Skip to main content

Pilipinas

Mga Pangyayari noong 2024

Hawak ng isang aktibista ang plakard na nagpapabuwag sa task force kontra-komunista at ibasura ang batas kontra-terorismo sa isang demonstrasyon noong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Maynila, Pilipinas, Disyembre 10, 2024.

© 2024 via AP Images

Bahagyang bumuti ang sitwasyong pangkarapatang pantao sa Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nagpatuloy nang halos walang pananagutan ang "drug war" killings pero hindi na kasindalas. Gayunman tumanggi pa ring makipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court tungkol sa mga posibleng krimen laban sa sangkatauhan. Sa kabila ng kasiguruhang ibinigay ni Marcos sa internasyonal na komunidad na inuuna niya ang karapatang pantao, ang mga pang-aabuso tulad ng extrajudicial killings, sapilitang pagkawala, harassment at pananakot sa mga kritiko sa pamamagitan ng "red-tagging" ay naganap pa rin.

Extrajudicial at Summary Execution sa Pilipinas sa buong 2024

Nagpatuloy ang extrajudicial killings sa Pilipinas sa buong 2024, kadalasang ginagawa ng pulisya at ng mga di-kilalang nang-aatake tuwing drug raid. Ipinapakita sa pagsubaybay ng Dahas na 332 ang napatay sa buong Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 15, 2024, kung saan responsable ang puwersang panseguridad sa higit 50 porsiyento ng pamamaslang. Simula nang umupo sa puwesto si Marcos noong Hulyo 1, 2022, 841 na ang namatay sa mga pamamaslang na may kinalaman sa droga.

Madalas naganap ang ibang pamamaslang ng mga tinatawag na death squad o bayarang mamamatay-tao – kadalasang "riding in tandem" – sa Kalakhang Maynila at iba pang pook na urban. Dahil sa nakatakdang mid-term na eleksiyon sa 2025, dumami ang karahasang dulot ng pulitika na tumatarget sa mga lokal na opisyal sa ikalawang hati ng 2024.

Noong Agosto, naglunsad ng magkasamang pagdinig ang Kongreso tungkol extrajudicial killings sa "drug war" at kung ang pera na nanggaling sa droga at ilegal na sugal ang ginamit ng nakaraang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para pondohan ang pamamaslang na ginawa ng kapulisan. Idinadawit ng mga dating opisyal ng pulisya si Duterte at iba pang opisyal ng pulisya sa pamamaslang ng mga pinaghihinalaang "drug lord" habang nakakulong. May tumestigo na dalawa pang saksi na pinuwersa silang magbigay ng huwad na alegasyon laban sa pangunahing kritiko ni Duterte, si dating Senador Leila de Lima, na nakulong nang halos pitong taon.

Mga Sapilitang Pagkawala

Sa apat na bagong kaso sa 2024, iniulat ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan na 14 tao ang dinukot sa ilalim ni Pangulong Marcos. Ang mga pinakahuling biktima ay sina James Jimenez, kapatid ng isang lider ng kilusang komunista, at ang kaibigan niyang si Felix Salaveria Jr., iniulat na dinukot sa Tabaco City sa gitnang Pilipinas noong Agosto. Kadalasang mga aktibista ang mga biktima ng sapilitang pagkawala, pati mga tagapagtanggol ng karapatan sa lupa at kalikasan.

Hindi pa napipirmahan ni napapagtibay ng Pilipinas ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (Internasyonal na Kapulungan para sa Proteksyon ng Lahat ng Tao mula sa Sapilitang Pagkawala). Nagpasa ang Kongreso ng batas laban sa sapilitang pagkawala noong 2012, ngunit hindi naipatupad ng Pilipinas ang batas at nabigong maglaan ng pondo para sa pagsasakatuparan nito.

Red-Tagging, Terror-Tagging ng mga Aktibista

Nanatiling seryosong problema ang red-tagging, kung saan inaakusahan ang mga indibidwal o organisasyon ng pagiging komunista o nakikisimpatya sa mga komunista. Pinaliliit ng gawing ito ang espasyo para sa kalayaan sa pagpapahayag at pagsasamahan, na ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno at kanilang proxy para manindak ng mga kritiko. Ang red-tagging, na kadalasang nangyayari online at sa media, ay malimit humantong sa pisikal na karahasan. Sa mga nakaraang taon, umabot na ang saklaw ng target mula sa mga makakaliwang aktibista papunta sa mga katutubong lider, mga tagapagtanggol ng karapatan sa lupa, at mga guro. Ginugulo rin ng mga ahente ng gobyerno ang mga pinuno ng mga manggagawa dahil sa mga aktibidad ng unyon.

Ang National Task Force on Ending the Local Armed Conflict, sa ilalim ng opisina ng pangulo at pinapangasiwaan ng National Security Council, ay ang pangunahing ahensiyang responsable sa pagtaas ng red-tagging. Sa isang ruling noong Mayo, idineklara ng Korte Suprema na ang red-tagging ay "humahamak sa karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad," ang unang beses na natukoy ang depinisyon ng red-tagging sa hurisprudensiya ng Pilipinas.

Lalo rin ginagamit ng mga awtoridad ng Pilipinas ang kapangyarihan nila sa ilalim ng Anti-Terror Act para maghain ng mga kaso – kadalasan para sa diumano'y pagpopondo sa mga terorista – laban sa mga aktibista at grupong lipunang sibil, isang hakbang lampas ng red-tagging na tinatawag na "terror-tagging." May ilang indibidwal na may kinakaharap na kaso sa korte, gayong merong hindi bababa sa 22 kaso ang na-dimiss dahil sa kawalan ng merito. Noong Mayo, hinatulan ng korte ang aktibistang pangkarapatan ng kabataan na si Maria Salome Ujano ng pagpopondo sa mga terorista, ang ikalawang aktibistang napatunayang nagkasala sa sakdal.

Mga Atake Laban sa mga Mamamahayag, Kalayaan sa Pagpapahayag

Nananatili ang Pilipinas na isa sa mga pinakamapanganib na lugar na magtrabaho bilang mamamahayag sa buong mundo. Noong Setyembre, sumuko sa mga awtoridad ang dating gobernador ng Palawan Joel Reyes sa kasong diumano'y pag-uutos sa pamamaslang sa isang mamamahayag at tagapagtanggol ng kalikasan noong 2011. Noong Mayo, sinentensiyahan ng korte sa Maynila ang umano'y gunman sa pagpatay noong 2022 sa komentarista sa radyong si Percival Mabasa ng 16 taon sa kulungan. Gayunpaman, laya pa rin ang umano'y mastermind ng murder. Noong Abril, inaresto ng mga pulis ang mga suspek sa pagpatay noong 2023 kay brodkaster Juan Jumalon, na binaril habang live sa ere.

Noong Hulyo, inabsuwelto ng korte si Nobel Peace Prize laureate Marisa Ressa at ang news website na Rappler sa huli nilang kasong tax evasion na isinampa sa kanila ng administrasyong Duterte.

Bumisita sa Pilipinas si Irene Khan, special rapporteur ng United Nations para sa kalayaan sa pagpapahayag, at nagbigay ng ilang rekomendasyon, kabilang ang paghirang ng gobyerno ng isang espesyal na prosekyutor na mag-aasikaso sa mga pamamaslang sa midya.

Paghahain ng Kaso, Pang-Aaresto at Detensiyon Laban sa mga Kritiko

Pagkatapos nang halos pitong taon sa detensiyon ng pulisya, nakapagpiyansa na sa wakas noong Nobyembre 2023 si dating senador Leila de Lima, pangunahing kritiko ng "war on drugs" ni Duterte. Kinalaunan, ibinasura ng korte ang natitirang gawa-gawang kaso laban sa kaniya noong Hunyo. Si De Lima ang pinaka-high profile na target ng pagsisikapng gobyerno ni Duterte na sugpuin ang kritisismo sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kasong may motibasyong politikal, isang kagawiang nagpatuloy sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Noong Hulyo, hinatulan ng korte sa timog Pilipinas ang dalawang makakaliwang mambabatas at 11 guro sa diumano'y pang-aabuso sa kabataan dahil sa pagliligtas nila sa mga katutubong bata mula sa lugar kung saan patuloy ang operasyong militar laban sa mga komunistang naghihimagsik. Gayong anumang kasong may kinalaman sa alegasyon ng pang-aabuso sa kabataan ay dapat na maimbestigahan nang husto at mausig ayon sa merito nito, lumilitaw na waring politikal ang motibasyon ng mga kaso. Noong Agosto, inaresto at idinetine ng pulisya ang apat na aktibistang para sa karapatan sa lupa at kalikasan sa diumano'y ilegal na posesyon ng mga baril at pampasabog. Ipinaratang ng apat na tinortyur sila habang nasa detensiyon.

Nananatiling nasa kustodiya ng pulisya si Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist sa Tacloban City sa gitnang Pilipinas, na siyang nag-ulat ng umano'y pang-aabuso ng militar apat na taon pagkatapos niyang maaresto. Kinakaharap niya ang kasong ilegal na posesyon ng baril at pampasabog ngunit wala pang paglilitis.

Pananagutan at Katarungan

Nananatiling wala masyadong nangyayaring pananagutan sa mga pamamaslang sa "war on drugs," gayong mayroong apat na opisyal ng pulisya ang nahatulan noong Hunyo sa pagpatay sa isang ama at kaniyang anak. Tatlong iba pang kaso lang ang nakapagresulta sa paghatol sa mga opisyal ng pulisya para sa extrajudicial killings. Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga posibleng krimen laban sa sangkatauhan sa "drug war," bagaman tumatangging makipagtulungan sa korte ang administrasyong Marcos.

Natapos noong Hulyo ang United Nations Joint Program on Human Rights in the Philippines, na nagbigay ng teknikal na kooperasyon sa gobyerno ng Pilipinas bilang tugon sa "war on drugs." Tinawag ito ng gobyerno na isang tagumpay at nangakong ipagpapatuloy ang mga "natamo" nito sa pamamagitan ng paglikha ng isang "super body para sa karapatang pantao." Gayunpaman, binatikos ng mga organisasyong lipunang sibil ang programa sa kabiguan nitong maghatid ng pananagutan sa mga seryosong pang-aabuso sa karapatan. Noong Marso, inanunsiyo ng Unyong Europeo at Pilipinas ang pagbabalik ng negosasyon sa malayang kalakalan pagkatapos nitong masuspinde noong 2017 dahil sa pagkabahala sa mga pamamaslang sa "war on drugs."

Sa unang pagkakataon, pinagpasiyahan ng Kongreso ng Pilipinas na imbestigahan ang libo-libong extrajudicial killings sa "war on drugs." Sa mga pagdinig noong Agosto hanggang Nobyembre, inilantad ng mga opisyal ng pulisya na ang administrasyong Duterte ang nag-utos ng "pagpatay" sa mga drug suspek, kabilang ang tatlong pinaghihinalaang drug lord na Tsino na pinaslang – diumano sa utos ni Duterte – habang nakakulong.

Reporma sa Patakaran sa Droga

Noong Hulyo, nagsagawa ng pulong ang gobyerno na nagtipon sa mahahalagang ahensiya ng gobyerno at UN kasama ang mga grupo ng lipunang sibil at harm reduction groups upang pag-usapan ang reporma sa patakaran sa droga, kabilang ang pag-overhaul sa umiiral na batas kontra-droga. Gayong sumang-ayon ang gobyerno na kailangan ng reporma, pati ang pag-anunsyo ni Pangulong Marcos ng "pagbabago sa paradigma," nananatiling malabo kung paano papalitan ng gobyerno ang umiiral na mga batas at patakarang nagbigay-katwiran sa kalupitan ng "war on drugs." 

Batas sa Diskriminasyon, Civil Partnership at Diborsiyo

Bigong pagtibayin ng Kongreso ang iminungkahing batas na magbabawal sa diskriminasyon base sa oryentasyong sexual, pagkakakilanlan ng kasarian, at katangian ng kasarian, ni hindi nito ipinasa ang panukalang batas sa civil partnership na poprotekta sa karapatan ng same-sex couples. Noong Mayo, nagpasa ng panukalang batas ang mga kongresista na gagawing legal ang diborsiyo sa Pilipinas, pagbubukas sa posibilidad ng nalalapit nitong pagsasabatas.