Skip to main content

(Manila) – Ang mga migranteng domestic worker sa United Arab Emirates (UAE) ay ginugulpi, sinasamantala, at naiipit sa mga sitwasyong puwersahan ang pagtatrabaho, ayon sa Human Rights Watch sa isang ulat nito na inilabas ngayong araw. Ang pamahalaan ng UAE, na magsisimula nang gampanan ang isang maimpluwensyang papel sa International Labour Organization (ILO), ay nabigong bigyan ng sapat na proteksyon ang mga kababaihang domestic worker – marami sa kanila ay mula sa Pilipinas – mula sa pang-aabuso ng mga employer at recruiter.

Ang 79-pahinang ulat na, “‘Nabili Na Kita’: Pang-aabuso at Pananamantala sa Mga Babaeng Migranteng Domestic Worker sa United Arab Emirates” (“‘I Already Bought You’: Abuse and Exploitation of Female Migrant Domestic Workers in the United Arab Emirates”), ay nagtatala sa kung paanong hinahayaan ng visa sponsorship system ng UAE, kilala bilang kafala, at ng kawalan ng mga proteksyon para sa manggagawa na malantad ang mga migranteng domestic worker sa pang-aabuso. Ang mga domestic worker, karamihang mula sa Asya at Africa, ay hindi makalipat ng trabaho bago magwakas ang kontrata nila nang walang pahintulot ng employer, na nag-iipit sa marami sa mga mapang-abusong kalagayan. Hindi ganap na pinoprotektahan ng mga bansang nagpapadala ang mga manggagawa laban sa mga mapanlinlang na pamamalakad sa recruitment o nagbibigay ng sapat na ayuda sa mga inaabusong mamamayan sa ibang bansa.

“Ginagapos ng sponsorship system ng UAE ang mga domestic worker sa kani-kanilang mga employer at pagkatapos ay iniiwan silang nag-iisa at nanganganib na maabuso sa loob ng mga pribadong tahanan,” sabi ni Rothna Begum, tagasalikik sa karapatan ng kababaihan sa Human Rights Watch sa Middle East. “Dahil walang proteksyon ng batas sa manggagawa para sa mga domestic worker, nagagawa ng mga employer, at marami ngang gumagawa nito, na pagtrabahuhin nang labis sa oras, hindi bayaran nang sapat, at abusuhin ang mga kababaihang ito.”

Kinapanayam ng Human Rights Watch ang 99 na babaeng domestic worker sa UAE, pati na ang mga recruitment agency, abogado, at iba pa. Nagpadala ang Human Rights Watch ng mga liham sa 15 na kagawaran at ahensya ng UAE noong Enero, Abril, at Agosto upang humingi ng impormasyon, humiling ng mga pulong, at ipakita ang mga natuklasan nito ngunit wala itong natanggap na tugon. Nagkaroon nga ng maikling tipanan ang pamahalaang UAE sa mga kinatawan ng Human Rights Watch noong Setyembre ngunit hindi tinalakay ang anumang problema ng mga domestic worker.

Ikinuwento ng mga domestic worker sa Human Rights Watch ang tungkol sa hindi pagbigay ng sahod sa kanila, kawalan ng oras ng pahinga o day off, pagkakakulong sa bahay ng employer, at sobrang dami ng trabaho, at pagtatrabaho sa isang araw na umaabot ng 21 oras. Inilarawan nila ang pagkakait ng pagkain at inulat ang abusong saikolohikal, pisikal, at sekswal. Marami ang nagsabing tinatrato sila na parang hayop ng mga employer nila, o parang marumi sila na kakapit ang dumi kung didikitan sila. Ang ilang kaso ng pang-aabuso ay sa pamamagitan ng puwersahang pagpapatrabaho o pagbebenta ng tao.

“Sinimulan akong saktan ng amo ko makalipas ang dalawang linggo ng pamamalagi roon,” sabi ng isang manggagawa. “Sinuntok niya ako ng kamao sa dibdib ko. Kinalmot niya ako sa leeg, at sinampal ako. Nagkaroon ako ng pasa sa leeg. Kung minsan ay hinahablot niya ang kumpol ng buhok ko.” Sinabi ng manggagawa na nanatili siya roon, at umasang mababayaran, ngunit hindi kailanman binayaran.

May hindi bababa sa 146,000 na babaeng migranteng domestic worker – marahil ay mas marami pa – mula sa mga bansang katulad ng Pilipinas, Indonesia, India, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, at Ethiopia na nagtatrabaho sa UAE. Gayunpaman, may ibang embahada o konsulado sa UAE na walang matutuluyan o sapat na tauhan na haharap sa mga inabusong domestic worker.

Noong Hunyo 2014, binago ng mga pamunuan ng UAE ang karaniwang kontrata ng domestic worker para hingin ang lingguhang day off at 8 oras ng pahinga sa bawat 24-oras. Subalit, hindi pinagtuunan ng pansin ng kontrata ang iba pang problema gaya ng mga limitasyon ng oras ng pagtatrabaho at mas mahina ito kaysa sa mga proteksyong para sa ibang manggagawa na naipapatupad ng mga kinauukulang may kapangyarihan. Isang hindi nailathalang draft ng batas sa mga domestic worker ang nakabinbin mula pa noong 2012, ngunit ayon sa mga ulat ng media, ang mga nilalaman nito ay kapos pa rin sa proteksyon para sa iba pang manggagawa. Binago ng mga kinauukulan sa UAE ang ilang aspeto ng kafala system sa mga nagdaang taon, ngunit hindi para sa mga domestic worker.

Habang kinastigo ng mga kinauukulan sa UAE ang ilang employer para sa pagpatay o matinding abusong pisikal, ang mga manggagawang naghahanap ng hustisya ay kailangang pagdaanan ang maraming hadlang na legal at praktical, partikular na sa paghahabol ng mga remedyo ng korte para sa mga paglabag sa kontrata o di-malubhang pang-aabuso. Maraming manggagawa ang may hinaharap na mga kasong “pagtakas”, isang paglabag na administratibo, dahil sa pag-alis mula sa isang employer nang walang pahintulot bago matapos ang kontrata. Habang sinasabi ng ibang manggagawa na mabuti ang pagtrato sa kanila ng pulisya, ang iba naman ay nagsasabing hinihimok sila ng pulisya na bumalik sa mga mapang-abusong employer. Sa ilang kaso, naghahain ng mga inimbentong kaso ng pagnanakaw laban sa mga manggagawang tumakas. Ang ilan ay nagsasabing nawalan na sila ng pag-asang masingil ang mga di-bayad na sahod dahil sa mga antala sa korte.

Maraming manggagawa ang nagsasabing lalo pa silang naaabuso kapag nilapitan nila ang mga recruitment agency nila para humingi ng tulong. Ang ilan ay nagsasabing pinipilit sila ng mga ahente na bumalik sa mga abusadong employer, pinagtatrabaho sila sa ibang pamilya nang labag sa kalooban nila, ikinukulong sila sa tahanang pang-ahensiya at pinagkakaitan ng pagkain, o ginugulpi sila kapag humihingi sila ng tulong.

“Maraming domestic worker na umaalis sa mga abusadong employer ang kumakaharap sa batong pader,” sabi ni Begum. “Maaari silang kasuhan dahil sa pagtakas, habang wala gaanong kinatatakutan ang mga nang-aabuso sa kanila.”

Sa mga nagdaang taon, ang malulubhang pag-abuso ay nauwi sa pagpataw ng mga bansang nagpapadala ng manggagawa ng panandaliang pagbabawal sa pagpunta ng UAE para magtrabaho. Ang ilan, gaya ng Pilipinas, ay hindi pinapayagan ang mga mamamayan nito na bumiyahe papuntang UAE bilang mga domestic worker hangga’t hindi lumalagda ang mga employer sa UAE at mga recruitment agency sa minimum na sahod at mga kondisyon. Noong Hunyo, pagkatapos magpalabas ang mga kinauukulan ng UAE ng binagong kontrata, nanawagan sila sa mga embahada na ihinto ang pagberipika sa mga garantiya ng kontrata bago mag-isyu ng mga visa para sa mga domestic worker. Napag-alaman ng Pilipinas, dahil sa hinihingi ng mga patakaran nitong pang-domestic, na beripikahin ang mga takda ng kontrata, na hindi sapat ang proteksyong binibigay nito. Sinuspindi nito ang pagberipika sa mga visa application para sa trabahong pang-domestic, bagaman hindi nito itinuring na isang pagbabawal ang ginawa nitong aksyon.

“Kung saan hininto ng ilang bansa ang pagpunta ng mga domestic worker nila papuntang UAE, pinunan naman ng ibang bansa ang naging kakulangan, sa isang karera hanggang ibaba na naglalagay sa mga manggagawa sa kapahamakan,” sabi ni Begum. “Kailangang magkaisa ang mga bansa na humingi ng mga pagbabago sa UAE, at palakasin ang sarili nilang mga hakbang na pang-proteksyon.”

Noong Hunyo, hinalal ng mga miyembro ng ILO ang UAE sa lupon nito ng mga tagapamuno. Lalahok ang UAE sa isang sesyon simula Oktubre 30 na tutuon sa maraming problema ng manggagawa, kabilang na ang pwersahang pagpapatrabaho.

Dapat baguhin ng UAE ang kafala system nito upang makapagpalit ang mga domestic worker ng employer nang hindi kailangan ng pahintulot at nang hindi nawawala ang balidong estado bilang migrante. Dapat itong pumasa sa draft law sa mga domestic worker, kahanay ng Domestic Workers convention ng ILO, palawigin ang kamalayan ng publiko tungkol sa mga pamantayan sa bisa ng bagong kontrata ng domestic worker, at dagdagan ang mga matutuluyan at iba pang pantugon sa mga inabusong domestic worker.

Dapat dagdagan ng mga bansang nagpapadala ng manggagawa ang mga nakapagsanay na tauhan sa mga embahada at konsulado para matulungan ang mga naabusong manggagawa. Dapat rin nilang paigtingin ang pakikipagtulungan sa pamahalaan ng UAE upang manmanan ang pag-recruit at mga kontrata, resolbahin ang mga problema ng manggagawa, at labanan ang pwersahang pagpapatrabaho.

“Sa pag-upo nito sa pamunuan ng ILO, kailangang gawin ng UAE na makatotohanan ang mga karapatan ng manggagawa sa sarili nilang bansa, kabilang na ang para sa mga migranteng domestic worker,” sabi ni Begum.

Mga Piling Panayam Mula Sa Ulat:

Ang mga sumusunod na paghahango ay nagbibigay ng halimbawa ng mga pang-aabuso na inilarawan ng mga domestic workers sa UAE sa Human Rights Watch. Binago ang mga pangalan ng mga domestic worker para protektahan ang kanilang pagkapribado at seguridad.

Shelly A., isang manggagawang Pilipina, ay nagsabing pinagtatrabaho siya ng employer niya nang may banta na sasaktan siya kung hindi. Binayaran siya ng employer niya ng unang tatlong buwan lang, pagkatapos hindi na binigay ang sahod niya ngunit pinalalagda siya ng mga resibong nagsasabing natanggap niya ang buong sahod. Kinuha rin ng employer niya ang kaniyang passport, ikinulong sa bahay, at ginugulpi, at sinasabing, “Kung nagtrabaho ka lang, hindi ka sana sasaktan.”

Sabina S., isang manggagawang Pilipina, ay nagsabing pinagtatrabaho siya ng employer niya nang 20 oras sa isang araw nang walang pahinga, 7 araw sa isang linggo, para sa pamilya ng 12. Pinagsasalitaan siya ng masama at sinasaktan niya si Sabina, kinuha ang passport at telepono, at ikinulong sa bahay. Sinabi ni Sabina sa Human Rights Watch:

Sabi ni Madam, “Kapag natapos mo ang kontrata mo, magbabayad kami.” Pagkalipas ng dalawang taon hiningi ko ang pera ko. Pero nawala ni madam ang passport ko. Sabi niya, “Kailangan mong hintayin hanggang sa maproseso ang passport. Bibigyan kita ng pera kapag aalis ka na.”

Hindi binayaran si Sabina nang dalawang taon at pitong buwan na trinabaho niya at naghihintay pa rin siya ng sahod niya nang makipag-usap siya sa Human Rights Watch.

 

Tahira S., isang manggagawang Indonesian, ay nagsabing kinukulong siya ng employer niya sa loob ng tahanan ng babae, sinisigawan siya, ginugulpi, at binali ang isang buto sa braso niya. Kinuha ng employer ang passport ni Tahira, pinagtrabaho siya nang 15 oras bawat araw nang walang pahinga o mga day off, pinatulog siya sa sahig nang walang kumot o kutson, pinakakain siya nang minsan lang sa isang araw at ipingkakait pa ito kung hindi nasiyahan sa trabaho niya. Nangako ang employer na babayaran lang siya sa pagtatapos ng kontrata niya, ngunit walang ibinayad sa kaniya. Sinabi ni Tahira sa Human Rights Watch:

Sinimulan akong saktan ng amo ko makalipas ang dalawang linggo ng pamamalagi roon. Kahit pa sinasaktan niya ako bawat araw, gusto kong hintayin ang sahod ko. Inakala ko na kung maghihintay ako ng tatlong buwan, makukuha ko ang pera. Sinuntok niya ako ng kamao sa dibdib ko. Kinalmot niya ako sa leeg, at sinampal ako. Nagkaroon ako ng pasa sa leeg. Kung minsan ay hinahablot niya ang kumpol ng buhok ko.

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.