigasyon, magpapatuloy ang imbestigasyon.

Maaaring humantong o hindi humantong sa paglilitis ang mga imbestigasyon ng ICC.

Sa pagsasagawa ng indipendiyenteng imbestigasyon, puwedeng desisyunan ng prosekyutor kung may sapat na ebidensiyang may ginawang krimen na napapaloob sa hurisdiksiyon ng korte. Kung mapagdesisyunan ng prosekyutor na hindi ituloy ang pag-uusig, ang desisyon ay maaaring irebyu ng kamarang pre-trial.

Kung mapagdesiyunan ng prosekyutor na ituloy ang pag-uusig, batay sa imbestigasyon, kakailanganin ng hukom ng ICC na mag-isyu ng mga arrest warrant o summons na mag-aatas sa mga indibidwal na magpakita batay sa kanilang tukoy na sakdal. Nangangailangan ito ng pagtiyak ng hukom na mayroon ngang makatwirang batayan para paniwalaan na ang pinangalanang indibidwal sa hiling ay may ginawang krimeng kasama sa hurisdiksiyon ng korte, at maaaring kailangan ang pag-aresto o sapat na ang summons na magpakita para masegurong lilitaw ang indibidwal sa korte.

Mahirap mahulaan ang pagitang tagal mula sa umpisa ng imbestigasyon at hanggang sa pag-isyu ng mga arrest warrant o summons. Sa mga dating imbestigasyon ng korte sa kaso sa ibang bansa, ang panahon bago ma-isyu ang mga arrest warrant o summons ay may tagal na wala pang isang buwan hanggang mahigit anim na taon.

Kapag ang isang indibidwal ay humarap sa korte, alinman pagkatapos ng pag-aresto o summons, ang sunod na hakbang ay pre-trial na pagdinig na kilala rin bilang "confirmation of charges" (kumpirmasyon ng sakdal). Sa pagdinig na kumpirmasyon ng sakdal , tinutukoy ng hukom kung ang mga hawak na ebidensiya ay naglalatag ng "substantial grounds" (matibay na batayan) para masabing ginawa ng indibidwal ang bawat krimen na ikinaso sa pagsasakdal. Kung may kumpirmadong sakdal o mga sakdal, magtatakda ng araw ng paglilitis.

  1. Sino ang posibleng target ng mga imbestigasyon ng ICC? Ilang tao ang pwedeng masakdal?

Ang pananagutang kriminal sa ICC ay maaaring tumukoy sa kanilang gumawa ng krimen, pero pati na rin sa nagbigay ng utos, at sa kanilang mga nasa posisyon na mag-utos na dapat naging malay sa pang-aabuso at bigo na hadlangan o iulat o usigin silang mga responsable. Sa ICC walang exemption sa pananagutan base sa posisyong opisyal. Polisiya ng prosekyutor ng ICC na targetin ang pinaka-responsable sa mga krimen.

  1. Kahit maghabla ang ICC ng krimen na ginawa sa Pilipinas laban sa mga indibidwal, posible ba talaga ang pag-aresto?

Isa sa mga pinakamahirap na hamon ng ICC ang pagtiyak sa pag-aresto. Dahil walang sariling pulisya, nakasalalay ang korte sa mga bansa at sa international community na tumulong sa pag-aresto. Nakapag-isyu na ng arrest warrants laban sa 14 indibidwal mula sa iba't ibang bansa na hindi pa naisasakatuparan, at ang iba sa mga warrant na ito ay halos 18 taon na.

Gayunpaman, may mga pag-arestong nangyayari. Hindi lalampas sa 13 suspek ng ICC ang naaaresto sa kasalukuyan.

Matagal bago may mangyaring pag-aresto, lalo na sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, pero kadalasang nangyayari ito kung may sapat na suporta mula sa ibang bansa. Nahuli si Charles Taylor, ang dating presidente ng Liberia, para maisakdal sa Espesyal na Korte ng Sierra Leone na suportado ng UN, pagkatapos ng tatlong taong pagkakanlong sa Nigeria. Gayundin, pagkatapos nang ilang taong pag-iwas sa hustisya, may high-level na mga suspek ang naaresto at naharap sa paglilitis ng International Criminal Tribunal para sa dating Yugoslavia.

 

 

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country