Skip to main content
Isang billboard ng chairman ng Union Solidarity and Development Party sa Myanmar na suportado ng militar bago ang simula ng kampanya sa halalan ng junta sa Yangon, Oktubre 27, 2025. © 2025 STR/AFP via Getty Images

(Bangkok) – Dapat tanggihan ng ibang bansa ang plano ng junta ng Myanmar na magsagawa ng eleksiyon sa katapusan ng Disyembre 2025 hanggang Enero 2026 dahil hindi ito magiging malaya, patas, o bukas sa marami, sabi ng Human Rights Watch ngayong araw. Mula nang nang magkudeta ang militar noong Pebrero 2021, sistematikong winawasak ng junta ang pananaig ng batas at ang nagsisimulang sistemang demokratiko ng bansa, at bago pa ang eleksiyon ay pinapalakas na nito ang panunupil at karahasan.

Ipinahayag ng junta na ang unang dalawang parte ng maramihang yugtong halalan ay gaganapin sa Disyembre 28 at Enero 11. Mula noong magkudeta, pinagbawalan ng junta ang dose-dosenang partidong pulitikal at ikinulong ang tinatayang 30,000 bilanggong pulitikal, kabilang ang halos 100 taong dinakip sa ilalim ng mahigpit na batas panghalalang ipinasa noong Hulyo. Inamin ni Sr. Gen. Min Aung Hlaing, ang lider ng junta, na hindi magaganap ang eleksiyon sa lahat ng pamayanan, indikasyon ng malawakang pakikipaglaban sa armadong grupong oposisyon na pangunahing pinangyayarihan ng war crime ng militar.

“Ang mapagkunwaring eleksiyon ng junta ng Myanmar ay isang desperadong pagtatangka para magmukhang lehitimo sa buong mundo pagkatapos ng halos limang taong brutal na panunupil ng militar,” sabi ni Elaine Pearson, direktor sa Asya ng Human Rights Watch. “Ang mga gobyernong magbibigay ng anumang kredibilidad sa halalang ito ay indikasyon ng kawalang suporta sa sibilyang demokratikong pamumuno sa Myanmar."

Noong Hulyo 29, isinabatas ng junta ang Law on the Prevention of Obstruction, Disruption, and Sabotage of Multiparty Democratic General Election, na magsasakrimen sa pagbatikos sa eleksiyon sa pamamagitan ng pagbabawal sa lahat ng pagpapahayag, pag-oorganisa, o pagpoprotesta na makagugulo sa anumang parte ng eleksiyon. Mahaharap ang mga lalabag nang hanggang 20 taon sa kulungan at parusang kamatayan.

Simula Agosto, sa ilalim ng bagong batas, inaresto ng mga awtoridad ng junta ang 94 tao — kabilang ang hindi bababa sa 4 bata — dahil sa gawain sa social media, pamamahagi ng sticker at leaflet, pagpapahayag, at iba pang umano’y akto ng "panggugulo." Noong Setyembre 9, pinatawan ng pitong taon ng hard labor sa Taunggyi, Shan State, ang isang lalaki dahil sa isang Facebook post na bumabatikos sa junta. Noong Oktubre 29, inaresto ang filmmakers na sina Zambu Htun Thet Lwin at Aung Chan Lu dahil sa pag-“like” sa isang Facebook post na bumabatikos sa isang pelikulang propaganda sa eleksiyon.

Dinakip ng mga awtoridad ang halos 2,000 tao mula Pebrero 2022 dahil sa online activities na sumusuporta sa oposisyon o bumabatikos sa militar, bilang parte ng pagbabaklas ng junta sa kalayaan sa pananalita, sa pamamahayag, at sa pagtitipon-tipon.

Kulang ang militar ng kontrol na teritoryo para magdaos ng kapani-paniwalang halalan, dahil marami sa bansa ang pinagtatalunan o hawak ng oposisyon, ayon sa Human Rights Watch. Ang census na sinubukan noong Oktubre 2024 para makalikom ng listahan ng botante ay isinagawa lang sa 145 sa 330 na bayan ng bansa, mas kaunti sa kalahati. Idineklara ng Union Election Commission noong Setyembre na hindi magkakaroon ng botohan sa 56 bayang itinuturing na "hindi makakatulong," gayong ang inanunsiyong dalawang yugto sa ngayon ay 202 lang na bayan ang sakop.

Kasama sa mga pagtatangka ng junta na bawiin ang teritoryo mula sa armed resistance ang paulit-ulit na airstrike sa mga sibilyan at imprastrakturang sibilyan na umaabot sa antas ng war crime. Parehong suportado ng Tsina at Rusya, pangunahing supplier ng aircraft at armas ng junta, ang eleksiyon. Matagal nang sinusuportahan ng dalawang bansa ang junta habang hinaharangan sa United Nations Security Council ang internasyonal na pagkilos laban sa kalupitan ng militar.

Napabakwit ang higit sa 3.5 milyong tao at nag-iwan ng halos 20 milyong nangangailangan ng humanitaryang tulong ang pang-aabuso ng militar at lumalalang tunggalian. Nakapag-ulat ang independiyeneng media at mga grupong lipunang sibil na ginigipit ng mga awtoridad ng junta ang mga bakwit at bilanggo para bumoto, pati ang pagkakaroon ng dumaraming checkpoint at digital na pagmanman.

Mabisang nahinto ng kudeta ang patigil-tigil at limitadong transisyong demokratiko sa ilalim ng National League for Democracy (NLD) ni Aung San Suu Kyi. Sa pangkalahatang halalan noong Nobyembre 2020, nakakuha ang NLD ng 82 porsiyento ng pinagtatalunang puwesto, ganap na natalo ang proxy ng militar na Union Solidarity and Development Party (USPD). Bilang tugon, nagparatang ang militar ng malawakang dayaan, isang pahayag na walang basehan na itinanggi ng Union Election Commission at mga internasyonal at lokal na tagamasid ng eleksiyon.

Sa mga unang bahagi noong Pebrero 1, 2021, nang uupo pa lang ang bagong parlamento sa unang pagkakataon, dinakip ng militar sina President Win Myint, Aung San Suu Kyi, at marami pang minister ng NLD, mga miyembro ng parlamento, at mga administrador ng rehiyon, sa ganitong paraan napagkaitan ang mga mamamayan ng Myanmar ng karapatang pumili ng gobyerno alinsunod sa internasyonal na batas.

Sa mga kasunod na buwan pagkatapos ng kudeta, inaresto ng junta ang hindi bababa sa 197 minister at miyembro ng parlamento at 154 opisyal ng Union Election Commission. Napatawan sina Suu Kyi at Win Myint ng sentensiyang 27 at 8 taon, ayon sa sunuran, dahil sa sandamakmak na gawa-gawang kaso.

Noong Enero 2023, pinagtibay ng junta ang bagong Political Party Registration Law na idinisenyo para mawalan ng karapatan ang mga nakatatandang miyembro ng NLD na lumahok sa halalan, nilalabag ang internasyonal na tuntunin sa karapatan ng mga partidong pulitikal na mag-organisa at tumakbo ang kanilang kandidato. Noong Marso ng taong iyon, inanunsiyo ng junta na diumano’y kabilang ang NLD sa 40 partidong politikal at iba pang grupong natanggal dahil sa pagkabigo nilang makapagrehistro sa ilalim ng bagong batas. Nagbuwag ang junta ng apat pang partido noong Setyembre 2025 dahil bigong natugunan ang kahilingan ng batas.

Dati nang idineklara ng junta ang oposisyong National Unity Government at ang kinatawan nito sa parlamento, ang Committee Representing Pyidaungsu Hluttaw, bilang "teroristang organisasyon." Malinaw na pahayag ng grupong oposisyon na hindi sila payag sa anumang eleksiyon sa ilalim ng junta.

Pagkatapos ng kudeta, pinalitan ng junta ang sibilyang Union Election Commission ng isang pangkat na pinili ng militar. Tinanggihan ng Unyong Europeo ang kasalukuyang tagapangulo, si Than Soe na hinirang noong Hulyo 31, 2024, at iba pang miyembro ng komisyon ng junta dahil sa "direktang pagkakasangkot sa mga gawaing sumisira sa demokrasya at pananaig ng batas sa Myanmar." Bago ang kudeta, pinangunahan ni Than Soe ang military bloc sa mataas na kapulungan. Sa ilalim ng 2008 Saligang-Batas, nagluluklok ang militar ng 25 porsiyento ng puwesto sa parlamento.

Noong Hulyo 31, bilang paghahanda sa halalan, inanunsiyo ng junta ang pagbubuo ng State Security and Peace Commission upang palitan ang State Administration Council, na nasa lugar na mula nang kudeta. Nagdeklara rin ito ng bagong state of emergency at martial law orders para sa 63 bayan sa Chin, Kachin, Karen (Kayin), Karenni (Kayah), Rakhine, at Shan States, at Magway, Mandalay, at Sagaing Regions, na na-extend pa ng higit sa 90 araw noong Oktubre 31. Pangunahing ipinataw para sa mga bayang nasa ilalim ng kontrol ng oposisyon, inililipat ng kautusan ang "kapangyarihan at responsiblidad ng mga nasabing bayan sa Commander-in-Chief."

Noong Nobyembre 2024, humingi ang prosekyutor ng International Criminal Court ng arrest warrant para kay Commander-in-Chief Min Aung Hlaing para sa diumano'y mga krimen laban sa sangkatauhang ginawa noong 2017.

Hinangad ng junta na sugpuin ang lahat ng kalaban sa pulitika, madiskaril ang anumang posibleng pagtatag ng pamamahalang sibilyang demokratiko, at makamtan ang pagiging lehitimo sa isang estadong kontrolado ng militar, sabi ng Human Rights Watch. Inilatag nito ang eleksiyong nangibabaw ang USDP na kontrolado ng militar. Gayong nagsimula na noong Oktubre 28 ang 60 araw na opisyal na panahon ng kampanya, nauna na ang pangangampanya ng partidong proxy ng militar. Naiulat na dimumano'y pinagbawalan ng junta ang mga campaign procession.

Sa summit noong Oktubre ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nanawagan si UN Secretary-General Antonio Guterres para sa “isang tunay na landas pabalik sa pamumunong sibilyan” sa Myanmar, aniya: “Sa tingin ko walang sinumang naniniwala na magiging malaya at patas ang eleksiyong iyon." Tinawag ni Volker Türk, ang UN high commissioner para sa karapatang pantao, na ang pagdaos ng eleksiyon sa Disyembre ay “hindi maintindihan ng kahit sino.”

Gayong idinidiin ng ASEAN na kapayapaan at diyalogong pulitikal ang “dapat mauna sa eleksiyon," kulang ang panrehiyong pangkat sa mga instrumento para pigilan ang mga indibidwal na estadong miyembro para magbigay ng teknikal na tulong o bilateral na suporta.

“Dapat udyukan ng Malaysia, Japan, at iba pang gobyerno sa Asya na malinaw na nagpahiwatig na masama ang halalang ito para sa mamamayan ng Myanmar at hikayatin ang mga kalapit bansa na sundan ang gayong tindig," sabi ni Pearson. "Ang pagkontra sa suporta ng Tsina, Rusya, at iba pang bansang susuporta sa halalan, ay nangangailangan ng isang klaro't empatikong mensahe na ang huwad na eleksiyon ay lalong maglulubog sa Myanmar sa karahasan, panunupil, at awtokratikong pamamahala.

GIVING TUESDAY MATCH EXTENDED:

Did you miss Giving Tuesday? Our special 3X match has been EXTENDED through Friday at midnight. Your gift will now go three times further to help HRW investigate violations, expose what's happening on the ground and push for change.
Region / Country