May bagong taktika ang gobyerno ng Pilipinas na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte para mailihis ang lumalakas na pagpuna ng ibang bansa sa malupit na “giyera kontra droga” na nakapatay na ng libo-libo: itangging kakaiba ang mga pagpaslang.
Noong Lunes, ginamit ng Senador ng Pilipinas na si Alan Peter Cayetano ang paraang ito sa United Nations Universal Period Review (UPR) sa Geneva tungkol sa rekord ng karapatang pantao ng Pilipinas.Tahasang itinanggi ni Cayetano ang mga ulat ng maraming namatay kaugnay ng giyera kontra droga bilang “alternatibong katotohanan” na walang basehan sa realidad. Binalewala niya ang istatistikal na ebidensya at matibay na pagdokumento ng mga ulat ng pagpatay sa mga hinihinalang gumagamit at nagtutulak ng droga mula nang maupo si Duterte, noong Hunyo, bilang “taktikang politikal” na walang katibayan at ginagamit lang ng mga naninira sa presidente.
Ang palabas ni Cayetano ay bihasang paggamit ng makabagong depensa sa mga hindi na maipagtatanggol. Ngunit hindi nito maitatanggi ang datos na ang giyera kontra droga ay nakapatay na ng mahigit 7,000 katao mula noong Hulyo, na karamihan ay maralitang Filipinong taga- lungsod. At hindi rin nito napigil ang pagpuna sa giyera kontra droga ni Duterte ng mga miyembro ng UN mula sa iba’t ibang rehiyon sa mundo, kasama na ang Germany, Japan, Chile, Ghana, at Canada, na nanawagang maihinto na ang mga pamamaslang at siguraduhing managot ang gobyerno ng Pilipinas sa mga pagpaslang. Ang China ang isa sa iilang bansang nagbigay ng simpatiya kay Cayetano, habang pinupuri ang gobyerno ng Pilipinas sa tinatawag na “mga pambihirang nagawa” nito sa pagtatanggol sa karapatang pantao.
Pahiwatig itong bagong estratehiya ng pagtanggi ng gobyerno ng Pilipinas na napansin nilang hindi mabisa ang dating gawi na umasa sa mga kilalang apologist na opisyal ng goyerno para mailihis ang pagpuna ng publiko.Umamin ang mga apologist, tulad nina Director-General ng Philippine National Police Ronald Dela Rosa at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, sa pagdanak ng dugo ngunit katwiran nilang di-maiiwasang kapalit ito ng giyera kontra droga. Hindi nakapigil ang ganitong retorika ng palusot sa mga panawagan sa mga hiwalay na pagsisiyasat sa mga pagpatay o pagbabala ng Office of the Prosecutor ng International Criminical Court (ICC) tungkol sa posibleng prosekyusyon ng ICC sa “sinuman sa Pilipinas na nang-uudyok o nandadahas sa masa.”
Nahihibang ang gobyerno ng Pilipinas kung naniniwala itong ang mga mapang-uyam na publikong gawi ng mga opisyal na tagapagsalita tulad ni Cayetano na magtanggi ng mga katibayan ay mapagtatakpan ang lawak at lupit ng giyera kontra droga ni Duterte. Sa halip,inaasahang lalakas pa ang panawagan ng buong mundo para may managot sa katotohanan.