May magandang rason ang pamilya ni Angelo Lafuente na madismaya sa “magiliw” na pakikipag-usap ni Presidente Trump sa Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte.
Nang imbitahan ni Trump ang pangulo ng Pilipinas sa White House, malamang na hindi kasama sa usapan,ang nakamamatay na mga taktika ni Duterte sa “giyera kontra droga.” Makikita sa estadistika ng Philippine National Police na napatay ang mahigit sa 7,000, ang karamihan ay pawang maralitang tagalungsod, katulad ni Lafuente.
Nakatagpo ni Lafuente ang giyera kontra droga ni Duterte noong Agosto 18, ayon sa Human Rights Watch, nang umatake ang grupong kontra-droga ng pulisya sa isang purok ng Navotas, kung saan nakatira at nagtatrabahong repairman ng appliances ang 23-anyos na binata.
Apat na kalalakihang nakasibilyan, kasama ng dalawang unipormadong pulis, ang dumukot kay Lafuerte at isinakay sa puting van na markadong sa pulis. Pagkalipas nang ilang oras, ipinakita ng mga pulis ng Navotas police station sa tarantang pamilya ni Lafuente ang katawan niyang tadtad ng tama ng bala. Ang nakasaad sa ulat ng pulisya ay “di-kilalang” kalalakihan ang pumatay sa kaniya, kinaligtaan sa ulat na siya ay huling nakitang buhay sa kustodiya ng pulisya.
Masyadong nang karaniwan sa Pilipinas ang mga pangyayari kaugnay ng pagkamatay ni Lafuente. Inilantad ng saliksik ng Human Rights Watch ang bistadong pagkakapareho ng mga ilegal na gawain ng pulisya na ginawa para magmukhang legal ang pagpatay.
Inamin ng pulisya ang 2,717 sa mga pagpatay—lahat mapapangatwiranan daw—ngunit mukhang gawa ang iba pa ng mga ahenteng alaga ng pulis o “death squads.” Hindi kasama sa opisyal na dami ng napatay na mga suspetsang gumagamit at nagbebenta ng droga ang mga biktimang tinatawag ni Duterte na “collateral damage” o di-sadyang biktima—kabilang na ang mga batang tinamaan ng ligaw na bala ng mga pulis. Sinasabi sa hayagang suporta ni Trump sa kampanya kontra droga ni Duterte ang nakakagulat na kawalang pakialam sa brutal na realidad na ito. Ang di-pagkabalisa ni Trump sa dami ng namatay sa giyera kontra droga at ang pagtatakip sa mga pagpatay bilang lehitimong operasyon laban sa droga ay napakatinding insulto sa pamilya ng mga biktima. Ipinagkakanulo rin ni Trump ang iilang Filipinong may lakas-loob na magsalita laban sa giyera kontra droga, katulad ni Senador Leila de Lima na di-wastong nabilanggo, samantalang tagapagtaguyod ng karapatang pantao noon pa man.
Salungat ang bukas-palad na pagtanggap ni Trump kay Duterte sa malawakang tugon ng gobyerno ng US sa giyera kontra droga. Noong Nobyembre 2016, sinuspinde ng US State Department ang pagbebenta ng 26,000 military assault rifles sa Philippine National Police dahil sa pagtutol ng kongreso kaugnay ng “mga agam-agam tungkol sa paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.” Noong Disyembre 2016, ipinahayag US Embassy sa Maynila na ipinagpaliban ng gobyerno ng US ang desisyong magbigay sa gobyerno ng Pilipinas ng bagong grant mula sa Millennium Challenge Corporation (MCC) dahil sa “mabibigat na agam-agam kaugnay ng alituntunin ng batas at mga kalayaang sibil (civil liberties) sa Pilipinas.”
Tinukoy ng pahayag ang pamantayan para sa mabibigyan ng MCC na “kasama hindi lang ang pasadong marka kundi ang pagpapakita rin ng dedikasyon sa alituntunin ng batas (rule of law), nararapat na proseso (due process), at paggalang sa mga karapatang pantao.”
Modelo ang ganitong mga tugon kung paano dapat tumugon ang dayuhang gobyerno sa abusadong giyera kontra droga ni Duterte. Ang sapat na bilang ng dayuhang gobyernong naglilimita ng maibibigay na pondo at teknikal na tulong sa Philippine National Police at iba pang ahensiyang sangkot sa drug war ay makakapagpataw ng pananagutan sa abusadong asal na mahihirapang hindi indahin pati ng katulad ni Duterte.
Dahil sa mga papuri ni Trump sa mga mapanupil na lider tulad ni Presidente Abdel Fattah el-Sisi ng Egypt at President Recep Tayyip Erdoğan ng Turkey, mukhang hindi siya ang mangunguna sa pagsalungat sa giyera kontra droga ni Duterte. Pero isang parte lang ng gobyerno ng US si Trump. Ang Kongreso ng US ay puwedeng hindi tumulong sa security forces ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpataw ng partikular na pamantayan sa karapatang pantao, kasama dito ang pagpilit kay Duterte na tigilan ang mga pagpatay at hayaan ang United Nations na manguna sa imbestigasyon sa mga pagpatay. Palagiang hinaharang ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pagsisikap ni Agnes Callamard, United Nations special rapporteur sa summary executions, na magsagawa ng fact-finding mission sa bilang ng mga namatay sa giyera kontra droga. Maaari ring utusan ng Kongreso ng US ang Secretary of State para makipag-ugnayan sa gobyerno ng ibang bansa para makapagpataw rin ng gayong mga katulad na restriksiyon.
May grupo ng mga senador mula sa magkaibang partido ang naghahanda ng isang batas na layuning magsabi kay Duterte na itigil na niya ang giyera kontra droga. Nais ng batas na ito, na magkasamang itinataguyod nina US Senator Benjamin Cardin ng Maryland at US Senator Marco Rubio ng Florida, na restriktahan ang pagbebenta ng armas at pagtulong sa Philippine National Police, palakasin ang lipunang sibil, at suportahan ang pampublikong kalusugan bilang sagot sa pagkalulong sa droga. Inilarawan din ni Cardin na kailangan ang batas “upang malinawan si Presidente Duterte na mananagot siya sa kaniyang barbarong asal.” Maipapanukala ang batas na ito sa mga susunod na araw.
Kahit “magiliw” na nakipag-usap si Trump kay Duterte, may oportunidad ang gobyerno ng US na makatulong para wakasan ang pagdanak ng dugo sa giyera kontra droga ni Duterte at magdulot ng makabuluhang aksiyon para sa pananagutan. Hindi hamak na ito ang karapat-dapat para kay Angelo Lafuente at sa libo-libong pang mga biktima.