(Maynila) –Hindi natugunan ng gobyerno ng Pilipinas ang pahayag nito ng pagsuporta sa karapatang pantao noong 2013 sa makabuluhang aksiyon para tapusin ang kawalang pananagutan sa mga ekstrahudisyal na pagpatay, tortyur, at pagdukot o puwersahang pagkawala, sang-ayon sa Human Rights Watch sa inilabas nito ngayong World Report 2014.

Makikita ang mahinang katangian ng pagtatanggol sa karapatang pantao sa Pilipinas sa dumadaming bilang ng pagpatay sa mga mamamahayag nang walang pagpapatupad sa pananagutan, sang-ayon sa Human Rights Watch. Labindalawang mamamahayag ang
pinatay noong 2013, kaya umabot na sa kabuuang bilang na 26 ang napapatay na mga Filipinong mamamahayag at naglilingkod sa midya mula nang maupo si Pangulong Benigno Aquino III noong Hunyo 2010. Sa anim na kaso lamang sa 24 na kaso nakadakip ng suspek ang pulisya.  Noong Mayo, ipinahayag ng Committee to Protect Journalist ang Pilipinas bilang pangatlo sa “pinakamapanganib na bansa” sa buong mundo para sa mga mamamahayag, kasunod ng Iraq at Somalia.

 “Ang bilang ng namamatay na mamamahayag na Filipino ay maraming sinasabi ukol sa malawak na puwang ng ipinapahayag ng gobyernong Aquino sa pagtugon sa mga problema sa karapatang pantao at ng katotohanan sa aktuwal na buhay,” sabi ni Phelim Kine, diputadong direktor sa Asya ng Human Rights Watch.

Sa 667-pahinang ulat pandaigdigan nito, nirepaso ng Human Rights Watch sitwasyon ng karapatang pantao sa mahigit siyamnapung bansa. Ang malawakang pagpaslang sa mga sibilyan sa Syria ay kahindik-hindi ngunit iilang hakbang lang ang nagawa ng mga pandaigdigang lider para ihinto ito, ayon sa Human Rights Watch. Ang paglakas ng doktrinang “responsibility to protect” ay tila nakatulong para mapigilan ang mga malawakang pang-abuso sa Africa. Ang mga mayoryang nasa kapangyarihan sa Egypt at ibang bansa ay pilit sinupil ang pagsalungat sa gobyerno ng ilan at sinupil din ang karapatan ng mga minorya. Ang mga rebelasyon ni Edward Snowden tungkol sa programang paniniktik ng US ay umalingawngaw sa buong mundo.

Ang kabiguan ng gobyerno na bigyang-katarungan ang krimen ng mga pumaslang sa mga mamamahayag ay lalo pang nagdiin sa klima ng kawalang pananagutan ng mga mang-aabuso ng karapatang pantao sa Pilipinas, sabi ng Human Rights Watch.. Sa dalawang kaso lamang naiseguro ng awtoridad ang pagkahatol sa mga seryosong paglabag sa karapatang pantao—ang pagpatay sa komentarista sa radyo at aktibistang pangkalikasang si Gerry Ortega noong Enero 24, 2011, at mamamahayag na si Rowell Endrinal noong Pebrero 11, 2004—pero ang mga pinuno nitong mga krimen ay nananatiling hindi pa nahuhuli.

Gayunman, sumulong ang gobyerno ng Pilipinas sa isa sa mga emblematikong kaso ng kawalang pananagutan sa bansa. Noong Oktubre, si Maj. Harry Baliaga Jr. ng Philippine Army, pangunahing suspek sa pagkawala ng aktibista para sa karapatan ng mga magsasaka na si Jonas Burgos ay sumuko sa isang korte sa Maynila dahil sa diumano’y papel niya sa pagdukot na naganap noong Abril 2007.

Humantong ang labanan noong Setyembre 2013 ng mga rebeldeng Muslim at puwersa ng gobyerno sa katimugang lungsod Zamboanga sa paglabag ng dalawang panig sa batas internasyonal, kabilang ang paggamit ng tao bilang pansanggalang. Inilarawan sa Human Rights Watch ng ilang nadetine na nasa pangangalaga ng gobyerno, kabilang ang ilang bata, kung paano sila tinortyur  kundi man minaltrato habang bihag sila ng mga ito.

Isang ipinangangalandang hakbang ng gobyerno para matugunan ang kawalang pananagutan—ang pagtatatag noong 2012 ng tinatawag na “superbody” para mapadali ang imbestigasyon at paghatol ng mga kaso ng ekstrahudisyal  na pagpatay—ay nanatiling di-aktibo noong 2013 habang may mga bagong kasong naiulat ng mga lokal na grupong pangkarapatang pantao.

“Naipahayag ng administrasyong Aquino ang lahat ng tamang bagay kaugnay ng pagwawakas ng mga pang-aabuso sa Pilipinas, ngunit ang kulang ay ang politikal na lakas para isagawa ang mga pangakong iyon,” sabi ni Kine.