Skip to main content

Pilipinas

Mga Pangyayari noong 2025

Nakikita sa screen si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas sa loob ng silid ng hukuman ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands. Marso 14, 2025.

© 2025 AP Photo/Peter Dejong, Pool, file

Sa isang makasaysayang hakbang para sa hustisya, inaresto ng mga awtoridad ng Pilipinas ang dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang diumano'y papel sa libo-libong ekstrahudisyal na pamamaslang at dinala siya sa International Criminal Court (ICC) sa Hague.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagtiyak ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasikaso ng kanyang administrasyon ang karapatang pantao, nagpatuloy ang mga seryosong paglabag, kabilang ang mga ekstrahudisyal na pagpatay, mga pagdukot, at panliligalig at mga pagbabanta sa mga aktibista at mamamahayag. Ang mga sangkot sa pang-aabuso na puwersang panseguridad ng gobyerno ay bihirang mapanagot.

Ekstrahudisyal at Targeted na Pagpatay

Nagpatuloy ang pamamaslang ng pulisya sa mga drug raid at pamamaslang ng mga di-kilalang salarin sa Pilipinas sa kabuuan ng 2025. Ipinapakita sa pagsubaybay ng Dahas na 238 katao ang pinaslang sa mga insidenteng may kinalaman sa "drug war" sa buong Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre. Simula nang umupo sa puwesto si Marcos noong Hulyo 1, 2022, higit 1,000 katao ang namatay bilang parte ng kampanya kontra-droga.

Naganap ang iba pa bang targeted na pamamaslang ng "death squads" o bayarang asasino—na kadalasang riding in tandem—sa Maynila at iba pang urban na pook. Noong Hunyo 23, pinuntirya ng isang nakatalukbong na lalaking may-baril si Ali Macalintal, isang aktibista para sa transgender rights na nagtatrabahong komentarista sa radyo, sa katimugang isla ng Mindanao.

Bago ang eleksiyong mid-term noong Mayo, dumagsa ang karahasang politikal, lalo na sa Rehiyong Awtonomo ng Bangsamoro sa Muslim Mindanao.

"Red-tagging," Harassment sa mga Aktibista

Ang "red-tagging," na may kasamang panliligalig ng estado, pananakot, at pagbabanta sa mga indibidwal at organisasyong inaakusahang tagasuporta o nakikisimpatya sa insurhensiyang komunista, ay nagpapatuloy sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong 2024 na nagdeklara sa gawing ito bilang banta sa "karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad." Napupuntirya sa red-tagging ang mga makakaliwang aktibista, tagapagtanggol ng karapatan sa lupa, lider obrero, at aktibistang kabataan at may nakakapangambang epekto sa kalayaan sa pagpapahayag at pakikisama.

Noong Pebrero, naglabas ang Philippine army ng bidyo na nagre-red-tag sa mga miyembro ng Cordillera People’s Alliance, isang network para sa karapatan ng mga katutubo sa hilagang Pilipinas.

Iniulat ng mga kamag-anak ng mga pinaslang na na-red-tag sa "Bloody Sunday" noong Marso 2021—nang pumaslang ang puwersang panseguridad ng Pilipinas ng siyam na aktibista sa mga raid laban sa diumano'y mga rebeldeng komunista—na nagreport na pinilit sila ng mga opisyal ng gobyerno na tigilan ang kanilang mga pagsisikap na mapanagot ang mga responsable sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

Tinanggihan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga panawagan ng mga eksperto sa karapatan ng UN na buwagin ang National Task Force on Ending the Local Armed Conflict, isang ahensiya sa ilalim ng opisina ng presidente at pinangangasiwaan ng Sanggunian ng Pambansang Seguridad, na kadalasang responsable sa red-tagging. Noong Setyembre, iminungkahi ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ang 340 porsiyentong dagdag sa badyet ng ahensiya para sa 2026.

Pang-aabuso sa Pagsampa sa [Kaso ng] Pagpopondo sa Terorismo

Ang malawak na kapangyarihang ipinagkaloob ng Anti-Terror Act sa gobyerno ay nagpapahintulot sa mga awtoridad na tawaging "terorista" ang mga organisasyon at indibidwal at irekomenda ang pag-freeze ng bank accounts na nakakabit sa diumano'y money laundering o pagpopondo sa terorismo.

Gayong nagkaroon ng batas sa pagpopondo sa terorismo mula 2012 ang Pilipinas, walang napatunayang nagkasala hanggang sa isinama ng pandaigdigang Financial Action Task Force (FATF) ang Pilipinas sa "grey list" ng mga bansang nasa ilalim ng masinsinang pagsubaybay dahil sa mga kulang na hakbang na isinasagawa para sugpuin ang pagpopondo sa terorismo. Kasabay ng akto ng FATF ang pagdami ng mga bagong kaso ng pagpopondo sa terorismo laban sa mga organisasyong lipunang sibil at aktibista, sa kabila ng espisipikong patnubay ng FATF na naglalayong pigilan ang mga gobyerno sa pagtarget sa mga lehitimong nongovernmental organization.

Noong Enero 2025, bumisita ang mga kinatawan ng FATF sa Pilipinas at noong Pebrero inalis ng task force ang bansa sa grey list.

Kahit pagkatapos mawala sa listahan, nagkaroon ng mga bagong kaso ng pagpopondo sa terorismo laban sa mga grupong lipunang sibil at mga aktibista. Noong Abril, kinasuhan ng mga awtoridad ng Pilipinas ang anim na aktibista sa Luzon ng kasong pagpopondo sa terorismo.

Ibinasura ng korte ang ibang kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya. Noong Hulyo, iniurong ng isang prosekyutor ang kasong pagpopondo sa terorismo laban sa aktibistang si Myrna Zapanta dahil sa kawalan ng kapani-kapaniwalang ebidensiya. Gayunman, nananatiling detenido bago ang paglilitis si Frenche Mae Cumpio, isang community journalist sa gitnang Pilipinas, limang taon pagkatapos siyang arestuhin ng pulisya at sampahan ng mga kasong ilegal na pagmamay-ari ng baril at pagpopondo sa terorismo.

Pagdukot o Puwersahang Pagkawala 

Nasa bingit ng puwersahang pagkawala ang mga aktibista, kabilang ang mga tagapagtanggol ng karapatan sa lupa at kalikasan. Noong Marso 2, naiulat na inaresto sa Surigao del Sur, sa katimugang Pilipinas, ang katutubong lider na si Genasque Enriquez; hanggang ngayon walang nakakaalam kung nasaan siya. Noong Marso 5, sa karatig na probinsiya ng Agusan del Sur, isa pang katutubong aktibista, si Michelle Campos, ang nawala. Siya at ang tatlo pa ay lumitaw kinalaunan sa kalapit na ospital kung saan sila ay talagang inaresto habang ginagamot ang di-espisipikong sakit sa pagmamatyag ng guardiyang militar.

Madalas nahihirapan ang mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala na makalikom ng impormasyon tungkol sa nawala nilang kamag-anak. Noong 2025, ipinagkaloob ng Korte Suprema ang pansamantalang proteksiyon sa asawa ni James Jazmines, ang kapatid ng isang lider ng kilusang komunista na dinukot noong Agosto 2024, at inatasan ang matataas na opisyal panseguridad na maglantad ng impormasyon tungkol kay Jazmines. Dininig ng korte ang isang katulad na petisyon mula sa pamilya ni Felix Salaveria Jr., isang kaibigan ni Jazmines na diumano'y dinukot sa gitnang Pilipinas limang araw pagkatapos ni Jazmines. Sa panahon ng pagkakasulat, wala sa mga pamilya ang nakatanggap ng impormasyon tungkol sa mahal nila sa buhay mula sa mga awtoridad ng Pilipinas.

Hindi kabilang ang Pilipinas sa UN Convention Against Enforced Disappearance. Nagpasa ang Kongreso ng isang batas laban sa sapilitang pagkawala noong 2012, pero hindi ito ipinapatupad ng gobyerno at bigong paglaanan ng pondo para sa pagsasagawa.

Pagpapanagot at Hustisya 

Inaresto ng mga awtoridad ng Pilipinas si Duterte sa Maynila noong Marso 11, sa bisa ng ICC arrest warrant na ipinadala sa Interpol. Mula noon, nakakulong siya sa Hague habang naghihintay sa posibleng paglilitis—ang pangunang pagdinig na itinakda noong Setyembre para kumpirmahin ang mga kaso laban sa kaniya ay ipinagpaliban.

Ipinasiya ng prosekyutor ng ICC ang pag-aresto kay Duterte para sa krimen laban sa sangkatauhan na murder kaugnay ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang na isinagawa sa Davao City habang mayor si Duterte at sa iba pang lugar na naging parte ng "war on drugs" sa buong bansa pagkatapos niyang mahalal na presidente.

Nananatiling talagang kapos ang lokal na pagpapanagot sa mga pagpaslang, may limang kaso lang dawit ang siyam na pulis ang nahatulan sa buong bansa. Isa sa mga kaso ay ang paghatol sa isang koronel ng pulisya para sa homisidyo—binaril niya ang isang lalaki sa bahay nito sa Baguio City sa isang "buy-bust" operation noong Hulyo 2016. 

Karapatan ng mga Katutubo 

Sa buong Pilipinas, nahihirapan ang mga katutubong komunidad—kahit silang may titulo ng lupang ninuno—na protektahan ang kanilang karapatan sa lupain dahil sa mahinang pagpapatupad ng prinsipyo ng malaya, abante, at impormadong pagsang-ayon..

Nilalabanan ng mga katutubo ng Palawan ang pagsisikap ng gobyerno at ng San Miguel Corporation—isang conglomerate sa Pilipinas—na paalisin sila sa kanilang minanang lupa para sa isang eko-turismong proyekto. Tumaas ang tensiyon nitong mga nakaraang taon pagkatapos magpadala ng mga tauhan mula sa isang pribadong security company sa isla Marihangin, kung saan ang mga katutubong residente ay nangangamba sa puwersahang pagpapaalis at may nakabinbing inihain na pag-angkin sa lupang ninuno. Noong Abril, maraming karagdagang pribadong guwardiya ang sumulpot sa isla.

Noong Mayo, inaresto ng mga awtoridad ng Pilipinas ang 10 miyembro ng komunidad sa sakdal na "grave coercion" (sukdol na pamumuwersa) kaugnay ng kasong inihain ng dating direktor ng National Commission on Indigenous Peoples, na siyang hinarangan ng mga residente ng Marihangin na bumisita sa isla noong Hunyo 2024. Inaresto rin ng mga awtoridad ang isa pang katutubong lider gamit ang lumang kaso ng ilegal na pangingisda. Noong Hulyo, tinanggihan ng korte ang hiling ng komunidad na restraining order laban sa pribadong kompanyang panseguridad. Noong unang bahagi ng Agosto, umalis ng isla ang mga guwardiya ng kompanya pero ang mga residente ay wala pa ring titulo sa lupa na magpapatunay na ang teritoryo ay kanilang lupang ninuno.

Mga Atake Laban sa mga Mamamahayag, Kalayaan sa Pagpapahayag

Nananatiling delikadong lugar para sa isang mamamahayag ang Pilipinas. Tatlong peryodista ang pinaslang noong 2025: Juan Dayang noong Abril 29, Erwin Labitad Segovia noong Hulyo 21, at Noel Bellen Samar noong Oktubre 20.

Noong Hulyo, hinatulan ng isang anti-graft court si dating gobernador ng probinsiya ng Palawan Joel Reyes, ang diumano'y nasa likod ng pagpatay noong 2011 sa mamamahayag at tagapagtanggol ng kalikasan na si Gerry Ortega. Kaugnay ng hatol ng korupsiyon ang mga iregularidad sa Malampaya gas fund, na itinampok ni Ortega sa kanyang programa sa radyo bago siya pinaslang, na isa pang kinakaharap ni Reyes bilang a hiwalay na kasong pagpatay. Noong Abril, pinawalang-sala ng korte ang mga suspek sa pamamaslang noong 2023 kay brodkaster Juan Jumalon, na binaril habang live sa ere.

Si Irene Khan, special rapporteur ng United Nations sa kalayaan sa pagpapahayag, sa kanyang 2024 country visit report tungkol sa Pilipinas, ay nanawagan sa gobyerno na wakasan ang pananakot, pagbabanta, at pag-atake sa mga mamamahayag, kasama ang pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga may-sala.

Karapatan ng Kababaihan at mga Batang Babae

Nananatiling bawal ang aborsiyon sa Pilipinas nang walang eksepsiyon. Umakyat sa 3,433 noong 2023 mula 2,113 noong Hunyo 2020, 58 porsiyentong pagtaas, ang bilang ng pagbubuntis sa mga batang babae na may edad 10-14. Noong Hulyo, muling inihain ng mga mambabatas ng oposisyon ang isang panukalang batas na magbibigay ng mga serbisyong susuporta sa mga buntis na kabataang babae at magsasama ng nakatalagang komprehensibong edukasyon sa seksuwalidad sa mga kurikulum ng paaralan.

Ang Pilipinas lang ang tanging bansa bukod sa Vatican ang walang batas sa diborsiyo. Noong Hulyo, muling inihain ng mga mambabatas ang isang panukalang gagawing legal ang diborsiyo sa Pilipinas. Noong Hunyo 2024, inaprobahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan [o Kamara] ang isang limitadong panukalang batas sa diborsiyo, pero hindi ito ipinasa ng Senado. 

Oryentasyong Seksuwal at Pagkakakilanlang Pangkasarian 

Ang Kongreso ay bigo na namang gumawa ng batas na magbabawal ng diskriminasyon base sa oryentasyong seksuwal, pagkakakilanlang pangkasarian, at katangiang pangkasarian, at hindi pa rin nagpapasa ng panukalang batas sa pagsasamang sibil na magpoprotekta sa ilang karapatan ng same-sex couples.