Skip to main content

Japan: Huwag Pondohan ang Abusadong Serbisyo ng Rehab sa Droga

Siguraduhin ang Kusang-Loob na Community-Based Drug Treatment


(Tokyo) – Hindi dapat pondohan ng gobyernong Hapones ang mga serbisyo sa rehabilitasyong pandroga na hindi papasa sa pamantayang internasyonal, sabi ng Human Rights sa isang sulat sa Foreign Minister ng Japan na si Fumio Kishida at Presidente Shinichi Kitaoka ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Ang JICA na nagpopondo sa gawaing pangkaunlaran sa ibayong dagat ay pumayag na magbigay ng US $17 milyon sa Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas para sa “pagpapabuti ng [drug] rehabilitation centers at paghusayin ang hakbang sa paggamot sa mga lulong sa droga.”

“Hindi dapat suportahan ng gobyernong Hapones ang posibleng abusadong paraan ng rehabilitasyon sa droga sa Pilipinas,” sabi ni Kanae Doi, direktor ng Human Rights Watch sa Japan. “Dapat na isiwalat nang maayos ng JICA ang klase ng serbisyong panrehabilitasyon sa drogang pinopondohan nito at ang mga paniguradong ipinataw para matiyak na hindi sinusuportahan ng Japan ang mga serbisyo o pasilidad na labag sa karapatang pantao ng mga nagpaparehab sa pagkalulong sa droga.”

Ang Pilipinas ay desperadong nangangailangan ng kusang-loob na community-based na mga serbisyo sa pagrehab sa pagkalulong sa drogang umaayon sa internasyonal na pamantayan at mga alituntunin ng karapatang pantao. Gayunman, hindi JICA o ni ang Kagawaran ng Kalusugan ang nakapagbigay ng detalye kung paano gagamitin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pondong iyon. Ang alok ng Punong Ministro na si Shinzo Abe ng “makabuluhan na tulong para tugunan ang isyu ng ilegal na droga” sa Pilipinas ay kahina-hinala sa harap ng malalang paglabag sa karapatang pantao ang nauugnay sa “giyera kontra droga” ng pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte. Simula nang maluklok si Duterte sa puwesto noong Hunyo 2016, ang pulisya at ang mga di-kilalang armadong kalalakihan ay nakapaslang na ng mahigit 7,000 na pinagsusupetsahang gumagamit at nagbebenta ng droga.

Ang tugon ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtaas ng pangangailangan sa pasilidad na panrehabilitasyon sa droga—ang pagbubukas ng “mega treatment at rehabilitation center na may 10,000 bilang ng kama” sa loob ng base militar na Fort Magsaysay na may layong 120 kilometro pahilaga ng Maynila—ay nakakadagdag-bahala dahil imbes na treatment services na evidence-based sana ay maaaring tumulad lang ito sa abusadong modelo na naidokumento na ng Human Rights Watch sa ibang lugar sa Timog-Silangang Asya.

Dapat iwasan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Hapon ang mapang-abusong gawaing nailantad sa Cambodia, China, Laos, at Vietnam, kung saan ang pagsandal sa di-boluntaryong rehabilitasyon sa pagkalulong sa droga ay konektado sa malalang paglabag sa karapatang pantao. Sa mga sinasabing “treatment centers” sa mga bansang ito, napag-alaman ng Human Rights Watch na ang “lunas” na itinatakda ay binubuo ng sapilitang paggawa at pagsasanay na militar imbes na paglunas na batay sa ebidensiya; na laganap ang tortyur at pagmamaltrato; at nakaditene  ang mga tao sa mga ganitong kampo nang walang karampatang proseso.

“Dapat na tumulong ang Japan na makapagbigay ng boluntaryo at epektibong community-based na paglunas sa pagkalulong sa droga sa Pilipinas, at hindi tulungang pagtakpan ang karumal-dumal na giyera kontra-droga ni Duterte,” sabi ni Doi.

Your tax deductible gift can help stop human rights violations and save lives around the world.

Region / Country