(Bangkok) - Nailagay sa malubhang panganib ng ginagawang "red-tagging" ng gobyerno ng Pilipinas ang mga makakaliwang aktibista at kritiko sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sabi ng Human Rights Watch sa inilabas nitong World Report 2024 ngayong araw. Paulit-ulit na ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno at kanilang taga-suporta ang tradisounal at online media para akusahan ang mga grupo at indibidwal na may ugnayan sa kilusang komunista ng bansa.
"Dapat wakasan ng administrasyong Marcos ang mapaminsalang gawain na "red-tagging" sa mga kalaban ng gobyerno," sabi ni Bryony Lau, deputy Asia director sa Human Rights Watch. "Ang red-tagging ay isang uri ng harassment (o pambubulabog) na maaaring magdulot ng malubhang pang-aabuso, at sumasalungat sa pangako ni Marcos na isulong ang karapatang pantao."
Sa 740-pahinang World Report 2024, sa ika-34 nitong edisyon, sinuri ng Human Rights Watch ang gawaing pangkarapatang pantao ng mahigit sa 100 bansa. Sa kaniyang pangunang sanaysay, sinabi ni Executive Director Tirana Hassan na mapagbisang taon ang 2023 hindi lamang sa panunupil sa karapatang pantao at mga kalupitan sa panahon ng digmaan pero sa sinadya at namimiling poot ng gobyerno at diplomasyang transaksiyonal na nagdulot ng matinding pinsala sa karapatan nilang hindi naman kasama sa usapan. Pero, aniya, mayroon ding mga tanda ng pag-asang nagpapakita sa posiblidad ng iba pang landas, at tinatawagan niya ang mga gobyerno na tuloy-tuloy na panindigan ang kanilang mga obligasyon sa karapatang pantao.
Deka-dekada nang nire-"red-tag" ng mga opisyal ng Pilipinas ang mga makakaliwang aktbistang politikal, mamamahayag, guro, kaparian, katutubong lider, kabataang aktibista, politiko, at iba pang pinaniniwalaang tagasuporta ng New People's Army. Dumagsa ang red-tagging sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagpatuloy sa ilalim ni Marcos, nang walang malinaw na pagsisikap na wakasan ang gawain. Kadalasang pisikal na naaatake ang mga taong natatarget.
Nangako ang administrasyong Marcos na isusulong ang karapatang pantao sa Pilipinas at pasisiglahin ng gobyerno ang pakikipag-ugnay sa mga internasyonal na aktor tulad ng United Nations. Noong 2023, napawalang-sala sa kasong tax evasion si Nobel peace laureate Maria Ressa at ang kanyang news outlet na Rappler, habang ang matagal nang kritiko at tagapagtanggol ng karapatang pantao na si Leila de Lima ay nakalabas nang may piyansa pagkatapos nang halos pitong taong police detention. Gayunpaman, nananatiling laganap na problema ang mga malubhang isyu tulad ng extrajudicial killings sa "war on drugs," mga sapilitang pagkawala, at ang pag-tortyur sa mga suspek na nasa kustodiya.