Isang multiparty democracy ang Pilipinas na may inihalal na pangulo at lehislatura, may aktibong sektor ng civil society at masiglang midya. Dalawang taon nang nasa kapangyarihan, patuloy na nagtatamasa si Pangulong Benigno S. Aquino III ng malawakang pampolitikang kapital at mabuting pagtuturing. Bahagyang dahilan nito ang mas mabuting lagay ng ekonomiya sa nakaraang dalawang taon hambing sa panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ipinahayag ni Aquino ang kanyang pangako para mapabuti ang sitwasyon ng karapatang pantao at maisaayos ang kakulangang ginawa sa batayang karapatan ng kaniyang sinundan.
Noong 2012, itinaguyod ng gobyerno ang mga panukalang batas sa pagpapabuti ng kalusugang reproduktibo at karapatan ng mga kasambahay, at aktibong lumahok sa mga institusyong internasyonal sa layuning mapahusay ang sistemang panghustisya. Noong Oktubre, nagpasa ang Kongreso ng batas na nagturing na krimen sa sapilitang pagkawala o pagdukot, ang kauna-unahang gayong batas sa Asya.
Nangako ang administrasyong Aquino na pabilisin ang mga imbestigasyon sa karapatang pantao at pagbutihin ang kakayahan ng mga imbestigador, prosekyutor, at mga korte. Nagsagawa ito ng ilang aksiyon laban sa mga kilalang opisyal na sangkot sa mga pang-aabuso, kabilang ang atas na sampahan ng kaso ang isang opisyal na may mataas na katungkulan sa militar, at isang dating gobernador na sangkot sa pagpatay sa isang mamamahayag. Bumaba na ang bilang ng mga kaso ng extrajudicial killings at sapilitang pagkawala mula nang umupo sa puwesto si Aquino noong 2010. Ngunit nagpapatuloy ang pangha-harass at karahasan laban sa mga mamamahayag. Wala pang napaparusahan sa kaso ng extrajudicial killings mula nang maging pangulo si Aquino.
Madalas seryosong manlabag ng karapatang pantao ang militar at kasapi ng kapulisan. Madalas seryosong mang-abuso ng sibilyan ang mga armadong grupo, kabilang ang komunistang New People's Army (NPA), ang separatistang Moro Islamic Liberation Front, at ang teroristang grupong Abbu Sayyaf . Lumagda ang gobyerno ng Pilipinas at ang Moro Islamic Liberation Front sa “framework agreement” noong Oktubre, na nangakong magtatapos sa mahigit apat n -dekadang hidwaan sa katimugang rehiyon ng Mindanao.
Umurong ang lagay ng malayang ekspresyon nang aprobahan ng Kongreso ang isang batas na nagpapahintulot ng mabigat na parusa sa mga paninirang sa Internet.
Kriminal na Paninira at Kalayaan sa Midya
Bagamat matagal nang isa ang Pilipinas sa may pinakamalayang cyberspace sa mundo, ipinasa ng Kongreso noong 2012 ang Cybercrime Prevention Act, na inaprobahang maging batas ni Aquino noong Setyembre 12. Ang mga kaparusahan sa ilalim ng batas laban sa online libel (paninira) at iba pang restriksiyon ay mga seryosong banta sa malayang pagpapahayag sa Pilipinas. Mas pinabigat ng batas ang parusa sa mga na paninira na gamit ang computer o Internet, na naitaas ang pinakamababang parusa mula sa anim na buwan tungo sa anim na taon. Noong Oktubre, nagsumite sa Korte Suprema ng ilang petisyon laban dito ang mga abogado, mamamahayag, at bloggers. Noong Oktubre 9, naglabas ang korte ng temporary restraining order na nagpapaliban sa pagpapatupad nito sa loob ng 120 araw.
Matagal nang hinihikayat ng midya at ng mga grupong pang-karapatang pantao ang gobyerno na ipahayag na hindi krimen ang libelo, na itinuturing ng United Nation Human Rights Committee (UNHRC) na paglabag sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), ngunit ang panukalang batas sa mungkahing ito ay nakabinbin lamang sa loob ng maraming taon sa Kongreso. Noong Oktubre, sinabi ni Aquino na “sumasang-ayon siya sa ideya” na hindi na gawing krimen ang libelo. Hanggang ngayon, nasa Kongreso pa rin ang mga panukalang batas.
Nagpatuloy noong 2012 ang pagpatay at pangha-harass sa mga mamamahayag. Sang-ayon sa mga grupo sa midya, tatlong mamamahayag ang pinatay noong 2012 dahil sa kanilang gawain, kaya umabot ang kabuuang bilang na 10 mula nang umupo sa puwesto si Aquino. Nagreklamo din ang mga mamamahayag ng pisikal na pag-atake ng kalalakihang sinasabing nagtatrabaho para sa mga lokal na politiko at nililigalig sa pamamagitan ng mga mensahe sa text.
Extrajudicial Killingsat Sapilitang Pagkawala o Pagdukot
Nabigo ang administrasyong Aquino na tuparin ang pangako nitong panagutin ang mga responsable sa pagsasagawa ng mga extrajudicial killings. Mula noong 2001, daan-daang makakaliwang aktibista, mamamahayag, environmentalists, at klerigo ang pinatay ng sinasabing miyembro ng mga puwersang panseguridad ng gobyerno. Inireport ng mga lokal na organisasyon sa karapatang pantao ang humigit-kumulang 114 kaso ng pagpatay mula nang umupo sa kapangyarihan si Aquino, at 13 sa panahon ng pagkasulat nito.
Sa kabila ng malakas na ebidensiyang kasangkot ang mga kawaning militar, naudlot ang mga imbestigasyon. Walang naparusahan kaugnay ng mga politikal na pagpatay noong 2012. Sinubok ng gobyernong panagutin ang mga suspek na may mataas na posisyon. Si Maj. Gen Jovito Palparan, na sinampahan ng kaso ng kidnaping at ilegal na detensiyon dahil sa pagdukot noong 2006 sa mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, ay nagtago nang ipahayag ng gobyerno ang pag-aresto sa kaniya noong Disyembre 2011. Si Joel Reyes, dating gobernador ng probinsiya ng Palawan at diumano'y utak ng pagpatay noong Enero 2011 sa isang mamamahayag at makakalikasan na si Gerry Ortega, ay nagawang tumakas palabas ng bansa.
Pang-aabuso ng mga Puwersang Paramilitar
Habang sinasabi ng gobyerno na napababa nito ang bilang ng mga pribadong armadong grupo o private army na kontrolado ng mga politiko, iwinaksi nito ang pagtugon sa pagbaklas sa mga puwersang paramilitar na may pagtataguyod ng gobyerno.
May ilang extrajudicial killings ang naiugnay sa mga kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Units (CAFGU), na kontrolado at pinangangasiwaan ng militar, gayundin ang Special CAFGU Active Auxiliary, na sinasanay ng sandatahang lakas ngunit binabayaran ng mga kompanya para protektahan ang kanilang operasyon. Noong Oktubre 2011, binigyang kapangyarihan ni Aquino ang mga puwersang paramilitar para protektahan ang mga kompanyang nagmimina.
Hanggang ngayon, hindi pa rin tinutupad ni Aquino ang pangakong binitiwan niya noong kampanya sa eleksiyong 2010 na pawalang bisa ang Executive Order 546, na sinisipi ng mga lokal na opisyal para bigyang katwiran ang kanilang pamimigay ng mga armas sa kanilang mga personal na puwersa. Kasama sa mga nabenepisyuhan nitong order ang politikang lipi ng Ampatuan sa Maguindanao, na ang mga nakatatandang kasapi ay naakusahan ng masaker sa Nobyembre 23, 2009 ng 58 tagasuporta ng kalabang partido at mga taga- midya sa probinsiya ng Maguindanao. Nagpatuloy noong 2012 ang paglilitis. Bagamat natukoy ng mga awtoridad ang 197 suspek sa masaker, 99 lamang ang naaresto (namatay ang isa sa kulungan at hindi itinuloy ng korte ang paglitis sa isa pang kaso). Sa mga akusado, 78 lamang ang idinemanda. Apat sa 98 suspek na hindi pa nadarakip ay mga sundalo; ang iba pa ay kasapi ng Ampatuan militia. Pinatay ang ilang saksi, samantalang ang mga kamag-anak ng mga biktima ay iniulat na niligalig at pinagbantaan noong 2012.
Atake sa mga Aktibistang Makakalikasan
Patuloy na dumadanas ng pag-atake noong 2012 ang mga aktibistang bumabatikos sa operasyon ng pagminina at enerhiya na sinasabing nakakasira ng kapaligiran at nagpapaalis sa mga tribu sa kanilang lupain. Nasa mga lugar na malaki ang katutubong populasyon o kontrolado ng tribu ang maraming pamumuhunan sa pagmimina sa Pilipinas. Noong Mayo 9, binaril si Margarito J. Cabal, 47, organisador ng isang grupong tumututol sa pagtatayo ng hydroelectric dam sa porobinsiya ng Bukidnon. Wala pang nahuhuli sa pagpatay noong Oktubre 2011 sa paring Italyanong si Father Fausto Tentorio sa probinsiya ng Hilagang Cotabato, naiulat na ginawa ng Bagani (“tribung mandirigma”) na grupong paramillitar na kontrolado ng militar. Matagal nang tagapagtaguyod si Tentorio ng karapatang pangkatutubo at nilabanan ang pagmimina sa lugar.
Mga Pagpatay ng mga Death Squads
Nagpatuloy noong 2012 ang tinatawag na pagpatay ng mga death squads sa lungsod ng Davao, sa katimugang Pilipinas, at sa iba pang lungsod. Noong Agosto, naglabas ang Komisyon sa Karapatang Pantao ng isang “resolusyon” hinggil sa imbestigasyon nito kaugnay ng tinatawag na Davao Death Squad. Kinumpirma nito ang mga report tungkol sa sistematikong pagpatay ng mga tinatawag na Davao Death Squad, sa madalas na pinagsususpetsahang mga kriminal, karamihan ay mga kabataan. Sinabi ng komisyan na napatunayan nitong 206 sa sinasabing 375 pagpatay sa pagitan ng 2005 at 2009 na nauna na nitong nailista. Hinikayat ng komisyon ang pag-imbestiga sa mga lokal na opisyal at mga pulis, na hindi pa nagsisimula hanggan ngayon.
Mga Pang-aabuso ng New People's Army
Patuloy na naglalaban ang militar at ang komunistang New People's Army sa iba’t ibang dako ng Pilipinas, partikular sa katimugang Mindanao. Hindi umusad noong 2012 ang usapang kapayapaan na nagsimula noong 1986 sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front, ang pampolitikal sangay ng Communist Party of the Philippines.
Madalas na nakakagawa ang NPA ng pang-aabuso sa mga sibilyan. Noong Setyembre 1, naghagis ang mga NPA ng granada sa isang estasyon ng militar sa Paquibato, Lungsod Davao, pero tinamaan at nasugatan sa halip ang mga sibilyang dumadalo sa kalapit na peryang bayan. Nagpatuloy ang NPA sa pagpatay sa mga indibidwal na inaakala nitong nakagawa ng “krimen laban sa taumbayan” o sa kilusang komunista, kabilang ang puno ng tribu na si Abantas Ansabo, na binaril noong Hulyo sa probinsiya ng Hilagang Cotabato. Sinabi ng NPA na lider na paramilitar si Ansabo na nakagawa ng pang-aabuso laban sa mga lokal na residente. Noong Marso, pinatay ng NPA si Patrick Wineger, isang negosyanteng Swiss-Filipino sa Hilagang Cotabato, diumano'y kalahok sa “mga gawaing kontra-komunista” ang biktima.
Kabataan at Armadong Labanan
Diumano'y patuloy sa pagrekrut at paggamit ng mga bata sa kanilang puwersa ang NPA, Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf. Kung minsan, ginagamit ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang mga paaralan para sa layuning militar, tulad ng pagkakampo sa bakuran ng paaralan at pqggamit sa mga pasilidad ng paaralan sa panahon ng mga operasyong sibil-militar, sa kabila ng pagbabawal ng isang batas ng Pilipinas laban sa gayong gawain. Ang pinakahuling report ng insidente ng ganitong paglabag ang nangyari sa Lungsod Davao noong Oktubre.
Mga Kasambahay
Ang ratipikasyon ng Pilipinas sa Domestic Workers Convention noong Setyembre ay magbibigay-bisa sa mahalagang internasyonal na tratadong ito na nangangako ng mas mainam na kondisyon sa paggawa at pangunahing proteksiyon sa paggawa sa milyon-milyong kasambahay sa buong daigdig. Sa panahong nitong pagkasulat, hindi pa napipirmahan ni Aquino ang mungkahing batas na nangangako ng mas mabuting pasahod at benepisyo, at higit na proteksiyon sa tinatayang 2 milyong kasambahay ng bansa.
Mga Pangunahing Internasyonal Aktor
Noong Hulyo, pinalakas ng European Union at ng Pilipinas ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng paglagda sa isang Kasunduang sa Partnership at Kooperasyon na nangangako, kasama ng iba pang bagay, ng mas mabuting pagtutulungan sa mga usapin tulad ng karapatang pantao, seguridad, migrasyon, at enerhiya.
Nanatili ang Estados Unidos bilang pinakamaimpluwensiyang kakampi ng Pilipinas, at kasama ng Australia at Japan, ang pinakamalaking bilateral na donor ng bansa.
May akses ang militar ng US sa teritoryo at karagatan ng Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement, at isinagawa ng dalawang sandatahang lakas noong Oktube ang isa sa mga taunang joint exercises nito. Noong Agosto, idineliber ng US ang mga gamit pangmilitar bilang bahagi ng pagsisikap ng Pilipinas na isamoderno ang militar nito. Gumawa ng ilang pagsisikap ang US para matugunan ang problema sa extrajudicial killings sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtulong sa Commission on Human Rights, nagsanay ng mga imbestigador at prosekyutor, at sumuporta sa repormang panghustisya. Sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na tanggalin ang restriksiyon, nagpatuloy ang Kongreso ng US noong 2012 na hindi ibigay ang $3 milyon sa taunang tulong nito sa militar ng Pilipinas dahil sa mga usapin sa karapatang pantao.
Noong Hunyo, inilabas ng Parliyamentong Europeo ang isang resolusyon na humihiling sa gobyerno ng Pilipinas na tapusin na ang impunidad sa mga pagpatay, tortyur, at pagkawala/pagdukot.
Kasapi ang Pilipinas ng UN Human Rights Council (HRC), ngunit noong 2012, tulad ng mga nakaraang taon, hindi nito nagawang malakas o maprinsipyong maninidigan para sa mga pangunahing boto. Halimbawa, paulit-ulit itong hindi bumoto sa mga hakbang na magpapaunlad sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Syria. Noong Marso, bumoto ang Pilipinas laban sa resolusyong HRC na humihikayat sa gobyerno ng Sri Lanka na gumawa ng aksiyon para matiyak ang hustisya at maitaguyod ang pambansang rekonsilyasyon pagkaraan ng internal na armadong hidwaan ng bansa.