(Maynila) – Binabalewala ng mga awtoridad ng Pilipinas ang karapatan ng mga residente na pinaalis mula sa isang maliit na isla sa probinsiya ng Pampanga para sa isang flood control project at pinalipat sa isang lugar na laging binabaha at kaunti ang oportunidad sa kabuhayan, ayon sa Human Rights Watch ngayong araw.
Noong 2022, inilipat ng gobyerno ng Macabebe, Pampanga ang 90 pamilya mula sa Isla ng Pulo sa Ilog Pampanga nang walang sapat na konsultasyon at impormasyon. Ang lugar ng relokasyon, sa bayan ng Macabebe, ay nasa isang mababang lugar na dating palaisdaan at binabaha buong taon, pahirap sa mga residente na makakuha ng mga serbisyo at hanapbuhay. Gayong gusto ng komunidad ng Pulo na manatiling magkakasama, may ilang miyembro ng pamilya ang lumisan dahil sa epekto ng baha sa kanilang buhay at kabuhayan.
"Pinahamak ng mga awtoridad ng Pilipinas sa Pampanga ang kapakanan at kabuhayan ng mga residente ng Isla ng Pulo dahil sa paglipat sa kanila sa isang mababang lugar bilang parte ng isang depektibong flood control project," sabi ni Lian Buan, mananaliksik ng Timog-Silangang Asya sa Human Rights Watch. "Dapat konsultahin ng gobyerno ng Pilipinas ang komunidad para makahanap ng mas angkop na solusyon at tiyakin na ang mga susunod na relokasyon kaugnay ng flood control projects ay gagalang sa karapatan ng mga tao."
Dumadanas ng malalang pagbaha sa buong bansa ang probinsiya ng Pampanga sa hilagang isla ng Luzon ng Pilipinas, na pinalubha ng bagyo, pagtaas sa lebel ng dagat, at limitadong kapasidad ng dam, at tiyak lalong sasama sa pagbilis ng pagbabago ng klima. Mula 2015 hanggang 2025, lumikas ang 6.6 milyong tao sa Pilipinas dahil sa baha at pagtaas ng lebel ng dagat.
Pinagtibay ng gobyerno ng Pilipinas ang isang pambansang polisiya sa paglilipat ng buong komunidad, tinatawag na planadong relokasyon o resettlement. Gayunpaman, hindi sinundan ng mga awtoridad na responsable sa paglilipat ng komunidad ng Isla ng Pulo ang pambansa o internasyonal na pamantayan para protektahan ang mga karapatan ng mga apektadong tao. Ang mga planadong relokasyon, ayon sa United Nations Guidance on Protecting People from Disasters and Environmental Change through Planned Relocation, ay dapat pinakahuling hakbang lamang para protektahan ang buhay at kalusugan, at nakabatay sa konsultasyon ng mga apektadong komunidad o sa kanilang kahilingan.
Nakapanayam ng Human Rights Watch ang 35 residente sa lugar ng relokasyon sa Pulo sa Barangay Candelaria, Macabebe ng Pampanga, mula Hulyo hanggang Agosto 2026, pati na rin ang 9 na awtoridad sa Pampanga, at mga dalubhasa sa pagbabago sa klima. Sinuri rin ng Human Rights Watch ang mga imaheng kuha ng satelayt ng Isla ng Pulo at ang lugar ng relokasyon, at ginamitan ng potogrametriya—ang paggamit ng kamera para makakuha ng tamang sukat—upang matukoy ang kaibahan sa elevation ng mga lugar ng relokasyon.
Mula 2020 hanggang 2023, hinukay ng pamahalaang munisipal at ng Kagawaran ng mga Pagawaing Pampubliko at Lansangan (DPWH) ang Isla ng Pulo at inilipat ang mga residente ng isla. Nalaman ng Human Rights Watch na hindi nagkaroon ng sapat na konsultasyon, akses sa impormasyon, o pagpili ng akmang lugar ang relokasyon. "Pinalayas nila kami [mula sa Isla ng Pulo], at nilagay sa isang lugar na para bang basura lang kami," sabi ng isang 48-anyos na nanay na may dalawang anak.
Sinabi ng mga inhinyero ng pagawaing pampubliko sa Human Rights Watch na ang nasirang mayor ng Macabebe, si Anette Balgan, ang humiling ng dredging—paghuhukay ng mga latak, lupa, at iba pang materyal mula sa kama ng Ilog Pampanga—at ilipat ang komunidad. Anila sa pag-alis sa isla, tataas ang kapasidad ng ilog at maiiwasan ang pagbaha sa lugar, kaya mas magiging ligtas ang mga inilipat na residente at komunidad sa kahabaan ng ilog.
Mula 2018, ilang beses nakipagpulong ang mga opisyal ng gobyerno sa mga apektadong pamilya, ilang beses gamit ang lokal na lengguwaheng Kapampangan. Wala sa mga residenteng nakapanayam ng Human Rights Watch ang nagsabing pakiramdam nila na binigyan sila ng pagpipilian tungkol sa relokasyon.
Sabi ng mga miyembro ng komunidad na sinabihan sila tungkol sa lugar ng relokasyon noong 2021, at nagpahiwatig ng alalahanin tungkol sa pagiging angkop nito sa mga pagpupulong kasama ang mga awtoridad. Ang lugar ng relokasyon ay nasa ibaba ng dike, isang mataas na gulod na itinayo kahilera ng pampang para pumigil sa baha na abutin ang kalapit na mga kabahayan. May kalsadang tumatakbo sa ibabaw ng dike katabi ng lugar ng relokasyon at nagsisilbing pangunahing ruta papasok sa bayan.
"Wala silang hinarap na ibang solusyon," sabi ng 48-anyos na nanay. "Walang pagpipilian."
Sabi ng mga matagal nang residente na naramdaman nila na napilitan silang lumipat nang hindi naiintindihan ang rason, o ang kabayaran at tulong na ibinibigay.
Kinailangan na gibain ng mga residente ang sarili nilang mga tahanan para makakuha ng kabayaran. Marami ang natakot na kapag hindi nila kagyat na giniba ang kanilang tahanan, mauubos ang nakalaang pondo, ayon sa mga tsismis na kumalat sa kawalan ng opisyal na impormasyon. Sabi ng iba ay nasisindak sila sa mga awtoridad.
"Medyo ginugulo rin kami ng mga tauhan sa lugar, sinabi nila na kailangan naming umalis, na wala kaming pagpipilian, at isusumbong daw kami sa nakakataas," sabi ng isang 57-anyos na magsasaka.
Marami sa pamilya ay magkakamag-anak at gustong manatiling magkakasama. Nakasaad sa Gabay ng UN na ang planadong relokasyon ay dapat "magpapanatili ng pagkakaisa ng lipunan at ugnayan ng mga kamag-anak."
Sabi ng isang masahista, 44, na may isang opisyal na nagalit nang tinanong niya ang tungkol sa pagiging angkop ng lugar ng relokasyon: "Dinuro ako ng inhinyero at sabi sa akin na nag-aral sila ng inhinyeriya at hindi nila ipapanganib ang kanilang lisensiya sa proyekto [kung hindi ito angkop]."
Sabi ng miyembro ng komunidad na ang tugon sa kanilang agam-agam ng mga lokal na awtoridad ay iaangat ang lugar sa parehong taas ng kalsada ng dike para protektahan sila sa baha. Gayunpaman, hindi kailanman naabot ng ginawang embankment ang ganoong taas, at nananatiling mas mababa ang lugar sa dike. Isang inhinyero na nagtrabaho sa relokasyon ang nagsabi na ang disenyo ng kalsada ng dike ay hindi puwedeng maitaas ang lugar sa parehong lebel.
Binisita ng Human Rights Watch ang lugar ng relokasyon mula Hulyo 12 hanggang 14, sa simula ng tag-ulan, kung saan tuwing high tide ay mula tuhod hanggang hita ang lalim ng baha. Naobserbahan ng Human RIghts Watch ang mga batang lumusong sa baha, at mga matatanda na hindi makalabas ng bahay nila habang may baha. Ang mga residente, na naglarawan na ganito ang baha buong taon, ay kailangang lumusong sa mga bahang lugar para makarating sa kalsada ng dike.
Sabi ng Kagawaran ng mga Pamayanang Pantao at Pagpapaunlad ng Lungsod na kadalasang sangkot sa proyektong relokasyon sa Human Rights Watch na habang hinihintay ang on-site assessment, "ang naiulat na pisikal na katangian ng lugar ay nagdudulot ng pagkabahala tungkol sa pagiging angkop nito para sa permanenteng pabahay."
Obligado ang Pilipinas sa ilalim ng internasyonal na batas sa karapatang pantao na respetuhin, protektahan, at gampanan ang karapatang pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura ng bawat isa. Kabilang dito ang pagprotekta sa mga tao mula sa makatwirang paparating na panganib sa pagbabago ng klima, kasama ang pagbaha at iba pang epekto. Ang relokasyon ng mga residente ng Isla ng Pulo ay hindi naaayon sa internasyonal na pamantayang sumasalamin sa Gabay ng UN.
Sinabi ng Komisyon sa Karapatang Pantao sa Human Rights Watch na kung dinala sa kanila ang proyekto, nakatulong sana silang matiyak ang prosesong nakabatay sa karapatan. Sabi rin ng komisyon na magsasagawa ito ng mga imbestigasyon sa bagay na ito.
"Kinakaharap na ng mga komunidad sa Pilipinas na naninirahan sa mga lugar na madaling mabaha ang kahihinatnan sa pagbabago ng klima at hindi na dapat pang magdusa sa mga palpak na relokasyon ng gobyerno," sabi ni Buan. "Dapat himukin ang gobyerno ng mga donor na sumusuporta sa tugon ng Pilipinas sa mga epekto ng pagbabago ng klima na tiyakin na bawat aspekto ng relokasyon ay tumutugon sa internasyonal na pamantayan sa karapatan pantao."
Para sa karagdagang detalye at salaysay tungkol sa planadong relokasyon sa Pampanga, mangyaring tumingin sa baba.
Relokasyon mula sa Pulo
Ang pulo ay isang 24-ektaryang isla sa ibabang bahagi ng Ilog Pampanga sa Macabebe, probinsya ng Pampanga, mga 60 kilometro sa hilaga ng Maynila, ang kabisera ng Pilipinas. Nanirahan ang karamihan sa mga pamilyang naroon sa loob ng maraming henerasyon sa humigit-kumulang na tatlong-ektaryang lugar sa hilagang-kanlurang sulok ng isla. Naaalala ng mga pamilyang nakatira roon ang masaganang lupang pang-agrikultura na may mayayabong na prutas at gulay, at palaisdaan.
Iilan ang nagmamay-ari ng mga lupang kinatatayuan ng kanilang mga tahanan, pero marami sa mga magsasaka ay nangungupahan o "share tenants," kung saan ang may-lupa ang magbibigay ng kapital habang ang nangungupahan ang nagtatrabaho, at pareho silang makikinabang sa aanihin. Hindi nagbabayad ng upa ang mga residente, pero sila ang nagbabayad ng buwis sa ari-arian na taon-taong kinokolekta ng lokal na gobyerno sa mga lupaing residensiyal. Sa ilalim ng Right-of-Way Act ng Pilipinas, may karapatan pa rin sa kabayaran para sa kanilang mga istruktura sila na walang legal na pag-aangkin sa lupa.
Ang Macabebe ay parte ng Pampanga Delta, ang bahagi ng mga probinsiya ng Pampanga, Bulacan, at Bataan na binubuo ng mabababang latian na bahain. Noong mga unang taon ng 1990s, pinondohan ng Japan International Cooperation Agency ang Pampanga Delta Development Project Phase I (PDDP I/Delta I), kung saan 1,851 sambahayan ang dapat malilipat, pero hindi kailanman natapos ang proyekto. Tinutulan ng mga residente ng Isla ng Pulo ang paglilipat sa kanila dahil sa proyekto at nanatili sila.
Sabi ng dalawang inhinyerong, sina Tomas Edison Olalia and Alvin Diaz, mula sa flood control cluster ng Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan (DPWH) sa Human Rights Watch na "matagal nang dapat nangyari" ang pagtatanggal sa isla dahil naimungkahi na ito sa ilalim ng ibang mas maagang proyekto.
Mula 2011, gumastos na ang gobyerno ng Pilipinas ng Php 1.93 trilyon (US$30 bilyon) sa flood control projects sa buong bansa sa pamamagitan ng kagawaran. Halos isang-katlo, o Php 545 bilyon ($8.7 bilyon), ang nagastos mula Hulyo 2022 at Mayo 2025, sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kabila ng mga alegasyon sa malawakang korupsyon sa flood control projects.
Hindi bababa sa 45 opisyal ang nakasuhan sa anti-graft na korte kaugnay ng iba't ibang flood control projects, karamihan sa kanila mga opisyal ng DPWH. Hindi sangkot ang mga opisyal na nakapanayam, ni hindi rin inimbestigahan ng Human Rights Watch ang katiwalian sa proyekto sa Isla ng Pulo.
Noong 2019 at 2020, ginawaran ng flood control cluster ng departamento ang dalawang kontratang nagkakahalaga ng Php 157 milyon ($2.6 milyon) para tanggalin ang Isla ng Pulo sa pamamagitan ng taunang flood mitigation na programa, ayon sa mga kontrata at nakalista sa badyet. Sabi ng mga opisyal ng DPWH sa Human Rights Watch na sinimulan ang proyekto ni dating Mayor Balgan.
Sa mga magkakahiwalay na sulat na ipinadala ng dating mayor sa ahensiya at ng ahensiya sa mga residente, binansagang "impormal na naninirahang pamilya" ang komunidad na kailangang palikasin mula sa isang "danger zone." Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang mga impormal na naninirahang pamilya ay naninirahan sa mga lupa nang walang pahintulot, o kaya naninirahan sa mga itinuturing na "mapanganib na lugar."
Sabi nina Olalia at Diaz, ang mga inhinyero na kasama sa proyekto, hiniling ni Balgan ang dredging sa isla sa ilalim ng isang polisiya ng 2017 na nag-aatas sa lokal na gobyerno na "kagyat na simulan ang pagtanggal ng mga ilegal na istruktura sa lahat ng mapanganib na lugar," at nakipag-usap ng direkta sa ngayo'y retiradong project manager ng DPWH Isabelita Manalo. Kabilang sa mga mapanganib na lugar ang "mga pampang ng ilog, baybayin, sapa, daluyan ng tubig, estero … na kung ookupahan para tirahan ay magdudulot ng panganib sa buhay, kaligtasan at ari-arian ng alinman sa apektadong residente, o ng pangkalahatang komunidad."
HIndi sangkot ang ibang ahensiya ng Pilipinas sa proyekto, base sa panayam sa mga opisyal at nakasulat na tugon na ipinadala sa Human Rights Watch ng Department of Human Settlements and Urban Development at ng Commission on Human Rights.
"Isolated na kaso ito," sabi ni Olalia, na tumutukoy sa kawalan ng pakikilahok ng ibang departamento ng gobyerno. "Tumugon lang kami sa hiling ng LGU [lokal na yunit ng gobyerno] dahil mayroon itong magandang dahilan; nasa mapanganib na lugar ang isla."
Ang Kagawaran ng mga Pamayanang Pantao at Pagpapaunlad ng Lungsod ang karaniwang nangungunang ahensiya para sa planadong relokasyon, kasama ang National Housing Authority, ang responsable sa ilalim ng Natonal Resettlement Policy na suriin kung mainam ang lugar ng relokasyon at kung magkakaroon ng pagpopondo para sa pabahay.
Kapag ang mga impormal na naninirahan ay apektado ng paglilipat, ang Presidential Commission on Urban Poor ang dapat sumusubaybay sa sitwasyon, ayon sa gabay sa paglilipat ng Department of Interior and Local Government. Mayroon ding tungkulin ang Commission on Human Rights na mangasiwa sa mga ganitong kaso, gayong hinihingi ng mga internal na patakaran sa ahensya na "tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa Commission on Human Rights Advisory on the Right to Adequate Housing and Humane Treatment of Informal Settlers." Bukod pa rito, hinihingi ng gabay sa paglilipat ng kawagaran ng interyor ang pangangasiwa ng isang lokal na inter-ahensiya na komite o lokal na lupon sa pabahay.
Nagpadala ng right of reply na sulat ang Human Rights Watch na nagbabalangkas sa natuklasan noong Setyembre 21 at nakakuha ng tugon mula sa human settlements department at sa Commission on Human Rights. Hindi sumagot ang DPWH, ang munisipyo ng Macabebe, at ang Presidential Commission on Urban Poor.
"Walang check and balance," sabi ni Ferdinand Zambrano, ang development officer ng proyekto sa lokal na opisina ng Department of Human Settlements and Urban Development.
Ang kasalukuyang mayor, Leonardo Flores, ay kapatid na lalaki ni Mayor Balgan. Inirekomenda ng tanggapan ni Flores ang Human Rights Watch kay Jomel Cruz, ang disaster risk reduction officer, na administrador ng munisipyo noong panahong iyon. Sabi ni Cruz na walang dokumento tungkol sa proyekto ang nasa files na ibinigay ng dating administrasyon.
Maaari pang maapektuhan ang lugar ng relokasyon ng pinaplanong Pampanga Delta Development Project Phase II (PDDP II or Delta II), na sumasailalim sa feasibility studies, ayon sa mga planong nakita ng Human Rights Watch na nagpapakita na nasa loob ng lugar ng proyekto ng PDDP II ang Macabebe.
Mga Pangunahing Isyu sa Karapatang Pantao Kaugnay sa Planong Relokasyon
Nanggagaling sa iba't ibang kasunduan sa karapatang pantao na pinagtibay ng Pilipinas ang internasyonal na batas sa karapatang pantao tungkol sa planadong relokasyon, lalo na ang International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights. Nakikita rin ito sa mga internasyonal na pamantayan at gabay, tulad ng Gabay sa Planadong Relokason ng UN at ng Ulat sa Planadong Relokasyon ng mga taong nawalan ng tirahan sa loob ng bansa ng special rapporteur ng UN, na tutulong sa mga gobyerno na planuhin at magsagawa ng relokasyon ng mga komunidad sa paraang may-paggalang sa mga karapatan.
Konsultasyon
Sa ilalim ng internasyonal na batas ng karapatang pantao, ang planadong relokasyon at iba pang gawain ng gobyerno na direktang nakakaapekto sa protektadong karapatan sa ekonomiya at panlipunan—lalo na ang pabahay, lupa, relokasyon, pagpapaalis, patubig, o kabuhayan—ay kailangang pangunahan ng makabuluhan, may kaalaman, at mapagsangkot na konsultasyon ng mga apektadong komunidad bilang importanteng pananggalang sa patakaran. Nangangailangan ang mga ganitong konsultasyon ng napapanahon at madaling maakses na impormasyon, oportunidad na makapagpahayag ng pananaw, at tapat na pagsasalang-alang sa mga pananaw na iyon. Pinapatibay ng mga gabay at pamantayan ng karapatang pantao ng UN na kailangan ng mga pambansa at lokal na gobyerno na tiyakin na ang planadong relokasyon ay panghuling pamamaraan lamang, at tiyakin na ang mga apektadong komunidad ay makabuluhang sangkot sa mga desisyon tungkol sa posibleng paglilipat. Sabi sa Gabay ng UN na mayroon dapat ilang "pag-aangkop para mapaunlakan ang mga tao na pumiling hindi makilahok sa relokasyon," at oportunidad sa mga apektadong residente na "magmungkahi ng mga alternatibong opsiyon."
Sabi ng lahat ng miyembro ng komunidad na nakapanayam ng Human Rights Watch na hindi nabigyan ng nararapat na pagsasaalang-alang ang kanilang mga alalahanin at katanungan tungkol sa relokasyon. Ang nangyari ay hindi konsultasyon, kundi "imposisyon," sabi ng isang 81-anyos na babae.
Sa mga pulong na ginanap ng mga opisyal, kabilang ang nasa lokal na lengguwahe, sabi ng mga residente na naitala lang ang kanilang pagtutol. "Binigyan lang kami ng mga pormularyong pipirmahan at pinangakuan ng relokasyon," sabi ni Jenny Datu, 50.
Kinilala ng mga opisyal ng DPWH na hindi nagsagawa ang kawani nia ng detalyadong konsultasyon kasama ang mga residente, sinabing limitado ang kanilang gampanin sa teknikal na tulong sa proyekto.
Sabi ng mga dating residente ng Isla ng Pulo na kinalaunan ay sumang-ayon sila sa paglipat dahil sabi ng mga opisyal na magkakaroon sila ng lugar na paglilipatan kung saan mananatailing magkakasama ang komunidad.
Noong 2021, nakatanggap ang mga residente ng "Agreement to Demolish and Remove Improvements" na pormularyo na nasa Ingles, na hindi nila pinililng wika. Sabi ng ilang residente na sila ay bigo na makakuha ng tulong mula kanino man, tulad ng mula sa abogado, para talakayin ang pormularyo. "Wala kaming pagpipilian," sabi ni Mary Grace Liguid, 38. "Dumating na lang yung mga taong nanunukat ng bahay namin, lupa namin. Wala kaming pagpipilian kung hindi sumang-ayon, dahil hindi ka puwedeng maiwan doon."
Karapatan sa Impormasyon
Ang karapatang makakuha ng impormasyon, na nakasaad sa artikulo 19(2) ng International Covenant on Civil and Political Rights, ay isang pangunahing bahagi ng isang pamamaraan sa planadong relokasyon na nakabatay sa karapatang pantao. Dapat ibinibigay ang impormasyon sa isang klaro at madaling maintindihan na paraan, at dapat kasama ang inaasahang mga panganib sa kalamidad at klima pati na rin ang mga panlipunan, pisikal, at ekonomikal na epekto ng relokasyon. Nakasaad sa Gabay ng UN na ang sapat, abante, napapanahon, at madaling maunawaan na impormasyon tungkol sa pangangatwiran ng relokasyon, pati na rin ang mga puwedeng alternatibo, ay mahalaga sa pagbabawas ng panganib sa mga puwersahang pagpapaalis.
Sabi ng mga residente na sinabihan sila ng iba't ibang rason kung bakit sila kailangan paalisin sa isla, kabilang na ang isla ay humaharang sa daloy ng ilog, na siyang nakasaad na dahilan sa mga dokumento ng gobyerno.
Sabi rin ng mga miyembro ng komunidad na sinabihan sila na hugis kono ang isla, na naaagnas ito mula sa ilalim, at maaaring gumuho anumang oras. "Tinakot nila kami na na nauubusan na ng lupa ang isla namin, at aagusin kami papalayo," sabi ng isang 46-anyos na lalaki.
Sabi nina Olalia at Diaz na ang impormasyon na ito tungkol sa pagguho ng isla ay hindi nanggaling sa opisina nila. Sabi ng kasalukuyang inhinyero ng munisipyo ng Macabebe na walang kakayahan ang lokal na gobyerno na magbitaw ng ganoong klaseng pagtatasa.
Ipinapakita sa pagsusuri sa imaheng kuha ng satelayt ng Human Rights Watch na sa loob ng 36 taon bago ang kanilang paglipat, bumaba ang lapad ng area ng isla ng 5.2 porsiyento, mula 25 ektarya noong 1984 papuntang 23.7 ektarya noong 2020.
Sabi ng mga residente na wala silang maaala na nabigyan sila ng oportunidad na talakayin ang anumang risk assessment kasama ang mga opisyal ng gobyerno. Walang sinuman ang nakakaalala ng kahit anong diskusyon tungkol sa kung paano sila maaaring manatili sa isla.
Nagdulot din ng pagkaantala ang kakulangan sa impormasyon at alalahanin ng komunidad tungkol sa kabayaran, gaya ng naidokumento ng DPWH mismo. "Maliban kung sagot ng mga tao ang bayad para wasakin ang mga tahanan, hindi sila makakalipat sa itinalagang lugar na relokasyon," sabi ng isang utos ng departamento noong 2021, na muling nag-iskedyul ng yugtong iyon ng dredging, na natapos lamang noong 2022 at 2023.
Dahil sa sistema ng pagbabayad, walang nagawa ang mga residente kung hindi wasakin ang kanilang mga tahanan. Kapag napirmahan na nila ang pormularyo sa pagwawasak, maaari nilang makuha ang 70 porsiyento ng tinasang halaga sa pamamagitan ng pagbiyahe sa Metro Manila para i-encash ang kanilang kabayarang tseke. Inasahan silang kagyat na sirain ang kanilang tahanan pagkatapos matanggap ang bahagyang kabayaran at makukuha lang nila ang natitirang 30 porsiyento pagkatapos makapagbigay ng litrato at bidyo ng kanilang wasak na tahanan.
Sabi ng karamihan sa mga residenteng nakapanayam na pakiramdam nila ay minadali silang gibain ang kanilang mga tahanan at nagsabi ng tungkol sa tsismis na nauubos na ang inilaang pondo. "Nataranta kami," sabi ni Esmeralda Tubig, isang 46-anyos na guro sa daycare. "Unang-una, gigibain mo ang bahay mo nang walang kumpletong bayad, tapos kailangan mo pang isipin yung pang-araw-araw mong buhay. Hindi namin alam saan kami kukuha ng pangkabuhayan, tapos bigla hindi namin alam saan kami titira."
Higit sa sandosenang residente ang nagsabing nasisindak sila mga lokal na opisyal. "Umuulan nang malakas ng mga oras na iyon, at gusto nilang simulan na naming gibain ang mga bahay namin," sabi ng isang 61-anyos na construction worker.
Sabi ng mga residente na hindi sila kailanman nakatanggap ng ibang anyo ng kabayaran, kabilang ang para sa kanilang ani. Isinasaad sa Gabay ng UN na ang mga tao ay dapat "may karapatan sa patas na kabayaran para sa kanilang lupa at iba pang pinaubayang ari-arian kaugnay sa lupang iyon." Isang residente ang nagsunog ng kanilang puno para gawing uling para makakuha man lang ng kaunting pera bago lumipat
Isinasaad sa Philippine National Resettlement Policy Framework na dapat mabigyan ang mga inilipat na tao ng paraan para matiyak na magiging pagmamay-ari nila ang lupa sa lugar ng relokasyon, maging sa pamamagitan ng pag-uupa o sa karapatang gumamit ng ibang ari-arian o ng ibang kontrata. Sabi ng isang 33-anyos na lalaki na naaalala niyang may pinag-usapan kasama ang mga awtoridad kung makakakauha sila ng titulo ng lupa sa lugar ng relokasyon. "Kasi kung wala kaming titulo, iskuwater kami rito," sabi niya.
Kaangkupan at Pamantayan ng Pamumuhay sa Bagong Lugar
Responsable ang pambansa at lokal na gobyerno sa pagtitiyak ng angkop na pamantayan sa pamumuhay sa lugar ng relokasyon. Sa paglilipat ng komunidad ayon sa Gabay ng UN, ang gobyerno ang dapat "magbigay ng kinakailangang kondisyon [sa kanila] para magkaroon sila ng likas-kayang buhay na may dignidad sa lugar ng kanilang nilipatan." Isinasaad din sa National Resettlement Policy Framework na "hindi dapat nasa lugar na malapit sa mga natural na panganib ang mga pook na nililipatan" tulad ng "mga mabababa at bahaing lugar."
Binisita ng Human Rights Watch, noong Agosto 5, ang lugar ng relokasyon at nasukat na ang pangunahing kalsada ay baha sa lalim ng 20 sentimetro. Gamit ang scan sa smartphone, pinroseso ng mananaliksik ang mga imahen gamit ang potogrametriya para matukoy na ang kaibahan sa taas ng pagitan ng ibabaw ng baha at ng kalsada ng dike ay mga 1.7 metro. Natuklasan ng Human Rights Watch na ang pangunahing kalsada ng lugar ng relokasyon ay itinayo ng mga 1.9 metrong mababa sa dike.
Sabi ng mga residente na madalas binabaha ang lugar sa katulad na lebel buong taon tuwing mataas ang lebel ng tubig sa Ilog Pampanga, kahit sa panahon ng tag-init, mula Marso hanggang Mayo. Kailangan nilang lumusong sa baha na lansangan para makapunta sa kalsada ng dike sa buong taon pero kadalasan sila ay nasa loob lang ng bahay.
Nangako ang mga opisyal na kasangkot sa relokasyon na ang dating palaisdaan, pagkatapos ng embankment, ay magiging kasintaas ng kalsada ng dike na katabi nito, sabi ng ilang tao. Sabi ng mga inhinyero ay wala silang sinabi na ganoong pangako at wala ring papel sa pagpili sa lugar ng relokasyon, bagaman mayroong ginawang kumpuni sa embankment sa lugar ang isa sa mga kontraktor nila para mapanatag ang komunidad.
Sabi ng mga residente noong nagsimula silang lumipat sa lugar noong 2022, patuloy ang paggawa sa pagpapataas ng lugar. "Hindi tapos ang lugar noong lumipat kami," sabi ni Ely Barsana, isang 44-anyos na masahista. "Kalahati lang."
Kinalaunan natigil ang trabaho nang walang pasabi ang mga awtoridad. Sabi ng mga kinatawan ng munisipyo sa Macabebe na limitado ang alam nila tungkol sa proyekto. Napagdesisyunan ng mga pamilya na simulan ang pagpapagawa ng bahay dahil mas mainam na gastusin ang perang kabayaran sa bagong bahay sa halip na sa renta.
"Bakit pa kami maghihintay?" sabi ng isang 58-anyos na babae. "Giniba na namin yung mga bahay namin. Nangungupahan kami. Nauubos na yung kabayaran sa bahay namin habang tumatagal kaming nangungupahan."
Nakayanang taasan ng ilang residente ang bahay nila, pero marami ang hindi. Hindi sila binalaan ng mga awtoridad na bahain ang lugar ng relokasyon nila.
Nakatira si Maria Mallar, 50, sa isang bungalo na sabi niya ay bihirang tuyo. Sira ang muwebles niya, at binubuhat niya ang mabibigat na appliance araw-araw para protektahan sa baha. Kapag humuhupa ang tubig, nililinis ng pamilya niya ang sahig, para lang mabaha ito kinabukasan. "Sawang-sawa na ko, sawang-sawa na," sabi niya.
Sabi nga mga residente na kaunti lang ang pagpipilian nila sa paghahanapbuhay ngayon. Umaasa ang ilan sa kanila noon sa pagbebenta ng prutas at gulay na itinanim nila sa isla para madagdagan ang kanilang iregular na kita bilang manggagawa, construction worker, tricycle driver, magsasaka at mangingisda. Iniwan ng ilang residente ang pamilya nila sa lugar ng relokasyon para maghanap ng trabaho sa ibang lugar.
Gayong mas malapit ang lugar ng relokasyon sa sentro ng bayan, dahil sa madalas na pagbaha ay nangangailangan naman ng mas mahabang biyahe para maakses ang mga serbisyo tulad ng ospital hambing noong nakatira ang komunidad sa Isla ng Pulo. Noong Hulyo, mayroong babaeng nagkasakit pero hindi agad nadala sa ospital dahil masyadong mataas ang lebel ng tubig, naging mapanganib ang paglilipat gamit ang bangka. Nasa kritikal na kondisyon siya sa ospital nang ilang linggo, pero gumaling na. Kailangan lusungin ng mga bata ang baha para makarating at makauwi mula sa paaralan araw-araw.