(Bangkok) – Kaunti ang aksiyong ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Pilipinas noong 2025 para tugunan ang patuloy na harassment, banta, at pagpaslang sa mga kritiko ng gobyerno ng mga puwersang panseguridad, sabi ng Human Rights Watch sa inilabas nitong World Report 2026 ngayong araw. Gayong naging isang makasaysayang hakbang sa pagpapanagot ang pagdala ng administrasyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para sa kanyang diumano'y papel sa mga pamamaslang ng "war on drugs," nagpatuloy nang walang pananagutan ang mga pagpatay na may kinalaman sa droga.
"Kailangang lumampas sa retorika at gumawa ng kongkretong hakbang ang Pangulong Marcos para pagbutihin ang karapatang pantao sa Pilipinas," sabi ni Bryony Lau, deputy director ng Asya sa Human Rights Watch. "Magpapatuloy ang pamamaslang at pang-aabuso ng mga puwersang panseguridad hanggang hindi lubusang iniimbestigahan at inuusig ang mga responsable, anuman ang kanilang ranggo o posisyon."
Sa 529-pahinang world report sa ika-36 nitong edisyon, sinuri ng Human Rights Watch ang mga gawain sa karapatang pantao ng mahigit sa 100 bansa. Sa kanyang panimulang sanaysay, sinabi ni Executive Director Philippe Bolopion na ang pagbaklas sa awtoritaryang daluyong na umaanod sa mundo ay hamon para sa isang buong henerasyon. Sa sistema ng karapatang pantaong sumasailalim sa labis na banta mula sa administrasyong Trump at iba pang pandaigdigang kapangyarihan, nanawagan si Bolopion sa mga demokrasya at lipunang sibil na nagpapahalaga sa karapatang pantaon na bumuo ng isang estratehikong alyansa para ipagtanggol ang mga batayang kalayaan.
- Inaresto si Duterte sa mga sakdal ng krimen laban sa sangkatauhan na murder kaugnay ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang habang siya ay mayor ng Davao City at presidente ng Pilipinas. Didinigin ng mga hukom ng ICC ang mga ebidensya upang magpasya kung kukumpirmahin ang mga sakdal at lilitisin siya.
- Nanatiling kapos ang domestikong pagpapanagot sa pulisya sa "war on drugs," na may isa lang na tagumpay na nausig noong 2025, ang paghatol noong Setyembre sa isang koronel ng pulisya para sa homisidyo sa Baguio City.
- Naganap ang targeted na pamamaslang ng mga bayarang asasino o "death squads" sa mga mamamahayag, aktibista, at politiko sa Maynila at iba pang urban na pook sa kabuuan ng taon. Noong Hunyo 23, pinuntirya ng isang nakatalukbong na lalaking may-baril si Ali Macalintal, isang aktibista para sa transgender rights na nagtatrabahong komentarista sa radyo sa katimugang isla ng Mindanao.
- Ginamit ang "red-tagging"—harassment, pananakot, at pagbabanta ng gobyerno sa mga indibiwal at organisasyong inaakusahang tagasuporta o nakikisimpatya sa insurhensiyang komunista—sa pagtarget sa mga makakaliwang aktibista, tagapagtanggol ng karapatan sa lupa, lider obrero, at aktibistang kabataan, at may nakakapangambang epekto sa kalayaan sa pagpapahayag at pag-oorganisa.
Dapat tiyakin ng administrasyong Marcos na isinusulong ng Pilipinas, na tagapangulo ng Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya (ASEAN) sa 2026, ang karapatang pantao sa rehiyon at tinutugunan nito ang mga isyu sa karapatan sa loob ng bansa, sabi ng Human Rights Watch.