(Maynila) — Libo-libong bata sa Pilipinas ang nakaranas ng matagalang pisikal, emosyonal at ekonomikal na pinsala dahil sa abusadong “giyera kontra droga” ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa ulat at bidyo na inilabas ngayon ng Human Rights Watch. Dapat suportahan ng mga gobyerno sa United Nations Human Rights Council ang isang internasyonal na imbestigasyon sa mga pagpatay sa “drug war” sa Pilipinas, kasama ang pandarahas sa kabataan.
Dinedetalye sa 48-pahinang ulat, “‘Our Happy Family Is Gone’: Impact of the ‘War on Drugs’ on Children in the Philippines,” (Buod at Rekomendasyon sa Filipino) ang karanasan ng mga batang nawalan ng magulang o legal na tagapangalaga (guardian). Maraming bata ang nakaranas ng sikolohikal na ligalig, at lahat ay nakaranas ng kahirapan na pinalala ng kamatayan ng kanilang tagapagtaguyod (breadwinner). Ang paglalâ ng kahirapan at danas ng trauma ay nagdulot ng pagliban ng mga bata sa eskwelahan o nagtulak sa kanila na magtrabaho. Ilang bata na nawalan ng pamilya ang na-bully sa kanilang paaralan at komunidad. Ilang bata ang napilitang tumira sa kalye.
“Ang kabataang Filipino ang pinakanagdusa sa desisyon ni Pangulong Duterte na hayaan ang pulisya at kanilang hit men laban sa pinaghihinalaang gumagamit ng droga,” sabi ni Carlos Conde, Philippines researcher sa Human Rights Watch. “Kailangan ng gobyerno na itigil itong walang katapusang karahasan na nagpapataob ng buhay ng kabataan at ibaling ang tulong sa mga batang napinsala.”
Nag-interbyu ang Human Rights Watch ng 49 na tao para sa ulat— 10 bata; 23 magulang, kamag-anak o guardian; at 16 opisyal ng gobyerno, kawani ng nongovernmental organizations, at community leaders. Naidokumento ng Human Rights Watch ang epekto ng 23 “drug war” killings sa pamilya ng mga biktima sa anim na siyudad at probinsiya, kabilang ang Metro Manila.
Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency na 5,601 suspek ang namatay sa anti-drug operation ng pulisya mula Hulyo 1, 2016 hanggang Enero 31, 2020. Giit ng pulisya na napaslang ang mga ito dahil sila ay nanlaban. Hindi kabilang sa numero ang libo-libong napaslang ng di-kilalang gunmen o tinatawag na death squads, karamihan ay may kaugnayan sa pulisya.
Naidokumento ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ng kabataan sa Pilipinas na 101 bata ang napaslang ng labag sa batas o nadamay habang may nagaganap na operasyon kontra-droga mula gitna ng 2016 hanggang 2018. Pansinin na nagpatuloy ang pamamaslang sa mga bata base sa ulat ng media nung 2019 at 2020.
Ang epekto ng karahasan dulot ng “drug war” violence ay lampas sa pamamaslang, ayon sa Human Rights Watch. Inilarawan ng mga bata ang kahirapang nadanas nila dahil pinatay ang mahal nila sa buhay. Sinabi ni Jennifer M. na tumigil siya sa pagkain, naging balisa, at na-bully sa eskuwelahan pagkatapos patayin ng pulis ang tatay niya sa Quezon City noong 2016. “Galit ako sa pulis kasi nagmamakaawa na ang tatay ko, pero hindi sila nakinig,” sabi ni Jennifer, 12-taong gulang nung panahong iyon. Binaril ng pulis ang tatay niya sa harap niya, sabi niya.
Ang pamilya ni Renato A. ay nakaranas ng sukdulang paghihirap simula nang pagkamatay niya noong 2016 sa Mandaluyong City. Tumigil ang tatlong anak niya—edad 13, 10 at 1, sa oras ng pagkatamay niya—sa pag-aaral at naging batang-kalye. “Kinailangan kong magsipag nang mamatay ang tatay ko,” sabi ni Robert, panganay, nangongolekta ng basura para suportahan ang pamilya niya. “Ako ang naging tatay ng mga kapatid ko.”
Ang kawalan ng suporta ng gobyerno ang nagpalubha ng sitwasyon ng mga batang ito, ayon sa Human Rights Watch. Walang programa ang administrasyong Duterte na tumatalakay sa pangangailangan ng kabataang naulila ng karahasan, na kadalasan ay nag-aalangang lumapit sa gobyerno para sa ayuda dahil sa tila sumpa ng “drug war.” Gayong ang Department of Social Welfare and Development ay nagbibigay ng karaniwang tulong, tulad ng pagpapalibing, wala ito masyadong outreach campaign para sa mga pamilya at mga bata, naiiwan ang mga interbensiyong economic at psychosocial o mental health sa mga religious, nongovernment, at community groups.
Noong Pebrero 2018, nagbukas ng pangunang imbestigasyon ang International Criminal Court sa reklamong isinampa laban kay Pangulong Duterte kaugnay ng “drug war,” dahil dito naudyok ang Pilipinas na umalis bilang miyembro ng korte. Hunyo 2019 nang magpasa ang UN Human Rights Council ng isang resolusyon na humihiling na magsumite ng komprehensibong ulat ang Office of the UN High Commissioner for Human Rights tungkol sa sitwasyong pangkarapatang pantao sa Pilipinas. Inaasahang ipipresenta itong ulat sa Human Rights Council sa session sa Hunyo sa Geneva.
“Dapat lumikha ng international inquiry at pilitin ang gobyerno ng Pilipinas na itigil itong nakamamatay na ‘drug war,’” sabi ni Conde. “Kapag hindi umaksion ngayon, isang henerasyon ng kabataang Filipino ang mabibiktima ng karahasan ng kampanya kontra-droga ni Duterte.”
Mangyaring tingnan ang nasa ilalim para sa sipi mula sa mga bata, magulang at guardians na ininterbyu.
Jennifer M., anak ni Benigno M., pinaslang noong Disyembre 2016:
Nalito ako kasi hindi ko naintindihan kung bakit. Bakit si tatay? Ang dami-daming tao sa labas, bakit tatay ko? Nagalit ako sa pulis kasi nagmamakaawa si tatay, pero hindi sila nakinig. Kaya ako galit na galit.
Hindi ko maipaliwanag kasi ang daming pinapatay dito sa Payatas, parang nasasabaw ang utak ko. Paano ko ba sasabihin? Ano ba yung naiisip ko kapag naaalala ko yung nangyari? Parang magulo yung utak mo.
Malou M., nanay ni Jennifer:
Mahirap kasi hindi mo alam saan magsisimula, paano mo papakainin yung mga anak mo, paano sila mag-aaral, saka paano mo babayaran yung pang-araw-araw na gastusin at pagkain. Minsan hindi sila makapasok sa eskuwela kasi wala silang baon. Nawalan kami ng tubig kasi hindi kami nakabayad ng tubig, at kuryente, at iba pa.
Randy delos Santos, tiyuhin ni Kian delos Santos, 17, pinatay noong Agosto 2017:
Kung wala ang CCTV footage, hindi siguro malalaman ang katotohanan sa pagkamatay ng pamangkin ko at walang magiging kaso sa pulis.
Robert A., pinaslang ang tatay noong Disyembre 2016:
Lumabas kami para bumili ng mani. Nakita namin ng pinsan ko ang apat na lalaking nasa motorsiklo na walang plate number, nakatakip yung mukha nila, nakasuot ng jacket. Sinubukan ko silang hulihin, sinubukan ko silang unahan. Ginawa ko ang lahat para mapuntahan yung tatay ko, pero huli na. Nakita ko yung tatay ko nung barilin.
Mas apektado si John [kapatid ni Robert] sa pagkamatay ni tatay kasi simula nung namatay siya, hindi ko na siya nakikitang masaya. Kapag ngumingiti siya, pwersado. Hinahanap niya pa rin si tatay kasi siya yung paborito. Mabilis siyang magalit ngayon at walang tiwala sa mga tao.
Kinailangan kong magpursigi nang mamatay tatay ko. Ako yung tumayong tatay sa mga kapatid ko kasi ayoko silang makitang nahihirapan … kaya ginagawa ko ang lahat ng kaya ko. Pinipilit kong magtrabaho kahit na ayoko. Pinipilit ko para sa akin, para sa mga kapatid ko.
Karla A., kapatid ni Robert:
Nandoon ako nung nangyari ‘yon, nung binaril si Papa. Nakita ko lahat, kung paano siya binaril…. Wala na kaming happy family. Wala na kaming tatawaging Tatay. Gusto naming makasama siya pero hindi na pwede.