Skip to main content

Pilipinas: Kulang ang Nagawa ni Marcos sa Karapatang Pantao

Dating Pangulong Duterte, Dating Matataas na Opisyal Ligtas sa Parusa sa mga Pang-Aabuso ng "Drug War"

Hawak ng isang aktibista ang plakard na nagpapabuwag sa task force kontra-komunista at ibasura ang batas kontra-terorismo sa isang demonstrasyon noong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Maynila, Pilipinas, Disyembre 10, 2024. © 2024 via AP Images

May nasimulang pagpapabuti sa kalagayan ng karapatang pantao noong 2024 ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas, ngunit bigong matugunan ang mga nakalipas at umiiral na mga paglabag, sabi ng Human Rights Watch sa inilabas nitong World Report 2025. Nagpatuloy ang "drug war" killings sa buong taon sa kabila ng pangako ng gobyernong iimbestigahan at uusigin ang extrajuducial killings, ngunit walang legal na aksyon ang ginawa laban sa mga opisyal ng dating administrasyong Duterte sa kabila ng bagong ebidensiya ng pang-aabuso.

Sa 546-pahinang World Report 2024, sa ika-35 nitong edisyon, nirebyu ng Human Rights Watch ang gawaing pangkarapatang pantao ng higit sa 100 bansa. Sa maraming panig ng mundo, sinabi ni Executive Director Tirana Hassan sa kaniyang introduksiyon, naghigpit at maling nang-aresto at nagkulong ng mga kalaban sa pulitika, aktibista at mamamahayag ang mga gobyerno. Pumaslang nang labag sa batas sa mga sibilyan, nagpalayas ng marami sa kanilang tirahan, at nangharang ng akses sa humanitarian aid ang mga armadong grupo at puwersa ng gobyerno. Sa marami sa higit sa 70 pambansang halalan noong 2024, lumamang ang mga awtoritaryang lider gamit ang kanilang mapandiskriminang retorika at patakaran.

"Kahit na nagpadala ng positibong mensahe si Pangulong Marcos na balak niyang tugunan ang mga seryosong suliranin sa karapatang pantao sa Pilipinas, kailangan niyang tumbasan ang mga salita niya ng gawa," sabi ni Bryony Lau, deputy director Asia sa Human Rights Watch. "Ipinapakita ng mga bagong rebelasyon tungkol sa papel ng mga matataas na opisyal ng administrasyong Duterte at ng pulisya ang pangangailangan sa malawakang reporma sa pagpapatupad ng batas."

  • Gumawa ng task force ang Kagawaran ng Katarungan noong Nobyembre para imbestigahan ang "drug war" killings kasunod ng mga eksplosibong pagdinig sa Kongreso na nagsimula noong Agosto tungkol sa papel ng pulisya, at sa pag-amin ni Duterte na nagkaroon siya ng "death squad" habang mayor ng Davao City at, habang presidente, “nanghimok” ng mga opisyal ng pulisya na pumatay ng mga drug suspek.
  • Pumaslang ng 263 na drug suspek ang pulisya at mga di-kilalang mananalakay sa buong Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 15, 2024, ayon sa isang grupong sumusubaybay. Simula nang maupo sa puwesto si Marcos noong Hulyo 1, 2022, 841 na ang pumanaw sa mga pamamaslang na may kinalaman sa droga.
  • Walang pagsasaayos sa pananagutan sa "drug war" killings noong 2024, habang ang mga opisyal ng pulisya ay nahatulan sa apat na kaso lang mula 2018. Iniimbestigahan pa rin ng International Criminal Court ang mga posibleng krimen laban sa sangkatauhan sa "drug war" ng Pilipinas, ngunit tumatanggi ang administrasyong Marcos na makipagtulungan sa korte.
  • Ginugulo at inuusig, nang walang batayan, ang mga aktibista ng lipunang sibil sa pamamagitan ng "red-tagging," ang peligrosong gawi na pag-uugnay ng mga indibidwal at organisasyon sa insurhensiyang komunista. Nakapag-ulat ang mga grupong pangkarapatang pantao ng apat na bagong sapilitang pagkawala noong 2024. Karamihan sa mga biktima ay mga aktibista, pati mga tagapagtanggol ng karapatan sa lupa at kalikasan.

Dapat agad na ipatupad ni Pangulong Marcos ang malawakang repormang kailangan para mapabuti ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa, sabi ng Human Rights Watch. Dapat udyukan ng mga internasyonal na kasosyo ng Pilipinas ang gobyerno na magpanagot para sa mga pang-aabusong ginawa sa "war on drugs," iba pang extrajudicial killings, at mga sapilitang pagkawala.

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country