(Maynila) – Ang pulisya ng Pilipinas ay pumapalsipika o gumawa-gawa lang ng ebidensya upang mabigyan ng katwiran ang mga pamamaslang na labag sa batas sa ilalim ng "giyera kontra droga" nito na kumitil na ng higit sa 7,000 buhay, ayon sa Human Rights Watch sa isang bagong ulat na inilabas nito ngayong araw. Si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga nakatataas na opisyal ay nagpasimuno at nag-udyok ng mga pamamaslang na ito na karamihan maralitang lunsod, isang kampanya na maaaring katumbas na ng isang krimen laban sa sangkatauhan o crimes against humanity.
Ang United Nations ay nararapat na magsagawa ng isang mapagkakatiwalaang internasyunal na pagsisiyasat sa mga pamamaslang na ito upang matukoy ang may sala at may pananagutan, sabi ng Human Rights Watch.
"Sa aming pagsisiyasat sa 'giyera kontra droga' ng Pilipinas, napatunayan namin na ang mga pulis ay walang habas na pumapatay ng mga pinaghihinalaang nagtutulak o gumagamit ng droga at pagkatapos ay pinagtatakpan ang kanilang krimen sa pamamagitan ng pagtatanim ng droga at baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen," ayon kay Peter Bouckaert, emergency director sa Human Rights Watch at may-akda ng ulat. "Ang papel ni Pangulong Duterte sa mga pamamaslang na ito nagpapatibay lang ng kanyang pananagutan sa pagkamatay ng libo-libo.”
Ayon sa 117-pahinang ulat, “’License to Kill’: Philippine Police Killings in Duterte’s ‘War on Drugs,’” [‘Lisensya na Pumatay’: Ang Pamamaslang ng Pulisya ng Pilipinas sa ‘Giyera Kontra Droga' ni Duterte’], ang Philippine National Police ay paulit-ulit na nagsagawa ng extrajudicial killings sa mga pinaghihinalang sangkot sa droga, at pagkatapos ay sinasabi na sila ay nanlaban. Ang pulisya ay nagtatanim ng baril, gamit na bala, at mga pakete ng droga sa mga katawan ng biktima upang magmukhang sila ay may kinalaman sa droga. Ang mga naka-maskarang armadong kalalakihan na nakikibahagi sa pamamaslang ay nakikitang malapit na nagtatrabaho sa mga pulis. Ito ay nagbibigay-duda sa mga pahayag ng gobyerno na ang karamihan ng mga patayan ay kagagawan ng mga vigilante o karibal na mga gangs. Sa ilang kaso na naimbestiga ng Human Rights Watch, ang mga suspek na nasa kustodiya ng pulisya ay natagpuan na lang na patay at sinasabi na lang ng mga pulis na ang mga pagpatay na ito ay ini-embistagahan na. Walang ni isang salarin ang in-embistigan na o nakasuhan dahil sa mga pataying ito sa ilalim ng "giyera kontra droga. "
Mula ng maupo noong Hunyo 30, 2016, si Duterte at iba pang mga nakatataas na opisyal ay walang patumangga kung magpahayag ng kanilang suporta sa kampanya upang patayin ang nagtutulak at gumagamit ng droga, habang pinabubulaanan o minamaliit ang pagiging iligal nito. Halimbawa, noong Agosto 6, binalaan ni Duterte ang mga nagtutulak ng droga: "Ang aking utos ay patayin kayo. Wala akong pakialam sa karapatang pantao, maniwala kayo sa akin. " Pinuri niya ang lumalaking bilang ng mga biktima ng pamamaslang ng pulis bilang patunay ng "tagumpay " ng kanyang "giyera kontra droga. "
Nagdokumento ang Human Rights Watch ng 24 na insidente na nagresulta sa pagkamatay ng 32 ka-tao. Karaniwang nagaganap ang patayan bago maghating-gabi sa mga lansangan o kaya sa loob ng mga impormal na tirahan sa mga lungsod. Sabi ng mga nakasaksi na ang armadong salarin ay kumikilos sa maliliit na grupo. Sila ay karaniwang naka-itim na damit-sibilyan at tinatakpan ang kanilang mga mukha ng balaclava-style na bonet o maskara, at baseball caps o helmet. Ang mga salarin ay kumakalampag sa mga pinto at puwersahang pumapasok sa mga kwarto, ngunit hindi nagpapakilala o nagbibigay ng warrant. Iniulat ng mga kamag-anak ang pagmamakaawa ng kanilang mga mahal sa buhay para sa kanilang kaligtasan habang binubugbog. Ang mga pamamaril ay maaaring mangyari kaagad, sa loob ng bahay o sa kalye; o ang mga namamaril ay maaaring dalhin ang suspek sa malayo, kung saan maya-maya ay may barilang mangyari at ang mga residente ay makakita na lang ng katawan; o ang katawan ay tinatapon na lang sa ibang lugar, minsan may mga kamay na nakatali o ang ulo ay balot sa plastic. Madalas sinasabi ng mga residente na nakita nilang may naka-unipormengpulis sa labas ng pinangyarihan upang bantayan ang kapaligiran, at kahit na hindi tanaw bago ang pamamaril, agad-agad na nakakarating ang mga special crime scene investigators.
"Sa ilalim ng sinasabi ng pulis na anti-drug operations, ang kapulisan ng Pilipinas -- sa udyok ni Duterte -- ay pumatay ng libu-libong mga Pilipino," ayon kay Bouckaert. "Pareho ang pamamaraan sa marami sa mga pagpatay na ito na nagpapakita lang ng pang-aabuso ng kapulisan.”
Malimit na tinutukoy ni Duterte ang kanyang “giyera kontra droga" bilang pag-target sa mga "drug lord" at "drug pusher." Gayunpaman, sa kasong inimbestigahan ng Human Rights Watch, ang mga biktima ng mga pamamaslang na konektado sa droga ay mga maralita, maliban sa isang kaso ng pagkakamali ng pagkakakilanlan, at marami ay pinaghihinalaang gumagamit ng droga, hindi nagtutulak nito. Halos lahat ay walang trabaho o nagtrabaho sa mababang uri ng hanap-buhay, kabilang ang tricycle drayber o konduktor, at nanirahan samga iskwater area.
Wala pang seryosong pag-imbestigang ginawa ang mga awtoridad ng Pilipinas sa pagpatay ng pulis sa mga diumanoy nanlaban at pati na yong mga pinatay ng hindi nakikilang mga salarin, ayon sa Human Rights Watch. Kahit na sa mga 922 na kaso ng pamamaslang na sinabi ng pulis ay tapos na ang imbestigasyon nito, , walang ebidensya na ang pag-usisa ay nagresulta sa pag-aresto at pag-uusig sa mga may-sala.
Noong January 30, nag-anunsyo ang gobyerno ng isang pansamantalang pagpapatigil sa mga operasyon ng pulis kontra droga matapos ang brutal na pagpatay sa isang Koryanong mangangalakal na hinuli ng pulis dahil umano sa droga. Kinabukasan, iniutos ni Duterte ang Armed Forces of the Philippines upang punan ang puwang na nilikha ng pagpapatigil sa operasyon ng pulisyaNangako si Duterte sa publiko na ipagpatuloy ang kanyang kampanya laban sa droga hanggang matapos ang kanyang termino sa 2022.
Si Duterte, ang mga nakatataas niyang mga opisyal, at iba pang kasangkot sa mga pamamaslang ay maaari ring managot para sa mga krimen laban sa sangkatauhan, isang pagkakasala na isinagawa bilang bahagi ng isang laganap o sistematiko pag-atake sa isang sibilyang populasyon. Ang marami at tila organisadong pag-atake sa mga pinuntiryang grupo ng mga suspek ng droga ay maaaring maitalaga bilang krimen laban sa sangkatauhan, tulad ng natukoy ng International Criminal Court, kung saan ang Pilipinas ay isang miyembro.
Bilang pangulo, si Duterte ay may legal na pananagutan na itigil ng kapulisan at wakasan ang kanilang kampanyangextrajudicial na pamamaslang sa mga pinaghihinalaang nagtutulak o gumagamit ng droga. Ang National Bureau of Investigation at ang Offie of the Ombudsman ay nararapat siyasatin ang mga pamamaslang at panagutin ang mga maysala. Ang Kongreso ng Pilipinas ay dapat na magsagawa ng malawakang pagdinig sa isyu at pagtibayin ang mga hakbang upang maiwasan ang mga karagdagang pamamaslang. Ang mga bansang umaalalay sa Pilipinas ay dapat wakasan ang lahat ng tulong sa Philippine National Police hangga’t matigil ang patayan at ang isang makabuluhang pagsisiyasat ay maisakatuparan, at dapat nilang isaalang-alang ang pagbigay ng tulong sa mga tinatawag na “harm reduction programs” ang layon ay ang pagbabawas ng pinsala na naaangkop at epektibo.
"Ang 'giyera kontra droga' ni Duterte ay maaaring mas mailarawan bilang krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpuntirya sa mga maralitang lunsod," ayon kay Bouckaert. "Sa pamamagitan man ng local o pandaigdigang pagkondena sa patayan, o isang internasyunal na imbestigasyon upang matigil ang pamamaslang, titigil din ito balang araw at silang mga nararapat na managot ay dadalhin sa katarungan."
Napiling mga Salaysay Mula sa Ulat
Hapon noong Oktubre 14, 2016, apat na armadong kalalakihan na nakamaskara ang nanghimasok sa tahanan sa Maynila ni Paquito Mejos, isang 53 taon gulang na ama ng lima na nagtatrabaho bilang isang electrician sa mga construction sites. Paminsan-minsang gumagamit ng shabu, isinuko ni Mejos ang sarili sa lokal na kinauukulan dalawang araw matapos na malaman na siya ay nasa “watchlist” ng mga suspek ng droga. Hinanap ng mga armadong kalalakihan si Mejos, na natutulog sa itaas na palapag. “Nung nakita ko sila na may dala-dalang baril na umakyat," ayon sa isang kamag-anak, "sinabi ko sa kanila, 'Pero sumuko na siya sa mga awtoridad!' Sinabi nila sa akin na manahimik na lang, o kaya’y ako na ang kasunod."
Dalawang pagputok ng baril. Maya-maya ay dumating na ang mga imbestigador ng pulisya at tinulungan ng mga mamamaril. Sa kanilang ulat, tinukoy ng mga pulis si Mejos na "isang pinaghihinalaang drug pusher" na "tinutok ang kanyang baril [sa mga pulis] ngunit ang mga opisyal ng pulis ay naunang bumaril kaya’t tinamaan ang kanyang katawan. Ito’y naging sanhi ng kanyang kamatayan." Diumano, isang paketa ng shabu ay natagpuan kasama ang isang baril. "Ngunit si Paquito ay hindi kailanman nagkaroon ng baril," sabi ng isang kamag-anak. "At wala siyang dalang shabu sa araw na iyon."
Isang opisyal ng barangay ang nagsabi kay Rogie Sebastian, 32, na sumuko sa mga pulis dahil siya ay kasama sa "watch list" bilang isang gumagamit ng iligal na droga. Siya ay tumigil sa paggamit ng droga nang ilang buwan na kaya hindi siya pumunta. Pagkaraan ng dalawang linggo, tatlong armadong kalalakihan na naka-maskara at bulletproof vest ang dumating sa kanyang bahay sa Maynila at sinuotan siya ng posas. "Dinig ko si Rogie na nagmamakaawa mula sa labas ng kuwarto," ayon sa isang kamag-anak. "Kami ay umiiyak at ang iba pang armadong lalaki ay nagbanta na papatayin din kami." Isang kapitbahay ang nagsabi: "Narinig ko ang putok ng baril. Mayroong mga naka-uniporme na pulis sa labas, hindi nila pinasok ang bahay. Ngunit tatlong lalaki na naka-sibilyan ang dumating at nagpunta sa isang motorsiklo na hindi man lang sila sinita ng mga naka-uniporme na pulis. "
Limang nakamaskara at armadong lalaki ang nanghimasok sa bahay sa probinsya ng Bulacan kung saan si Oliver Dela Cruz, 43, ay naglalaro ng baraha. Sabi ng isang kamag-anak: “Nasaksihan namin na nakaluhod siya at sumusuko. Dinampot siya at hinampas sa konkretong pader ng ilang beses, pagkatapos ay ihinagis sa labas. Nasaksihan namin ang barilan, nandoon lang kami. Dumudugo ang mukha ni Oliver sa tama at nagmamakaawa noong siya’y binaril.”
Pagkatapos ng pagbaril kay Ogie Samangue, 19, sa Maynila, pinakita ng mga unipormadong pulis sa kamag-anak ni Sumangue ang kanyang katawan at isang .45 de kalibre na baril katabi ng bangkay. Sabi ng pamilya ni Sumangue, hindi niya kayang bumili ng baril kaya imposible na nagtangka siyang barilin ang pulis. “Hindi man lang niya kaya magbayad ng renta,” ayon sa kamag-anak. “Ang kapatid niyang babae ang nagbabayad ng renta niya.”
Anim na nakamaskara at armadong lalaki ay nanghimasok sa isang bahay sa Maynila kung saan ang isang maliit na grupo ng mga binatilyo ay nanonood ng telebisyon. Inaresto at binubog ng mga lalaki ang mga suspek ng droga na sina Aljon Mesa at Jimboy Bolasa, pagkatapos ay ikinarga sila sa motor. Makalipas ang kalahating oras, pagkatapos makabalita sa isang naka-unipormeng pulis, ang mga kamag-anak ay nagmadaling pumunta sa malapit na tulay kung saan natagpuan ang katawan nina Aljon at Bolasa. Parehong sugatan sa pamamaril sa ulo at nakagapos ang kamay ng tela. Ang mga salarin ay nanatili sa lugar kung saan nangyari ang pagpatay, habang ipinagbabawal ng mga naka-unipormeng pulis ang pagpasok sa lugar. Ayon sa ulat ng pulis di-umano’y isang “concerned citizen” ang umalerto sa kanila tungkol sa dalawang natagpuan na mga katawan.
Isang linggo pagkatapos ng pamamaslang kay Aljon Mesa, 10 kapulisan, ilan sa kanila ay naka-sibilyan, ay umaresto sa kapatid niyang si Danilo Mesa at dinala sa opisina ng barangay. Noong gabi na iyon, mga nakamaskara at armadong lalaki ang dumampot sa kanya mula sa opisina ng barangay; ilang sandal lang, natagpuan ang kanyang katawan sa ilalim ng tulay sa kabilang kanto. Ayon sa mga kamag-anak, nakabalot ang ulo niya ng packing tape at naka-gapos ang kanyang mga kamay sa likod. Siya ay binaril sa bibig.
Ayon sa mga kamag-anak ni Edward Sentorias -- 34, walang trabaho, tatay sa tatlong anak, at pinatay ng mga kapulisan ng Maynila -- ay silang inaasahan na imbestigasyon ng pulis. “Nakita ko na isa sa mga pulis ay pumasok na may dala-dalang aluminum na lalagyanan. Inilabas niya ang baril at mga pakete ng shabu, at nilagay ito doon [sa tabi ng katawani ni Sentoria]. Bumalik ako sa pinanggalingan ko na manghang-mangha. Ni hindi ako makareklamo. Kapag kami ay magreklamo, ano ang pag-asa namin laban sa mga awtoridad?”