Skip to main content

Pilipinas: Dapat Batikusin ng Mga Miyembro ng UN sa Mga Pagpatay, Pang-Abuso

Masasalang ang Maynila sa Universal Periodic Review ng Human Rights Council

(Geneva, Mayo 4, 2017) – Dapat batikusin ng mga miyembro ng United Nations ang brutal na “giyera kontra droga” ng Pilipinas na nakapaslang na ng higit sa 7,000 katao mula nang maupo ang Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2016, sabi ng Human Rights Watch ngayong araw. Isasalang ang Pilipinas sa ikatlong siklo ng Universal Periodic Review (UPR) ng Human Rights Council sa Mayo 8, 2017 sa Geneva.



Dapat hikayatin ng mga bansang miyembro ng UN na suportahan ang internasyonal na imbestigasyon sa mga pagpatay, sa harap ng kabiguan mismo ng gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan o usigin nang walang kinikilingan ang mga responsable, sabi ng Human Rights Watch. Iba-ibang ahensiya na ng UN, media, at Human Rights Watch at iba pang nongovernmental organizations ang nakapag-ulat ng extrajudicial killings, na maaaring katumbas ng krimen laban sa sangkatauhan.

“Kritikal ang rebyu ng UN sa Pilipinas dahil sa kalubhaan ng sitwasyon sa karapatang pantao mula nang maupo si Pangulong Duterte noong isang taon,” sabi ni Phelim Kine, deputy director ng Human Rights Watch sa Asya. “Ang giyera kontra droga ni Duterte ay walang iba kung hindi isang giyerang kumikitil sa mga mahihirap.”

Sa UPR, nirerebyu ang progreso sa mga karapatang pantao ng bawat bansang miyembro ng UN kada apat na taon. Uungkatin ng mga miyembro ng UN ang mga dating ipinangako ng Pilipinas kaugnay ng karapatang pantao, at uusisain na rin ang mga bagong nakakabahalang pangyayari. Ang mga nakalipas na rebyu ng Pilipinas ay noong 2008 at 2012. Sasaklawin ng rebyu sa taong ito ang huling apat na taon ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III at ang unang ilang buwan ng gobyerno ni Duterte.
 
Ang giyera kontra droga ni Duterte ay walang iba kung hindi isang giyerang kumikitil sa mga mahihirap.
Phelim Kine

Deputy Asia Director


Agad pagkaraan ng rebyu ng UN sa Pilipinas noong Mayo 8, gaganapin ng Human Righs Watch ang dagdag na gawain, kasama ang iba pang mga NGO, para tasahin ang rebyu at ang tugon ng mga delegado ng Pilipinas. Gaganapin ito mula 2:30-14:30 sa silid XXIII ng Palais des Nations, Geneva.

Sa UPR submission ng Human Rights Watch noong Setyembre, idiniin ang ilang kinakaharap na problema ng Pilipinas sa karapatang pantao.

Extrajudicial Killings

Nagpapatuloy ang pagpatay sa mga aktibista, magsasaka, lider ng katutubo, environmentalists, mamamahayag (lalo ngayon sa  gobyerno ni Duterte), at pinagsususpetsahang kriminal. Nag-iinstiga si Duterte sa pulis at nag-udyok sa mga vigilante na patayin ang mga hinihinalaang gumagamit at nagbebenta ng droga sa kaniyang kampanya kontra droga. Hindi niya pinansin ang mga panawagan para sa opisyal na pagsisiyasat sa ganitong mga pagpaslang. Sa halip, pinuri pa niya ang mga pagpatay bilang pruweba ng “tagumpay” ng “giyera kontra droga” at hinimok ang pulisya na “sunggaban ang pagkakataon.”

Naidokumento rin ng Human Rights Watch ang pagkakaroon ng koneksiyon ng pulis sa mga death squads sa ilang siyudad, kabilang na ang Davao City, kung saan naging mayor si Duterte nang 22 taon. Isang ulat ng Human Rights noong 2014 ang sumuri sa death squad sa Tagum City sa Mindanao.

Torture

Patuloy ang militar at pulisya sa pag-torture at pagpapahirap sa mga nasa kustodiya. Ang pagpasa ng Anti-Torture Act noong 2009 ay malugod na sinalubong ngunit, sa ngayon, ay iisa pa lang ang napapatunayang nagkasala. May ebidensiya na nangto-torture ang militar ng mga civil society activists at pinaghihinalaang insurgents na nasa kanilang kustodiya. Noong Oktubre 2013, naidokumento ng Human Rights Watch ang pagmamaltrato ng mga security forces sa mga detenido, kasama dito ang mga bata, sa Zamboanga City, sa katimugan ng Pilipinas.

Ang Komisyon ng Karapatang Pantao ay nakatanggap ng maraming alegasyon ng torture kung saan halos ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas (Philippine National Police o PNP) ang nadadawit. Ang resulta ng isang isinagawang raid  ng komisyon noong  Abril 26, 2017  sa isang police station sa Maynila ay nagresulta ng pagkalantad ng isang lihim na bilangguan kung saan mga isang dosenang pinagsususpetsahan sa droga ang ilegal na ikinulong.  Diumano’y may pagmamaltrato at pangingikil na ginawa ang mga pulis.

Mga Pagdukot / Enforced Disappearances

Sa huling rebyu ng UPR noong 2012, tinanggap ng Pilipinas ang mga rekomendasyong isagawa ang mga imbestigasyon tungkol sa lahat ng alegasyon ng mga pagdukot (enforced disappearances). . Dalawang bellwether tests [ginagawa upang matiyak ang kalagayan o status] sa military impunity para sa enforced disappearances ay ang pagdukot at diumano’y pag-torture sa mga aktibistang sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan noong 2006. Kahit na pagkaraan ay inaresto ng pulisya si retired Maj. Gen. Jovito Palparan para sa kaniyang diumano’y papel sa krimen, tuloy pa rin hanggang ngayon ang paglilitis sa kaniya. Sa kaso naman ni Jonas Burgos, isang lider ng mga magsasaka na hinuli ng mga tauhan ng militar sa loob ng isang mall sa Quezon City noong Abril 2017 at sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatagpuan, ay siya ring mga sagisag ng impunity o kawalang pananagutan para sa mga enforced disappearances.

Mga Katutubo

Inakusahan rin ng mga katutubo at environmental groups ang militar ng paggamit ng lokal na mga paramilitar para tumulong na makamkam ang ancestral na lugar para magbigay-daan sa mga kompanya na nagmimina at iba pang business interests. Ang mga operasyon ng militar laban sa mga pinagsususpetsahang komunistang rebelde ng New People’s Army ay nakapagpaalis na rin ng daan-daang estudyante sa mga katutubong eskuwelahan sa apat na probinsiya ng Mindanao simula 2010. Noong 2015, ang mga lokal na grupo para sa karapatang pantao ay nagsabi na diumano’y nagsagawa ang militar ng serye ng mga atake laban sa mga katutubong grupo sa Mindanao.

Karapatan sa Reproductive Health

Nakapagdokumento ang Human Rights Watch ng mga patakarang ginawa para madiskaril ang lubos na pagpapatupad ng Batas sa Reproductive Health. Isang temporary restraining order ang inisyu ng Korte Suprema noong 2015 na tumutugon sa konserbatibong oposisyon sa kontraseptibo at nagbabantang sayangin ang malaking bilang ng kontraseptibong natustusan na ng gobyerno sa dahilang mag-e-expire na ang mga ito sa 2018. Nilawakan na ng korte ang pasya at inatasan ang Food and Drug Administration na huwag  aprobahan ang mga bagong aplikasyon sa kontraseptibo.

Hindi bababa sa dalawang lungsod – ang  Sorsogon City at Balanga City – ang nag-isyu ng ordinansang nagbabawal sa pagbebenta at distribusyon ng mga kontraseptibo kasama na rito ang mga pills, implants at kondom.

Mga Karapatan ng Kabataan

Naidokumento ng Human Rights Watch kung paano mameligro ang buhay ng libo-libong kabataan--ang iba ay 9 taong gulang lang--sa small-scale na pagmimina ng ginto, na pinopondohan madalas ng lokal na negosyante. Nagtatrabaho ang mga bata sa mga delikadong hukay sa lupa na 25-metro ang lalim at sumisisid para magmina malapit sa pampang o ilog. Nailalantad ang mga bata sa asoge o mercury, isang toxic na metal na ginagamit sa pagproseso ng ginto.

Patuloy na nakakabahala din ang mga pagsalakay ng militar at mga grupong paramilitary nito sa mga eskuwelahan. Noong Setyembre 1, 2015, ang paramilitar na grupo na Magahat ay diumano’y sumalakay sa isang eskuwelahan ng mga katutubo sa probinsiya ng Surigao del Sur, at nang-torture at nakapatay ng isang guro at dalawang lider ng mga katutubo.

Epidemya ng HIV / AIDS

Isa ang Pilipinas sa may pinakamabilis na kumakalat na epidemya ng HIV/AIDS sa Asya sa kasalukuyan. Kahit na mababa pa ang bilis ng pagkalat sa buong bansa mismo, mayroon namang na mabilis na pagkalat ng mga bagong impeksiyon sa mga lalaking nakikipagtalik sa lalaki. Itong pagtaas ay konektado sa patakaran sa lokal, probinsyal, at nasyonal na antas, na napapalubha pa ng pag-ayaw ng Simabahang Katoliko at iba pang elementong salungat sa sexual health education at paggamit ng kondom. Kasama dito ang mga balakid sa akses sa kondom at HIV testing at hindi sapat na HIV educational efforts.
 

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country