Sa kulang sa dalawang taong natitirang panahon sa puwesto, patuloy ang Pangulong Benigno Aquino III sa di-malinaw na pahiwatig ukol sa komitment nitong ayusin ang karapatang pantao sa Pilipinas. Bagama't bumaba nitong nakaraang apat na taon ang bilang ng kaso ng ekstra-hudisyal na pagpatay, pagpapahirap, at puwersahang pagkawala o pagdukot na gawa ng mga puwersang panseguridad ng estado, regular pa ring nagaganap ang gayong mga pang-aabuso. Nagagatungan pa ito ng kawalan ng pagpapasiyang politikal ng pamahalaan para tapusin ang matagal nang impunity na tinatamasa ng mga pulis at sandatahang lakas, isang di-maasahang sistemang panghustisya, at pagtanggi ng militar sa pananagutan.
Bagama’t ang karapatang pantao ay pangunahing usapin kay Aquino nang maupo sa puwesto noong 2010, hindi niya natupad ang marami sa kaniyang mga ipinangako, lalo na ang ipinahayag na layuning tatapusin na ang pagpatay sa mga aktibista at mamamahayag at mapaparusahan ang mga may sala. Nanganib na mawalan ng puhunang politikal si Aquino nang ipahiwatig ang ekstensiyon sa pagiging pangulo, at nakahidwa niya ang Korte Suprema nang tawagin itong hadlang sa kaniyang mga mungkahing reporma.
May pag-usad sa pagharap sa ilang problema sa karapatang pantao. Noong Agosto 12, inaresto ng National Bureau of Investigation ang retiradong heneral ng army na si Jovito Palparan, na kasangkot sa diumano’y puwersahang pagkawala at pagpapahirap sa dalawang aktibista at iba pa noong 2006. Gumawa ng mga hakbang ang Korte Suprema para mapabuti ang tuntunin sa batas sa Pilipinas, halimbawa sa paglulunsad nito ng programang “Justice Zone” kung saan ang imbestigasyon, prosekusyon, at paglilitis sa mga kaso ay mapapabilis sa pamamagitan ng elektroniko o digital na pamamaraan tulad ng pag-iisyu ng “e-warrants” at “e-subpoenas.”
Lumagda sa isang kasunduang pangkapayapaan ang pamahalaan ng Pilipinas at ang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front noong Marso 27, 2014, na magbibigay ng awtonomiya sa mga Muslim sa Mindanao at tatapos sa dekada-na-ang-tagal na hidwaan doon na dahilan ng malulubhang pang-aabuso sa karapatang pantao ng lahat ng panig.
Pag-aresto sa Dating Heneral
Ang pag-aresto sa retiradong heneral ng army na si Jovito Palparan noong Agosto 2014 ng pinagsamang yunit ng sibilyang National Bureau of Investigation at naval intelligence ay maaaring maging patunay na natatanging pagkakataon ng pagbuwag sa historikong pagtanggi ng militar na litisin ang mga tauhan nito para sa seryosong pag-abuso sa karapatang pantao. Nasasangkot si Palparan sa mga ekstrahudisyal na pagpatay, pagpapahirap, at pagdukot na gawa ng mga puwersang nasa pamumuno niya sa ilang rehiyon mula 2001 hanggang 2005. Kinasuhan siya ng pagkidnap at pagpapahirap noong 2006 sa dalawang babae, sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno. Sinabi ni Palparan na ang kaniyang mga ginawa sa panahong ito ay pagsasakatuparan ng programang kontra-insurhensiya ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa administrasyong Macapagal-Arroyo mula 2000 hanggang 2010, daan-daan aktibistang makakaliwa ang pinahirapan, “dinukot,” at pinatay.
Ibinigay si Palparan sa kustodiya ng pulisya sa probinsiya ng Bulakan, hilaga ng Maynila, na pinaglilitisan ng kasong Cadapan-Empeno. Gayunman noong Setyembre 15 pinayagan ng korte ang paglipat ni Palparan sa kustodiya ng militar, kaya nagprotesta ang mga pamilya ng mga biktima at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
Mga Pagpatay
Habang mukhang kumaunti ang bilang ng pinatay noong 2014 hambing sa mga nakaraang taon, patuloy na naging puntirya ang mga aktibista, mamamahayag, makakalikasan, at lider ng mga tribu. Kabilang sa mga napatay si Fausto Orasan, isang 64 taong pinuno ng tribu sa katimugang Pilipinas, na binaril ng mga di-kilalang kalalakihan noong Setyembre 13, 2014, habang nakasakay siya sa kaniyang motorsiklo sa isang bayan sa lungsod Cagayan de Oro. Sang-ayon sa mga awtoridad, naging pinuno si Orasan ng mga gawaing kontra-pagmimina sa lugar. Sa isang linggo ng Agosto, tatlong iba pang pinuno ng tribu ang binaril sa iba’t ibang dako ng bansa, ayon sa nongovernmental organization na Karapatan. Matagal nang naidodokumento ng Human Rights Watch ang pag-atake sa mga pinuno ng tribu na tumatanggi sa pagmimina at iba pang mapanirang gawain sa kanilang mga komunidad.
Noong Agosto 24, 2014, binaril ng mga di-kilalang kalalakihan ang abogado ng karapatang pantaong si Rodolfo Felicio sa Taytay, isang lungsod sa lalawigan ng Rizal, silangan ng Maynila. Panlimang miyembro si Felicio ng grupong aktibistang National Union of People’s Lawyers na napatay sa nakaraang 10 taon.
Nagpatuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag noong dakong huli ng 2013 at unang bahagi ng 2014: iniulat ng lokal na midya na hindi bababa sa 26 ang gayong pagpatay mula nang maupo sa puwesto si Aquino noong 2010. Ang paglilitis sa Maguindanao Massacre, kung saan pinatay ang 58 tao—karamihan ay mga mamamahayag at trabahador sa midya—noong 2009 diumano ng mga militia ng makapangyarihang angkang Ampatuan sa timog Pilipinas, ay umusad nang paurong sa pagkapaslang noong Nobyembre 18 ni Dennis Sakal, isang potensiyal na saksi para sa prosekusyon.
Bagama’t nangako ang administrasyong Aquino noong 2012 na pabibilisin ang imbestigasyon sa pagkapatay sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagtatatag ng “superbody,” kakaunting pag-usad lamang ang nagawa. Naiproseso lamang ng superbody ang apat na kaso sa oras ng pagkalathalang ito, at nagbunga ng pagkaparusa sa limang tao. Gayunman, hindi pa nadarakip ang diumano’y mga pinunong nagplano at nagbayad sa mga pagpatay na ito.
Mga Death Squad sa Siyudad
Ang isang “death squad” sa katimugang siyudad ng Tagum na pumatay ng daan-daang pinaghihinalaang kriminal, kabilang ang mga bata, ang pinagtuunan ng pansin ng ulat ng Human Rights Watch noong Mayo. Ang tinatawag na Tagum Death Squad ay nagsanga rin sa kontratahang pagpatay, puntirya ang iba’t ibang biktima sa napakababang halagang US$110 sa bawat isa, kabilang ang mga pinuno ng tribu, opisyal ng komunidad, kalaban sa negosyo, at huwes. Binuo at pinondohan diumano ang death squad ng dating mayor Rey Uy sa tulong ng mga opisyal ng city hall at miyembro ng puwersa ng lokal na pulisya.
Sa kabila ng mga ebidensiya na tuwirang nagsasangkot kay Uy sa operasyon ng death squad, hindi siya inaresto ng mga awtoridad, maging ang iba pang nasasangkot sa mga pagpatay sa lungsod Tagum.
Ang mga pagpatay na gawa ng mga death squad ay naiulat sa mga lungsod sa iba’t ibang panig ng bansa, isinagawa ito ng mga kalalakihang binabaril ang biktima sa publiko kahit na araw at tinatawag na mga pagpatay ng “riding in tandem.” Kabilang sa mga opisyal na tugon noong 2014 para masawata ang ganitong mga pagpatay ang mga police roadblock na nakalaan sa mga nakamotorsiklo, pagbabawal ng dalawahang pagsakay sa motorsiklo, at mungkahing batas na magbabawal sa paggamit ng helmet na pangmotor, upang hindi maitago ng mga nagmamaneho ang kanilang identidad.
Pagpapahirap ng mga Pulis
Ang laganap na korupsiyon sa hanay ng mga pulis ay mabigat na suliranin sa hustisyang pangkrimen sa bansa at pinalulubha ang usapin ng impunity.
Noong Enero, naisangkot sa isang imbestigasyon ng Commission on Human Rights ang mga miyembro ng panlalawigang pulis ng Laguna sa isang sistematikong pagpapahirap ng hindi bababa sa 22 bilanggo na nagsimula noong Pebreoro 2013. Nagpapahirap ang mga pulis sa isang lihim na lugar gamit ang umiikot na gulong tulad sa palaro sa telebisyon sa US na “Wheel of Fortune.” Sa panahon nitong paglalathala, 10 pulis na nasangkot sa pagpapahirap ang tinanggal sa puwesto at nahaharap sa prosekusyon, samantalang iniimbestigahan pa ang iba.
Isang ulat noong Nobyembre ng Department of Justice ang nagdetalye sa alegasyon ng pagpapahirap ng mga miyembro ng pulis sa lungsod Zamboanga laban sa ilang suspek na naaresto kaugnay ng pag-atake sa siyudad ng mga militanteng Islamista noong Setyembre 2013. Naidokumento ng Human Rights Watch ang ilang pagkakataon ng pang-aabuso sa mga detenido, ilan sa kanila ang mga bata, at gayundin ang pagggamit ng mga militante sa mga sibilyan bilang pansanggalang. Hindi inimbestigahan ng pamahalaan ang mga diumano’y pang-aabusong ito.
Mga Mamamayang Nawalan ng Tirahan sa Zamboanga
Noong Setyembre 2013, sinalakay ng mga militanteng Islamista ang Zamboanga, isang lungsod sa timog na Kristiyano ang karamihan ng naninirahan. Ang sumunod na labanan ng mga militante at sandatahang lakas ng pamahalaan, kabilang ang paggamit ng mga kanyon at atake ng eroplano, ay sumira sa mga tahanan, humantong sa dose-dosenang sibilyang namatay at nasaktan, at naging sanhi ng pagkawalay sa kanilang tahanan ng 120,000 katao na Muslim ang karamihan.
Pagkaraan ng isang taon, nasa mga evacuation camp pa rin ang sangkatlo ng mga mamamayang nawalan ng tahanan, at namatay ang mahigit sa 160 sa kanila dahil sa karamdaman na pangunahing kaugnay ng kakulangan sa sanitasyon.
Mga Pangunahing Internasyonal na Aktor
Naglakbay nang ilang beses si Pangulong Aquino sa Europa at US noong 2014 kung saan nagprotesta ang mga aktibistang maka-Pilipinas laban sa tala sa karapatang pantao ng pamahalaan, partikular sa kawalan ng pananagutan sa mga nangyaring pang-aabuso. Sinikap ng United States at mga pamahalaan ng European Union na tugunan ang problema ng impunity, tulad ng pagpopondo ng mga programa para mapabuti ang gawain ng mga pulis, prosecutor, at ng mga korte.
Higit na naging mapagpahayag ang pamahalaang US noong 2014 kaysa mga nakaraang taon sa pagsasabi ng mga usapin ng impunity sa administrasyong Aquino. Iginiit bilang kondisyon ng US na ilaan ang maliit na bahagi ($3 milyon) ng $20 milyong taunang pangmilitar na badyet nito sa Pilipinas para sa pagpapabuti ng sitwasyon ng karapatang pantao. Noong 2014, itinaas ng US ang tulong pinansiyal na pangmilitar sa $50 milyon pero malaking bahagi nito ang inilaan para sa Philippine Navy, na may higit na mabuting tala sa karapatang pantao hambing sa army.
Layunin ng EU-Philippine Justice Program, na nasa ikalawang taon na ngayon, na iangat ang sistema ng hustisyang pangkrimen sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga opisyal ng pulis at imbestigador, bukod sa iba pa.