Lumala ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas noong 2020. Tuloy-tuloy ang pagpuntirya sa maralitang tagalungsod ng mapamaslang na “giyera kontra droga” ni Pangulong Duterte na sinimulan sa pag-upo niya noong Hunyo 2016. Ang pulisya at mga di-kilalang lalaking may-baril na konektado sa pulisya ay nagsagawa ng libo-libong extrajudicial killings. Biglang dumami ang bilang ng kaso ng pamamaslang sa panahon ng Covid-19 lockdown, umakyat nang higit sa 50 porsiyento mula Abril hanggang Hulyo 2020 kumpara sa nakaraang apat na buwan. Halos walang nanagot sa mga pagpatay na ito.
Noong Hunyo 2020, naglabas ang United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) ng isang labis na mapanuring ulat tungkol sa sitwasyong karapatang pantao sa Pilipinas. Noong Oktubre, gumawa ng resolusyon ang UN Human Rights Council na magpatuloy ng pagmamasid sa sitwasyon sa bansa nang dalawa pang taon, pero hindi kasama dito ang isang internasyonal na imbestigasyon.
Dumami noong nakaraang taon ang pananakot at pang-aatake, pati ang pagpatay, sa mga aktibistang makakaliwa, tagapagtanggol ng kalikasan, lider ng komunidad ng katutubo, mamamahayag, abogado, at iba pa. Binulabog ng gobyerno ang mga mamamahayag at media companies, sa pang-uusig na may politikal na motibasyon at iba pang aksiyong legal; hinatulan ng isang korte ang peryodistang si Maria Ressa ng cyber libel noong Hunyo, habang ipinasara ng gobyerno ang pinakamalaking television network nang sumunod na buwan.
Noong Marso, ipinailalim ang bansa sa lockdown, nirestriktuhan ang galaw ng mga tao para malimitahan ang pagkalat ng Covid-19. Ang militar, kasama ang pulisya at lokal na mga opisyal ang nagpatupad ng lockdown. Umabot sa libo-libo ang inaresto at ikinulong sa masisikip na kulungan at piitan kung saan mataas ang tiyansang magkahawaan ng virus. Tinarget ng pulisya at lokal na opisyal ang mga bulnerableng populasyon, kabilang ang mga lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) at mga bata, at sa ibang kaso pinahiya sa publiko at minaltrato ang mga ito.
Walang Katapusang “Giyera Kontra Droga”
Ayon sa opisyal na numero ng gobyerno, pumaslang ang Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ng 5,903 tao sa mga operasyong kontra-droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Setyembre 30, 2020. Hindi kabilang dito ang mga napaslang ng mga di-kilalang armado na pinaniniwalaan ng Human Rights Watch at iba pang tagamasid ng karapatan na konektado sa lokal na pulisya at mga opisyal. Tinataya ng ibang source, tulad ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights, na ang death toll ay nasa 8,663, gayong pinaniniwalaan ng mga lokal na grupong pangkarapatang pantao, kabilang ang Commission on Human Rights, na ang totoong bilang ay maaaring triple ng naiulat ng OHCHR.
Batay sa estadistikang inilabas ng gobyerno sa #RealNUmbersPH, tumaas nang mahigit sa 50 porsiyento noong mga buwan ng lockdown mula Abril hanggang Hulyo. Kabilang sa lubhang apektado sa karahasan ng “giyera kontra droga” ay mga bata na naulila ng mga biktima. Ang mga bata ay lalong nalugmok sa kahirapan, dumanas ng matinding sikolohikal na pagdurusa, kadalasang humihinto sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pera at iba pang kadahilanan, at dumadanas ng bullying sa eskuwelahan o komunidad.
Karamihan sa “drug war” killings ay hindi pa seryosong iniimbestigahan ng mga awtoridad. Bilang lang sa daliri ang mga kaso na nasa iba’t ibang yugto ng imbestigasyon ng tagausig. Isang kaso lang—ang nakunan ng video ng pagpatay sa 17-taong si Kian delos Santos noong Agosto 2017 – ang nagresulta sa pagkahatol sa ilang pulis.
Nakakaduda na may silbi ang paglikha ng komite, na unang ipinangako ng kalihim ng hustisya ng UN Human Rights Council, para imbestigahan ang kaso ng pagkakasangkot ng pulisya sa mga pamamaslang dahil ang napiling mga ahensiya na magpatakbo ng komite ay may prominenteng papel at responsable sa pamamaslang.
Patuloy na nanghihimok ng pamamaslang si Pangulong Duterte, inutusan niya ang mga opisyal ng customs noong Setyembre na patayin ang mga pinaghihinalaang drug smuggler. Palagi rin niyang tinutuligsa at binabalewala ang mga grupong nambabatikos sa “giyera kontra droga,” inakusahan niya sila na “ginagamit ang karapatang pantao.”
Politikal na Pamamaslang, Pagbabanta, Panggugulo
Noong Hunyo 4, inilabas ng OHCHR ang ulat na nagpapakita ng “napakaraming sistematikong paglabag sa karapatang pantao” sa Pilipinas, kabilang ang pamamaslang ng 208 na tagapagtanggol ng karapatang pantao at aktibista simula 2015.
Pinuntirya ang mga makakaliwang aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao ng pisikal at online na atake. Noong Hunyo 17 pinatay ng mga di-kilalang armado si Zara Alvarez, isang legal worker ng Karapatan, grupo sa karapatang pantao, sa Bacolod City sa gitnang Pilipinas. Ang pagpatay sa kaniya ay nangyari isang linggo pagkatapos natagpuang patay si Randall Echanis, may palatandaang tinortyur, sa kaniyang bahay sa Quezon City. Si Alvarez ang ika-13 na miyembro ng Karapatan na pinatay ng administrasyong Duterte.
Nangyari ang mga atake sa mga aktibista sa konteksto ng kampanya ng gobyerno laban sa kilusang komunistang New People’s Army. Inakusahan ng militar at gobyerno ang Karapatan at iba pang grupo sa mga samahan nito na sumusuporta sa kilusan sa isang isang “red-tagging” na kampanya na nagdadala sa kanila sa labis na kapahamakan. Aktibong ginagamit ang social media ng militar, national security agencies, at pulisya upang magpabatid ng mga banta na nakapagresulta sa hindi lalagpas sa sandaang tao na na-red-tag na pinaslang noong nakaraang taon.
Noong Setyembre, inalis ng Facebook ang dose-dosenang tinatawag na “fake accounts” na ginamit ng puwersa ng estado para ipalaganap ang propaganda ng militar at gobyerno dahil sa “koordinadong di-makatotohanang gawi.” Kasama sa na-post ng mga account ang paninira sa mga aktibista na inaakusahang komunista o nakikisimpatya sa mga komunista, at sa ilang pagkakataon, “terorista.”
Noong Hulyo, nilagdaan ni Duterte ang bagong Anti-Terrorism Law. Napapaloob sa batas ang sobra-sobra at hindi malinaw na probisyon na maaaring gamitin ng gobyerno sa pantarget ng mga kritiko sa hindi makatarungan na paraan. Kasama sa probisyon ang pagtaguyod ng government-appointed Anti-Terrorism Council na nagtatalaga kung terorista ang isang tao o isang grupo, na maaaring agad arestuhin nang walang warrant o paratang at maikulong nang hanggang 24 na araw.
Kalayaan sa Pamamahayag
Noong Hunyo hinatulan ng isang korte sa Maynila si Maria Ressa, CEO ng news website na Rappler, ng cyber libel, kasama si Reynaldo Santos Jr., dating researcher ng Rappler. Kasama sa kaso ang retroactive na aplikasyon ng bagong batas sa isang artikulo na nailathala taon na ang nakalipas.
Ang kaso ay isa sa maraming kinahaharap ni Ressa at ng Rappler bilang bahagi ng kampanya ng pagganti laban sa kasapian ng media para sa kanilang pag-uulat sa “drug war” killings at sa pagkapangulo ni Duterte. Simula 2016, isinailalim si Ressa at ang Rappler sa mga pagbabanta at panggugulo, kasama ang mga kontra-babaeng atake online.
Noong Hulyo, pinagbotohan na hindi i-extend ng Kongreso ng Pilipinas, na kontrolado ni Duterte ang mayorya, ang prangkisa ng ABS-CBN, ang pinakamalaking television network sa bansa. Naipasara ang ABS-CBN dahil sa botohan. Dahil sa laging pamumuna ng ABS-CBN sa “giyera kontra droga” ng gobyerno, inakusahan ito ng pagiging biased at pinag-initan ni Duterte at ng mga opisyal niya.
Sa pagpatay noong Setyembre 14 kay Jobert Bercasio, brodkaster sa radyo at komentarista online, nagpatuloy ang pagkitil sa mga mamamahayag. Si Bercasio ang ika-17 na mamamahayag na pinatay sa termino ni Duterte at ang ika-189 mula nang maibalik ang demokrasya sa Pilipinas noong 1986. Noong Disyembre 2019, hinatulan ng isang korte sa Maynila ang dalawang mastermind at karamihan sa kanilang kasabwat para sa 2009 Maguindanao Massacre kung saan pinatay ng isang lokal na naghaharing pamilya ang 58 na tao, kabilang ang 32 media workers na nagko-cover ng isang kampanyang politikal. Gayunpaman, halos 80 na suspek ang nakawala, na walang pag-asang mahuhuli pa sila.
Death Penalty
Nagsimulang seryosong ikonsidera ng gobyerno ng Pilipinas na ibalik ang death penalty noong 2020. Nangyari ang hakbang na ito ng Kongreso isang linggo pagkatapos ang panawagan ni Pangulong Duterte ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sa mga gumagamit ng droga.
Ang pagbabalik ng death penalty ay lalabag sa Second Optional Protocol sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICPR), na pinagtibay ng Pilipinas noong 2017.
Covid-19
Sa oras ng pagkakasulat nito, isa ang Pilpinas sa may pinakamataas ng naitalang kaso ng Covid-19 sa Timong-silangang Asya, 400,000 na kaso hanggang sa gitnang Nobyembre. Ang tugon ng administrasyong Duterte sa pandemyang Covid-19 ay pinamumunuan ng mga dating opisyal ng militar, pulisya na suportado ng militar, na nagresulta ng malubhang pang-aabuso sa karapatang pantao.
Mula Marso 2016, nagpataw ang gobyerno ng iba’t ibang klase ng quarantine at lockdown para matigil ang pagkalat ng virus. Kabilang sa mga naiulat na pang-aabuso ng mga lokal na opisyal sa mga lumalabag sa curfew ay ang paglagay sa nagkasala sa loob ng kulungan ng aso o ibinibilad sa araw bilang parusa. Dalawang bata ang inaresto lagpas ng curfew ang inilagay sa loob ng kabaong ng lokal na opisyal. Noong Abril, tatlong LGBT ang hinuli ng awtoridad dahil sa paglabag sa curfew. Pinahiya sila sa pamamagitan ng pamumuwersa sa kanilang sumayaw at halikan ang isa’t isa sa publiko. Maraming tao ang inaresto dahil sa paglabag sa Covid-19 regulations ang ipiniit sa masisikip na kulungan kung saan imposible ang social distancing, kaya tumaas ang peligro na mahawa sila ng virus.
Ginagawang krimen ng batas C-19 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Marso 24 ang pagpapalaganap ng “maling impormasyon” na may hanggang dalawang buwan sa kulungan at isang milyon (US$19,600) na multa. Nagagamit ang batas na ito para isensor ang kalayaan sa pagsasalita sa mga kasong inihain laban sa gumagamit ng social media, kabilang sa kanila ang mga mamamahayag, na nambabatikos o pinagtatawanan ang tugon ng gobyerno.
Umakyat ang bilang ng naiulat na domestikong karahasan noong lockdown. Ang mga grupo tulad ng UNICEF at Save the Children ay nagpahayag ng pangamba tungkol sa epekto ng pandemya at lockdown sa kapakanan ng mga bata, lalo tungkol sa seksuwal at pisikal na pang-aabuso sa mga bata.
Piling International Actors
Noong Oktubre, gumawa ng isang resolusyon ang UN Human Rights Council na nanawagan sa Pilipinas na “tiyakin ang pananagutan para sa mga paglabag at pang-aabuso sa karapatang pantao, at kaugnay nito, magtaguyod ng malaya, ganap, at bukas na imbestigasyon at usigin ang lahat ng gumagawa ng mga mabigat na krimen, kabilang ang mga paglabag at pang-aabuso sa karapatang pantao.”
Gayunpaman, sa halip na magtaguyod ng isang independiyenteng internasyonal na imbestigasyon sa sitwasyong pangkarapatang pantao sa Pilipinas, pinayagan ng resolusyon ang kahilingan ng gobyerno ng technical assistance para sa isang magkatuwang na UN-Pilipinas na programa tungkol sa karapatang pantao na dapat tutugon sa mga pamamaslang. Sa pagtingin ng Human Rights Watch at dose-dosenang lokal at internasyunal na grupo, ang kahilingang ito, pati ang nakompromisong komite ng gobyerno na naatasang suriin ang pamamaslang sa “giyera kontra droga,” ay isang tangka sa pag-iwas sa pagsisiyasat ng UN.
Noong Setyembre, todong bumoto ang European Parliament para pagtibayin ang isang resolusyong tumutuligsa sa “mabilis na lumalalang sitwasyong pangkarapatang pantao” sa Pilipinas at nanawagan sa Pilipinas na gawin ang pananagutan sa karapatang pantao sa ilalim ng General Systems of Preference Plus na programa ng European Union na nagbibigay-pahintulot sa bansa na mag-eksport ng 6,200 produkto sa EU nang walang taripa. Panawagan din ng resolusyon na bitawan ang kaso laban sa mamamahayag na si Maria Ressa at kay Senador Leila de Lima, matagal nang kritiko ni Duterte na nakapiit na nang higit sa tatlong taon sa palsong drug charges.
Itinuloy ng International Criminal Court (ICC) ang pangunang imbestigasyon nito sa umano’y krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng mga pamamaslang sa “giyera kontra droga.” Umalis ang Pilipinas sa korte, nagkabisa noong Marso 17, 2019, pero tinukoy ng korte ng Office of the Prosecutor na maaari pa ring usigin ang mga krimeng nagawa bago ang petsang iyon, at ipagpapatuloy ang pag-eeksamen. Inudyukan ang ICC ng mga eksperto sa karapatang pantao ng UN, kabilang si Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnès Callamard, na unahin ang pagkumpleto ng eksaminasyon.
Noong Setyembre, ipinakilala ng Kongreso ng US ang Philippine Human Rights Act, na naglalayong isuspinde ang tulong-pandepensa at panseguridad sa Pilipinas para sa pang-aabuso sa karapatang pantao hanggang walang ginagawang makabuluhang pagbabago ang gobyerno. Para maalis ang suspensiyon, kakailanganing mapatunayan ng kalihim ng estado ng US na hustong naimbestigahan ng gobyerno at matagampay na nausig ang miyembro ng militar at kapulisang lumabag sa karapatang pantao; naiurong ang militar mula sa lokal na pamumulis; at nakapagtatag ng mabisang proteksiyon para sa mga unyon ng manggagawa, mamamahayag, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at kritiko ng gobyerno.