Naging kilala ang anim na taong termino ni Pangulong Duterte sa politika ng pagbabanta at pananakot, sa libo-libong extrajudicial killings na karamihan ay maralitang tagalungsod na Pilipino, at sa malubhang pinsala sa mga demokratikong institusyon ng bansa, Natapos na ang administrasyong Duterte noong Hunyo 30. Mula sa inagurasyon ni Ferdinand Marcos Jr. bilang presidente, halos walang nagbago sa sitwasyon sa karapatang pantao.
Inilatag ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) ang mga pangunahing problema sa karapatang tao na kinakaharap ng bansa, sa isang ulat noong Setyembre na nagtáya ng progreso ng Philippines-UN Joint Program on Human Rights na nagsimula noong Hunyo 2021. Kabilang dito ang patuloy na "harassment, banta, pag-aresto, pag-atake, at red-tagging sa mga tagapagtaguyod para sa lipunang sibil, pati ang patuloy na pamamaslang ng pulisya na konektado sa droga " Binigyang-diin sa ulat na "napakalimitado ng akses sa hustisya ng mga biktima ng paglabag sa karapatan at pang-aabuso."
Gusto ni Pangulong Marcos siguruhin sa internasyunal na komunidad na nakatuon siya sa karapatang pantao. Itinampok ng kanyang mga opisyal na nagsalita sa United Nations Human Rights Council `ang ilang hakbang na nais nilang gawin habang pinapanindigan na bumuti na ang sitwasyon sa karapatang pantao sa Pilipinas. Gayunpaman, pinabulaanan ng mga grupo sa karapatang pantao at lipunang sibil ang mga pahayag na ito gamit ang mga ulat sa council tungkol sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao.
"Drug War" Killings
Pagkatapos maluklok sa puwesto noong Hunyo 30, ipinahayag ni Pangulong Marcos na itutuloy niya ang "giyera kontra droga" na sinimulan ng nauna sa kanya. Gayong sinabi ni Marcos na ang kanyang administrasyon ay gagawa ng “bahagyang naiibang" kampanya kontra droga sa pagpokus sa rehabilitasyon ng mga gumagamit ng droga, patuloy pa rin ang di-makatarungang paggamit ng dahas ng pulisya at mga ahente ng gobyerno. Sa pagsubaybay ng Dahas, isang programang pinapatakbo ng Third World Studies Center ng Unibersidad ng Pilipinas, nakitang hindi bababa sa 90 tao ang napaslang sa tinatawag ng Center na "karahasan na may kinalaman sa droga" sa panahon mula sa inagurasyon ni Marcos at hanggang sa Setyembre 30.
Iniulat ng gobyerno na nakapaslang ang mga miyembro ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency ng 6,252 tao sa kanilang operasyong kontra-droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2022. Inihinto ng gobyerno ang paglabas nitong istatistika pagkaluklok ni Marcos sa puwesto. Hindi kabilang sa opisyal na bilang ng namatay ang mga pinaslang ng mga di-kilalang gunmen, na sa paniniwala ng Human Rights Watch at iba pang sumusubaybay sa karapatan, nang may kapani-paniwalang ebidensiya, ay nakikipagtulungan sa mga lokal na pulisya at opisyal. Nataya ng OHCHR sa isang ulat noong 2020 na ang bilang ng mga napaslang ay hindi bababa sa 8,663. Pahayag ng mga lokal na grupo sa karapatan at hinirang ng gobyerno na Komisyon sa Mga Karapatang Pantao ng Pilipinas na ang totoong bilang ng drug war killings ay posibleng triple ng bilang sa report ng OHCHR.
Napakakaunti lang ang seryosong naimbestigahan ng mga awtoridad na "drug war" killings. Iilan lang – 12 sa libo-libo – ang nasa iba't ibang yugto ng imbestigasyon ng pulisya o aktibong nirerepaso ng mga prosekyutor. Sa ngayon, iisang kaso lang, ang na-vidyohang murder ng 17-taong gulang na si Kian delos Santos noong Agosto 2017, rang nakapagresulta sa paghatol sa mga opisyal ng pulis.
"Red-tagging" at Harassment sa Mga Aktibista
Inakusahan ng gobyerno at ng mga opisyal ng miltar ang mga grupong panlipunang sibiko na tagasuporta ng mga rebelde ng komunistang New People's Army (NPA) na 53 taon nang nagsusulong ng armadong tunggalian sa buong bansa. Ang mga ganitong akusasyon na walang ebidensiya ay parte ng tinatawag na "red-tagging" na kampanya sa Pilipinas, na naglalagay sa inakusahan sa matinding panganib ng atake ng security forces o di-kilalang gunmen. Aktibong ginagamit ng militar, pulisya, at iba pang puwersang pambansang seguridad ang social media para iparating ang mga banta ng "red-tagging", at sa ilang kaso, silang mga na-red tag, sa kahulihan, ay pinaslang ng mga di-kilalang gunmen.
Marami nang inakusahang mga aktibistang politikal bilang miyembro ng Communist Party o ng NPA ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng gobyerno, na malapit na nakikipagtulungan sa militar, pulisya, at opisina ng presidente. Kabilang sa na-red tag ng task force ay ang dating Bise Presidente Leni Robredo, na kamakailan ay natalo ni Marcos sa halalan sa pagkapangulo. Na-red tag din ng task force ang mga mamamahayag, book publishers, at nongovernmental groups (NGOs), kabilang ang Oxfam.
Noong Setyembre, naudyukan ang lawyers' groups at pati ang Korte Suprema para umawat nang naging target ng red-tadding si Judge Marlo Magdoza-Malagar, isang huwes sa Manila Regional Trial Court, na nagdismis ng isang kaso na naghangad ideklarang "teroristang grupo" ang Communist Party of the Philippines at ang armado nito. Espesipikong humingi ang korte ng eksplanasyon kay dating National Task Force spokesperson Lorraine Badoy kung bakit hindi siya dapat malapatan ng contempt.
Pisikal na napipinsala ng security forces at mga vigilante ang mga na-red tag na lider at abugado ng mga pesanteng organisasyon at grupo sa karapatang pantao; may ilan na ang napaslang. Ang iba ay hinaharass, tulad ng grupo ng mga madre at pesanteng kababaihan na kinasuhan ng pagtulong sa "mga aktibidad ng terorista." Noong Hunyo, sinabi ni Clarita Carlos, ang bagong chairperson ng National Security Council, sa publiko na hindi siya pabor sa red-tagging. Nagpatuloy ang kagawian sa kabila ng deklarasyon.
Mga Atake Laban sa Mga Peryodista
Noong Oktubre 3, binaril ng mga di-kilalang gunmen si Percival Mabasa, isang komentarista sa radyo sa Las Piñas, isang siyudad sa Metro Manila. Kilala on-air at online bilang Percy Lapid, siya ang ikalawang mamamahayag na napatay simula nang maluklok sa puwesto si Marcos. Noong Setyembre 18, sinaksak hanggang mamatay si Renato Blanco sa Negros Oriental sa gitnang Pilipinas. Dalawa pang mamamahayag ang minurder noong 2022, ayon sa UNESCO. Binaril noong Hunyo 29 sa Cagayan de Oro City si Federico Gempesaw, isang komentarista sa radyo, habang pinatay naman si Jaynard Angeles, isa ring komentarista sa radyo, noong Enero 12 sa Tacurong City, sa timog Pilipinas.
Bukod sa mga pamamaslang na ito, nagpatuloy rin ang harassment sa mga mamamahayag. Noong Hulyo, pinatahimik ang mga peryodistang mapamuna sa administrasyon sa pagpapasara sa websites ng Bulatlat at Pinoy Weekly, dalawang alternative press na publikasyon. Hinangad ng National Security Council na ipasara ang dalawang outlet dahil sa diumano'y koneksiyon nito sa kilusang komunista, paratang na itinanggi ng mga patnugot at mamamahayag.
Sa taong ito, ilang beses ginamit ng gobyerno ang cyber-libel law laban sa mga peryodista, kolumnista, kritiko ng gobyerno, at ordinaryong social media users. Noong Agosto, inaresto ng pulisya ang aktibista at dating miyembro ng kongreso na si Walden Bello matapos siyang paratangan ng isang kawani ng opisina ni Bise Presidente Sara Duterte, anak ng dating pangulo.
Iniulat ng Office of Cybercrime ng Department of Justice na 3,700 na kaso ng cyber-libel rang isinampa simula Mayo 2022. Sa bilang na 'yon, 1,317 ang umabot sa korte habang 1,131 naman ang na-dismiss. Labindalawang kaso ang umabot sa paghahatol. Kabilang si 2021 Nobel Peace Prize laureate Maria Ressa, CEO ng news website na Rapper, sa mga nahatulan ng cyber-libel.
Arbitraryong Pagkakakulong kay Leila de Lima
Nananatiling nakadetene ang dating senador Leila de Lima, isa sa mga pangunahing kritiko ng dating presidente Duterte, simula nang pagkakaaresto sa kanya dahil sa gawa-gawang sakdal na may kinalaman sa droga noong 2017. Kinakaharap ni De Lima ang di-napatunayang sakdal na diumano'y nakatanggap siya ng pera sa drug lords habang nakaupo bilang justice secretary. Patuloy siyang nakakulong kahit nagbawi na ng testimonya ang dalawang pangunahing saksi sa kaso sa kanya ng gobyerno ng Pilipinas. Naniniwala ang Human Rights Watch na ginagantihan siya ng administrasyong Duterte dahil sa pag-iimbestiga sa extrajudicial killings sa ilalim ng kampanyang kontra-droga ni Duterte.
Piling International na Tagapagtaguyod
Noong Setyembre, naglabas ang UN High Commissioner for Human Rights ng isang ulat na nagbigay-diin sa umiiral na paglabag sa karapatan at nagrekomendang ipagpatuloy ang pagsubaybay at pag-uulat sa council. Gayunpaman, noong Oktubre, hindi nakapaglabas rang UN Human Rights Council ng isang resolusyon na magpapatuloy sa pagsisiyasat ng council sa sitwasyon sa karapatang tao ng Pilipinas. Ipinahiwatig ng UN human rights office, mga organisasyon panlipunang sibil, at pamilya ng biktima ng pang-aabuso ang kanilang matinding pag-aalala tungkol sa sitwasyon sa Pilipinas.
Tumulong ang United Kingdom, Ireland, Norway, Australia, at ang Netherlands sa UN-Philippines Joint Program na ginawa para maitatag ang mga reporma sa karapatang tao sa Pilipinas.
Noong Hunyo, nag-request ng awtorisasyon ang prosekyutor ng International Criminal Court (ICC) mula sa hukom ng korte na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga posibleng krimen laban sa sangkatauhan na isinagawa sa konteksto ng "drug war" ni Duterte. Noong Nobyembre 2021, nag-request ng deferral sa pagsisiyasat ng ICC sa ilalim ng principle of complementarity ang gobyerno ng Pilipinas sa kadahilanang nagsimula na ito ng sariling imbestigasyon sa mga kaso ng extrajudicial killings na nag-uugnay sa pulisya sa mga "drug war" operations. Napagpasyahan ng opisina ng ICC prosecutor na bigô ang gobyerno ng Pilipinas na maipakita na nagsasagawa ito ng mga hakbang na mag-iimbestiga sa mga pamamaslang at mapapanagot ang mga salarin; hinihintay nito ngayon ang judicial review sa request para ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Noong Pebrero, nagpasa ng isang resolusyon ang European Parliament na nagkokondena sa pang-aabuso ng gobyerno ng Pilipinas at nag-udyok sa European Commission na magtakda ng "klaro, pampubliko, may-takda sa oras na benchmarks" na susundan ng Pilipinas sa obligasyon nito sa karapatang pantao sa ilalim ng GSP+ scheme ng EU, na isang kondisyon sa isang bansa para mapanatili ang unilateral trade benefits nito. Noong Marso, bumisita ang mga opisyal ng EU sa Pilipinas at nanghimok ng "kongkreto at nasusukat na progreso" tungkol doon. Nagkaroon ulit ng bilateral na diskusyon sa karapatang pantao noong Oktubre.
Nakatatanggap ng kabuuang $1.14 bilyon simula 2015, nananatiling pinakamalaking benepisyaryo ng US foreign military assistance sa rehiyong Asya-Pasipiko ang Pilipinas. Noong Setyembre, naiulat na irereprogram ng gobyerno ng US ang $130 milyon na military aid na tinanggal nila mula sa Egypt at mga bagong climate initiatives para sa mga bansa sa Pasipiko, kabilang ang Pilipinas. Tinatawagan ng mga mambabatas ng US na mapabuti ng Maynila ang pagsunod sa karapatang pantao, lalo na sa kaso ng nakakulong na dating Senador Leila de Lima.