Skip to main content

Ang Paglaban sa Hamon ng Populismo

ni Kenneth Roth, Executive Director

Ilang demonstrador at residente ang nag hawak ng mga kandila at plakard sa burol ni Kian Loyd delos Santos, isang 17 anyos na estudyante ng hay-iskul. Isa siya sa mga pinatay noong isang linggo sa pagtindi ng giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Caloocan City, Metro Manila, Philippines. Agosto 25, 2017.

© 2017 Christophe Morin/IP3/Getty Images

Humina na ang lakas ng awtoritaryang populista ngayon hambing sa nakaraang taon. Noon, parang walang makakapigil sa listahan ng politiko sa buong mundo na boses diumano ng “sambayanan” pero nakaipon ng tagasunod dahil sa pagpapalitaw na masama ang di-popular na nasa minorya, pag-atake sa prinsipyo ng karapatang pantao, at pagsulsol na huwag paniwalaan ang mga demokratikong institusyon. Sa ngayon, isang popular na reaksiyon sa maraming bansa, nahikayat sa ilang kaso ng mga politikal na lider na may lakas ng loob na ipaglaban ang karapatang pantao, ang nagpahina sa marami sa mga populistang adyenda. Kung saan malakas ang paglaban, nagiging limitado na ang mga pagsulong ng populismo. Pero kung saan pagsuko ang tugon sa mensahe ng poot at pambubukod, doon yumayabong ang mga populista.

Ang  ganitong takbo ng labanan ang nagtulak sa maraming Kanluraning bansa sa partikular na mas maging tutok sa nangyayari sa loob nila, pinababayaan ang mundo na lalong nagiging watak-watak. Ngayong pinamumunuan ang Estado Unidos ng  presidenteng may nakakabahalang pagkagiliw sa mapaglabag sa karapatan na  strongmen, at abala ang United Kingdom  sa Brexit, ang dalawang tradisyonal bagaman di-perpektong  tagapagtanggol ng karapatang pantao sa mundo ay madalas na nawawala sa aksiyon.

Namomroblema sa rasista at kontra-refugee na puwersang politikal sa kanilang bayan, hindi laging handang sumaklolo ang Alemanya, Pransiya, at ang kanilang mga kapanalig sa European Union. Napapapansin na madalang sa aktibong pagtatanggol sa karapatang pantao ang mga demokrasya tulad ng Australia, Brazil, Indonesia, Japan, at Timog Afrika.

Pinagsasamantalahan itong puwang ng Tsina at Rusya. Habang nakapokus sa pagsugpo sa posibilidad ng domestikong malawakang protesta sa humihinang ekonomiya at  korupsyion ng mga opisyales, agresibong iginigiit ng mga Pangulong Xi Jinping at Vladimir Putin ang isang adyendang kontra-karapatan sa mga multinasyonal na forum at nakikipag-alyansa sa mga represibong gobyerno. Humanga ang mga Kanluraning populista at diktador sa buong mundo sa pag-iwas nila sa pagpuna ng publiko,.

Nagbigay ng pagkakataon sa mamamatay taong lider at tagasuporta nila ang pag-urong ng maraming gobyernong tagapagtanggol sana ng karapatang pantao. Lumaganap ang kalupitan laban sa masa nang walang pananagutan sa mga bansa tulad ng Yemen, Syria, Burma at South Sudan. Nahahamon ang mga internasyonal na pamantayan na idinisenyo para pigilan ang pinakamalubhang pang-aabuso, at ang umuusbong na institusyonal na panghukumang tugon tulad ng International Criminal Court.

Sa ganitong masamang kapaligiran, ginampanan ng ilang maliliit at katamtamang laking mga bansa ang mas pangunahing tungkulin ng pamumuno. Sa pagbuo ng malalawak na koalisyon, naipakita na may kakayahan silang seryosong maggiit sa pagtatanggol ng karapatang pantao. Sa ilang kaso, sinuportahan sila ng dumaraming publikong napakilos na. Hindi nila kayang buong mapalitan ang mga puwersang bumaliktad, pero ipinapakita ng paglitaw nila na ang kagustuhang depensahan ang karapatang pantao ay buhay at maayos.

 

Pagtugon sa Populismo

May mga tunay na isyu na nagtutulak sa pagbugso ng populismo sa maraming bahagi ng daigdig: ang pagkalinsad at di pagkakapantay-pantay ng ekonomiya na sanhi ng globalisasyon, awtomasyon at pagbabago ng teknolohiya; kinatatakutang mga pagbabagong kultural na sanhi ng kadalian ng transportasyon at komunikasyon na siyang nag-uudyok ng paglikas mula sa digmaan, represyon,

kahirapan at pagbabago sa klima; ang pagkakahati-hati ng lipunan sa  mga kosmopolitang elite na gusto at nakikinabang sa karamihan ng mga pagbabagong ito at sa mga taong nakararamdam ng umiigting na panganib sa kanilang buhay; at ang nakakaligalig na pananakot tungkol sa  teroristang pananalakay na panggatong ng mga demagoga para kamuhian ang mga dayuhan at Muslim.

Hindi simple ang pagharap sa mga suliraning ito, pero ang nagiging tugon ng mga populista ay hindi sa pamamagitan ng pagmungkahi ng mga tunay na lunas bagkus ang pag-atake sa mga bulnerableng minorya at sa mga tinatalikurang sektor ng lipunan. Ang resulta ay ang tahasang pandarahas laban sa bukluran, pagtanggap at paggalang sa kapwa na nasa puso ng karapatang pantao. Sa katunayan, parangninanamnam ng mga populista ang pagwasak sa kumakatawan sa mga halagahang ito. Sa pagsambit ng kanilang makasariling pagkakaintindi sa kagustuhan ng mayorya, nilalayon ng mga populista na palitan ang demokratikong pamumuno—ang pagkakaluklok sa pamahalaan sa bisa ng karapatan at pag-iral ng batas—ng tahasang majoritarianism.

Ang pagtugon sa pagsubok ng populismo ay hindi lamang  sa lehitimong hinaing sa likod nito kung hindi pati na rin muling pagpapatibay  sa mga prinsipyo ng karapatang pantaong inaayawan ng mga populista. Kinakailangan nito ang pagtatampok sa buti ng mga pamahalaang  may pananagutan sa kaniyang mamamayan at hindi sa pagpapayaman at pag-iibayo ng kapangyarihan ng mga nakaluklok na mga opisyal. Kailangan nito ang pagpapamalas na lahat ng ating karapatan ay nanganganib kung hahayaan lamang natin ang mga pamahalaan na piliin kung sino ang magtatamasa sa kanilang karapatan. Kinakailangang mapaalalahanan ang karaniwang mamamayan na pantay ang pangangailangan nila ng karapatang pantao  sa mga taong sumasalungat at bulnerableng grupo.

Pabago-bago ng loob ang mga demokratikong lider na harapin ang pagsubok na ito at ipaglaban ang karapatang pantao. Noong isang taong, parang namayagpag ang mga populista, kaunti lamang ang nangahas. Peronitong nakaraang taon rin, nagsimulang magkaroon ng kapansin-pansing pagbabago.

 

Pagtatanggol sa Karapatan

Pransiya

Ang bansang Pransiya ang nagbahagi ng pinakatanyag na pagpihit ng direksiyon. Sa ibang bansang Europeo–Austria at una sa lahat, ang Netherlands–nakikipag-unahan ang mga politikong makagitna at maka-gitnang-kanan sa mga populista sa pamamagitan ng pagkupkop sa marami sa kanilang posisyong katutubo. Ninais nilang mapigilan ang pagkahumaling sa mga populista ngunit nauwi ito sa pagpapalakas ng populistang mensahe.

Iba ang ginawang pamamaraan ni Emmanuel Macron sa kaniyang pangangampanya sa pagkapangulo. Harapan niyang niyakap ang mga prinsipyong demokratiko, samantalang tinanggihan ang pagsusulsol ng National Front ng galit sa mga Muslim at mga migrante. Ang kaniyang pagkapanalo at ang tagumpay ng kaniyang partido sa halalang parlamentarya ay nagpapatunay na talagang tinatanggihan ng botanteng Pranses ang mapanghidwang polisiya ng National Front.

Titingnan pa kung paano mamuno si Macron. Ang kaniyang desisyong gawing permanente ang marami sa nakakabahalang aspekto ng patakarang pangkagipitan ng France ay isang nakakabahalang unang hakbang. Sa kaniyang polisiyang panlabas, nagpamalas siya ng pangunguna laban sa awtokratikong paghahari sa Rusya, Turkey at Venezuela, at pagsuporta sa mas malakas na sama-samang aksiyon ng European Union laban sa pandarahas sa karapatan ng Poland at Hungary. Ngunit may alinlangan siya sa pagharap ng malawakang pang-aabuso sa Tsina, Ehipto at Saudi Arabia. Kahit mayroong magkahalong reputasyon, ipinakita niya sa kaniyang kampanya na nakakaakit ng malawak na suporta ng publiko ang pagtatanggol sa mga prinsipyong demokratiko.

 

Estados Unidos

Bilang reaksiyon sa pagkahalal kay Donald Trump, nagkaroon ng malawakang muling pagpapatibay ng karapatang pantao sa maraming sektor sa Estados Unidos. Naipanalo ni Trump ang halalan  ng kampanyang nagsusulsol ng galit  sa migranteng Mehicano, Muslim refugees at iba pang lahi at etnikong minorya, at sa halatang pang-aalipusta sa mga kababaihan. Makapangyarihan ang tugon ng pangkat sibiko, mga mamamahayag, abogado, hukom at marami mula sa  publiko at minsan pa sa mismong mga naihalal na miyembro ng kaniyang partido.

Nakagawa pa rin ng mga paurong na hakbang sa pamamagitan ng ehekutibong aksiyon si Trump—pagpapalayas ng maraming tao nang walang pagsasaalang-alang sa kanilang malalim na ugnayan sa Estados Unidos, muling pagbuhay ng isang malupit at pangit na polisiya ng malawakang pagkulong sa mga kriminal, pagkunsinti at pagbubulag-bulagan sa abuso ng kapulisan at ang pagharang sa pandaigdigang pondo para sa kalusugang reproduktibo ng kababaihan.

Ngunit nagawang bawasan ng pakikipaglaban ang kapahamakang puwedeng maidudulot sana, pangunahin sa mga pagsisikap na madiskrimina ang  mga Muslim na nais bumisita o kaya makupkop ng US, upang pahinain ang karapatang pangkalusugan sa US, at ang pagtanggal ng mga transgender sa militar at pati na rin, at sa ilang pagkakataon, ang palayasin ang mga migranteng matagal nang naninirahan sa bansa.

Tinanggihan ng Kalihim ng Estado na si Rex Tillerson ang pagpapalaganap ng karapatang pantao bilang isang salik ng patakarang panlabas ng US habang malawakang binabawasan ang papel nito sa labas ng bansa sa pamamagitan ng paglalansag ng Kagawaran ng Estado, isang bagay na ngayon pa lamang nangyari. Tinanggihan niyang punan ang maraming matataas na posisyon, sinibak ang ilang beteranong diplomat, binawasan ang badyet, at pinabayaan lang ang kagawaran. Marami sa mga diplomat at gitnang antas na opisyal ang umalis sa puwesto dahil sa kawalan ng pag-asa.

Ngunit habang tinanggap ni Trump ang hanay ng mga awtokratiko, ilan sa mga natitirang opisyal ng Kagawaran ng Estado, minsan sa tulong pa ng Kongreso, nagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang maiwasan ang tuluyang pagkalusaw ng  mga prinsipyo ng karapatang pantao na kahit papaano ay may papel na ginampanan sa pagpapatnubay ng mga polisiyang panlabas ng US sa loob ng apat na dekada. Nagawa nilang posible para sa Washington na magkaroon ng papel kagaya ng pagbabanta ng karampatang parusa laban sa mga opisyal ng militar sa Burma na nasa likod ng etnikong pagpatay sa  minoryang Rohingya.
 

Alemanya

Lumabas sa mga balita ang Alemanya noong lumitaw ang Alternative for Germany (AfD) bilang pinaka-unang partidong sukdulang makakanan na nakapasok sa  parlamento sa loob ng maraming dekada. Naputol ng pag-angat na iyon ang suporta para sa namumunong koalisyon kung saan bahagi ang partidong Christian Democratic Union (CDU) ni Angela Merkel at nakapagkomplika sa kaniyang gampanin na magtaguyod ng isang bagong namumunong koalisyon. Ang pagka-abala ni Merkel sa panloob na politika at ang kaniyang patuloy na pagtatanggol sa kaniyang matapang na desisyon noong 2015 na tumanggap ng malaking bilang ng mga nagpapakupkop sa Germany ay ang naging sanhi ng kakulangan sa Europa ng malakas na tinig para sa karapatan ng mga refugees at migrante—ang pinakamainit na isyu sa kontinente ngayon. Ito rin ang dahilan kung bakit nawalan si Marcon ng kaniyang pinakapangunahing katuwang para sa paglaban sa awtoritaryang populismo.

Ang halalan sa Alemanya ay nagpamalas rin ng isang aral kung paano harapin ang sukdulang makakanan. Bukod sa mga silangang bahagi ng bansa na lubog ang ekonomiya kung saan may malawakang paglaganap ng rasismo at takot sa mga dayuhan na hindi pa hinaharap simula ng bumagsak ang Berlin Wall, nakatanggap ang AfD ng pinakamaraming boto sa mayamang Bavaria, kung saan ang namamahalang katuwang ni Merkel, ang Christian Social Union, ang higit na kumupkop ng katutubong posisyon kaysa sa CDU ni Merkel. Ang  may prinsipyong pakikibaka kaysa kalkuladong pagtulad sa huli ang naging mas epektibong tugon.
 

Poland at Hungary

Naging mainam na lugar para sa mga populista ang Gitnang Europa, dahil ginagamit bilang panakot ng  ilang lider nila ang malawakang migrasyon na nagaganap sa ibang bahagi ng Europa upang pahinain ang pagsusuri at pagbabalanse (checks and balances) ng kapangyarihan sa kanilang bansa. Pero nakararanas din ng pagtutol ang mga populista doon.

Sa Poland, sa gitna ng malaking protesta ng publiko at malakas na kritisismo kabilang ang mula sa ilang institusyon ng EU, hinarang ng Pangulong Andrzej Duda ang unang balak ng gobyerno ng Poland na pilayan ang kalayaan ng hukuman at ang pag-iral ng batas, ngunit kulang pa rin ang alternatibo na kaniyang tinugunan noon.

Sa Hungary, ang banta ng legal na aksiyon pati na rin ang internasyonal na pagkondena kabilang ang sa US—ay naging sanhi ng pagkaantala ng plano ng pamahalaan na isara ang Central European University, ang tanggulan ng malayang kamalayan na tumindig laban sa “demokrasyang di-liberal” na isinulong ng kanilang Punong Ministro si Viktor Orban. Sa kaso naman ng Poland, may umuusbong na pagkilala sa mga institusyong EU at sa ibang kapanalig na estado na ang mga atake nito sa pamumunong demokratiko ay banta sa EU mismo. Dahil sa posisyon ng Poland at Hungary bilang mga malaking nakikinabang sa pondo ng EU, isang debate ang umuusbong kung nararapat ba na ang tulong ay iugnay sa pagpapatibay ng batayang pagpapahalaga ng EU.

 

Venezuela

Sa Latin America, patuloy ang pagkatay ni Pangulong Nicolás Maduro sa demokrasya at ekonomiya ng Venezuela sa balatkayong pagsusulong sa maliliit na mamamayan laban sa tinatagurian niyang mga imperyalista. Subalit habang ang kaniyang pamumuno ay lalong nagiging brutal at awtokratiko, ibayong lumilitaw ang kaniyang kurakot at kawalang kakayahang pamamalakad ng ekonomiya. Sa kabila ng pagiging mayaman nito sa reserba ng langis, nanatiling naghihirap itong bansa na may potensiyal na maging asensado habang marami sa mamamayan nito ang desperadong naghahanap ng makakain at gamot sa gitna ng matinding pagmahal ng bilihin.

Nagprotesta sa kalsada ang marami. Umalis sa puwesto ang ilang opisyal ng pamahalaan. Isang ngayong pa lamang nangyaring bilang ng bansa sa Latin America ang umalis sa kanilang nakasanayang pag-aatubili sa pagpuna sa represyong nagaganap sa karatig bansa.  Sumunod sa yapak ang iba, kabilang na ang EU.

Nagawa ni Maduro na manatili sa puwesto, marahil na rin sa marahas na represyon na handa niyang ipalaganap. Habang pinapakinabangan niya ang sunud-sunurang Korte Suprema at Asambleang Konstitusyonal na kaniyang binuo para maagaw ang kapangyarihang lehislatibo mula sa Pambansang Asamblea na hawak ng oposisyon, pinaigting niya ang brutal na pagdurog sa mga sumasalungat. Pero habang lalong naghihirap ang  mamamayan ng Venezuela, hindi malinaw kung hanggang kailan nila hahayaan si Maduro sa pagkapit sa kapangyarihan.

 

Isang Pakikibakang Nararapat Suportahan

Hindi garantisado ang tagumpay sa mga nabanggit na halimbawa ng pakikibaka sa mga populistang lider. Kapag naihalal na, mayg malaking kalamangan ang mga populista na gamitin ang kapangyarihan ng estado. Ngunit ipinapakita ng pakikibaka na may pagsalungat na nagaganap, na maraming tao ang hindi mananahimik habang inaatake ng mga awtokratiko ang kanilang mga btayang karapatan at kalayaan.

 

Pinupunan  ng mga Populista at Awtokratiko ang Espasyo

Sa kabilang banda, kung saan sinusugpo ang lokal na pakikibaka at saan may kawalan ng pakialam ang internasyonal na komunidad, nagtatagumpay ang mga populista at iba pang makakanang puwersa. Isang halimbawa si President Recep Tayyip Erdoğan na winasak ang pandemokratikong sistema ng Turkey nang walang pakundangan, habang ang EU ay itinuon ang pansin sa pagpigil sa tuluyang pagpasok ng mga refugee sa loob ng Europa. Nasugpo ang malawakang pagtutol sa Egypt ni Pangulong Abdel Fattah al-Sisi nang walang pag-awat ng US o ng EU. Pinanghawakan nila ang isang naratibong kontra terorismo at paninigurado sa estabilidad ng lipunan, kahit pa ang kaniyang malupit na pagsugpo ng kahit anong Islamikong alternatibo sa prosesong politikal ng kaniyang bansa ang siya mismong gustong mangyari ng mga militanteng Islamista

Nang tila may kasamang pahintulot mula sa kaalyado nito sa Kanluran, ang bagong prinsipe ng Saudi Arabia, si Mohamen bin Salman, ang nagpasimuno ng koalisyon ng estadong Arabo sa isang giyera laban sa rebeldeng Houthi at kanilang kakampi sa Yemen na sangkot ang pambobomba at pagharang sa mga sibilyan, na lalong nagpalubha sa pinakamalaking humanitarian na krisis sa mundo. Sa kagustuhang pigilan ang nakakabahalang migrasyong de bangka na dumadaan sa Libya, pinangunahan ng EU—lalo ng Italy—ang pagsasanay, pagpondo, at paggabay sa coast guard ng Libya para gawin sa legal na pamamaraan ang walang Europeong barko na kayang gumawa: sapilitang magpauwi sa mga desperadong migrante at refugee sa mala-impiyernong kondisyon na kanilang babalikan tulad ng sapilitang pagtatrabaho, panggagahasa, at brutal na pag-aabuso.

Tila wala ring kibo ang mga gobyerno ng ibang bansa sa aksiyon ni Putin na sugpuin ang kumakalaban sa plano niyang patagalin pa ang kaniyang administrasyon. Mas pinagtuunan ng pansin ng ibang gobyerno ang aksiyon ni Putin sa Ukraine at Syria kaysa sa Rusya mismo. Wala ring naging aberya sa pagpataw ni Xi Jinping ng isa sa pinakamalalang crackdown mula sa brutal na pagpigil ng kilusang demokratiko ng Tiananmen Square noong 1989. Maaaring bunga ito ng takot ng ibang bansa na maapektuhan ang mga masasaganang kontrata nito sa Tsina kung titindig  sila para sa mamamayan ng Tsina.

Kung saan kaunti ang pagtutol ng internasyonal na komunidad sa pamamalakad ng mga represibong gobyerno, lumalakas ang loob ng mga ito para manipulahin at hadlangan ang internasyonal na mga institusyon na may kakayahang ipaglaban ang mga karapatan.

 

Ipinakulong ng Tsina ang mamamayan nito na umasang makipag-ugnayan sa United Nations hinggil sa pang-aabuso nito sa karapatang pantao. Ang Rusya naman ay 11 beses na nanghadlang sa kahit anong pagsubok na kilalanin ang krimen sa panahon ng digma ng gobyerno ng Syria. Nagbanta rin ang Rusya na bawiin ang pakikilahok nito sa isang mahalagang pangkalahatang lupon para sa karapatang pantao sa Europa kung mapapanatili nito ang mga kasunduan para sa pananakop ng Crimea, samantalang sinuhulan ng Azerbaijan ang ilang miyembro ng nasabing lupon, at nagbanta ang Turkey na ipagpaliban ang pinansyal na kontribusyon nito. Nagbanta ng paghihiganti ang Burundi sa mga imbestigador ng UN na nagtataguyod ng karapatan.
 

Burma at ang Rohingya

Marahil pinakamalubha sa Burma ang pinsala ng hindi pagtutol sa populistang pag-aatake sa karapatang pantao. Pinagkakalat ng Budistang extremist, ng nakatatandang miyembro ng military ng Burma, at ng ilang miyembro ng sibilyang gobyerno ang isang retorika ng mabagsik na pagkamakabayan. Dahil dito, nagkaroon ng kampanyang lumilipol sa pangkat etniko na mga Rohingya Muslim. Pagkatapos ito ng pagsugod ng isang militanteng grupo sa mga security outpost. Militar ang nanguna sa kampanyang puno ng malawakang paglipol, panggagahasa, at panununog sa halos 340 bayan. Higit 640,000 na Rohingya refugee ang lumikas sa Bangladesh. Ito mismo ang mga krimen na ipinangako ng internasyonal na komunidad na wakasan at hindi kailanman palilipasin.

Pero hindi agad kumilos ang ilang nasyon sa Kanluran kahit na matagal na silang nagkaroon ng aktibong interes sa Burma. Hindi man lang nila nilapatan ng limitasyon ang pinansiya o kaya ang paglakbay ng mga heneral ng militar na kasapi sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Maaaring ang pinili nilang katahimikan ay dahil sa heo-politikal na kompetisyon sa Tsina para sa pagpabor ng gobyerno ng Burma.

Isang bahagi rin ang di-marapat na pagkilala kay Aung San Suu Kyi, ang de facto lider ng Burma, kahit na hindi niya tunay na kontrolado ang militar. Ni hindi rin siya nagpakita ng kagustuhang harapin ang kalabasan ng pagtaya sa isang minoridad. Dahil dito, nangyari ang isa sa pinakamabilis na sapilitang maramihang paglikas ng sangkatauhan bukod sa Rwandan genocide. Kakaunti ang pag-asa ng ligtas at kusang pagbabalik ng mga Rohingya, o kaya ng pagkamit ng hustisya para sa karahasang sanhi ng kanilang paglikas.

Sa huli, ang mga bansang kabilang sa Organization of Islamic Cooperation (OIC) ang nagpatawag ng isang espesyal na sesyon ng UN Human Rights Council, kung saan sinuportahan nila ang isang resolusyong kumokondena sa mga krimen ng Burma. Naging tanyag itong pagsisikap dahil ipinakita nito ang madalang na pagkakataon na ang mga miyembro ng OIC ay sumang-ayon sa pagkritisismo sa isang bansa.
 

Tumatalab ang Pagtutol

Afrika at ang ICC

Isa sa mga nakakabuhay ng pag-asang tugon  sa mga kontra-karapatang awtokratiko ay makikita sa Afrika. Naging kapansin-pansin ang taon dahil sa pagpapatalsik sa dalawang manunupil na matagal nang nasa puwesto. Natalo ni Adama Barros sa isang malaya at malinis na eleksiyon si Pangulong Yahya Jammeh ng Gambia, at nang hindi niya tinanggap ang resulta, pinababa siya sa puwesto sa pagbabanta ng mga tropa ng Kanlurang Afrika.

Napatalsik si Pangulong Robert Mugabe ng Zimbabwe sa isang kudeta, pero pinalitan siya ng kaniyang diputadong si Emmerson Mnangagwa, isang lider  militar na may sarili ring mahabang listahan ng pang-aabuso. Nangyari sa parehong bansa ang malawakang protestang publiko laban sa manunupil na matagal na sa puwesto.

Subalit pinakakahanga-hanga sa pagtatanggol sa karapatan ang Afrika sa tugon nito sa populistang atake sa internasyonal na hustisya. Nito lamang nakaraang taon, maraming lider ng Afrika, ang iba na may dugo sa kanilang kamay at takot mausig, ang nanubok ng isang malawakang pagtiwalag ng kanilang bansa  sa pagiging miyembro ng International Criminal Court. Gamit ang retorikang populista laban sa sinasabi nilang neo-kolonyalismo, sinubukan nilang ilarawan ang ICC bilang kontra sa mga Afrikano dahil, nang sineryoso nila ang mga krimen laban sa mga Afrikano, tumutok sila sa mga responsableng lider. (Ang saklaw  nito ay nalimitahan din dahil sa pagtanggi ng ilang gobyerno na isabatas ang kasunduan ng ICC at ng pag-aatubili ng UN Security Council na iharap ang ibang sitwasyon para imbestigahan).

Ngunit naging malawakang pagkabigo ang sabayang pagtiwalag nang ang Burundi lang ang umurong, sa huli isang bigong inisyatiba upang ihinto ang imbestigasyon ng ICC sa diumano'y krimen laban sa sangkatauhan na isinagawa ni Pierre Nkurunziza nang dinaan niya sa dahas ang pagpapahaba sa termino niya bilang presidente. Binaliktad ng Gambia ang inanunsiyo nitong pag-urong pagkatapos umupo si Pangulong Barros. At sandaliang napatigil ng korte ng Timog Afrika ang pagsubok ni Pangulong Jacob Zuma na umalis pagkatapos niyang mapahiya nang ipawalang-saysay niya ang isang utos ng korte na hahadlang kay Pangulong Omar al-Bashir ng Sudan, na humaharap sa ICC warrants, sa pag-alis sa Timog Afrika noong isang pagbisita niya upang iwasan ang makulong.

Nakatulong ang bugso ng popular na suporta  sa ICC ng mga pangkat sibiko sa Afrika na hikayatin ang karamihan sa gobyerno sa Afrika na ipagpatuloy ang suporta sa korte. Sinubok din ng tagausig ng ICC na palawigin ang kakayahan ng korte sa paghingi ng permiso sa mga hukom nito na imbestigahan ang mga krimen ng lahat ng panig sa Afghanistan, kabilang ang isinagawang tortyur doon ng mga sundalo at  intelligence agents ng US nang walang pananagutan.

 

Ang Malaking Gampanin ng Maliliit na Estado

Nakita nitong nakaraang taon ang kahanga-hangang kahandaan ng maliliit at midyum na estado na umangkin ng mabibigat na gampanin sa gitna ng pananahimik ng mas makakapangyarihang estado sa harap ng malawakang karahasan, o maging sa paghadlang pa sa ibang pagtugon dito.

Hindi ito ang unang beses na nanguna ang mas maliliit na estado sa usaping pangkarapatan. Ang ICC, ang Mine Ban Treaty, ang Convention on Cluster Munitions, ang Optional Protocol on Child Soldiers, at ang International Convention against Enforced Disappearance ay nabuong lahat at patuloy na napangangasiwaan dahil sa pagsasama-sama ng maliliit at katamtamang laki na estado, nang wala ang mas makakapangyarihang estado o sa kabila pa nga ng kanilang presensiya. At lalong naging mahalaga ang kahandaan nitong mga alternatibong tinig na mamuno sa nakaraang taon dahil sa pagtatangka nga ng mismong makakapangyarihang estado na umiwas sa o baligtarin pa ang mga isyu.

 

Yemen

Naging mapagsiwalat ang inisyatiba ng UN Human Rights Council na magsimula ng isang internasyonal na imbestigasyon sa mga kaso ng pang-aabuso sa Yemen. Isang koalisyon ng mga estadong Arab na pinangungunahan ng Saudi Arabia ang nambugbog sa mga sibilyang Yemeni; nang-atake ng mga bahay, ospital, at palengke sa pamamagitan ng pambobomba o pamamaril mula sa himpapawid (pagsasagawa ng airstrikes); at humadlang sa paghahatid ng humanitarian aid at iba pang pangangailangan ng mga tao. Dahil dito, 7 milyong katao ang nakaranas ng matinding gutom, at halos 1 milyong pinaghihinalaang kaso ng kolera ang naitala.

Ang magkakatunggaling puwersa ng mga Houthi kasama ang kanilang mga kaanib ay nagpasabog din ng mga bombang nakabaon o ikinalat sa lupa (landmines), nangalap ng kabataang sasapi sa kanila, at humarang sa paghahatid ng tulong o aid. Sa kabila ng ganito kalalang sitwasyon, bahagyang suporta lamang ang natamo ng imbestigasyon mula sa Estados Unidos, United Kingdom, at Pransiya, mga bansang nangangalakal ng armas sa Saudi Arabia. Wala ni isa ang nanindigan sa hayag na posisyonz. Sa katahimikan ng tatlo, nanguna naman sa pagtugon ang Netherlands, na sinundan ng Canada, Belgium, Ireland, at Luxembourg.

Hindi naging madali ang gampaning ito. Nagbanta ang Saudi Arabia na puputulin nito ang  diplomatiko at ekonomikong ugnayan sa alinmang bansang susuporta sa imbestigasyon. Subalit dahil na rin sa mismong banta, at sa pagpapahiwatig nito na ligtas ang mayayaman at makakapangyarihan sa pagsisiyasat ng kanilang mga karahasan, napilitan din ang Saudi Arabia na pumayag sa imbestigasyon ng UN nang naging malinaw na matatalo ito kung pagbobotohan ang isyu. Sa ngayon, kailangang umasang bubuti ang sitwasyon kung may grupo ng mga imbestigador na patuloy na magmamanman sa mga puwersa sa Yemen.

 

Syria

Sa kaso ng Syria, ang paulit-ulit na pag-veto at pagbabanta ng veto mula sa Rusya, pati na rin minsan mula sa Tsina, sa harap ng UN Security Council ang humaharang sa tanging paraan upang matugunan ng International Criminal Court ang kanilang kalagayan. Sa kabila ng mga pagtatangka mula sa iba’t ibang bansa na pigilan ang paggamit ng veto sa mga pagkakataon ng malawakang karahasan, hindi pa nakikisali sa inisyatiba ang Rusya at Tsina, pati na rin ang Estados Unidos.

Upang matapos na ang pagtatabla, lumutang ang ideang maiiwasan ang sistema ng pag-veto sa Security Council sa pamamagitan ng pagtungo sa UN General Assembly, kung saan walang estado ang may kapangyarihang mag-veto. Pinasimunuan ito ng maliit na estado ng Liechtenstein, na bumuo ng koalisyon ng iba pang mga pamahalaan. Dahil sa kanilang suporta, 105 laban sa 15 ang naging resulta ng pagboto sa General Assembly upang makapagtatag ng mekanismo ng pagkolekta ng ebidensiya at ng prosekusyon  sa sandaling magkaroon na ng espasyo para dito—isang napakahalagang panata sa paghahanap ng katarungan. Binubuksan din nito sa General Assembly ang posibilidad ng pagkalikha ng natatanging husgado o tribunal para sa Syria, sakaling magpatuloy ang Rusya sa paghadlang nito sa katarungan sa loob ng ICC.

Lalo pang naging mabigat ang pangangailangan sa pananagutan dahil patuloy na gumagamit ang gobyerno ng Syria ng ipinagbabawal na kemikal (nerve agents) gaya ng sarin, sa kabila ng pagsasabing ipinagbawal na nila ang mga kemikal  matapos ang malagim na insidente ng paggamit ng sarin sa Silangang Ghouta noong Agosto 2013. Nagbigay ang Rusya ng paliwanag para sa mga pangyayari noong Abril 2017 sa bayan ng Khan Sheikhoun sa hilagang-kanlurang bahagi ng Syria—na isang karaniwang bomba ng gobyerno ng Syria ang aksidenteng tumama sa imbakan ng sarin na pagmamay-ari ng mga rebelde—ngunit napatunayang hindi totoo ang teoryang ito, kung kaya nag-veto ang Rusya sa pagpapatuloy ng isang imbestigasyon ng UN. Kapag handang gamitin ng isang permanenteng miyembro ng Security Council ang kapangyarihan nito upang mapagtakpan ang mga kalupitan ng kaniyang kapanalig—sa kasong ito, habang nagbibigay din ng suportang militar—higit na kailangang maghanap ng alternatibong daan upang panatilihin  ang mga karapatang pantao.

 

Ang Pilipinas

Nahaharap ang Pilipinas sa isang higit na nakakakilabot at nakamamatay na halimbawa ng paghamon ng populismo sa karapatang pantao. Gaya ng kaniyang isinagawa bilang alkalde ng Lungsod ng Davao, nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang posisyon sa paghikayat sa pulisya na pumatay ng mga pinaghihinalaang nauugnay sa droga. Ang naidulot nitong epidemya ng pamamaril ng mga pulis—na kadalasang inilalarawan bilang “shootouts” ngunit paulit-ulit ding nakikita bilang summary executions o mga kaso ng pagpatay nang walang paglilitis—ay humantong sa 12,000 patay sa halos isa’t kalahating taon pa lamang na pamumuno ni Duterte. Kabataang lalaki mula sa mahihirap na komunidad sa malalaking lungsod ang karamihan sa naging mga biktima—mga taong hindi karaniwang bibigyan ng simpatya  ng maraming Filipino.

Halos matakpan ng patuloy na tunggalian ng Tsina, Estados Unidos, at Pilipinas tungkol sa mga teritoryo sa South China Sea ang usapin ng mga pagpatay. Kahanga-hanga diumano kay Donald Trump, sa lahat ng ito, ang mga katangian ni Duterte bilang “strongman.”

Sa halip, ang pangunahing puwersang nanghimok na itigil ang mga pagpatay ay nagmula sa isang samahan ng mga estadong pinamumunuan ng Iceland na naglabas ng kanilang mga pahayag sa UN Human Rights Council. Sinubok ni Duterte na hamakin ang kaniyang mga kritiko na tinatawag niyang “bleeding hearts,” pero dahil sa kanilang panggigipit ay napilitan din siyang ilipat ang kapangyarihan sa pagsugpo ng droga, kahit pansamantala lamang, mula sa pulisyang handang-handang pumatay  sa isang ahensiyang mas umuunawa at gumagalang sa batas. Nang paatrasin ang pulisya sa mga operasyong kontra-droga, mabilis ang pagkaunti ng bilang ng mga naitatalang pagpatay.

 

Mga Karapatan ng Kababaihan

Ilan sa mga populista sa kasalukuyang panahon ang nagpapakita ng paghilig sa misogyny. Nitong nakaraang taon, may mga pagbabago sa batas ng Rusya na nagdiktang ang ilang anyo ng domestikong karahasan ay hindi na maituturing na kriminal na akto. Sa Poland, kung saan ang mga batas kaugnay ng aborsiyo ay higit pa ring restriktibo kaysa ibang lugar sa Europa, ngayon ay naglilimita na ng pagpapagamit sa emergency contraception o emerhensiyang pagpigil sa pagbubuntis

Sa pamumuno ni Trump, ipinakilalang muli ng gobyerno ng US ang pinalawak na “Global Gag Rule,” isang polisiyang lubos na magpapaliit ng pondong ilalaan ng bansa sa serbisyong pangkalusugan na kailangang-kailangan ng kababaihan sa labas nito.

Ngunit maraming tinig ang sumalungat. Ang Women’s March, na nagsimula bilang pagtugon ng mga Amerikano sa pagkapanalo ni Trump, ay nagbagong-anyo at naging penomenon sa buong mundo, kung saan milyon-milyong tao ang nagtipon upang manindigan at sumuporta sa karapatang pantao ng kababaihan.

Kinilala ng Prime Minister ng Canada na si Justin Trudeau at ng Pangulo ng Pransiya na si Macron ang kanilang pagiging feminista, kasabay ng pagsisikap ng Canada na gawing sentro ng kanilang mga pantulong na programa (aid programs) ang usapin ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, at ng pagpapanukala ng Pransiya ng mga bagong pamamaraan ng paglaban sa karahasang kaugnay ng kasarian at karahasang seksuwal. Nanguna ang mga gobyerno ng Netherlands, Belgium, at iba pang bahagi ng Scandinavia sa pagtataguyod ng isang internasyonal na pondo para sa karapatang panreproduktibong kalusugan bilang pamalit sa dating pondo ng US na mawawala sa Global Gag Rule, at itinaguyod naman ng Sweden ang isang “feministang polisiyang panlabas” na mangangalaga sa mga karapatan ng kababaihan sa mga lugar gaya ng Saudi Arabia.

Bilang tugon sa pagkakampanya ng mga aktibista para sa karapatan ng kababaihan, nag-repeal ng probisyon sa kanilang kodigo penal ang tatlong estado sa Middle East at North Afrika—Tunisia, Jordan, at Lebanon—na nagpapahintulot sa nanggahasa na makatakas sa parusa sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kanilang biktima.

 

Mga Karapatan ng LGBT

Karaniwang nasa minoryang pangkat sa usapin ng kasarian at seksuwalidad ang pinupuntirya ng mga gobyernong nanunulsol sa kanilang mga konserbatibong tagasuporta, kadalasan bilang pag-iwas sa kanilang mga pagkakamali sa pamamahala. Si Putin sa Rusya, si al-Sisi sa Ehipto, o si Mugabe sa Zimbabwe—ilang pinuno na ang sumubok na gatungan ang moral na pagkabagabag ng publiko laban sa komunidad ng mga lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT) para sa kanilang sariling politikal na interes. Pinuntirya ng mga pulis sa Indonesia, Tanzania, at Azerbaijan ang mga taong kabilang sa LGBT sa pampublikong espasyo at nilusob din ang kanilang mga pribadong espasyo samantalang walang hinarap na pananagutan ang pulisya.

Sa ano mang anyo, isang indikasyon ang pinasidhing pang-uusig at pang-aapi sa mga LGBT ng isang gobyernong nabibigong magbigay ng pangangailangan at inaasahan ng publiko. Ngunit ang pagpapalagay na tiyak na sasang-ayunan at susuportahan ang panggigipit sa LGBT ay nawawalan na ng katiyakan.

Tuluyan nang pumanig sa kampong sumusuporta sa karapatang pang-LGBT ang karamihan ng mga bansa sa Latin Amerika, kasunod ng Japan at iba pang  bansa sa Europa at Hilagang Amerika. Nitong mga nakaraang taon, hindi na rin maituturing na kriminal na akto ang pakikipagrelasyon sa parehong kasarian sa batas ng Mozambique, Belize, Nauru, at Seychelles.

Naipakita maging sa Rusya ang pagsalungat ng publiko sa mga panggigipit sa LGBT. Ang pagkulong, pagtortyur, pagdakip at pagpatay sa mga lalaking homoseksuwal sa ilalim ng mga puwersa ni Pangulong Ramzan Kadyrov ng Chechen ay nagpasiklab ng malawakang poot at pagtutol kung kaya’t napilitan si Putin na rendahan ang malupit niyang kapanalig at tapusin na ang pagpupurga sa Timog Rusyanong republika. Subalit, sa ibang estado naman, uunahin pa rin ang ibang suliranin, gaya na lang ng naipakita ng mga reaksiyon sa karahasan laban sa LGBT sa Ehipto, kung saan mabigat pa rin ang pag-aalangan at pag-aatubili ng mga tagapagtaguyodna ilantad ang isyu dahil sa takot na mapukaw ang galit ng alinmang kaanib sa mga pagsisikap ng estado kontra-terorismo.

 

Oras nang Kumilos, Hindi Magmukmok

Kung may mahalagang matututuhan man sa nakaraang taon, ito iyon: malaking hamon man ito, ang laban para sa karapatang pantao ay magtatagumpay kapag nagawa ang nararapat na pagkilos. Mababaw na sagot lamang ang kayang ibigay ng mga populista para sa mga komplikadong problema. Pero ang lakas ng mamamayan, na magmumula sa pangakong makamit ang ganap na karapatang pantao, ay may kakayahang tanggihan ang pagpuntiryasa mga minorya ng lipunan, at ang pagmamaliit sa nararapat na pagsisiyasat at pagbabalanse laban sa pang-aabuso ng gobyerno na parehong gawain ng mga populista.

Ang paloob na oryentasyon ng mga puwersa sa Kanluran, dala ng pagkilos ukol sa populismo, ay naging sanhi ng patuloy na pagkakanya-kanya ng mundo kung saan hindi nababantayan ang mga malawakang karahasan. Gayunman, makagagawa ng pagbabago kapag ang mga maliliit at katamtamang laki na bansa  ay nagsanib puwersa at kumilos nang may angkop na diskarte.

Dapat magdulot ng pagkabahala imbes na pagkatalo ang isang matinong pagtatasa sa pandaigdigang prospekto ng  karapatang pantao—isang panawagan na kumilos imbes na mawalan ng pag-asa. Gayong paparating ang ika-70  anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights, ang hamon ay sunggaban ang maraming pagkakataon na labanan yung mga nais baliktarin ang nasimulan nang pag-unlad.

Nagbibigay-gabay ang mga pamantayan ng karapatang pantao pero mapakikinabangan lang ito kung may kampeon sa panig ng gobyerno at ng ordinaryong mamamayan. Ang bawat isa sa atin ay may puwedeng gampanan. Naipapakita ng nakaraang taon na ang karapatang pantao ay may laban sa salakay ng mga populistang gobyerno. Ang hamon ngayon ay palakasin pa ang depensang ito at bawiin ang bugso ng populismo.​