(New York) – Tumindi ang panunupil sa Pilipinas sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, ayon sa Human Rights Watch ngayon sa kanilang World Report 2019.

Umabot na sa ibang siyudad sa labas ng Maynila ang di-makataong “giyera kontra droga” ng gobyerno. Dumami ang mga pag-atake  sa mga aktibista, mamamahayag, at kritiko ng gobyerno. Dapat paigtingin ng mga donor government ang pagpuwersa kay Duterte na wakasan ang mga puntiryadong pagpatay at itigil ang mga kasong kriminal na politikal ang motibasyon.

“Ginagamit ni Pangulong Duterte bilang intstrumento ang pamamaslang sa libo-libong suspek ng droga na karamihan ay mahihirap para pataasin ang kaniyang popularidad,” ayon kay Brad Adams, Asia director ng Human Rights Watch. “Pinupuntirya rin niya  ang sinumang sumasalungat sa kaniyang popularidad, mula sa matatapang na senador hanggang sa mga mamamahayag na nagdodokumento ng kaniyang mga pang-aabuso.”

Sa XX-pahinang World Report 2019, ang ika-29 edisyon nito, sinuri ng Human Rights Watch ang pagpapatupad sa karapatang pantao ng higit sa 100 bansa. Sa kaniyang introduksiyon, sinabi ni Executive Director Kenneth Roth na dumarami ang nag-aaklas laban sa mga populistang nagpapalaganap ng pagkamuhi at kakitiran ng isip. Ibinabandila ng mga nagsanib-puwersang gobyernong may paggalang sa karapatan, at kadalasang naudyukan at tinutulungan ng mga sibikong grupo at publiko, ang bunga ng awtokratikong pagmamalabis. Ipinamamalas ng kanilang tagumpay ang posibilidad ng pagtatangggol sa mga karapatang pantao, kahit sa mapanganib na panahon.

Ang mga ekstra-hudisyal na pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit ng droga ay nagpatuloy sa mga lugar na urban sa labas ng kabisera noong 2018. Sa buong bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP), halos 5,000 suspek sa droga ang napatay mula Hulyo 2016 hangggang Nobyembre 2018 habang nagsasagawa ng mga operasyon kontra-droga.  Gayunman, iginigiit ng mga grupong pangkarapatan na libo-libo pa ang pinatay ng pulisya at ng mga umano ay ahente nila.

Pinaigting ng administrasyon ang pag-atake nito laban sa mga kritiko ng drug war, kabilang ang mga aktibistang grupo, Simbahang Katoliko, mga kalabang politiko, at midya. Noong Disyembre, nagsampa ang administrasyon ng nauudyukan ng politikang kaso ng di-pagbabayad ng buwis laban sa mapanuring news website na Rappler at editor nito, si Maria Ressa.

Pinuntirya ni Duterte ang Simbahang Katoliko, na naging kritikal sa “giyera kontra droga,” inakusahan niya ang mga obispo ng korupsiyon at tinawag na bakla ang karamihan sa mga Filipinong pari. Noong Disyembre, hinimok niya ang publiko na patayin ang “mga walang kuwentang obispo” dahil “puro pangungutya lang ang ginagawa nila” sa gobyerno.

Ginawang kontrabida ng gobyerno ang mga aktibistang grupo, tinawag na mga komunista, at terorista. Noong Marso, inakusahan ng kalihim ng ugnayang  panlabas ang mga grupong para sa karapatang pantao na “di-malay na nagpapagamit” sa mga sindikato ng droga. Noong Nobyembre, pinaslang ang isang abogado ng karapatang pantao, si Benjamin Ramos, sa Negros Occidental. Kinakatawan ni Ramos ang mga pamilya ng mga magsasaka sa probinsiya na minasaker kamakailan. Nagkaroon ng marahas na pag-atake laban sa aktibista para sa karapatang pantao, mga abogado, mamamahayag, mga grupong maka-kalikasan, mga katutubong grupo, mga manggagawa, at mga magsasaka.

Nananatili sa bilangguan si Senador Leila de Lima, pinakaprominenteng kritiko ni Duterte, simula nang arestuhin siya noong Pebrero 2017 sa  gawa-gawang kaso sa droga. Isa pang senador, si Antonio Trillanes IV, ay binantaan din ng pag-aresto noong Setyembre dahil sa pamumuna kay Duterte. Noong Mayo, bilang aksiyon sa petisyon ng gobyerno, pinatalsik ng Korte Suprema ang  Punong Mahistradong si Maria Lourdes Sereno dahil sa kaniyang kritisismo sa “giyera kontra droga” at iba pang patakaran ng administrasyong Duterte.

Mayroong dalawang pambihirang tagumpay sa pananagutan ang Pilipinas noong 2018. Isa ay ang paghatol kay Maj. Gen. Jovito Palparan at dalawa pa dahil sa pagdukot at ilegal na detensiyon ng dalawang estudyanteng aktibista noong 2006. Noong Nobyembre, tatlong opisyal ng pulisya ang nahatulan dahil sa pamamaslang kay Kian delos Santos, 17-taong gulang, noong Agosto 2017, bunga ng drug war.

 “Walang indikasyon na tatantanan ni Pangulong Duterte ang kaniyang kakila-kilabot na drug war,” sabi ni Adams. “Dapat suportahan ng mga foreign donor ang mga pagsisikap ng mga institusyon sa Pilipinas, mga grupo at midya na puwersahin ang gobyerno upang itigil ang mga pamamaslang at parusahan ang mga dapat managot.”