(New York) - Sumumpa sa tungkulin si Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas noong Hunyo 2010 at nangakong itataguyod ang katarungan sa mga paglabag sa karapatang pantao, ngunit ang kanyang pamahalaan ay hindi nakagawa ng sapat na mga hakbang upang papanagutin ang mga may kasalanan sa mga naganap na pagpatay at iba pang pang-aabuso, ayon sa Human Rights Watch ngayong araw sa World Report 2011 nito.
Ang 649-pahinang ulat, na ika-21 na taunang ulat ng Human Rights Watch ukol sa mga gawaing pangkarapatang pantao sa buong mundo, ay bumubuod sa mga pinakalaganap na kalakaran ng karapatang pantao sa mahigit 90 bansa at teritoryo sa buong mundo. Ang Pilipinas, ayon sa ulat, ay isang demokrasyang maraming partido na may lumalakas na civil society at masigabong mga mamamahayag, ngunit nananatiling mahina ang mga ahensyang tagapagpatupad ng batas at sistema ng hustisya, at gumagawa ng mga paglabag sa karapatang pantao ang militar at pulisya nang ligtas sa parusa.
"Sumumpa sa tungkulin si Pangulong Aquino na nangangakong magiging pangunahing prayoridad ang karapatang pantao," ayon kay Elaine Pearson, deputy Asia director ng Human Rights Watch. "Subalit walang halaga ang salita hangga't hindi nananagot ang mga hukbong pangseguridad sa mga mararahas na pang-aabuso."
Mula nang maupo sa puwesto si Aquino, mahigit 20 maka-kaliwang aktibista ang napatay. Walang mahalagang pag-usad ang naganap sa daan-daang mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa pulitika sa loob ng nakaraang dekada. Mahalaga ang kaibahan dito ng paglilitis ng dating punong-bayan, na si Andal Ampatuan, Jr., at 18 iba pang naiugnay sa namumunong pamilya ng mga Ampatuan sa pagpatay sa 57 katao noong Nobyembre 23, 2009, kabilang na ang 32 mamamahayag, sa Maguindanao sa isla ng Mindanao. Gumawa kamakailan ang Kagawaran ng Hustisya ng hakbang upang dagdagan ang bilang ng mga pagdinig bawat linggo at isahimpapawid sa telebisyon ang paglilitis, na nagsimula noong Setyembre.
Hindi pa natutupad ni Aquino ang kaniyang pangako noong panahon ng kampanya na harapin ang mga pamilyang nakaupo sa puwesto na gumagamit ng mga militia at pulis bilang pribadong hukbo. Nasiwalat sa mga sumunod na imbestigasyon sa pamilya Ampatuan makaraang maganap ang mga pagpatay sa Maguindanao, ang maraming taon ng paggawa ng mga krimeng karumal-dumal nang walang kaparusahan, pati na ang maraming nakaimbak na armas at bala na mula sa pamahalaan, mga sitwasyong maaaring mangyayari rin sa iba pang mga lalawigan. May nilikhang mga pangkat upang siyasatin ang dalawa pang pribadong hukbo sa ibang bahagi ng bansa, ngunit hindi na ito nagbunga ng karagdagang aksyon.
"Ang gulong ng katarungan ay mabagal na umuusad sa paglilitis para sa Maguindanao massacre," ayon kay Pearson. "Subalit kailangan ni Aquino na kumilos nang mabilis at malakas laban sa mga pribadong hukbo ng mga namamahalang pamilya upang tuluyang matigil ang mga patayan."
Ang utos ni Aquino noong Disyembre na iurong ang mga isinampang kaso laban sa tinatawag na "Morong 43" ay nagbibigay ng wastong mensahe sa mga militar at pulis na ang pagmamalupit sa mga pinaghihinalaang rebelde ay nagpapahina sa mga gawain laban sa paghihimagsik, ayon sa Human Rights Watch. Noong Pebrero 2010, may dinakip na 43 lalaki at babae ang hukbong sandatahan at ang pulisya sa Morong, sa lalawigan ng Rizal, at sa loob ng 36 na oras ay piniringan nila ang mga ito at tinanggihang makausap ng kanilang mga abogado. Alinsunod sa utos ni Aquino, 35 ang pinakawalan. Tatlong lalaki na may hinaharap na magkakahiwalay na kaso ang nananatiling nakakulong habang dalawang lalaki at tatlong babae na pawang umamin sa pagiging rebeldeng komunista at piniling magtala sa programang pagbabalik-loob sa pamahalaan ang nasa pag-iingat pa rin ng militar. Ngunit sa halip na siyasatin ang mga alegasyon ng pang-aabuso, ginantimpalahan ng militar ang dalawang opisyal na nanguna sa pag-aresto.
Dalawang bagong batas laban sa labis na pagpapahirap at krimeng pandigmaan ang naipasa sa pagtatapos ng 2009 na makatutulong sa pag-uusig sa mga tauhan ng pamahalaan na nasasangkot sa mga gawaing kriminal, ayon sa Human Rights Watch. Subalit, walang ni isa ang matagumpay na nausig sa bisa ng alinman sa dalawang batas na ito, at naging mabagal ang pamahalaan sa paglikha ng mga mekanismo upang mapigilan ang labis na pagpapahirap, sa bisa ng Anti-Torture Act.
"Ang mga bagong batas laban sa labis na pagpapahirap at krimeng pandigmaan ay nagbibigay ng mga mahalagang kasangkapan sa paglaban sa mga pang-aabuso," ayon kay Pearson. "Subalit magaganap lamang ang tunay na pag-unlad sa pagsasa-propesyunal sa hukbong militar at pulisya kung gagamitin ang mga batas na ito."