Skip to main content

Lebanon: Bigo ang hudikatura na protektahan ang mga domestic workers

Bigo ang hustisya dahil sa pagsasawalang bahala, mahahabang proseso at mahigpit na sponsorship system

(Beirut, Setyembre 16, 2010) - Bigo ang hudikatura ng Lebanon na tugisin ang mga employers kapag sila ay lumabag sa batayang karapatan ng mga migrant domestic workers. Ito ay ayon sa report ng Human Rights Watch na inilabas ngayon.

 Idinagdag pa ng Human Rights Watch na kailangang magsagawa ng plano ang pamahalaan ng Lebanon upang masiguro na makakaasa ang mga manggagawa sa Lebanese court upang protektahan ang kanilang karapatan.

Nirepaso ng 54-pahinang report, tinawag na "Without Protection: How the Lebanese Justice System Fails Migrant Domestic Workers,"  ang  mga naging desisyon sa 114 Lebanese judicial cases na sangkot ang mga migrant domestic workers. Nabatid sa pag-aaral na maraming manggagawa ang hindi  lumalapit sa korte dahil sa  kawalan ng mekanismo upang makapagreklamo, gayundin ang mahabang kaparaanan ng hudikatura at ang mahigpit na polisiya ukol sa visa.

At kapag nagreklamo ang mga manggagawa,  bigo ang pulis at ang hudikatura na imbestigahan ang mga pang-aabuso bilang krimen.


"Dahil sa pagbulagbulagan sa mga paglabag sa karapatan ng mga domestic workers, masasabing kakutsaba ang pulis at hudikatura ng Lebanon sa patuloy na pagmamalabis ng mga employers laban sa walang kalaban-labang grupong ito," ani Nadim Houry, ang Beirut director ng Human Rights Watch. "Ang pagpapakulong o pananampal ay isang krimen ano pa man ang pagkakakilanlan ng mga biktima."


Walang nakuhang halimbawa ang Human Rights Watch mula sa 114 na kaso na ang mga employers ay naharap sa asunto sanhi ng pagkulong sa mga manggagawa sa loob ng kanilang mga tahanan, pagkumpiska ng passports o hindi pagpapakain, bagamat malawakan ang ganitong klase ng pagmamalabis. Umaabot sa 200,000 migrant domestic workers mula sa Sri Lanka, Ethiopia, Pilipinas at Nepal ang nagtatrabaho sa Lebanon.

Karaniwang natitiwangwang ng ilang buwan o kaya'y taon ang mga reklamo ng mga manggagawa laban sa kanilang mga employers. Malaking pasakit ito sa mga manggagawa na lalu pang pinapabigat ng mahigpit na visa policies na nagiging dahilan upang hindi nila matutukan ang mga kasong isinampa laban sa kanilang mga employers.  

Nirepaso ng Human Rights Watch ang 13 criminal cases ng mga manggagawa laban sa kanilang mga employers at napag-alamang umaabot ng 24 na buwan bago ito naresolba. Ang mga reklamo ukol sa hindi pagbabayad ng sweldo ay umaabot ng 21 hanggang 54 bago madesisyunan. Maging ang mga simpleng reklamo na ipinararating sa labor courts ay umaabot ng 32 buwan bago maresolba. Sa ilalim ng kafeel (sponsorship) system, isinusuko ng mga manggagawang lumayas sa kanilang mga employers,  kahit may nakabingbing reklamo,  ang karapatang manatili sa Lebanon at nahaharap sa potensyal na pagkakulong at deportasyon.

Hindi naman binibigayang pansin ng pulis at tagausig ang mga kasong pisikal na karahasan na isinasampa ng mga migrant domestic workers. Sa isang kaso noong 2005, naghintay ng 21 araw ang pulis bago sinimulang imbestigahan ang reklamo ng isang domestic worker. Sa pag-aaral sa mga police reports ukol sa maraming kaso ng karahasan, makikitang tanging ang mga employers lamang ang kinakausap at ang kanilang mga pahayag ay tinatanggap bilang katotohanan at hindi na sinusuri base sa pahayag ng mga saksi.


Bagamat inusig ng awtoridad ang ilang kaso ng pambubogbog sa ilang migrant domestic workers, bihira lamang itong mangyari at kadalasan ay nauuwi sa pagpataw ng magaan na kaparusahan.  Sa kaso ng isang Filipino domestic worker na paulit-ulit na binubog ng  kanyang amo, ang employer ay natagpuan ng Lebanese criminal court na nagkasala nooong Disyembre 9, 2009. Subalit 15 araw na pagkabilanggo lamang ang ipinataw sa nagkasala. Umabot lamang ng 30 araw na pagkabilanggo ang alam ng Human Rights Watch na naipataw sa salang pambubogbog. Ipinataw ito noong June 26, 2010 sa amo ng isang Sri Lankan domestic worker na puwersahan ding siyang  ibinilanggo sa loob ng bahay nito.

Kahit ang mga among pumatay ng kanilang mga kasambahay ay napapatawan ng magaan na sintensiya. Sa isang kaso noong 1999, isa at kalahating taon lamang ang ipinataw sa Lebanese na nambugbog hanggang mapatay ang kanyang kasambahay na Sri Lankan.


"Ang mga hatol na ito ay maliliit na hakbang patungo sa tamang direksyon, subalit nanatiling parang tampal lamang sa kamay," sabi ni Houry.. "Kinakailangang siguraduhin ng awtoridad na ang mga among aabuso sa karapatan ng kanilang mga domestic workers ay mapapatawan ng karampatang kaparusahan upang magsilbing leksyon sa iba."

Nadiskubre rin ng Human Rights Watch ang ilang paglabag sa tamang proseso at karapatan sa makatarungang paglilitis sa ilang migrant domestic workers na inakusahan ng iba't ibang krimen, na kadalsan ay pagnanakaw. Sa 84 na kaso laban sa mga domestic workers na nirepaso ng Human Rights Watch, 37, o 44 porsiyento, ang walang abogadong magdedepensa sa kanila. Nabatid din na karamihan o 57 sa 84 na kaso na humarap sa pulis at paglilitis ang walang sertipakadong interpreter sa kabila ng katotohanang karamihan sa mga nakasuhan ay hindi nakakaintindi ng Arabic. Kakaunti rin ang pagkakataon na may interpreters sa mga mas malalang kaso.

Base sa report, nakitang talamak ang pagkakulong bago ang paglilitis. Umabot sa 76 porsiyento ng mga mangagawa o 64 sa 84 ang nakulong bago nilitis. Karamihan ay napawalang sala subalit nakulong ng halos tatlong buwan at apat sa bilang ng naakusahan ang nakulong ng walong buwan bago napawalang sala ng husgado.


"Kadalasang nakukulong ang mga domestic workers base sa akusasyon lamang ng kanilang mga amo at walang tulong mula sa abogado o interpreter," ani Houry. "Karapat-dapat silang ituring na walang sala at kailangang dumaan sa tamang proseso tulad ng lahat."


Bagamat sinabi ng Lebanese officials, kasama ang Ministers ng Interior at Labor, na nais nilang mapabuti ang pagtrato sa migrant domestic workers, limitado sa ilang makitid na repormang inisyatiba ang aksyon ng Lebanese government katulad ng compulsory standard employment contract para sa mga mangagawa simula nitong Enero 2009. Bigo rin ang pamahalaan ng Lebanon na makabuo ng mekanismo para siyasatin ang mga pinagtatrabahuhan ng mga migrant domestic workers.

Nanawagan ang Human Rights Watch sa Lebanese authorities na:

  • Bumuo ng isang pambansang plano upang mapalaki ang pagkakataon na ang mga reklamong krimen laban sa mga employers ng migrant domestic workers ay hahantong sa pag-uusig.
  • Magsabatas ng simpleng mekanismo upang dagliang lutasin ang mga kaso ukol sa sweldo ng mga migrant woekrs.
  • Maglaan ng pamamaraan upang makakuha ng tulong na legal at certified interpreters ang mga migrant domestic workers na biktima ng pag-aabuso o ang mga nahaharap sa kasong krimen.
  • Magpatupad ng training program para sa mga police officers, immigration officials, at judges upang matugunan ang mga reklamo ng migrant domestic workers; at
  • Ireporma ang visa sponsorship system upang putulin ang ugnayan ng mga manggagawa sa kanilang individual sponsors at sa gayon ay makapagreklamo ang mga manggagawa ng walang takot na makulong o mapauwi.

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.