Nakakakilabot pa rin ang sitwasyong pangkarapatang pantao sa Pilipinas sa gitna ng mga atake laban sa mga aktibistang politikal at mamamahayag, at mga pang-aabusong ginawa kaugnay ng armadong tunggalian ng 54-taong insurhensiyang komunista. Lalong hinihigpitan ng gobyerno ang espasyong demokratiko sa pamamagitan ng paggamit ng sistema ng hustisya para targetin ang mga makakaliwang grupong aktibista.
Gayunpaman, ang maingat na retorika ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay lubos na kaiba sa walang hiyang posisyong kontra-karapatan ng kanyang sinundan, si Rodrigo Duterte, na ang mapangwasak na "war on drugs" ay nakapatay ng libo-libo. Sa ilang internasyonal na pagtitipon, pinagtibay ni Marcos ang pangako ng kanyang administrasyon sa karapatang pantao. Gayon din, mas bukas nang nakikitungo ang gobyerno sa mga internasyonal na aktor, halimbawa, sa pag-iimbita sa bansa ng mga dalubhasa sa karapatang pantao mula sa UN.
Tumatanggi pa ring makipagtulunganan ang gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga posibleng krimen laban sa katauhan na ginawa sa konteksto ng "drug war" ni Duterte at sa panahong mayor si Duterte ng Davao City. Noong Enero 2023, inawtorisahan ng ICC pre-trial chamber ang Opisina ng Prosekyutor na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sunod sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas na ipagpaliban ang pag-uusisa sa mga pambansang awtoridad. Umapela ang gobyerno, pinandigang nagkamali ang hukom ng ICC sa pagbabalewala sa posisyon ng Maynila na hindi na saklaw ng korte ang sitwasyon sa Pilipinas matapos umepekto ang pag-urong nito sa founding treaty ng korte noong Marso 2019. Noong Hulyo 2023, kinumpirma ng ICC appeals chamber na pasimulan muli ng prosekyutor ang imbestigasyon, nagbibigay-daan sa mga susunod na hakbang patungong hustisya para sa libo-libong biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay at kanilang pamilya sa "war on drugs" ng gobyerno.
Ekstrahudisyal na Pagpatay
Hindi pa winawakasan ni Marcos ang "drug war" ni Duterte. Ipinagpapatuloy ng mga opisyal na tagapagpatupad ng batas at kanilang ahente ang pagsagawa ng raid gamit na katwiran ang utos ng dating pangulo. Ang opisyal na bilang ng namatay sa "drug war" mula Hulyo 1, 2026, hanggang Mayo 31, 2022 ay 6,252; libo-libo pa ang pinatay ng di-kilalang armadong kalalakihan. Hindi pa ina-update ng gobyerno ng Pilipinas ang istatistika mula Mayo 2022.
Gayong malaki ang paghupa ng pamamaslang sa pangkalahatan pagkaupo sa opisina ni Marcos noong Hunyo 30, 2022, nagpapatuloy ang mga ito. Ayon sa pagsubaybay ng Third World Studies Center ng Unibersidad ng Pilipinas, mas madaming pamamaslang na may kinalaman sa droga sa unang taon ng administrasyong Marcos kumpara sa huling taon ng administrasyong Duterte. Sa Nobyembre 15, sa ilalim ni Marcos, 471 na tao na ang napatay dahil sa mga karahasang may kinalaman sa droga na ang salarin ay parehong tagapagpatupad ng batas at di-kilalang agresor. Hindi pa rin iniimbestigahan, tulad ng sa dati, ang karamihan sa mga kaso. Sa Davao City, hotspot ng mga pamamaslang na may kinalaman sa droga, ayon sa data ng Unibersidad ng Pilipinas, pulisya ang nagsagawa ng karamihan sa mga paspaslang.
Madaming ekstrahudisyal na pamamaslang ang naganap sa konteksto ng karahasang politikal, lalo na kaugnay sa eleksiyon. Noong Marso 4, sinugod ng mga dating militar ang tirahan ng gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo at pinatay siya at siyam pang iba. Damay ang isang karibal sa politika sa masaker, na siyang pinakamalalang insidente ng karahasang politikal sa Pilipinas buhat ng Maguindanao Massacre noong 2009.
Natatarget din ang mga mamamahayag, sa 4 na napaslang sa ilalim ni Marcos, umakyat ang bilang ng namatay sa 177 buhat 1986 nang naibalik ang demokrasya. Ang pinakahuling pamamaslang na naiulat ay ang kay Cresenciano Bunduquin, isang brodkaster sa Oriental Mindoro na binaril noong Mayo 31. Hindi pa rin nalulutas ang pamamaslang sa kilalang komentaristang si Percy Mabasa noong Oktubre 2022.
Kapansin-pansing lumala ang mga pamamaslang na may kinalaman sa insurhensiya, lalo sa isla ng Negros, matagal nang sentro ng kilusang komunista. Noong Hunyo, pinaslang ang isang mag-asawa at kanilang mga anak ng mga armadong lalaki sa Negros Occidental; sabi ng mga kaanak at saksi, naunang inakusahan ng militar ang mag-asawa na nagtatrabaho para sa komunistang New People's Army (NPA).
Nakapatay rin ng mga bata ang mga puwersang panseguridad sa gitna ng operasyon. Noong Agosto, binaril hanggang mamatay ng pulis si Jemboy Baltazar, 17; ayon sa mga saksi pahayag ng mga pulis na may dalang ilegal na droga si Baltazar para bigyang-katwiran ang pamamaril. Noong Agosto, binaril ng isang pulis si John Frances Ompad, 17 din.
Mga atake sa Aktibista, Unyonista at Mamamahayag
Nagpatuloy ang mga insidente ng "red-tagging" ng awtoridad at tagasuporta ng gobyerno at makagobyernong media. Madalas nagiging simulain ang red-tagging sa pisikal na pang-aatake, nananakot sa mga aktibista at naghihigpit sa espasyong demokratiko. Na-red tag na ng mga aktor ng gobyerno ang mga aktibista, unyonista, tagapagtanggol ng kalikasan, katutubong lider, estudyante, at mamamahayag.
Noong Mayo, inakusahan ng mga host ng isang makagobyernong programa sa TV ang National Union of Journalists of the Philippines at ang tagapangulo nito, si Jonathan de Santos, na nakikipagtrabaho sa mga komunistang nanghihimagsik. Noong Hunyo, humingi ng proteksiyon ang ilang aktibista at tagapagtanggol ng kalikasan mula sa Korte Suprema matapos silang ma-red tag ng militar at pulisya. May ilang biktima ng red-tagging ang naghahain ng kaso bilang tugon: noong Hulyo, kinasuhan ni Carol Araullo, matagal nang makakaliwang aktibista, ang mga host ng isang makagobyernong palabas sa TV dahil sa panre-red tag sa kanya at kanyang pamilya. Noong Setyembre, naghain din ng kaso ang kanyang anak, ang mamamahayag na si Atom Araullo.
Sa ilang kaso, nagiging "terrorist"-tagging ang red-tagging, dahil sa paggamit ng gobyerno ng malupit at sobra-sobrang Anti-Terror Act upang targetin ang mga organisasyong lipunang sibil, inaakusahan silang pinopondohan ng mga terorista. Noong Setyembre, nagsampa ng reklamo ang militar laban sa CERNET, isang nongovernmental organization (NGO) sa gitnang Pilipinas, para sa diumano'y pagbibigay ng pondo sa New People’s Army, isang akusasyon na itinanggi ng grupo.
Naging tutok ng isang mataas na antas na misyon ng International Labour Organization ang pantatarget sa mga unyon at aktibista sa paggawa noong Enero. Tinuligsa ng misyon ang red-tagging at iba pang anyo ng panliligalig sa mga unyonistang manggagawa. Noong Abril, pinirmahan ni Pangulong Marcos ang Executive Order 23, na nangangako ng proteksiyon sa mga manggagawa at rerespeto sa karapatan nilang mag-organisa.
Gayunpaman, mayroong mga magandang balita. Nakalaya noong Nobyembre si dating senador Leila de Lima, prominenteng bilanggong politikal at masugid na aktibistang pangkarapatang tao, pagkatapos siyang pagkalooban ng korteng magpiyansa sa huling drug case na ipinaratang sa kanya ng administrasyong Duterte. Inaresto at idinetine siya ng halos pitong taon dahil sa gawa-gawang kasong may kinalaman sa droga. Noong Setyembre, ipinawalang-sala ng isang korte sa Maynila si Nobel Peace Prize laureate at Rappler CEO Maria Ressa sa kasong pag-iwas sa buwis, may dalawang kasong naiwang nakabinbin laban sa kanya at sa kanyang mga kasamahan.
Sapilitang Pagkawala
Nananatiling laganap na paglabag sa karapatang pantao ang sapilitang pagkawala sa Pilipinas. Dalawang kasumpa-sumpang kaso ng sapilitang pagkawala – ang sa pesanteng aktibistang si Jonas Burgos noong 2007 at ang sa dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006 – ang hindi pa nalulutas.
Noong Enero, sa katapatan ng araw, dinukot ang mga aktibista sa karapatang paggawa na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa isang daungan sa Cebu City. Inilabas sila pagkatapos ng ilang araw at inakusahan nila ang pulisya ng pangingidnap at pagmamaltrato sa kanila.
Noong Abril, diumano'y dinukot ng mga operatiba ng gobyerno ang mga aktibistang sina Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus at Dexter Capuyan sa Taytay, sa timog-silangan lang ng Maynila. Nawawala pa rin sila.
Noong Setyembre, dalawang aktibistang pangkalikasan, sina Jonila Castro at Jhed Tamano, ang nawala. Paglaon, pinakita sila ng gobyerno sa publiko at binansagang sumukong mga kawal ng NPA. Pero sa isang press conference na inorganisa ng gobyerno, sabi ng dalawang aktibista na dinukot sila ng militar.
Mga Pangunahing Kumikilos sa Internasyonal na Tagpuan
Sa kabila ng patuloy na malalang pang-aabuso at kawalan ng pananagutan, patuloy na nakikinabang ang Pilipinas sa Generalised Scheme of Preferences Plus (GSP+) ng European Union, na nagbibigay ng preperensiya sa taripa (tariff preferences) para sa mga eksport sa merkado ng EU na kondisyunal sa pagsunod ng Pilipinas sa 27 rights conventions.
Sa isang pagdalaw noong Abril sa Maynila, binigyang-diin ng Espesyal na Kinatawan para sa Karapatang Pantao ng UN na si Eamon Gilmore ang mga pagkukulang sa pagganap ng Pilipinas sa mga GSP+ obligasyong pangkarapatang pantao nito at idiniin na ang ibig sabihin ng pakikipagkalakalan sa EU ay ang paglutas sa mga isyung pangkarapatang pantao." Patuloy ring matindi ang pambabatikos ng mga miyembro ng Parliyamento ng Europa sa rekord sa karapatang pantao ng Pilipinas at kinuwestiyon ang pagiging karapat-dapat nito sa programang GSP+.
Noong Agosto, bumisita ang Pangulo ng Komisyon ng EU Ursula von der Leyen sa Maynila at pinuri ang administrasyong Marcos sa “pagpapabuti” sa sitwasyong pangkarapatang pantao sa bansa. Inanunsiyo ni Von der Leyen ang pagpapatuloy ng negosasyon para sa isang bilateral na kasunduan sa malayang kalakalan, na napirmi sa ilalim ni Duterte dahil sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao. Noong Nobyembre, naglabas ng ulat, bilang pangangailangan sa ilalim ng programang GSP+, ang EU sa sitwasyong pangkarapatang pantao sa Pilipinas, nagbigay-pansin sa mga pangunahing pagkukulang sa karapatan at nagbigay-diin sa pangangailangan ng kaunlaran.
Nilikha noong 2020, patuloy na binubuo ng UN Joint Program (UNJP) ang kapasidad ng mga mekanismo ng pananagutan sa bansa. Bagaman sinanay na nito ang mga opisyal na nagpapatupad ng batas sa wastong paraan ng pag-iimbestiga sa mga pang-aabuso sa karapatan, lalo na sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang, maliit lang ang naging epekto ng UNJP dahil sa pandemya ng Covid-19 at naunang kawalan ng kooperasyon ng gobyerno ng Pilipinas.
Matatapos ang mandato ng UNJP sa Hulyo 2024. Kung ma-e-extend, kakailanganin ng programa ang mga mekanismo sa pagsubaybay at pag-uulat.
Pagkatapos ng walong taong negosasyon, noong Abril, pinirmahan ng administrasyong Biden ng Estados Unidos ang enhanced cooperation agreement sa Pilipinas upang magpondo at magbigay ng agarang suporta para tumugon sa makatao, pangklima, at "iba pang kaparehang mga hamon." Noong Oktubre, nagdaos ang US at Pilipinas ng dalawang linggong pagsasanay militar sa kabila ng kumukulong tension sa Tsina dahil sa teritoryo sa Dagat Timog Tsina (Dagat Kanlurang Pilipinas).