Si Benigno Aquino III, anak ng nasirang pangulong Corazon Aquino, ay nanalo sa halalan noong nakaraang Mayo sa platapormang lalabanan ang katiwalian at itataguyod ang katarungan para sa mga biktima ng krimen. Ang ginanap na lokal at pambansang halalan ay tinuring malaya at patas, bagaman may karahasan, kabilang na ang dose-dosenang pagpatay bago sumapit ang araw ng halalan. Nagpatuloy ang karahasang pulitikal matapos ang halalan dahil mahigit sa 20 aktibista, mamamahayag, kasapi ng partido, at pulitiko ang pinatay mula nang manumpa si Aquino noong Hunyo 30.
Ang Pilipinas ay isang demokrasyang maraming partido (multiparty) na may halal na pangulo at lehislatura, isang lumalakas na sektor ng lipunang sibil, at masigabong medya. Ngunit nananatiling mahina ang ilang pangunahing institusyon, kabilang na ang mga ahensiyang nagpapatupad sa batas at sistema ng hustisya, at gumagawa ng mga paglabag sa karapatang pantao ang militar at pulisya nang ligtas sa parusa.
Noong Setyembre, sina Andal Ampatuan Jr. at 18 iba pang katao ay nilitis para sa pagpatay ng 58 katao noong Nobyembre 23, 2009, kabilang ang mahigit 30 mamamahayag sa Maguindanao sa katimugang isla ng Mindanao. Ang ilang saksi sa pagpatay at mga pamilya nila ay pinagpapatay noong 2009 at 2010.
Mga Pagpatay na Hindi Ipinag-utos ng Hukuman at Mga Sapilitang Pagkawala
Daan-daang pulitikong maka-kaliwa at mga aktibistang pulitikal, mga mamamahayag, at mga paring tahas kung magsalita ang pawang pinagpapatay o pinagdadakip mula noong 2001. Sa kasalukuyan, 11 katao lang ang nahatulan laban sa mga pagpatay na ito-wala noong 2010-at wala nang iba pang nahatulan laban sa mga pagdukot. Bagama't nasangkot ang ilang kasapi ng militar, pulisya, at militia sa mga pagpatay na ito, walang miyembro ng militar na aktibo noong panahon ng mga pagpatay na iyon ang nahatulan.
Noong Disyembre 2009 isinabatas ng Pilipinas ang Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity Act (Mga Krimeng Labag sa Pandaigdigang Batas Sa Sangkatauhan, Maramihang Pagpatay, at Iba Pang Krimeng Labag sa Sangkatauhan) (Republic Act 9851), na naglalarawan at nagpaparusa sa mga krimeng pandigmaan, genocide, at mga krimeng labag sa sangkatauhan. Itinatakda nito na panagutin sa batas ang mga nakatataas na opisyal sa mga pang-aabusong ginagawa ng mga nakabababa sa kanila, kung kanilang alam o dapat nilang nalalaman ang mga pang-aabuso at hindi nila isinagawa ang mga nararapat na hakbang para pigilan ang mga ito.
Hindi bababa sa limang saksi at mga kapamilya ng saksi sa mga pang-aabuso ng pamilyang Ampatuan, kabilang na ang Maguindanao massacre, ang pinagpapatay mula noong Disyembre 2009. Noong Hunyo 14, isang di-kilalang mamamatay-tao ang bumaril at nakapatay kay Suwaib Upahm, isang kasapi ng Ampatuan militia na nakibahagi sa masaker, at nag-alok na tetestigo para sa pamahalaan kung pagkakalooban ng proteksyong pang-saksi. Tatlong buwan bago siya napatay, nagsaad na ng saloobin ang Human Rights Watch sa mga opisyal ng Kagawaran ng Hustisya sa Manila tungkol sa kanyang proteksyon. Pinag-iisipan pa lamang ng kagawaran ang kanyang hinihiling na proteksyon noong panahong siya ay mapatay.
Nagpanukala si Pangulong Aquino ng 80 porsiyentong pagtaas sa badyet ng programa para sa proteksyong pang-saksi, ngunit walang ginawang hakbang ang kanyang pamunuan para gawing malayang nagsasarili at bukas ang programa at para mapaabot ang proteksyon sa simula ng pagsisiyasat ng pulisya hanggang sa hindi na ito kakailanganin, pati na sa pagtatapos ng paglilitis.
Patuloy na pinalalamig ng pag-aalinlangan na magkakaloob ng kautusang magsiyasat at ipatupad ang mga kautusang ito, ang pag-asang mapilit ng mga utos ng Korte Suprema na magpalabas ng impormasyon tungkol sa mga taong nasa pag-iingat nila, ang mga militar at iba pang opisyal, at magsagawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang mga taong nasa panganib. Sa dalawang kaso, nagpasya ang Korte Suprema na nagkulang ang mga pagsisiyasat, subalit ipinasa lang ang kaso sa Komisyon ng Karapatang Pantao para sa karagdagang pagsisiyasat at pagmamanman-isang tungkuling dapat nang isinasagawa ng komisyon. Kaugnay sa isa sa mga kasong ito ang pagdakip noong 2007 sa isang maka-kaliwang aktibista na si Jonas Burgos na nananatiling nawawala.
"Mga Pribadong Hukbo"
Sa maraming lalawigan, ang mga nakaupong pamilya ay patuloy na gumagamit ng mga puwersang paramilitar at lokal na pulisya bilang mga pribadong hukbo. Sa pamamagitan ng pangangalap ng mga bagong kawal, pag-aarmas, at pagbayad sa iba't-ibang kasapi ng militia, na kadalasan ay may suportang nagmumula sa pambansang pamahalaan, natitiyak ng mga lokal na opisyal ang patuloy nilang pamumuno, inaalis ang mga kalaban sa pulitika, at nagsasagawa ng katiwalian. Ang Maguindanao massacre, ang pinakamalaking kabuktutang kinasasangkutan ng namamahalang pamilya sa mga nakaraang taon, ay sinasabing isinagawa ng pribadong hukbo na binubuo ng mga miyembrong paramilitar, pulis, at mga sundalong na itinataguyod ng pamahalaan.
Noong 2010, bumuo ang pamahalaan ng mga pangkat na inatasang buwagin ang mga pribadong hukbo sa mga lalawigan ng Masbate at Abra, ngunit nagpapatuloy pa rin ang mga ito. Noong Hulyo inutusan ni Pangulong Aquino ang pulisya at militar na kontrolin ang mga hukbong paramilitar, sanayin sila nang husto, at tiyakin na lahat ng hukbo ay mailayo sa mga pulitikal na entidad. Patuloy na ipinagtatanggol ni Aquino ang paggamit sa mga hukbong ito, na kadalasan ay nagbibigay ng lakas-tao sa mga pribadong hukbo at may kasaysayan ng paglabag sa karapatang pantao.
Labis na Pagpapahirap
Ang pagpalabas noong Agosto ng video na kuha ng isang cell phone na nagpapakita sa isang hepe ng presinto sa Maynila na hinahatak ang lubid na nakatali sa ari ng isang suspek at paggulpi sa kanya habang tinatanong, ay nagtuon sa atensyon ng publiko sa kalupitan ng pulisya. Nagsampa ang mga imbestigador ng mga kaso ng labis na kalupitan laban sa siyam sa mga pulis na sangkot sa video. Ang biktima, si Darius Evangelista, ay inaakalang patay na.
Ginagawang isang krimen ng Anti-Torture Act ng 2009 ang labis na pagpapahirap at nagbibigay ito ng mga paraan na mapigilan ang labis na pagpapahirap. Halimbawa, iniaatas nito sa pulisya at militar na ihayag buwan-buwan ang kinalalagyan ng lahat ng piitan sa Komisyon ng Karapatang Pantao. Ang mga pulis at militar na nagsasagawa ng pagsasanay sa batas ngunit hindi pa nagagawang ihayag ang lokasyon ng mga piitan.
Mga Kusang Pagpatay sa Maliliit na Kriminal at Mga Kabataang Lansangan
Ang mga tinatawag na "death squad" na nagsasagawa ng operasyon sa Davao City, General Santos City, Digos City, Tagum City, at Cebu City ay patuloy na tinututukan ang maliliit na kriminal, mga nagtutulak ng droga, mga kasapi ng gang, at mga batang lansangan. Ang bilang ng mga pagpatay ay bumaba kasunod ng pagsisiyasat ng Komisyon ng Karapatang Pantao.
Noong Enero, sinuspindi ng Ombudsman ang 26 na pulis dahil sa kabiguang malutas ang mga pagpatay sa Davao City, ngunit binawi ng Court of Appeals ang kautusang ito noong Hulyo.
Sa panahon ng pagsulat nito, hindi pa nakapag-ulat ang Komisyon ng Karapatang Pantao sa kinalabasan ng mga imbestigasyon ng binuong pangkat mula sa maraming ahensya sa mga pagpatay sa Davao City, na nagsimula noong Abril 2009.
Armadong Labanan sa Mindanao
May tigil-putukang umiiral sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front at may inaasahang pag-uusap na magaganap. Subalit, sa panahong sinusulat ito, mahigit sa 100,000 katao ang nananatiling hindi makabalik sa kani-kanilang tahanan dahil sa pagtindi ng labanan noong 2008 at 2009.
Patuloy na nilalabanan ng hukbong sandatahan ang Abu Sayyaf, isang armadong pangkat na sangkot sa maraming pag-atake at pagdukot sa mga sibilyan, partikular na sa Sulu at Basilan.
Pakikipaglaban sa New People's Army
Ang mga sagupaan sa pagitan ng militar at komunistang New People's Army (NPA) ay nagpatuloy noong 2010, lalo na sa Gitnang Luzon at Hilagang Luzon, Timog Katalugan, Bicol, Silangang Visayas, Negros, at sa Mindanao. May 1,100 katao sa Surigao del Sur, Mindanao ngayong taon na ito, ang dalawang beses na naalis mula sa kanilang tahanan nang ilang araw sa tuwing tutungo ang mga puwersang militar sa kanilang lugar.
Noong Pebrero 6 may inarestong 43 lalaki at babae ang mga militar at pulis para sa kasong pag-iingat ng baril, at inakusahan ang mga ito bilang mga kasapi ng NPA. Lahat maliban sa lima sa mga nakapiit ang nagsabing sila ay mga health worker at tinanggi ang pagkakasangkot sa armadong grupo. Ikinulong at piniringan sila ng mga umarestong opisyal at pinagkaitan ng komunikasyon sa unang 36 oras, at hindi sila pinakausap sa kani-kanilang mga abogado sa panahong iyon. Ngunit sa halip na siyasatin ang mga alegasyon ng pang-aabuso, ginawaran ng militar ang dalawang nanguna sa pag-aresto.
Patuloy na pumapatay ng mga sibilyan ang NPA at puwersahang nangingikil ng "mga buwis" sa mga indibidwal at mga negosyo. Halimbawa ay, noong Hulyo 13, pinatay ng mga miyembro ng NPA ang dating punong-bayan ng Giporlos, na si Mateo Biong, Jr., sa lalawigan ng Silangang Samar. Ayon sa NPA, pinatay si Biong makaraang mahatulan siya ng kamatayan ng rebeldeng "hukumang bayan."
Mga Karapatang Reproduktibo at Paggamit ng Kondom
Ang pagbabawal sa paggamit ng mga kondom ay patuloy na humahadlang sa mga hakbanging mapigilan ang pagkalat ng HIV/AIDS sa Pilipinas, kung saan mahigit sa 90 porsiyento ng pagkakahawa sa HIV ay nagaganap sa pamamagitan ng pagtatalik nang walang proteksyon, at kapwa bilis ng pagkakahawa at kabuuang paglaganap ng HIV ay malaki ang itinaas sa nakaraang mga taon, lalo na sa mga populasyong malaki ang posibilidad na mahawaan. Noong Setyembre, nangako si Pangulong Aquino na pahuhusayin ang pagtanggap ng lahat ng anyo ng pagplano sa pamilya, kabilang na ang mga kondom. Sa panahong sinusulat ito, patuloy na ipinagbabawal ng Pilipinas ang pagpapalaglag.
Mga Pilipinong Manggagawa sa Ibang Bansa
Humigit-kumulang sa 2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa, kabilang na ang daan-daan libong kababaihan na nagtatrabaho bilang mga domestic worker sa ibang bahagi ng Asya at Gitnang Silangan. Bagaman gumawa ng mga hakbang ang pamahalaan ng Pilipinas na tulungan at pangalagaan ang mga domestic worker sa ibang bansa, maraming kababaihan ang patuloy na dumaranas ng pang-aabuso sa ibang bansa kabilang na ang hindi pagbabayad ng sahod, pagkakait ng pagkain, sapilitang pagkakakulong sa pinagtatrabahuhan, at abusong pisikal at sekswal (basahin ang mga kabanata tungkol sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Lebanon, Kuwait, at Malaysia).
Mga Pangunahing Pandaigdigang na Tagapagpaganap
Ang Estados Unidos ay nananatiling pinakamaimpluwensiyang kasangga ng Pilipinas at, kasama ng Australia at Japan, ay isa sa tatlong pinakamalalaking magkakasamang nagbibigay-tulong. Ang militar ng Amerika ay nakagagamit sa lupain at karagatan ng Pilipinas sa bisa ng Visiting Forces Agreement, at ang dalawang hukbong sandatahan ay nagsasagawa ng taunang magkasamang pagsasanay. Naglaan ang Senado ng Estados Unidos ng US$32 milyon para sa Pilipinas noong fiscal year 2009-2010 sa bisa ng Foreign Military Financing para sa pagbili ng mga kagamitan, mga serbisyo, at pagsasanay ng militar ng Amerika. Sa halagang iyon, $2 milyon ay nakasalalay sa pagpapakita ng pamahalaan ng Pilipinas ng pagsulong sa pagtugon sa mga paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang mga pagpatay na hindi ipinag-utos ng hukuman. Noong Setyembre, nagkaloob ang Millennium Challenge Corporation ng kasunduang tatagal ng limang taon para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas, na may kabuuang halaga na $434 milyon.
Nagpatuloy ang pagpapatupad sa programang 2009-11 na pinondohan ng European Union ng halagang €3.9 milyon (US$5.3 milyon) para tugunan ang mga pagpatay na hindi ipinag-utos ng hukuman, at patatagin ang sistema ng katarungang kriminal sa pamamagitan ng pagbigay ng pagsasanay at tulong teknikal.
Ang ugnayan sa bansang Tsina, lalo na sa Hong Kong, ay nananatiling malamig mula nang gawing bihag ng isang nasibak na pulis ang isang bus ng mga turistang taga-Hong Kong sa Manila. Hindi sapat ang naging tugon ng pulisya at walo sa mga turista ang napatay, dagdag pa ang nambihag, at siyam sa mga turista ang nasugatan.