Inaresto ng pulisya noong Lunes si Walden Bello, isang 76-taong gulang na aktibista, akademiko at dating kongresista, sa kaniyang bahay sa Quezon City dahil sa kasong cyber-libel. Inaresto siya dahil sa mga paratang ni Jefry Tupas, dating information officer ni Bise Presidente Sara Duterte. Magdamag na nasa piitan si Bello bago napalaya matapos magbayad ng piyansa.
Si Tupas, dating nagtrabaho kay Duterte noong mayor pa ito ng Davao City, ay nagsampa ng dalawang kaso ng cyber-libel laban kay Bello noong Marso dahil sa isang Facebook post na nagsasabing diumano'y sangkot si Tupas sa ilegal na droga matapos siyang dumalo sa isang pagdiriwang noong Nobyembre 2021 na siyang ni-raid ng kapulisan.
Si Bello, isang makakaliwang progresibong kilala sa Pilipinas at Timog-silangang Asya, ay tumakbo sa pagkabise presidente noong Mayo at natalo. Sa panahon ng pangangampanya ginamit niya ang kanyang kandidatura para bigyang-diin ang mga isyung progresibo at tungkol sa katarungang panlipunan. Matagal nang kritiko ng nasirang Ferdinand Marcos, ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, at ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni Bise Presidente Duterte. Pinabulaanan ni Sara Duterte ang anumang papel sa pagsampa ng kasong libelo.
Ang cyber-libel law ng Pilipinas, na naipasa noong 2012, ay ilang beses nang nagamit laban sa mga mamamahayag, kolumnista, kritiko ng gobyerno, at karaniwang gumagamit ng social media. Iniulat ng Office of Cybercrime sa ilalim ng Department of Justice na 3,700 kaso ng cyber-libel ang isinampa simula Mayo 2022. Sa bilang na 'yon, 1,317 ang umabot sa korte habang 1,131 naman ang na-dismiss. Labindalawang kaso ang umabot sa paghahatol.
Binibigyang-diin ng pagkakaaresto kay Bello na kailangan ipagwalang-bisa ang mga batas kriminal na libel at cyber-libel sa Pilipas at iba pang bansa. Alinsunod sa pahayag ng United Nations Human Rights Committee sa general comment on freedom of expression nito, “imprisonment is never an appropriate penalty” [ang pagkukulong ay hindi kailanman angkop na parusa] para sa paninirang-puri. Matapos panindigan ng isang korte sa Maynila ang hatol kay Nobel Prize laureate Maria Ressa, ani ni Irene Khan, special rapporteur sa malayang pagpapahayag ng UN, “Criminal libel law has no place in a democratic country and should be repealed” [walang lugar sa isang demokratikong bansa ang criminal libel law at dapat itong pawalang-bisa].
Gaya ng pahayag ng Human Rights Watch bago naipasa ang batas, ang criminal libel – laban sa online at offline na pagpapahayag – ay nakapipinsala sa malayang pananalita at kadalasang ginagamit para targetin ang mga kritiko ng mga opisyal ng gobyerno. Dapat amyendahan para alisin ang mga probisyong kriminal sa paninirang-puri sa mga batas tulad ng cyber-libel law alinsunod sa tanggap nang internasyonal na pamantayan sa karapatang pantao at malayang pananalita.