Habang papasok na ang Pangulo ng Pilipinas Benigno Aquino III sa pangalawang hati ng kaniyang anim na taong termino ng paglilingkod, may lumalakas na pagdududa sa hangarin ng kaniyang administrasyong tuparin ang mga komitment nito kaugnay ng karapatang pantao.
Noong Enero 18, 2013 nilagdaan ni Aquino ang isang mahalagang batas, Batas Republika Blg. 10361, na nilikha para ipagtanggol ang mga karapatan ng tinatayang 1.9 milyong manggagawang kasambahay sa bansa. Pinagtibay din ng Pilipinas ang Domestic Workers Convention No. 189 ng International Labor Organization na makatutulong sa pagtatanggol sa mga karapatan ng 1.5 milyong kasambahay na Filipino sa ibayong dagat.
Gayunman, hindi nakagawa ng pangunahing pagsulong ang administrasyong Aquino sa pangako nitong pabilisin ang imbestigasyon at paglilitis sa mga pagpatay na ekstrahudisyal, tortyur, at pagdukot na kabilang sa seryosong mga paglabag sa karapatang pantao. Malaki ang ibinaba ng dami ng pagpatay na ekstrahudisyal mula nang manungkulan si Aquino, ngunit ang mga pagpatay na may politikal na dahilan ay madalas pa ring maiulat at patuloy ang pagpatay ng mga “death squad” sa mga pangkaraniwang kriminal sa mga siyudad. Dalawang kaso lamang ng pagpatay na ekstrahudisyal sa nakaraang tatlong taon ang naparusahan, at kahit sa mga kasong ito, hindi nanagot ang mga taong pinaniniwalaang responsable sa mga pagpatay. Gumawa ng ilang hakbang ang gobyerno noong 2013 para magkaroon ng komite ang iba’t ibang ahensiya para makatulong sa pag-iimbestiga at paglilitis sa mga pangunahing pagpatay na ekstrahudisyal, ngunit hindi pa ito operasyonal sa panahon ng pagkasulat nitong artikulo.
Patuloy ang panggugulo at karahasan sa mga makakaliwang aktibistang politikal at pangkaligiran
Hidwaang Insurhente at Etniko
Noong Setyembre, biglaang nagsimula ang seryosong labanan sa katimugang lungsod ng Zamboanga sa pagitan ng isang sangay ng Moro National Liberation Front (MNLF), at ng militar at pulis. Naiulat na nasawi ang 161 sibilyan, sundalong MNLF at gobyerno, at pulis sa tatlong linggong labanan sa Zamboanga at kalapit na Basilan. Halos 120,000 ang nawalan ng tirahan dahil sa labanan at nanatiling walang uuwian habang isinusulat itong artikulo. Marami sa mga nagpunta sa ebakwasyon ang nanganib dahil sa siksikan at sa pahirapang sanitasyon.
Ang sandatahang pangkat na Muslim Abu Sayyaf ay aktibo pa rin at kasangkot pangunahin sa mga kidnapping, kabilang ang pagdukot sa dalawang tao noong Setyembre.
Sumalakay ang komunistang New People’s Army (NPA) laban sa mga puwersa ng gobyerno sa iba’t ibang dako ng bansa. Nabigo ang huling pagmumungkahi ng kasunduang pangkapayapaan sa pamahalaan noong Pebrero 2013.
Atake sa mga Mamamahayag at Pangkrimeng Paninira
Nananatili ang Pilipinas na isa sa pinakamapanganib na lugar sa mundo para sa mamamahayag. Noong 2013, pitong mamamahayag ang pinatay, sang-ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility, isang pangkat adbokasiya sa Maynila. Si Vergel Bico, ang 41-taong gulang na editor ng Kalahi, lingguhang diyaryo sa Lungsod Calapan sa gitnang Pilipinas ay matagal nang nagsusulat tungkol sa kalakalan sa droga, kasama sa maraming pinagkakaabalahang isyu. Binaril siya ng mga nakamotorsikong asesino noong Setyembre 4 at malubha ang kaniyang tama. Pinaputukan nang pitong ulit si Nanding Solijon, brodkaster sa estasyon ng radyo DXLS, ng dalawang nakamotorsiklong asesino habang tumatawid ng kalye sa Lungsod Iligan sa Mindanao noong Agosto 29. Noong Agosto 1, pinasok ng de-baril na kalalakihan ang tahanan ng potograpo-mamamahayag na si Mario Sy sa Lungsod General Santos sa Mindanao, pinaputukan siya ng dalawang ulit na kaniyang ikinamatay. Sang-ayon sa mga lokal na monitor, 18 mamamahayag na ang napatay mula nang maging pangulo si Aquino.
Nahatulan ng pangkrimeng libel ang tatlong mamamahayag noong 2013. Pinakahuli, noong Setyembre, ang kaso ni Stella Estremera, punong-patnugot ng Sun Star Davao, kasama dito si Antonio Ajero na kapuwa nahatulan dahil sa isang istorya ng 2003 na ayon sa report ng pulis ay mga suspek sa ilegal na bentahan ng droga sa Lungsod Digos. Sa nakaraang buwan, isang kolumnista ng diyaryo sa Lungsod Cebu, ang Freeman, ang nahatulan ng libel dahil sa isang kolum na naisulat noong 2007 na bumatikos sa gobernador ng Cebu nang panahong iyon, si Gwendolyn Garcia. Nahaharap sa pagkakulong ang mga nakasuhan. May mga grupong humihikayat sa gobyerno na huwag nang gawing krimen ang libelo. Ilang mamamahayag ang nakalaboso sa nakaraang mga taon dahil sa pangkrimeng paninira.
Pagpatay na Ekstrahudisyal at Puwersahang Pagkawala
Gayong may litaw na pagbaba ng bilang ng mga pagpatay na ekstrahudisyal sa ilalim ng administrasyong Aquino, nananatili itong seryosong problema at bihirang magresulta sa kaparusahan.
Patuloy na problema ang mga “death squad” sa mga sentrong urban kabilang ang Metro Manila, Lungsod Davao, at Lungsod Zamboanga. Madalas na ang mga biktima ay mga karaniwang kriminal, nagtutulak ng droga at batang kalye. Sa mga ulat, hindi naiimbestigahan ang mga pagpatay na ito at walang report na nakasuhan o naparusahan ang alinmang miyembro ng mga death squad.
Noong Nobyembre 2012, ipinahayag ng gobyerno na magtatatag itong ng isang hudisyal na “kataas-taasang ahensiya” na binubuo ng iba’t ibang ahensiyang panggobyerno at tagapagpatupad, para bigyang priyoridad ang imbestigasyon at pagpaparusa sa mga pagpatay na ekstrahudisyal. Gayunman, hindi pa tumatakbo ang ahensiya sa panahon ng pagkasulat nitong artikulo.
Mga Pang-aabuso ng mga Puwersang Paramilitary
Gumawa ng mga seryosong krimen laban sa karapatang pantao ang mga puwersang paramilitary na kontrolado ng gobyerno at militar ng Pilipinas noong 2013. Pinatay ng mga sinasabing miyembro ng militia si Benjie Plano, isang lider ng tribu sa lalawigan ng Agusan del Sur, noong Setyembre 13.
Hindi pa tinutupad ni Pangulong Aquino ang kaniyang pangako noong nangangampanya na pawawalang bisa ang Executive Order 546, na sinisipi ng mga lokal na opisyal na nagbibigay-katwiran sa pagkakaroon ng “private armies.”
Nagpatuloy noong 2013 ang paglilitis sa kasong Maguindanao Massacre, na ang 58 tao na ugnay sa lokal na politiko at ang mga mamamahayag ay pinatay ng mga miyembro ng angkang politikal na Ampatuan sa lalawigang Maguindanao. Ngunit ang mga pamilya ng mga biktima ay lubhang nababagalan sa pagsasagawa ng paglilitis. Apat na taon pagkaraan ng mga pagpatay, pinapakinggan pa rin ng korte ang mga petisyon sa pagpiyansa ng ilang suspek. Noong Agosto, lima pang suspek ang sinampahan ng kaso, kasama ang operador ng backhoe na ginamit sa pagbabaon sa mga biktima. Sa 197 natukoy na suspek, 107 ang naaresto, lahat maliban sa 6 ang nasampahan na ng kaso.
Mga Bata at Armadong Labanan
Isang sangay ng MNLF ang nang-hostage ng mga bata at ginamit ang mga ito bilang taong pansanggalang sa labanang nangyari sa Lungsod Zamboanga. Ilang bata ang namatay at nasugatan. Isang batang isinama ng kaniyang pamilya sa isang “rali sa kapayapaan” ang kinuha ng mga rebeldeng MNLF nang magsimula ang labanan at pinuwersang tumulong sa mga rebelde sa pagpapakain sa kanilang mga hostage. Dalawang bata ang inaresto sa suspetsang mga rebeldeng MNLF sila.
Nilabag ng gobyerno ng Pilipinas ang domestiko at internasyonal na batas sa pagdedetine sa mga bata kasama ang di-kamag-anak na nakatatanda sa loob ng ilang araw sa mga kondisyong labis ang pagiging siksikan.
Mga Karapatan ng Kababaihan
Sinuspinde muna ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng mahalagang Reproductive Health Law ng bansa pagkaraan ng legal na petisyon ng mga indibidwal at pangkat laykong Katoliko na sumasalungat sa batas. Ang mga pagdinig sa batas ay isinasagawa sa panahon ng pagsulat dito sa artikulo. Sinabi ng mga tagapagsulong ng karapatang pangkababaihan na binimbin nitong petisyon ang paglalabas ng pondo ng gobyerno para sa mga serbisyo para sa pagpaplano ng pamilya at edukasyon para sa mga karapatang reproduktibo.
Mga Pangunahing Internasyonal na Kasangkot
Tumindi ang hidwaang pasalita ng Pilipinas sa Tsina noong 2013, umiinit ang retorika ng dalawang panig ukol sa pinag-aagawang teritoryo sa Katimugang Dagat Tsina. Dulot ng diumano’y pagpasok ng Tsina sa mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas, humingi ng tulong ang administrasyong Aquino sa Estados Unidos, na nangakong tutulong sa pagpopondo ng modernisasyon ng lumang sistemang tanggulang pandagat ng Pilipinas. Ilang senador ng Estados Unidos ang nagnanais na limitahan ang tulong-militar sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil sa patuloy na paglabag nito sa karapatang pantao at kawalan ng pananagutan.