(New York) – Dapat na salantain ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga mapang-abusong hukbong paramilitar at gumawa ng matitibay na hakbangin para mapanagot ang mga may-sala sa mga pagpatay at iba pang paglabag sa karapatan, sinaad ngayong araw ng Human Rights Watch sa World Report 2012 nito.
Ang pamahalaan ni Presidente Benigno Aquino III ay hindi pa natutupad ang pangako nitong pagbabago at napakaliit ng nagawa para wakasan ang paglabag nang walang kaparusahan sa mga pang-aabuso ng mga puwersang pangseguridad, ayon sa Human Rights Watch. Nagpapatuloy ang mga pagpatay na hindi iniutos ng hukuman at pagpapahirap sa mga makakaliwang aktibista, mga pinaparatangang rebeldeng komunista, at mga akusadong kriminal, ngunit bigo ang pamahalaan na kilalanin at tugunan ang pagkakasangkot sa mga krimen na ito ng mga puwersang pangseguridad at mga lokal na opisyal.
“Makalipas ang isa’t kalahating taon na pagkakaupo, dapat na natutupad ni Presidente Aquino ang kaniyang pangakong wawakasan ang mga paglabag nang walang kapausahan para sa mga paglabag sa karapatan,” ayon kay Elaine Pearson, deputy Asia director sa Human Rights Watch. “Sa huli, ang kaniyang administrasyon ay susukatin sa mga nakamit nito, hindi sa mga sinabi nitong gagawin.”
Sa 676-pahinang ulat nito, tinasa ng Human Rights Watch ang pag-usad tungkol sa mga karapatang pantao sa nakalipas na taon sa mahigit 90 bansa, kabilang na ang mga popular na pag-aalsa sa mga bansang Arabo na iilan lamang ang marahil na nakaisip. Dahil sa mararahas na hukbong lumalaban sa “Arab Spring,” may mahalagang papel na ginagampanan ang internasyonal na komunidad sa pagsilang ng mga demokrasyang gumagalang sa karapatang pantao sa rehiyon, pagsasaad sa ulat ng Human Rights Watch.
Noong Disyembre, makaraang ilimbag ang ulat, nagpalabas ng arrest warrant ang isang korte sa Bulacan laban sa retiradong army Maj. Gen. Jovito Palparan at iba pang opisyal at sundalo para sa sapilitang pagkawala ng dalawang estudyanteng aktibista noong 2006. Si Palparan ang pinakamataas na ranggong opisyal ng militar na kinasuhan para sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao mula nang maalis sa pagkakaupo ang diktador na i Ferdinand Marcos noong 1986. Nasasakdal siya sa pagdukot, pagpapahirap, at pagpatay sa dose-dosenang makakaliwang aktibista sa Pilipinas.
Nag-aalok ang Kagawaran ng Hustisya ng isang milyong piso (US$23,000) na pabuya para sa impormasyong mauuwi sa paghuli kay Palparan, na nagtatago ngayon. Habang ang Kagawaran ng Hustisya at Interyor ay bumuo ng isang “tracker team” para tugisin ang nagtatagong heneral, dapat na ipag-utos ni Aquino sa pulisya at militar na dagdagan ang pagsisikap na maaaresto siya, ayon sa Human Rights Watch.
Sa kabila ng mga bagong pag-usad, nagpapatuloy ang mga pagpatay na labag sa batas at dapat na pag-igtingin ng pamahalaan ang mga ginagawa nito para mapanagot ang mga may-sala, saad pa ng Human Rights Watch. Naidokumento ng Human Rights Watch ang hindi bababa sa pitong pagpatay na hindi inutos ng hukuman at tatlong sapilitang pagkawala kung saan may malakas na katibayan ng pagkakasangkot ng militar mula nang maupo si Aquino noong Hunyo 2010.
Daan-daang makakaliwang pulitiko at aktibista, mamamahayag, at mga paring tahasang nagsasalita ang pinatay o dinukot mula noong 2001, ayon sa Human Rights Watch. Sa kabuuan ay nabigo ang pamahalaan na litisin ang mga kawaning militar na sangkot sa mga naturang pagpatay, kahit na may matitibay na ebidensiya sa marami sa mga kaso. Tanging pito sa mga pagpatay na hindi inutos ng hukuman ang matagumpay na nalitis sa nakaraang dekada, wala sa mga ito ang naganap noong 2011, o kaya’y may sangkot na aktibong kawani ng militar. Kahit sa kaso ni Palparan, ang pamilya ng mga biktima – hindi ng pamahalaan – ang naghain ng kasong kriminal.
Ang pulisya at militar ay nasasangkot sa maraming kaso ng pagpapahirap noong 2011. Habang nagpapatuloy ang ilang pag-iimbestiga, ang sigla ng mga imbetigasyon ay paiba-iba at walang napatunayang nagkasala sa bisa ng Anti-Torture Act ng 2009. Noong Hulyo, sinasabing hinubaran, sinaktan sa seksuwal na paraan, at sinunog ng mga sundalo ang isang 39 taon gulang na panaderong si Abdul-Khan Balinting Ajid, sa Basilan. Bagaman sinasabi ng militar na ang ilang sundalong sangkot ay nakapiit sa barracks sa Manila, walang kasong isinasampa laban sa kanila.
“Ang pag-aresto at paglitis kay Palparan ay magiging pinakamalaking hakbang laban sa paglabag na walang kapurasahan para sa mga pang-aabuso ng militar sa nakaraang dekada,” ayon kay Pearson. “Ngunit kailangang maging mas nangunguna ng pamahalaan sa pag-imbestiga sa mga pagpatay at pagpapahirap, sa pag-aresto ng mga pinaghihinalaan, at masigabong sa paglilitis sa kanila.”
Ipinagtatanggol ni Aquino ang paggamit sa mga hukbong paramilitar na hindi gaanong nakapagsanay at mapang-abuso para labanan ang mga insurektong komunista at at mga armadong grupong Muslim noong 2011, ayon sa Human Rights Watch. Sa kabila ng mga ipinangako sa kampanya na bubuwagin ang mga “private army” (pribadong hukbo) ng mga pulitiko at mayayamang may-ari ng lupa, na matagal nang may kagagawan sa matitinding pag-abuso, hindi pa binabawi ni Aquino ang Executive Order 546, na siyang ginagamit ng mga lokal na opisyal bilang katuwiran sa pagsasa-armado ng kani-kanilang pansariling hukbo. Noong Oktubre, inanunsiyo ni Aquino ang paglulunsad sa karagdagang hukbong paramilitar para magbigay ng seguridad sa mga kompanyang nagmimina.
Ang mga miyembro ng malakas na pamilyang Ampatuan, militar, pulisya, at mga kawaning paramilitar, bukod sa iba pang pinaghihinalaan, ay nililitis para sa pagpatay sa 58 katao, kabilang na ang mahigit sa 30 mamamahayag, sa lalawigan ng Maguindanao sa katimugang isla ng Mindanao, noong Nobyembre 2009. Dalawang taon na ang nakalilipas, ang paglilitis ay nagpapatuloy, bagama’t mabagal, kung saan ang mga saksi para sa naglilitis, kabilang ang mga pamilya ng mga biktima, ang patuloy na tumetestigo.
Dagdag pa sa mga pang-aabuso ng mga hukbo ng pamahalaan, ang komunistang New People’s Army (NPA) ay pumapatay at bumibihag sa mga sibilyan at puwersahang nangingikil ng “mga buwis” sa mga indibidwal at mga negosyo, ayon sa Human Rights Watch. Madalas na binibigyang-katuwiran ng mga pinuno ng NPA ang mga pagpatay sa pamamagitan ng pasaad na hinusgahan na ng inorganisa ng NPA na mga “hukumang-bayan” ang mga pinaslang para sa “mga krimen laban sa taong-bayan.” Si Philip Alston, isang dating special rapporteur ng United Nations sa mga pagpaslang na hindi ipinag-utos ng hukuman, ay nagpalagay na ang sistema ng hukuman ng NPA ay “maaaaring napakalaki ang diperensiya o kaya’y isang kabulaan lamang.”
Noong 2011, gumawa ng mga kuwento ang Philippine Army na ang ilang kabataang kinulong ng mga militar ay mga rebeldeng NPA. Sa ilang kasong inimbestigahan ng Human Rights Watch, ipinarada ng sandatahan ang mga kabataan sa harap ng media, at publikong binansagan bilang mga rebelde kahit na walang kaduda-dudang taliwas ang katibayan. Sa dalawa sa mga kasong ito, ikinulong ng sandatahan ang mga kabataan ng ilang araw.
“Nanlilimos ng paliwanag kung bakit sa loob ng dalawang taon lumipas pagkatapos ng masaker sa Maguindanao, ay hindi pa rin nabubuwag ni Aquino ang mga hukbong paramilitar ng bansa,” ayon kay Pearson. “Kapwa ang mga puwersa ng pamahalaan at mga armadong rebelde ay dapat na tiyakin ang pagsunod sa mga batas ng digmaan at protektahan ang mga karaniwang sibilyan, na pumapasan sa hirap ng sagupaan.”