Isang araw matapos magdeklara ng martial law sa isla ng Mindanao sa katimugan ng Pilipinas, naglabas ng nagbabantang mensahe ang pangulong Duterte para sa pagpapatupad nito.
“Ang martial law ay martial law ha,” sabi niya. “Hindi ito magiging iba sa ginawa ng pangulong Marcos. Magiging malupit ako.”
Nangyari ang aksiyong ito ng presidente pagkatapos atakihin ng dalawang Islamist na armadong grupo ang Marawi, isang siyudad sa Mindanao, na ikinasawi ng tatlong security officers at nakasunog ng ilang gusali. Sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa ilalim ng martial law, ang militar ang may “kontrol sa galaw, paghahalughog at pag-aresto ng mga nahuling tao, suspension ng writ of habeas corpus.”
Sa harap ng di-pagsunod sa batas ng “giyera kontra droga” ni Duterte, kung saan sangkot ang pulisya at mga ahente nito sa walang habag na pagpatay sa higit 7,000 suspetsang nagbebenta at nagdodroga, ang pagpipigil sa sarili ng militar sa Mindanao ay baka mithing sa isip lang.
At sa mga Filipinong dumanas ng martial law sa ilalim ni Ferdinand Marcos, ang kaswal na pagbanggit sa dating diktador ay talagang nakababahala. Sa mahigit 10 taon, simula noong 1972, nagsagawa ang puwersang panseguridad ng Pilipinas ng malawakang arbiraryong pag-aresto at detensiyon, tortyur, at di-mabilang na ekstrahudisyal na pagpatay at pagdukot na kaunti lamang ang napanagot o naparusahan.
Ang pagsadsad ng kondisyon ng bansa ay nagpatuloy kahit sa pag-aalis ng martial law noong 1981 hanggang mapatalsik si Marcos sa rebolusyong “People Power” noong 1986.
Nakakaharap ni Duterte ang isang balakid sa pagiging susunod na Marcos: ang Konstitusyong 1987 ng Pilipinas, na naglalagay ng mga restriksyon sa pagpapataw at pangangasiwa ng martial law.
Mapapawalang-bisa ng Kongreso ang proklamasyon ng martial law sa botong mayorya at ang Korte Suprema ay makakahatol sa makatotohanang batayan ng deklarasyon nito. Hindi rin magagamit ang martial law para suspendihin ang konstitusyon, ang korte o ang lehislatura, at ang korteng militar ay hindi makakalitis ng mga sibilyan kung umaandar ang korteng sibil. Ang sinumang maaresto ay dapat makasuhan ng hukom sa loob ng tatlong araw, kung hindi ay dapat silang palayain.
Ngunit ang salita sa papel ay ganoon lang. Ang mga susunod na araw at linggo ang magpapakita kung kaya ng Kongreso at mga korte ng Pilipinas na marendahan ang isang abusadong pangulo. Mula nang maupo si Duterte halos isang taon na ang nakaraan, hindi pa nila ito nagagawa.