Ang Pilipinas ay isang demokrasyang maraming patido (multi-party system) na may halal na presidente at lehislatura, isang aktibong sektor ng civil society, at masiglang midya. Ang ilang pangunahing institusyon, kabilang na ang hudikatura at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, ay nananatiling mahina at ang militar at pulisya ay patuloy na lumalabag sa karapatang pantao ng walang kaparusahan. Ang mga armadong puwersa, kabilang na ang New People’s Army (NPA) at iba’t-ibang grupong Moro, ay umaabuso rin sa mga sibilyan.
Laging sinasabi ni Pangulong Benigno Aquino III na ang pamahalaan ay “nag-o-overtime” para mapigilan ang mga bagong kaso ng paglabag sa karapatang pantao at para maresolba ang mga naunang kaso, at nakiusap na huwag mainip. Subalit sa kabila ng mga pangako ng pagbabago, konti lang ang iniusad ng administrasyon niya sa pagharap sa mga pang-aabusong may impunidad o walang kaparusahan. Ang mga pagpatay o extrajudicial killing ng mga maka-kaliwa at suspetsadong kriminal ay nagpapatuloy, at ang pamahalaan ay bigong kilalanin at harapin ang pagkakasangkot ng mga hukbong militar at mga lokal na opisyal.
Mga Extrajudicial Killings at Mga Sapilitang Pagkawala
Daan-daang maka-kaliwang politiko at mga aktibista, mamamahayag, at mga kilalang pari ay pinatay o dinukot mula noong 2001. Sa kalahata’y nabigo ang pamahalaan na litisin ang mga militar na nasangkot sa mga naturang pagpatay, kahit na may malalakas na katibayang pinanghahawakan sa marami sa mga kaso. Pito lamang sa mga kaso ng pagpatay na ito ang matagumpay na nalitis, at wala ni isa sa mga ito ay kaso sa taong 2011 o kaya’y may sangkot na militar.
Ang mga pagpatay na may kinalaman sa politika ay nagpapatuloy sa kabila ng mga pangako ni Presidente Aquino na haharapin ang problema. Naitala ng Human Rights Watch ang hindi bababa sa pitong pagpatay o extrajudicial killing at tatlong puwersahang pagkawala (enforced disappearance) kung saan may malakas na katibayan ng pagkakasangkot ng militar mula nang maupo si Aquino noong Hunyo 2010.
Noong Pebrero 27, may mga di-kilalang salarin ang bumaril at nakapatay kay Rudy Dejos, isang pinuno ng tribo at lokal na opisyal ng karapatang pantao, at ng anak niyang si Rudyric. Ang katawan ng nakatatandang Dejos ay kinakitaan ng palatandaan ng pagpapahirap o tortue. Bago pa ang pagpatay, ayon sa asawa ni Dejos, ay ilang beses din siyang binalaan ng mga sundalo ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.. Sinisi ng pulisya ang NPA sa pagpatay bago pa man nangalap ng katibayan, at ngayon ay nagsampa ng mga kaso sa isang akusadong miyembro ng NPA. Hindi naniniwala ang pamilya na NPA ang nasa likod ng mga pagpatay.
Isinaad sa isang mahalagang desisyong ng Korte Suprema noong Mayo at ng ulat ng Komisyon sa Karapatang Pantao ang nagsabi na mga opisyal ng militar ang nasa likod ng “pagkawala” ng apat na maka-kaliwang aktibista noong 2006 at 2007: sina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño, Manuel Merino, at Jonas Burgos. Hindi pa rin nakapagsampa ng kaso ang pamahalaan laban sa mga sangkot na opisyal; dahil sa kawalan ng pagkilos na ito, mismong mga pamilya ang nagsampa ng kaso laban sa mga opisyal.
Mga Pribadong Hukbo
Nangampanya si Aquino sa pangakong bubuwagin ang mga “pribadong hukbo” (private army) ng mga politiko at mayayamang maylupa na matagal nang responsable sa mga malubhang pang-aabuso. Kahit sinabi na ni Interior Secretary Jesse Robredo na nabuwag na ng pamahalaang Aquino ang halos kalahati ng mga mga pribadong hukbo sa katimugang isla ng Mindanao, wala siyang katibayang iniharap. Ang pangakong pagbasura sa Executive Order 546, na ginagamit ng mga lokal na opisyal para bigyang-katwiran ang pagkakaroon nila ng mga armadong hukbo, ay hindi pa rin napatutupad. Patuloy na ipinagtatanggol ni Aquino ang paggamit sa mga hukbong paramilitar na hindi gaanong nakapagsanay at mapang-abuso para labanan ang mga insurektong NPA at mga armadong grupong Muslim. Noong Oktubre, inihayag ni Aquino ang pagpapakalat ng karagdagang kawaning paramilitar para magbigay ng seguridad sa mga kompanya ng pagmimina.
Ang paglilitis sa mga nakatataas na miyembro ng pamilyang Ampatuan para sa masaker na naganap noong Nobyembre 23, 2009, ng 58 na kalaban sa politika at iba pa, kabilang na ang 30 mamamahayag, sa Maguindanao, Mindanao, ay nagpapatuloy pa.
Pagpapahirap
Ang pulisya at militar ay nasasangkot sa maraming insidente ng pagpapahirap noong 2011. Habang nagpapatuloy ang ilang imbestigasyon, ang pagpupursigi sa mga pag-imbestiga ay paiba-iba, at habang isinusulat ang ulat na ito wala pang nahahatulan sa bisa ng Anti-Torture Act ng 2009.
Noong Setyembre, nagsampa ang Department of Justice ng mga kaso ng pagpapahirap laban sa hepe ng isang presinto sa Manila, si Senior Inspector Joselito Binayug, at anim pang iba, kabilang na ang isa sa nakatataas sa kaniyang opisyal, makaraang ang isang video na kuha ng cell phone ang kumalat noong Marso 2010 na nagpapakita kay Binayug na hinahatak ang isang lubid na nakatali sa ari ng isang pinaghihinalaang kriminal at ginugulpi ito habang iniinteroga. Hindi pa rin natutukoy ang kinaroroonan ng biktima na si Darius Evangelista .
Noong Hulyo 23 sa Sumisip, Basilan inaresto ng mga Scout Ranger ng militar ang 39 anyos na panaderong si Abdul-Khan Balinting Ajid pagkatapos siyang iturong miyembro diumano ng armadong grupo na Abu Sayyaf. Sinasabing hinubaran siya ng mga sundalo, sinaktan sa seksuwal na paraan, at sinunog. Bagaman sinasabi ng militar na ang ilang sundalong sangkot ay nadestino sa kapital na Manila at nakapiit sa barracks, wala pang kasong isinasampa laban sa kanila sa oras ng pagsulat ng ulat na ito.
Mga Pagpatay sa Pinaghihinalaang Kriminal at Mga Batang Kalye
Ang mga tinatawag na death squad na nagsasagawa ng operasyon sa Davao City, Tagum City, at iba pang lungsod ay patuloy na tinututukan ang maliliit na kriminal (petty criminals), mga nagtutulak ng droga, mga grupo ng kriminal, at mga batang kalye. Walang ikinilos ang pamahalaang Aquino para buwagin ang mga naturang grupo, wakasan ang mga kampanyang kontra-krimen na nagtataguyod ng paggamit ng karahasang labag sa batas, o kasuhan ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa mga naturang gawain. Sa oras ng pagsulat dito, ang Komisyon sa Karapatang Pantao ay hindi pa nakapag-ulat sa kinalabasan ng mga imbestigasyong binubuo ng maraming ahensiya ukol sa mga pamamaslang sa Davao City noong 2009.
Labanan sa Mindanao
May tigil-putukang umiiral sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front at may nagpapatuloy na pag-uusap. Patuloy na nilalabanan ng hukbong sandatahan ang Abu Sayyaf, isang armadong grupo na sangkot sa maraming pag-atake at pagdukot sa mga sibilyan, partikular na sa Sulu at Basilan.
Pakikipaglaban sa New People’s Army
Nagpapatuloy ang mga sagupaan sa pagitan ng militar at ng NPA, lalo na sa Silangang Bisayas, Negros, at mga bahagi ng Mindanao.
Ang NPA ay pumapatay at bumibihag sa mga sibilyan at puwersahang nangingikil ng mga “buwis” mula sa mga indibidwal at mga negosyo. Madalas na binibigyang-katwiran ng mga pinuno ng NPA ang mga pagpatay na ito sa pamamagitan ng pagsasaad na hinusgahan na ng mga “hukumang bayan” (people’s court) ang mga pinaslang para sa “mga krimen laban sa taong-bayan” (crimes against the people). Halimbawa, pinatay ng NPA si Raymundo Agaze sa Kabankalan City, Negros Occidental noong Agosto 19, at si Ramelito Gonzaga sa Mindanao noong Setyembre 2 matapos husgahan ng “hukumang bayan”. Si Philip Alston, isang dating special rapporteur ng United Nations sa mga extrajudicial na pagpaslang, ay tahasang nagsabi na ang sistema ng paghuhukom ng NPA ay “may malalim na depekto o kaya’y isang kabulaanan lamang.”
Bumuo ang militar ng gawa-gawang kuwento na ang ilang kabataang nahuli at kinulong ng mga militar ay mga rebeldeng NPA. Sa ilang kasong inimbestigahan ng Human Rights Watch, ipinarada ng militar ang mga kabataan sa harap ng midya, at tahasang binansagang mga rebelde kahit na taliwas ang katibayan. Sa dalawa sa mga kaso, ikinulong ng army ang mga kabataan nang ilang araw.
Dinokumento ng UN Children’s Fund ang paggamit ng NPA at Moro Islamic Liberation Front ng mga bata sa sagupaan, pati na ng mga sandatahang puwersa ng pamahalaan. Iniulat ng UN ang lumalalang paggamit ng mga puwersang pangseguridad ng pamahalaan ng mga paaralan bilang barracks at kampo na lumalabag sa pambansang batas na nagbabawal sa naturang gawi.
“Reproductive Rights”
Ang mga pang-kontrasepsiyon, kabilang na ang mga condom, ay ipinagbabawal sa ilang bahagi ng Pilipinas, kung saan ipinagbabawal at pinaparusahan ang pagpapalaglag (abortion) nang walang pinipili (no exception). Iniiwan ng batas na bukas ang posibilidad na ang isang nakamamatay na panganib sa buhay ng babaeng nagdadalang-tao ay maaaring maging katanggap-tanggap na katwiran para hindi siya litisin. Subalit, kailangan pang posisyon ang Korte Suprema ng Pilipinas sa posibilidad na ito, na hindi nakababawas sa grabeng kahihinatnan ng pagsasakriminal sa aborsyon para sa kalusugan at buhay ng kababaihan.
Sa kabila ng matinding oposisyon mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Pilipinas, nananatiling matatag si Aquino sa isang reproductive health bill na naglalayong magbigay sa lahat ng tao ng paggamit sa kontrasepsyon at pangangalaga sa nagdadalang-tao. Ang panukalang batas na ito’y may pinatutukuyang pagpapahusay sa proteksiyon ng mga karapatang seksuwal at pagdadalang-tao, at karapatan sa pinakamahusay na pangangalagang medikal na maaaring makuha, ngunit pinananatiling isang kriminal na paglabag ang aborsiyon. Sa oras ng pagsulat nito, nananatili itong nasa Kongreso.
Mga Pilipinong Manggagawa sa Ibang Bansa
Humigit-kumulang sa dalawang milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa, at sa unang siyam na buwan ng 2011 ay nagpadala ang mga ito ng tinatayang US$13 bilyon. Daan-daan libong kababaihan ang nagtatrabaho sa Timog Silangang-Asya at sa Gitnang Silangan bilang mga domestic worker, kung saan karaniwan silang hindi napapaloob sa mga batas para sa manggagawa at karaniwang nasasadlak sa abuso kabilang na ang hindi pagpapasahod, hindi pagpapakain, sapilitang pagkakakulong sa lugar na pinagtatrabahuhan, at pisikal at seksuwal na pandadahas. Noong 2011 ang pamahalaang Pilipinas ay nagpanukala o nagpatupad ng mga deployment bans sa mga bansang may matataas na insidente ng pang-aabuso. Ang mga pagpipigil na ito ay hindi naging epektibo dahil ang mga bansang nagpapatrabaho ay kumuha ng manggagawa sa ibang mapagkukunan. Kailangan pang magpatupad ng proteksiyon sa mga kasambahay (domestic workers) sa Pilipinas, ngunit nanguna ito sa pamumuno sa mga negosasyon sa International Labour Organization Convention on Decent Work for Domestic Workers, na ipinasa noong Hunyo 16, 2011.
Mga Pangunahing Pang-internasyonal na Tagapagpaganap
Ang Estados Unidos ay nananatiling pinaka-maimpluwensiyang kasangga ng Pilipinas at, kasama ng Australia at Japan, ay isa sa tatlong pinakamalalaking bilateral donors. Ang militar ng US ay nakagagamit sa lupain at karagatan ng Pilipinas sa bisa ng Visiting Forces Agreement, at ang dalawang hukbong sandatahan ay nagsasagawa ng taunang magkasamang pagsasanay. Sa taong-piskalya na 2011-2012 naglaan ang pamahalaang US ng $12 milyon sa Pilipinas sa bisa ng Foreign Military Financing para sa pagbili ng kagamitan, serbisyo, at pagsasanay mula sa militar ng US. Sa halagang iyon, $3 milyon ay nakasalalay sa pagpapakita ng pamahalaan ng Pilipinas sa pag-unlad ng pagsagot sa mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang mga pagpatay na extrajudicial. Nanawagan si US Ambassador Harry Thomas, Jr. sa pamahalaan na dagdagan ang ginagawa nito para wakasan ang kawalang-kaparusahan sa Pilipinas.
Ang programa ng European Union para sa 2009 hanggang 2011 na €3.9 million ($5.3 million) para harapin ang mga pagpatay na extrajudicial at pagtibayin ang sistemang pangkatarungan ay natapos noong April.
Noong Mayo, inihalalal ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang miyembro ng UN Human Rights Council.