Skip to main content

Dapat nang magpatupad ang Saudi Arabia ng reporma sa labor, immigration, at criminal justice upang bigyan ng proteksyon ang mga domestic worker sa malalang pang-aabuso sa kanilang karapatang pantao. Ito ang sinabi ng Human Rights Watch sa isang ulat na inilabas nito ngayong araw. Karaniwang hindi napaparusahan ang mga amo sa ginagawa ng mga itong hindi pagpapasahod, pagkulong sa mga domestic worker, at pisikal at seksuwal na karahasan, habang ilang mga domestic worker naman ang nahaharap sa pagkakulong o paghagupit sanhi ng palsong akusasyon tulad ng pagnanakaw, adultery, o pangkukulam.

Ang 153-pahinang ulat, "Parang Hindi Naman Ako Tao": Pang-aabuso sa mga Asyanong Domestic Workers sa Saudi Arabia," ay pagtatapos ng dalawang-taong pagsasaliksik at batay sa 142 na panayam sa mga domestic worker, matataas na opisyal ng gobyerno, mga labor recruiter sa Saudi-Arabia at mga labor-sending na bansa.

"Sa pinakamagandang kalagayan, tumatamasa ng maayos na lagay sa paggawa at mabait na mga amo ang mga kababaihang migrante sa Saudi Arabia. At sa pinakamasamang lagay naman ay halos tratuhin silang alipin. Nasa gitna ng dalawang kalagayan ang karamihan ng mga kababaihang migrante," ayon kay Nisha Varia, senior researcher ng Women's Rights Division of Human Rights Watch. "Dapat na sakupin ng proteksyon ng mga batas paggawa sa Saudi ang mga domestic worker at baguhin ang visa sponsorship system upang ang mga kababaihang desperadong kumita ng pera ay hindi na kailangang ipagsapalaran ang kanilang buhay."

Halos 1.5 milyong domestic worker ang kasalukuyang namamasukan sa mga kabahayan sa Saudi Arabia. Karamihan sa mga ito ay galing sa Indonesia, Sri Lanka, Pilipinas, at Nepal. May mga ilan ding galing sa ibang mga bansa sa Africa at Asia. Walang mapagkakatiwalaang estatistiko sa eksaktong bilang ng mga kaso ng pang-aabuso, subalit libo-libong mga domestic worker na may reklamo laban sa kanilang mga amo o recruiter ang nasa pangangalaga ngayon ng Saudi Ministry of Social Affairs at embahada ng mga labor-sending na bansa.

Sobrang bigat ng trabaho at hindi nabayarang sahod, na tumatagal mula ilang buwan hanggang sampung taon, ang pinakakaraniwang reklamo. Hindi sakop ng labor law ng kaharian ang mga domestic worker, na nagkakait sa mga ito ng kanilang karapatan na natatamasa ng ibang manggagawa, tulad ng isang araw na pahinga sa isang linggo at overtime pay. Maraming mga domestic worker ang nagtatrabaho ng 18 oras isang araw, pitong araw sa isang linggo.

Itinatali ng mahigpit na sistemang kafala ang visa ng mga migrant worker sa kanilang amo, at nangangahulugang wala silang kakayanang magpalit ng trabaho o umalis sa nasabing bansa. Nakapanayam ng Human Rights Watch ang ilang-dosenang kababaihan na nagsabing pilit silang pinagtrabaho ng kanilang mga amo ng ilang buwan o taon ng labag sa kanilang kalooban. Karaniwang kinukuha ng mga amo ang pasaporte ng domestic worker, at kinakandado ang pinto ng mga bahay upang hindi makalabas ang domestic worker. Ito ang nagpapataas ng pagkabukod at nagpapalapit sa psychological, pisikal, at seksuwal na pang-aabuso sa mga domestic worker. Itinuturing ng Human Rights Watch na 36 sa kanilang nakapanayam ang naharap sa pang-aabusong maihahalintulad na sa sapilitang paggawa, trafficking, o mala-aliping kalagayan.

"Merong ilang magagandang panukala sa reporma ang gobyernong Saudi, subalit taon na ang ginugol nito sa pag-aaral ng walang ginagawang hakbangin," sabi ni Varia. "Oras na para sa mga pagbabagong ito, kasama ang pagsakop sa mga domestic worker sa ilalim ng 2005 Labor Law at baguhin ang sistemang kafala upang hindi na matali ang visa ng manggagawa sa mga amo."

May pinapatakbong shelter sa Riyadh ang Saudi Ministry of Social Affairs, katuwang ang pulisya. Tumutulong ang shelter sa mga domestic worker na makuha ang kanilang sahod at makauwi. Subalit sa maraming kaso, nabubuyo ng mga staff ng shelter ang mga manggagawa na makipag-usap at tumanggap ng hindi patas na wage settlement. Nagiging bunga nito ang kawalan ng pera sa bulsa ng mga manggagawa dahil hindi na nila hinahabol ang di nabayarang sahod kapalit ng permiso ng kanilang amo na pauwiin na sila.

Ang mga mahinang imbestigasyon at criminal proceedings na tumatagal ng ilang taon ay nangangahulugang madalang na napaparusahan ang mga abusadong amo sa pamamaraan ng Criminal Justice System. Halimbawa, matapos ang tatlong taong pagdinig sa kanyang kaso, binasura ng isang korte sa Riyadh ang kaso laban sa amo ni Nour Miyati, kahit na umamin ang naturang amo, may sapat na ebidensiyang medikal, at may masusing pagmamatyag ng publiko. Kinailangang putulin ang mga daliri sa kamay at paa ni Nour Miyati, domestic worker na Indonesian, dahil sa araw-araw na pambubugbog at panggugutom sa kanya ng kanyang mga amo.

Sinabi ng Human Rights Watch na sa halip na makita ang kanilang mga amo na pinaparusahan, posible pang maharap ang mga domestic worker sa kontra-kaso ng pangkukulam, pagnanakaw, o adultery. At sa ganitong mga kaso, nahaharap pa ang mga domestic worker sa naantalang paglapit sa interpreter, tulong ligal, o tulong mula sa konsulado, o tuluyang pagkaitan ng tulong.

Matindi ang ipinapataw na parusa sa mga domestic worker. Sa ilang kasong pinag-aralan ng Human Rights Watch, aabot ng sampung taong pagkakulong at mula 60 hanggang 490 na hagupit ang parusa sa pangkukulam, at krimeng "moral" tulad ng adultery at pakikihalubilo sa mga di kaanu-anong kalalakihan. Ang mga domestic worker na nabubuntis dahil sa panggagahasa ay nahaharap din na mausig kung hindi nila matutugunan ang mahigpit na pamantayan sa ebidensiya upang mapatunayan ang panggagahasa.

"Marami sa mga mga nakausap kong kababaihan ang hindi nagsampa ng kaso sa takot na kasuhan din sila," ayon kay Varia. "Sa iba namang kaso, binibitawan na lang ang kaso laban sa mga nang-abuso sa kanila, kahit na malakas ang ebidensiya, sapagkat tatagal lamang sila ng ilang taon sa matao at punong shelter, malayo sa kanilang pamilya, hindi makapagtrabaho at walang tsansang makakuha ng hustisya sa pagtatapos ng kaso."

Sa kawalan ng epektibong mekanismo para sa bayad-pinsala, ang mga dayuhang mission ng Indonesia, Sri Lanka, Pilipinas, at Nepal ay karaniwang malaki ang papel na ginagampanan sa pagbibigay ng shelter, tulong ligal, at pag-alalay sa mga domestic worker na naghahabol ng sahod o may kasong nililitis. Ang mga pangangailangang dapat tugunan ng mga embahadang ito ay lampas sa kanilang resources, at maraming mga domestic worker ang umaangal sa mahabang oras ng paghihintay nang matagal at kakaunting nalalaman tungkol sa takbo ng kanilang mga kaso. Sa kaso ng Indonesia at Sri Lanka, umaangal ang mga kababaihan sa puno at maduming mga shelter.

Nanawagan ang Human Rights Watch sa Saudi Arabia na imbestigahan nito at parusahan ang mga abusadong amo at protektahan ang mga domestic worker sa mga palsong kontra-kaso. Nanawagan din ito sa Saudi Arabia na makipagtulungan ng husto sa mga labor-sending na bansa upang subaybayan ang kalagayan sa paggawa ng mga domestic worker, bigyang daan ang mga pagsagip, siguruhin ang pagkuha ng hindi nabayarang sahod, at magtayo ng mga shelter para sa mga nalalampasan ang pang-aabuso, sa pamamagitan ng mga komprehensibong support services, at ayusin ang kagyat na pag-uwi. Dapat ding parehong magtatag ng mga mekanismo sa masinop at regular na monitoring ng mga labor agency at gawi sa recruitment ang mga gobyerno ng Saudi Arabia at labor-sending na mga bansa.

Mahigit sa walong milyong migrante ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia, na kumakatawan sa halo ikatlong bahagi ng populasyon ng nasabing bansa. Pinupuno ng mga migrante ang mga kritikal na kakulangan sa mga sector ng kalusugan, construction, at domestic service. Nakakatulong din sila sa ekonomiya ng sarili nilang mga bansa, nagpadala ng US$15.6 bilyon noong 2006, na kumakatawan sa halos limang porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng Saudi Arabia.

Mga Piling Testimonya na Kasama sa Ulat:

"Hindi kao pinayagan ng amo ko na bumalik sa Indonesia sa loob ng anim na taon at walong buwan… Hindi ako nakatanggap ng anumang sahod, kahit isang riyal… Hindi ako pinapagalitan ng aking amo, hindi niya ako sinasaktan. Pero binawalan niya akong bumalik sa Indonesia."
– Siti Mujiati W., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006

"Hindi naglaon, nagpakita na ng pagtingin ang amo ko sa akin. Tinawag niya ako sa kuwarto niya. Sabi niya, 'Binili kita sa halagang 10,000 riyal.'… Maraming beses akong ginahasa ng amo ko… Ikwinento ko ang lahat sa amo kong babae… Ayaw ng buo nilang pamilya, ni Madam na umalis ako. Ikinandado nila ang mga pinto at tarangkahan. [Matapos makatakas at maghintay ng siyam na buwan sa embassy at maghintay na matapos ang kaso,] ayokong umuwi ng wala man lang dala, tulad ng iba… Isang araw, sinabi nilang natalo ang kaso ko [at dadalhin daw ako sa deportation para pauwiin.]"
– Haima G., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006

"Wala akong natanggap na sahod sa loob ng isang taon at limang buwan. Kapag hihingi ako ng sahod, bubugbugin nila ako, hihiwain ng kutsilyo, o papasuin. May mga peklat sa likod ko. Masakit ang buo kong katawan. Inuuntog nila ang ulo ko sa pader. Merong gulo tuwing hihingin ko ang aking sahod."
– Ponnamma S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006

Ang ulat ng Human Rights Watch, "'Parang Hindi Naman Ako Tao': Mga Pang-aabuso sa mga Asyanong Domestic Worker sa Saudi Arabia" ay makukuha sa: https://www.hrw.org/reports/2008/saudiarabia0708/

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.