July 7, 2008

VIII. Pang-aabuso at Pagsasamantala sa Paggawa

Ang naging problema  ko rito ay hindi ako sinahuran ng mga amo ng 700 riyals [kada buwan], 600 lang daw ang ipapasahod nila.  Hindi pa rin nila ibinigay ang sahod ko matapos ang anim na buwan. Limang buwan lang akong pinasahod sa loob ng tatlong taon.
¾ Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006

Ang mga domestic worker sa Saudi Arabia ay nagtatrabaho sa mga kalagayang hindi papasa sa pamantayang itinatakda ng Saudi Arabia para sa ibang manggagawa at ng mga pandaigdigang pamantayan sa paggawa. Ilang pagsuway sa karapatang paggawa ang maaaring maranasan ng mga domestic worker, tulad ng hindi pagpapasahod, sobrang haba ng oras ng pagtatrabaho, kawalan ng oras ng pahinga, araw ng pamamahinga, compensation, at iba pang benepisyo.

Hindi lahat ng mga domestic worker ay nakakaranas ng pang-aabuso. Nakapanayam ng Human Rights Watch ang ilang mga domestic worker na nakakatanggap ng sahod sa oras at nagplaplanong bumalik sa Saudi Arabia, tulad sa kaso ni Nanmalar S., na nagmula sa Sri Lanka, na nagsabing, "Sinasahuran nila ako sa oras kada buwan; ibinibigay rin nila ang suweldo ko kapag kailangan ko na ito at naipapadala ko sa aking pamilya. Siguro nakapagpadala na ako sa amin ng 50,000 rupees… Nakapagpatayo ng ako ng bahay para sa pamilya ko [mula sa aking sahod]." [171] Isang amo ang nagsabi, "Batay sa aming tradisyon, sa palagay namin hindi maganda kung hindi kikilalanin ang karapatan [ng mga domestic worker]. Karaniwan sobra pa ang ibinibigay naming karapatan sa kanila. Tuwing Ramadan binibigyan namin siya ng dagdag na 500 riyal ($130). Kapag nakita namin siyang umiiyak, bibilhan namin siya ng phone card para matawagan niya ang kanyang pamilya nang hindi na siya gagastos." [172]

Gayunpaman, dahil sa kawalan ng ligal na patakaran sa minimum na pamantayan, parusa sa pang-aabuso, o mga paraan para maibsan ang sapilitang pagkabukod ng mga domestic worker sa mga pribadong bahay, napakaraming mga domestic worker ang patuloy na nahaharap sa napaka-mapagsamantalang kalagayan.

Mababa at Hindi Pantay na Pasahod

Natuklasan ko na…600 riyal ang sahod ng mga katulong na Indonesian samantalang 400 riyal lamang ang sa mga Sri Lankan. Madalas akong napapaiyak bago ako matulog, habang iniisip na pumunta ako rito para magtrabaho at kumita, at mahirap lang ako at walang perang pantustos sa aking mga anak. Pero 400 riyal lamang ang pasahod sa akin ng babaeng ito, kapalit ng napakaraming trabaho.
¾ Fathima S., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006

Mababa talaga ang sahod ng mga domestic worker, samantalang nagtatrabaho sila ng napakahabang oras at walang araw ng pahinga. Sinabi ng ilang domestic worker na matutugunan ng sahod na ito ang panggastos ng kanilang pamilya. Sabi ni Mahilam G., taga Sri Lanka, "Sumasahod ako ng 400 riyal kada buwan.  Kulang ito sa pagpapaaral at pagkain ng mga anak ko… Akala ko sasahod ako ng 500 o 600 riyal… kasi 500-600 riyal ang pasahod nila sa mga katulong na Indonesian. Akala ko pareho ang matatanggap ko." [173]

Noong nakaraang taon, tumanggi ang Pilipinas, Indonesia, at Sri Lanka na patotohanan ang mga kontrata para sa kanilang mga domestic worker kung hindi tutugunan ng Saudi Arabia ang panawagan para sa mas mataas na sahod. Dinagdagan ang sahod ng mga Pilipina mula 700-800 riyal kada buwan pataas sa 1,400-1,500 riyal kada buwan ($182-208 hanggang $364-390). Tumaas ang sahod ng mga domestic worker na Indonesian mula 600 riyals tungo sa 800 riyal ($156 hanggang $208), at ang sa mga Sri Lankan ay tumaas ang sahod mula 400 riyal tungo sa 650 riyal ($104 hanggang $169) kada buwan.

Karaniwang magkakaiba ang pinapasahod ng mga amo sa mga domestic worker, batay sa bansang pinagmulan ng huli. Nagtatangi ang industriya ng labor recruitment laban sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtatakda ng bahagdan batay sa nasyonalidad, imbes na sa karanasan sa trabaho, kasanayan, o uri ng trabaho. Habang maraming domestic worker mula sa Pilipinas ang nakakatuntong ng kolehiyo at marunong mag-ingles, iyong mga buhat sa Sri Lanka o Indonesia na halos may parehong kasanayan ay tumatanggap pa rin ng mas mabahang sahod.

Bilang isang kasama sa International Convention on the Elimination of all forms of Racial Discrimination, dapat hindi payagan ng Saudi Arabia ang diskriminasyon sa hanay ng mga domestic worker batay sa bansang pinagmulan. Noong 2004, ipinaalala ng UN Committee on CERD sa lahat ng mga estado na kailangan ng mga ito na gumawa ng hakbang 

"upang wakasan ang diskriminasyon laban sa mga hindi mamamayan kaugnay ng kalagayan at rekisitos sa trabaho" at "upang pigilan at ituwid ang mga malubhang problema na karaniwang kinakaharap ng mga hindi mamamayan na mga manggagawa, sa partikular ang mga hindi mamamayan na domestic worker, kasama ang pagkatali sa utang, pagkuha ng pasaporte, iligal na pagkukulong, panggagahasa at pananakit" (idinagdag ang diin). [174]  

Tulad ng tinalakay sa mga naunang bahagi, maraming mga domestic worker ang tumatanggap ng mas mababang sahod kumpara sa orihinal na ipinangako ng mga labor recruiter o ng kanilang amo. Nakapanayam ng Human Rights Watch ang 12 domestic worker na nagsabing mas mababa ang sahod nila sa halagang napagkasunduan sa kontrata o bago sila umalis. Sabi ni Pannamma S., "Pinangakuan nila ako sa Sri Lanka ng 700-800 riyal [kada buwan]. Dito [nagkasundo] sila sa 400 riyal lamang." [175]

Hindi Pagbibigay ng Sahod at Pagbawas sa Sahod

Hindi ako sinahuran ng amo  ko sa loob ng siyam na taon at tatlong buwan. {Matapos akong magreklamo sa embahada} binayaran nila ang sahod ko sa dalawang taon at pitong buwan. Hindi nila binayaran ang iba kong pinagtrabahuan. Labing-isang {11} buwan na ako dito {sa embahada}… Hindi ako uuwi hanggat hindi ko nakukuha ang aking sahod.
¾Sisi R. domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008
Ibigay ang sahod ng manggagawa bago siya matuyuan ng pawis.
¾Hadith na ikwinento ni  Ibn Majah of Ibn 'Umar[176]

Nangunguna ang hindi pagpapasahod sa pinakamadalas na mga reklamo ng mga domestic worker sa Saudi Arabia na inihahapag sa mga embahada ng mga labor-sending na bansa, sa Saudi Ministry of Social Affairs, at sa Human Rights Watch. Halimbawa, isang mataas na opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa ang nagsabing, "Hindi pagbibigay ng sahod ang pinakamadalas na reklamo. Kapag nagreklamo sila ng hindi pagtanggap ng suweldo, karaniwang nangyari ito sa loob ng anim na buwan o mas matagal pa; sa ilang kaso, 13-14 na buwan. Minsan wala silang natanggap na kahit anumang sahod."[177] Sa 86 na domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch sa Saudi Arabia at sa pag-uwi nila sa Sri Lanka, 63 ang hindi nakasahod ng buo.

Sa ilang kaso na naikuwento sa amin, iniipit ng mga amo ang sahod ng manggagawa para mapilitan ang mga ito na patuloy na magtrabaho kahit ayaw na nila o tapos na ang kanilang kontrata. Dagdag pa rito, kumukuha ang mga amo ng hindi makatwiran at iligal na bawas sa mga sahod bilang paraan ng pagpaparusa, bayad ng manggagawa sa pagpapagamot, o para mabawi ang gastos sa recruitment fee.

Nakapanayam namin ang ilang kababaihan na hindi nakatanggap ng sahod ng ilang buwan hanggang ilang taon. Halimbawa, sinabi ni Sri H. sa amin, "Walong buwan akong nagtrabaho pero pang-isang buwan lang ang sinahod ko. Buwan-buwan nangangako silang ibibigay na ang sahod ko, pero sa totoo lang palagi akong nakikipagtalo sa amo ko tungkol sa aking sahod."[178] Nakatanggap ang ilang manggagawa ng sahod nila paminsan-minsan, ang iba naman ay walang anumang natanggap at nagtrabaho sa kalagayang sapilitang pagtatrabaho. Sabi ni Thanuja W., "Lagi kong hinihingi ang aking sweldo, pero hindi pa rin nila ako nabayaran makalipas ang dalawang taon. Ibinalik nila ako sa agent."[179] Halos sampung-taong nagtrabaho si Fatima N. ng walang tinatanggap na anumang sahod: "Dumating ako noong 1997, at wala akong natanggap na anumang sahod… Nagagalit sila kapag tinatanong ko ang tungkol sa aking sahod."[180]

Sa ilang kaso, nasasahuran ng mga amo ang mga domestic worker, pero hindi ito regular o buwanan. Gayunpaman, bahagi lamang ng dapat na sahod ang naibibigay nila sa ilang pagkakataon. Kahit na hindi sakop ng Saudi labor law ang mga domestic worker, binibigyang-karapatan naman nito ang ibang manggagawa na sumahod buwan-buwan.[181] Sabi ni Malini S., "Buwan-buwan kong hinihingi ang aking sahod, pero tuwing tatlong buwan lang nila ito binibigay. Sabi nila palagi, 'Saka na, saka na.'"[182] Sabi ni Nur A. sa Human Rights Watch, "Ibinibigay lang nila ang sahod kapag umiiyak o nagmamakaawa ako sa kanila. Dalawang buwan lang na sahod ang ibibigay tuwing apat na buwan."[183] Si Prema C., na sinahuran ng amo niya tuwing tatlong buwan dahil daw sa wala silang hawak na pera, ang naglagum sa kalagayan ng marami pang manggagawa: "Hindi namin masyadong maintindihan ang tungkol sa sahod. Hindi ko alam kung babayaran nila ako o hindi."[184]

Ilang amo ang nang-iipit ng sahod upang pigilan ang mga domestic worker na umalis sa trabaho bago pa man matapos ang kontrata ng mga ito. Sinabi ni Bethari R. sa Human Rights Watch, "Hindi nila ako pinasahod sa loob ng limang buwan. Sabi nila bayad ko raw iyon at garantiya dahil takot sila na hindi ko tapusin ang kontrata."[185]

Ilang amo ang naghihintay hanggang malapit nang umuwi ang domestic worker upang makadaya sa pagbabayad dito ng kabuuang sahod. Halimbawa, sabi ni Meena P., "Hindi nila ako pinasahod ng isang taon… Noong papunta na ako sa airport pauwi, binigyan nila ako ng tseke na pang-apat na buwan. Pagpunta ko sa bangko sabi sa akin talbog daw ang tseke."[186]

Ang mga salik na nagpapahirap sa mga domestic worker na tumakas mula sa pisikal o sekswal na pang-aabuso ang siya ring nagpapahirap sa kanila na tumakas sa mga kalagayan na kung saan pinipilit sila ng mga amo na magtrabaho nang walang regular na sahod: pagkukulong sa bahay na pinagtatrabahuan, mahigpit na visa na nagbabawal sa kanilang humanap ng ibang amo, pangangailangan sa pera at pagkakautang sa kanilang bansa, at ang paniniwalang obligado silang tapusin ang kanilang dalawang-taong kontrata anuman ang kalagayan nila sa pagtatrabaho.

Patuloy na nagtatrabaho ang maraming mga domestic worker sa pag-asang tutuparin ng mga amo ang pangakong ibibigay ang kanilang sahod sa "darating na mga araw" o matatanggap ang buo nilang sahod sa katapusan ng dalawag-taon nilang kontrata. Ang mga domestic worker na tumatakas sa kanilang mga among hindi sila sinuwelduhan ay nahaharap sa mga mabigat na balakid sa pagkuha ng kanilang sahod. Tatalakayin ito sa Chapter IX at X sa dakong ibaba.

Sa ilang mga kaso isinasabay ng mga amo ang pag-ipit sa suweldo sa ibang tipo ng pag-kontol at panghihiya, tinatakot ang mga manggagawa na bubugbugin ito o iba pang tipo ng parusa. Paulit-ulit na binantaan ng kanyang amo si Sandra C. na dadalhin sa pulis at sinabi sa kanya na, "ipakukulong nila ako kapag hiningi ko ang aking tiket [pabalik sa Pilipinas]." [187] Sabi ni Latha P., "Binubugbog nila ako tuwing hihingin ko ang aking sahod. Nakuha ko rin ang unang tatlong buwan kong sahod. Nakatanggap ako ng tawag na nagsabing talaga raw may sakit ang tatay ko. Hiningi ko ang aking sahod at binugbog nila ako." [188] Si Shanti R., na tinalakay sa naunang chapter, ay kinalbo matapos nitong hingin ang kanyang sahod. [189]

Matapos mangibang bayan dahil sa pangangailangan sa pera at nangangailangang makuha ang kanilang sahod sa tamang oras para tugunan ang mga kagipitan sa kanilang bahay, maraming kababaihan ang nakaramdam na ang hindi pagbibigay ng sahod ay isang napakasakit na pandurusta. Iniwan ni Marilou R. ang kanyang pamilya at bahay sa Pilipinas matapos magkaroon ng sakit sa puso ang isa niyang kapamilya at nangailangan ng mahal na gamot. "Ang dapat kong sahurin dito ay [katumbas ng] ng 10,000 piso kada buwan. Anim na buwan akong hindi pinasahod. Mas mabuti pang magtrabaho sa Pilipinas sa 5,000 pisong sahod kasi makukuha mo ang iyong sahod." [190]

Binabawasan ng ilang amo ang sahod ng kanilang mga domestic worker, sinisingil ang mga ito sa mga naiisip na naging pagkakamali o sinirang gamit ng manggagawa habang nagtatrabaho ang mga ito, o kaya ay ginagamit itong paraan ng pag-kontrol. Halimbawa, sabi ni Wati S.,

Kapag paubos na ang Pepsi, pagbibintangan ako ng amo ko na iniinom ko ito at babawasan ang sahod ko. Bago nila ako masahuran [kada buwan], ubos na ang sasahurin ko sa kababawas nila. Binabawasan nila ang sahod ko kapag may nawalang tinidor o kung hindi umiinit ang plantsa. Pinagbintangan akong sinira ko raw ito…  Hindi ako sinahuran sa loob ng sampung buwan. [191]

Sabi ni Cristina M., "Ang sahod ko ay 750 riyal, pero hindi ito binigay sa akin ni Madam. Ako ang bumibili ng pagkain ko, lahat ng aking pangangailangan, ng aking pasador, sabon, bumili ng gamot ko kapag meron akong sakit. Binabawasan niya ang sahod ko kapag kulang ng laman na kamatis o manok ang kusina. Kapag naubos ang manok, babawasan niya ang sahod ko ng 30 riyal." [192]

Umiiwas ang ilang amo sa kanilang obligasyon na bayaran ang tiket pauwi ng domestic worker pagkatapos nitong makumpleto ang kontrata sa pamamagitan ng halaga ng tiket sa sahod ng manggagawa. Halimbawa, sinabi ni Isdiah M. na "ginamit ng aking amo ang sahod ko sa pagbili ng aking tiket. Tatlong buwang sahod ko ang ginamit niya at sahod ko lang sa limang buwan ang ibinigay sa akin." [193] Sabi ni Praveena A., bagong uwi mula sa pagtatrabaho sa Saudi Arabia, "Hiningi ko sa aking amo na bayaran niya ang tiket ko pauwi." [194]

Iba-ibang taktika ang ginagamit ng mga amo upang hindi mabisto sa hindi nila pagpapasahod ng regular at buo sa kanilang mga empleyado. Iniulat ng ilang mga domestic worker na pinapirma sila ng mga resibo na nagsasaad na kanilang natanggap ang buo nilang sahod kahit na hindi ito ang talagang nangyari. Sabi ni Jayanadani A., "Tuwing sasahod na ako ng halagang 1,200 riyal [$1,200}, bibigyan lamang nila ako ng 800 riyal. Papipirmahin nila ako pagkatapos ibigay ang pera." [195]

Sobrang Bigat ng Trabaho, Mahabang Oras ng Pagtatrabaho, Kulang sa Pahinga

Anim ang nakatira sa bahay na pinasukan ko bilang domestic worker... Ayos lang sana kung tama ang pasahod sa akin at nakakapahinga ako nang maayos. Minsan nagsisimula akong magtrabaho alas-singko ng umaga (5 a.m.), minsan naman alas-singko na ng umaga (5 a.m.) ako natatapos. Ganito kapag Ramadan. Minsan dalawa hanggang apat na oras lang ang pahinga ko. Minsan naman ginigising nila ako habang natutulog. Katulong lang ako na kailangang sundin ang gusto nila.
¾ Teresa O., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006

Sobrang pagtatrabaho at kakulangan sa tamang pahinga ang isa sa mga pangkaraniwang reklamo ng mga domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch. Iniulat din ito ng mga opisyal ng embahada at samahan ng mga migrante sa labor-sending na mga bansa. Sa hanay ng mga domestic worker na nakapanayam para sa ulat na ito, karaniwan silang nagtatrabaho sa loob ng 18.7 oras bawat araw, pitong araw bawat linggo.

Maraming mga domestic worker ang nag-ulat na pinagtatrabaho sila ng mahahabang oras buong araw nang walang maayos na pahinga o tamang tulog. Halimbawa, sinabi ni Wati S., 19-anyos na domestic worker mula sa Indonesia, "Araw-araw akong nagtatrabaho mula 6 ng umaga hanggang 2-3 ng madaling araw. May pahinga akong tatlong oras sa hapon at sa gabi. Wala akong day off."[196] Ganoon din si Hemanthi J. na nagsabing,  "Minsan natatapos ang trabaho ko 12 o 1 ng umaga. Hindi ako nakakaupo para magpahinga, wala akong oras matulog, walang oras kahit pumunta sa banyo. Wala rin akong day off."[197] Sabi naman ni Pannamma S., "Hindi ako makapag-relax kahit nagpapahinga ako sandali. Humahanap si Madam ng ipapagawa sa akin. Wala akong day off."[198]

Dahil sa kawalan ng day off, hindi nakakatikim ng buong araw na pahinga ang mga domestic worker sa loob ng ilang buwan o taon. Ilang mga domestic worker ang pinangakuan ng day off habang sila ay nire-recruit o nakasaad ito sa kontrata nila, pero hindi ito binigay sa kanila sa oras na nagsimula na silang magtrabaho. Sabi ni Sri H. sa Human Rights Watch, "Walang day off. Sabi nila may day off ako tuwing dalawang buwan, pero nagsinungaling sila."[199] Karamihan sa kontrata ng mga Pilipinang manggagawa ay may nakasaad na isang araw na pahinga kada linggo. Sinabi ng isang Pilipinang manggagawa na si Sandra C., "Wala akong day off. Sabi ng amo ko, 'Kung gusto mo ng day off, pumunta ka sa Pilipinas.'"[200]

Dagdag pa sa mahabang oras ng trabaho at kulang na pahinga, sabay-sabay din ang paggampan ng trabaho ng mga domestic worker -- paglilinis, pag-aalaga ng mga bata at matatanda, at pagluluto para sa napakaraming miyembro ng pamilya ng mga amo. Ilang domestic worker ang nagsabing nagtatrabaho sila sa mga bahay na may ilang pamilya, ang iba ay umaabot sa 22 miyembro ng pamilya ng mga amo. Sabi ni Chitra G.,

Pumunta ako rito para magtrabaho sa isang pamilya, pero tatlo ang pamilya sa pinasukan kong bahay. Iba ang pamilya sa bawat palapag. Nandoon sa unang palapag ang lola nila, sa pangalawang palapag ay ang aking amo, asawa nito, at ang siyam nilang anak, at sa ikatlong palapag ay isang anak na lalaki, asawa nito, dalawang anak na babae at isang anak na lalaki. Ala-una ng umaga ako nakakatulog at kung may pasok ang mga bata sa eskuwela, gumigising ako ng 4 ng umaga… Buong araw akong naglilinis, nagluluto, at namamalantsa.[201]

Gaoon din si Sepalika S. na nagsabing, "Sa Saudi Arabia, kinailangan kong mag-alaga ng isang matandang babae at pito pang bata sa isang dalawang-palapag na bahay. Naglilinis ako ng bahay, naglalaba at namamalantsa ng mga damit, nagluluto, at nag-aalaga ng may sakit na matandang babae, na katulad na rin ng pag-aalaga ng bata… Nakakatulog lang ako pag dating ng alas-dose ng gabi o ala-una ng umaga. Kailangan ko ring gumising ng 5:30 ng umaga. Dapat dalawa ang katulong nila sa bahay na iyon, pero ako lang mag-isa ang gumagawa ng lahat ng trabaho… Sabi ko sa kanila, "Hindi ninyo ako sinasahuran ng kahit ano at ginagawa ko ang trabaho ng tatlong tao. Kapag hindi ko matapos ang trabaho, sinisigawan nyo pa ako.'"[202]

Sa ilang pagkakataon, sumasabay ang mahabang oras ng trabaho at kakulangan sa pahinga sa psychological na pang-aaabuso at pag-control ng amo sa domestic worker. Sabi ni Lina B., "Wala akong oras magpahinga. Ayaw ni madam na nakikita akong nakaupo. Sa oras na gumising ako at bumaba, ikakandado ni madam ang kuwarto ko para hindi na ako makapasok. Hindi rin ako makaligo dahil nasa kuwarto ang mga damit ko. Nakakaligo lang ako ala-una ng umaga pagkatapos kong magtrabaho ng."[203]

Gawain ng maraming amo ang mag-utos sa kanilang mga domestic worker kahit anong oras sa buong araw. Nagtrabaho si Ummu A. mula 6 a.m hanggang 1 a.m. nang walang day off. Sabi niya, "Kahit tulog na ako, kakatok pa rin ang amo kong babae sa madaling araw at magpapahanda ng pagkain para kay Baba."[204] Sabi rin ni Chemmani R., "Kapag kumatok sila sa madaling araw, kailangang bumangon ako at magluto pag nag-utos sila."[205] Ilang mga domestic worker ang nagsabing pinagtatrabaho sila ng dagdag na oras at gumampan ng mas maraming gawain nang walang dagdag na sahod kapag may mga bisita ang kanilang amo o panahon ng Ramadan. Sinabi ni Fathima R. sa Human Rights Watch, "Gumigising ako alas-kuwatro ng umaga… Pero dumarating ang buong kabahayan kapag Biyernes – sampu ang anak ng amo na puro may pamilya na. Biyernes ang pinakagrabe. Karaniwan natatapos ang trabaho ko alas-nuwebe, minsan alas-dose ng gabi, pero kapag Biyernes, ala-una na ng umaga ako natatapos."[206] 

Hindi Maayos na Matutulugan

Merong aparador para sa mga damit. Sa sahig ako natutulog gamit ang manipis na kumot.
¾ Isdiah B., domestic worker na Indonesia, Jeddah, Disyembre 11, 2006

Ilang mga domestic worker ang nag-ulat ng kawalan nila ng privacy at hindi maayos na tulugan. Pananagutan ng mga among Saudi na bigyan ng kuwartong matutulugan ang mga domestic worker, dagdag pa sa regular na sahod ng mga ito. Maraming mga domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch ang may maayos-ayos na matutulugan, kasama ang kanilang sariling kuwarto at paminsan-minsan ay may sariling banyo. Subalit iniulat ng ilang mga domestic worker na natutulog sila sa mga common na bahagi ng bahay, karaniwan sa kalagayang nakakababa ng kanilang pagkatao, katulad sa sahig ng kusina o banyo. Halimbawa, sinabi ni Chemmani R., "Hindi ako binigyan ng sarili kong kuwarto ng amo kong babae, kaya doon ako natutulog sa ilalim ng hagdanan. [207] Sabi ni Prema C., "Walang hiwalay na kuwarto. Sa sahig ako natutulog, walang unan at sapin." [208]

Nakadagdag ang hindi maayos na matutulugan sa ibang pang-aabuso na isinasalarawan sa ulat na ito, kasama ang psychological na pang-aabuso at kakulangan ng tamang pahinga. Pakiramdam ng mga domestic worker na kahiya-hiya ang hindi maayos na matutulugan lalo na kung ihahambing ito sa yaman ng kanilang mga amo. Sabi ni Asanthika W., 42-anyos na domestic worker, "Pinatulog ako ng pangalawa kong amo sa ilalim ng hagdanan, na parang aso. Hindi ako aso. Tao ako… pumunta ako rito para magtrabaho nang mahusay, pero dapat bigyan din kami ng amo namin ng maayos na tulugan." [209] Sabi ni Sansindi O., "Natulog ako sa pasilyo. May nakita akong lumang kutson (mattress) na magagamit ko, pero hindi ito binigay sa akin ng mga amo ko at itinapon. Wala akong mapagpahingahang lugar… Kapag may oras akong magpahinga, sa kubeta ako pumupuwesto." [210]

[171] Panayam ng Human Rights Watch kay Nanmalar S., umuwing domestic worker, Talawakelle, Sri Lanka, Nobyembre 12, 2006..

[172] Panayam ng Human Rights Watch sa isang among Saudi, Riyadh, Marso 10, 2008.

[173] Panayam ng Human Rights Watch kay Mahilam G., umuwing domestic worker, Maskeliya, Sri Lanka, Nobyembre 13, 2006.

[174] Committee on the Elimination of Racial Discrimination, General Recommendation No.30: Discrimination Against Non Citizens, pinagtibay noong October 1, 2004..

[175] Panayam ng Human Rights Watch kay Ponnamma S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.   

[176] Al-Mutaqqi Al-Hindi, "The Treasure of Workers in Normative Words and Deeds," Hadith 9125, http://www.al-eman.com/islamlib/viewchp.asp?BID=137&CID=138 (binuksan noong Hunyo 10, 2008)..

[177] Panayam ng Human Rights Watch kay J., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa. Disyembre 13, 2006

[178] Panayam ng Human Rights Watch kay Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.

[179] Panayam ng Human Rights Watch kay Thanuja W., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 7, 2006.

[180] Panayam ng Human Rights Watch kay Fatima N., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.

[181] Saudi Arabia Labor Law, Royal Decree No. M/51, September 27, 2005, Part VI, art. 90.

[182]Panayam ng Human Rights Watch kay Malini S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.

[183] Panayam ng Human Rights Watch kay Nur A., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 7, 2006.

[184] Panayam ng Human Rights Watch kay Prema C., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006. .

[185] Panayam ng Human Rights Watch kay Bethari R., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008.

[186] Panayam ng Human Rights Watch kay Meena P., umuwing domestic worker, Talawakelle, Sri Lanka, Nobyembre 12, 2006..

[187] Panayam ng Human Rights Watch kay Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006. .

[188] Panayam ng Human Rights Watch kay Latha P., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.

[189] Panayam ng Human Rights Watch kay Shanika R., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.

[190] Panayam ng Human Rights Watch kay Marilou R., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006.

[191] Panayam ng Human Rights Watch kay Wati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006..

[192] Panayam ng Human Rights Watch kay Cristina M., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006..

[193] Panayam ng Human Rights Watch kay Isdiah B., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006..

[194] Panayam ng Human Rights Watch kay Praveena A., umuwing domestic worker na Sri Lankan, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006..

[195] Panayam ng Human Rights Watch kay Jayanadani A., umuwing domestic worker na Sri Lankan, Kandy, Sri Lanka, Nobyembre 10, 2006. .

[196] Panayam ng Human Rights Watch kay Wati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006..

[197] Panayam ng Human Rights Watch kay Hemanthi J., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006. .

[198] Panayam ng Human Rights Watch kay Ponnamma S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.

[199] Panayam ng Human Rights Watch kay Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.

[200] Panayam ng Human Rights Watch kay Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.

[201] Panayam ng Human Rights Watch kay Chitra G., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 6, 2006.

[202] Panayam ng Human Rights Watch kay Sepalika S., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 9, 2006.

[203] Panayam ng Human Rights Watch kay Lina B., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006.

[204] Panayam ng Human Rights Watch kay Ummu A., umuwing Sri Lankan domestic worker, Attanagalla, Gampaha district, Sri Lanka, Nobyembre 8, 2006.

[205] Panayam ng Human Rights Watch kay Chemmani R., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006.

[206] Panayam ng Human Rights Watch kay Fathima Razana (tunay niyang pangalan ang ginamit ayon sa kanyang kagustuhan), umuwing domestic worker, Attanagalla, Gampaha district, Sri Lanka, Nobyembre 8, 2006.

[207] Panayam ng Human Rights Watch kay Chemmani R., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006.

[208] Panayam ng Human Rights Watch kay Prema C., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.

[209] Panayam ng Human Rights Watch kay Asanthika W., umuwing domestic worker, Kurunegala, Sri Lanka, Nobyembre 4, 2006

[210] Panayam ng Human Rights Watch kay Sasindi O., umuwing domestic worker, Rambukkana, Sri Lanka, Nobyembre 6, 2006.