Tatlong taon pagkaupo sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 2016, libo-libong maralitang tagalungsod ang napatay sa “giyera kontra droga.” Mula Kalakhang Maynila, kumalat sa iba’t ibang siyudad at probinsiya ang extrajudicial killings ng pulisya at mga ahente nito. Hindi lang buhay ang nawala dahil  sa “giyera kontra droga” kundi nawasak din ang kabuhayan, edukasyon, at kalusugang pangkaisipan ng mga pamilyang nakaranas nito.

Para mahikayat ang Pilipinas gamit ang presyur ng ibang bansa, nagpasa ng resolusyon ang United Nations Human Rights Council noong Hulyo 2019 na humihiling sa Office of the High Commissioner for Human Rights na magsumite ng ulat tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Tinugon ito ng administrasyong Duterte sa pag-uutos na suspendihin ang lahat ng negosasyon sa tulong pinansiyal ng 18 bansang nagsulong ng resolusyon.

Patuloy namang ginugulo, pinagbabantaan, inaaresto nang walang angkop na proseso, at kung minsan inaatake at pinapatay ng mga sundalo ng estado at paramilitar na suportado ng gobyerno ang mga aktibista, environmentalist, lider ng mga komunidad, at mga mamamahayag.

Lalo pang pinatibay ng halalan noong Mayo 2019 ang kapangyarihan ni Duterte dahil sa pagsanib ng maraming politiko sa kaniyang partido. Ilan sa nahalal sa senado sina Christopher Go, dating aide ni Duterte, at si Ronaldo dela Rosa, dating hepe ng pulisya na naging tagapanguna ng “giyera kontra droga.” Pagkaraan, itinalagang pinuno  si Dela Rosa ng komiteng nag-iimbestiga tungkol sa pulisya at sa “giyera kontra droga.”
 

“Giyera Kontra Droga”

Nagpatuloy noong 2019 ang “giyera kontra droga” ng gobyerno, at patuloy na naiuulat sa midya ang mga bagong kaso araw-araw. Naging modus operandi ng pulis sa mga pagpatay ang pamamasok ng bahay para hulihin ang mga suspek sa paggamit o tulak ng droga, pero imbes na hulihin ay maiuulat na napatay sila ng pulisya dahil sa kanilang panlalaban. Naidokumento ng Human Rights Watch ang pagtatanim ng armas ng pulisya sa mga biktima upang pangatwiranan ang kanilang pagpatay sa mga ito.

Naiulat ng Philippine National Police na 5,526 suspek ang napatay sa operasyon ng pulisya mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2019. Gayunman, hindi kasama sa bilang na ito ang libo-libong napatay ng di-kilalang mamamatay-tao sa mga kasong hindi seryosong iniimbestigahan ng pulisya kaya ayon sa lokal na mga grupong pangkarapatang pantao, umaabot ang bilang ng mga napatay sa 27,000. Ipinahihiwatig sa pananaliksik ng Human Rights Watch at mapagtitiwalaang midya gaya ng Rappler at Reuters na ang mga vigilanteng pagpatay ay pakana mismo ng mga opisyal ng pulisya o kaya ay mga mamamatay-taong may kaugnayan sa mga awtoridad.

Kung dati ay sa Kalakhang Maynila ang konsentrasyon ng mga pagpatay, dumarami ngayon ang insidente sa iba pang malalaking lungsod tulad ng Cebu City at Bulacan. Marami pang pagpatay kaugnay ng “giyera kontra droga” ang nadiskubre ng Human Rights Watch sa iba’t ibang siyudad at bayan noong 2019.

Nag-iisang kaso lang, sa libo-libo, ang nagresulta sa pagkakahatol sa mga opisyal ng pulisya. Tatlong opisyal ang nahatulan ng hanggang 40-taong pagkakabilanggo sa pagpatay kay Kian delos Santos, 17-taong gulang, noong Nobyembre 2018. Nakita sa CCTV na kinakaladkad ng mga pulis ang bata sa eskinita kung saan siya natagpuang patay. Noong Setyembre 2019, ipinahayag ng pulisya na 103 na opisyal, mababa pa sa kalahati ng bilang ng mga kasangkot, ang humaharap sa mga kasong kriminal para sa papel nila sa pagpatay kaugnay ng “giyera kontra droga”.

Patuloy na isinusulong ni Pangulong Duterte ang kampanya kontra-droga. Banta niya sa isang talumpati noong Setyembre 25, “kung magdodroga kayo, papatayin ko kayo.” Dagdag niya: “Kahit na naririnig pa ng United Nations, papatayin ko kayo. Basta.”

Pagpatay sa Mga Aktibista, Mga Lider ng Komunidad at Tagapagtanggol ng Karapatang Pantao

Nagpatuloy ang extrajudicial killings ng security forces at kanilang mga ahente sa mga aktibista, environmentalist, at tagapagtanggol ng karapatang pantao, kapuna-puna sa isla ng Negros sa Gitnang Pilipinas. Ayon sa tally ng Rappler, nagkaroon ng 116 patayan sa Negros mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 27, 2019. Gayong hindi lahat ng ito ay tungkol sa droga, karamihan sa mga biktima ay magsasakang aktibista at lider ng pangkat ng magsasaka, nagpapahiwatig ng marahas na hidwaan sa lupa na dekada nang pinagdadaanan ng isla. Pinakamarami ang bilang ng namatay sa Negros noong Hulyo nang 14 aktibista ang binaril sa loob ng isang linggo.

May mga katulad na pagpatay ang naganap sa ibang parte ng bansa. Hulyo 2 nang binaril ang labor organizer at aktibistang si  Dennis Sequeña sa isang pulong ng mga manggagawa sa Cavite. Hulyo 7 nang patayin ng di-kilalang mamamatay-tao na nakamotorsiklo ang isang aktibista ng simbahan, isang politiko sa probinsiya, at isang negosyante sa magkakahiwalay na atake. Sa nakalipas na buwan, apat—sina Neptali Morada, Nonoy Palma, Ryan Hubilla, at Nelly Bagasala—ang magkakahiwalay na pinatay sa loob ng 48 oras. Noong Setyembre, iniulat ng Global Witness na sa rehimeng Duterte tumaas ang bilang ng pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at ang Pilipinas ang naging pinakapeligrosong bansa sa mundo para sa land at environmental activists.

Naikonekta ng Human Rights Watch at iba pang grupong pangkarapatan ang karamihan ng pamamaslang sa militar, pulisya o milisya na suportado ng security forces. Sa paglipas ng mga taon, kakaunti ang seryosong naimbestigahan at kaunti ang nahatulan sa mga pamamaslang sa mga aktibista.
 

Mga Pang-aatake sa Civil Society

Walang patid ang administrasyong Duterte sa kampanya laban sa miyembro ng mga organisasyong sibil. Halimbawa, naghain ng reklamong sedisyon ang pulisya laban kay Bise Presidente Leni Robredo at 35 katao, kabilang ang mga pari at obispo, miyembro ng oposisyon, at abogado at aktibista ng karapatang pantao noong Hulyo 18. Ayon sa pulisya kasali ang mga ito sa isang sabwatan para mapatalsik si Duterte. Ikinaila naman ng mga inakusahan ang bintang.

Naghain din ng perjury charges noong Hulyo si Hermogenes Esperon, national security adviser ni Duterte, laban sa mga relihiyoso at aktibistang grupo para sa umano ay pagsisinungaling nila sa petisyong naghahangad ng proteksiyong hudisyal laban sa state security forces. Ayon sa mga nagpetisyon ay tinatarget umano sila ng militar. Iginiit din nila na ang reklamo ni Esperon ay ganti para patahimikin sila. Si Senador Leila de Lima, pangunahing kritiko ni Duterte na pinasimulan ang imbestigasyon sa “drug war” killings noong 2016, ay nahaharap sa imbentong kaso sa droga at nasa kustodiya ng pulisya mula Pebrero 2017.

Samantala, patuloy ang kampanya ng gobyerno ng “red tagging” sa mga aktibista, ihinahablang sila ay miyembro ng o nakikisimpatya sa komunistang New People’s Army. Ang mga alegasyong ito ay sinundan ng marahas na pang-aatake sa nakalipas na mga taon.
 

Kalayaan ng Midya

Dumagsa ang atake sa mga mamamahayag noong 2019. Una rito ang pang-aaresto sa dalawang hiwalay na okasyon kay Maria Ressa, executive editor ng Rappler, isang news website, na masaklaw na naglathala tungkol sa “giyera kontra droga.” Nahaharap si Ressa sa kaso ng hindi pagbabayad ng buwis at libel, habang inusig ang Rappler dahil sa umano ay pinopondohan sila ng mga dayuhan.

Isang peryodista ang napatay hanggang nitong Nobyembre: ang news anchor na si Eduardo Dizon, taga-Kidapawan City sa Mindanao, na binaril noong Hulyo 10. Isa pa rin si Brandon Lee, na nagtamo ng malubhang pinsala mula sa atake ng isang mamamatay-tao noong Agosto sa hilagang Pilipinas.

Nakaranas din ng red-baiting at pambabanta ang iba pang miyembro ng midya sa Mindanao, sina Cong Corrales, associate editor ng Gold Star Daily, at Froilan Gallardo, senior correspondent para sa MindaNews. Noong Setyembre, ni-“red-tag” ang mamamahayag na si Sonia Soto, manager ng isang estasyon ng radyo sa Pampanga, na inakusahang konektado sa mga komunistang grupo.
 

Karapatan ng Kabataan

Sinira ng brutal na “giyera kontra droga” ng gobyerno ang buhay ng di-mabilang na kabataan at kanilang pamilya. Kita sa mga naunang pananaliksik ng Human Rights Watch na ang pagpatay sa tagapagtaguyod ng pamilya ay humantong sa siko-sosyal na trauma at kahirapan sa kabuhayan ng naapektuhang pamilya, kasama rito ang maraming batang kinailangang huminto sa pag-aaral para magsimulang magtrabaho. Ilan sa kabataang ito ay binu-bully sa eskuwelahan at sa komunidad nila; marami ang natutulak mamuhay sa kalsada dahil sa karukhaan. Walang ginagawa ang gobyerno para ibsan ang mga resulta ng “giyera kontra droga.”

Bukod sa pagiging direktang biktima ng “giyera kontra droga” — ilang bata ang napatay sa anti-drug raids nang dahil sa mga ligaw-na-bala. Isang inisyatibo ang sinimulan sa Kongreso noong Pebrero na naglalalayong ibaba ang age of criminal responsibility mula sa kasakuluyang 15 sa 12 anyos. May ibang nagmumungkahi na ibaba ito sa 9, na maaaring magresulta sa marami at mga batang makukulong sa di-maayos na kulungan.

Sa isang magandang hakbang, inaprubahan ng Kongreso ang isang bagong batas na magpoprotekta sa kabataan sa panahon ng digmaan. Mukhang ito ang kauna-unahang batas na maliwanag na ginagawang krimen ang pag-okupa ng militar sa mga eskuwelahan. Gayunman, sa oras ng pagsulat nito, hindi pa naeendoso ng administrasyong Duterte ang Safe Schools Declaration, isang internasyonal na panukala para protektahan ang edukasyon tuwing may hidwaan.
 

Oryentasyong Seksuwal at Kaakuhang Pangkasarian

Bigong ipasa ng Kongreso noong 2019 ang nakabinbin na batas na ipinagbabawal ang diskriminasyon sa trabaho, edukasyon, pangangalaga ng kalusugan, pabahay at iba pang dominyo batay sa oryentasyong seksuwal at kaakuhang pangkasarian. Hindi pa rin nito naipapasa ang batas na kumikilala sa relasyong pareho ng kasarian at nagpapalawig ng benepisyo para sa mag-asawang pareho ng kasarian.
 

Parusang Kamatayan

Isinulong ng mga kaalyado sa Kongreso at Senado ni Pangulong Duterte ang muling pagpapataw ng parusang kamatayan, lalo para sa drug crimes. Noong Setyembre, nagsagawa ng mga pagdinig sa iba’t ibang panukalang-batas na naglalayong baguhin ang umiiral na kautusan para isama ang parusang kamatayan. Sa Senado kung saan dati nang napawi ang mga panukala sa parusang kamatayan, pinamumunuan ni Senador Manny Pacquiao ang kampanya para ibalik ito, katuwang ang mga bagong-halal na senador na kumandidato sa partido ni Duterte.
 

Mga May Pangunahing Papel sa Antas na Pandaigdig

Nananatiling pangunahing kaalyado sa seguridad at ekonomiya ng Pilipinas ang Estados Unidos, pero nababahala ang Washington tungkol sa unti-unting pagiging magiliw ng relasyon ng administrasyong Duterte at Tsina.

Noong Hulyo 11, 2019, nagpatibay ng UN Human Rights Council ang isang resolusyon na inisponsoran ng Iceland, sa kabila ng pagsisikap ng Pilipinas na harangan ito sa pamamagitan ng malawakang misinformation campaign at malawakang diplomatic pressure. Ang hinihingi ng resolusyon ay magpresenta ang Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) ng ulat tungkol sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Minamarkahan ng pagpasá ng resolusyong ito ang kauna-unahang pagkakataon na Pilipinas ang naging mapagtutuunan ng ganitong hakbang mula sa Human Rights Council. Noong Setyembre, nagsimula ang OHCHR na mangalap ng input mula sa member states, civil society, at sa UN system para sa ulat na nakatakda sa Hunyo 2020.

Bilang tugon, nag-isyu ang administrasyong Duterte ng isang memorandum na nag-uutos sa mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas na huwag tanggapin ang tulong pinansiyal mula sa 18 bansa na bumoto para ipatupad ang resolusyon. Ang memorandum ay “nagsususpinde sa lahat ng pag-uusap at kasunduan para sa foreign loans at grants” dahil sa “tahasang pagtanggi ng administrasyon sa resolusyon ng UN Human Rights Council.”

Itinuloy ng prosekyutor ng International Criminal Court ang pagsasagawa ng isang preliminary examination sa sinasabing mga krimen sa Pilipinas mula Hulyo 1, 2016— sa kabila ng pag-alis ng Pilipinas sa Rome Statute na naging epektibo noong Marso. Kinumpirma ng Office of the Prosecutor ang hurisdiksiyon nito sa mga krimeng nagawa ng Pilipinas noong miyembro pa ito ng ICC.