(Jakarta) – Simula nang maluklok sa puwesto noong Hulyo 2022, hindi pa rin tinatapos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang "giyera kontra droga" ng gobyerno ng Pilipinas na humantong sa libo-libong napaslang, ayon sa Human Rights Watch ngayong araw sa World Report 2023 nito. Dapat hayagang utusan ni Marcos ang pambansang kapulisan na itigil na ang kanilang mapamaslang na anti-drug raids bilang bahagi ng kanyang pangakong ibaling ang pokus sa rehabilitasyon ng mga gumagamit ng droga.
"Palaging sinasabi ni Pangulong Marcos sa mga lider ng ibang bansa na handa siyang pagbutihin ang sitwasyon sa karapatang pantao sa Pilipinas, pero hindi ito mangyayari hanggang walang pakundangang pinapaslang ng pulisya ang mga pinaghihinalaang gumagamit ng droga", ang sabi ni Phil Robertson, deputy director ng Asya sa Human Rights Watch. "May magandang pagkakataon si Marcos na patunayang seryoso siyang igalang ang karapatang pantao sa pamamagitan ng pag-utos na tapusin na ang 'drug war.'"
Sa 712-pahinang World Report 2023, sa ika-33 nitong edisyon, sinuri ng Human Rights Watch ang mga gawaing sa karapatang pantao ng halos 100 bansa. Sa kanyang panimulang sanaysay, sabi ni Tirana Hassan, acting Executive Director, sa mundong nagbago ang may-hawak ng kapangyarihan, hindi na posibleng umasa na lang sa isang maliit na grupo ng gobyerno na karamihan ay mauunlad na bansa para ipagtanggol ang karapatang pantao. Ipinapaalala sa atin ng pagkilos ng mundo laban sa giyera ng Russia sa Ukraine ang pambihirang potensiyal kapag nauunawaan ng mga gobyerno ang kanilang katungkulan sa pandaigdigang antas. Responsibilidad ng bawat bansa, malaki't maliit, na isakatuparan ang makakarapatang pantao na posisyon sa kanilang mga polisiya, at na magtulungan para protektahan at isulong ang karapatang pantao.
Sinabi ni Marcos, sa mga pahayag sa publiko at sa mga pulong kasama ang mga lider ng ibang bansa, na itutuloy niya ang polisiyang "giyera kontra droga" na namana mula sa nauna sa kanyang si Rodrigo Duterte, pero ibabaling ang pokus sa rehabilitasyon sa mga gumagamit ng droga. Sa ngayon, patuloy pa rin ang pamamaslang sa mga hinihinalang nagbebenta at gumagamit ng droga, at hindi pa naisasakatuparan ang mga kailangang programang pan-drug rehabilitation. Batikos ng mga grupong pangkarapatan at tagataguyod ng reporma sa patakaran sa droga na ang kasalukuyang programa ay mahigpit at mapagparusa, at ginagawang markado ang mga gumagamit ng droga.
Mula 2016, inamin na ng pulisya ng Pilipinas na sila ay sangkot sa pamamaslang ng higit 6,200 katao sa drug raids sa buong bansa. Iniulat ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) noong 2020 na 8,663 pamamaslang ang ginawa sa "drug war." Iniulat ng Komisyon sa Karapatang Pantao sa Pilipinas at mga lokal na grupong pangkarapatan na dalawa o tatlong beses pang mas mataas sa bilang ng UN ang namatay. Noong Mayo 2021, naghain ng hiling ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court na magbukas ng imbestigasyon tungkol sa posibleng krimen laban sa sangkatauhan na naisagawa sa kampanya kontra-droga ng Pilipinas.