VII. Psychological, Pisikal at Seksuwal na Pang-aabuso
Binugbog niya ako hanggang parang masusunog na ang katawan ko. Halos araw-araw niya akong binubugbog. Ihahampas niya ang ulo ko sa kalan hanggang mamaga ito. Pinukol niya ako ng kutsilyo pero nakailag ako. Nagkaroon ako ng malaki at maiitim na pasa sa braso na pinagpupukpok niya ng sandok. Pinukpok niya ako ng pinukpok hanggang mabali yung sandok. Nag-umpisa ang ganitong trato sa akin sa unang linggo palang ng pagdating ko. Iyong amo kong babae ang ganito ang trato sa akin. Mabait yung lalaki… Sisigawan niya ako, "Sana mamatay ka na! Sana mamatay na ang pamilya mo! Sana mabaldado ka!" Hindi niya ako sinahuran sa loob ng sampung buwan. Naisip ko mamamatay ako kung di ako tatakas.
¾Wati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006
Sa maraming kaso, naranasan ng mga domestic worker ang pinaghalong psychological, pisikal, at seksuwal na pang-aabuso. Marami ring domestic worker ang nag-ulat na hindi sila pinakain ng maayos ng kanilang mga amo. Iniulat ng mga embahada ng Indonesia at Sri Lanka na 10-19 porsiyento ng mga reklamo nilang natatanggap ay kaso ng pisikal na pananakit at pagmaltrato, samantalang 6-8 porsiyento naman ang sexual harassment at panggagahasa.[136] Pamilyar ang Human Rights Watch sa anim na kaso noong 2007 kung saan anim na domestic worker sa Saudi Arabia ang namatay dahil sa mga tinamong sugat.
Ang pagkabukod ng mga domestic worker sa loob ng mga pribadong bahay at ang hindi pantay na katayuan ng mga amo at kanilang manggagawa ang nagpapataas ng banta ng ganitong pang-aabuso. Natatagalan ng mga migrante nang ilang buwan o taon ang pang-aabuso dahil sa kanilang pagkakabukod sa bahay na pinagtatrabahuan, kawalan ng impormasyon kung saan puwedeng humingi ng tulong, mga balakid sa paglapit sa mga awtoridad, at matinding pangangailangan sa pera na dahilan ng pagdadalawang-isip nilang iwanan ang trabaho.
Regular na naglalabas ng mga hindi pangkaraniwang kaso ng pang-aabuso ang mga pahayagan sa Saudi Arabia, Indonesia, Sri Lanka, at Pilipinas, kilalang-kilala ang kaso ni Nour Miyati (tinalakay sa Chapter V, sa itaas), na hindi pinakain, binugbog, at ikinulong ng kanyang mga amo hanggang dapuan siya ng kanggrena. Habang ang ibang kaso ay nabibigyan ng international na atensiyon, sangkatutak na kaso naman ang hindi naiuulat o hindi napapansin.
Psychological na Pang-aabuso at Pambubuska
Puro masasakit na salita ang naririnig ko sa kanya, gaya ng "isa kang aso, mahirap ka lang, katulong ka lang dito." Sabi ko, "Oo, katulong ako." Galit siya araw-araw. Naiinggit siya sa akin. Sabi niya, "Huwag mong kakausapin ang iyong Baba. Papatayin kita pag kinausap mo siya." Sabi ko parang tatay lang ang turing ko kay Baba. Sabi niya, "Huwag mong sasabihin yan, hindi ka naman sanggol…" Narinig ko na lahat ng masasakit na salita mula sa kanya. Sabi niya sa akin, "Baliw ka, basura ka." Nasaktan ako. Sabi ko, "Tao ako." Sagot niya, "Hindi ka tao, hayop ka."
-Adelina Y., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006
Ang higit na nakararami sa mga domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch ang nag-ulat ng ibang anyo ng psychological na pang-aabuso o pambubuska, kasama ang paninigaw, pang-iinsulto, pagmamaliit, pananakot, at panghihiya. Karaniwang pinagsasabay ng mga amo ang psychological, verbal, at pisikal na pang-aabuso sa mga domestic worker. Sabi ni Leilani P., "Si Madam… sinuntok ako, sinipa ako. Kapag nagagalit siya, hahablutin niya ang buhok ko at sasampalin ako. Palagi niyang sinasabi sa akin na tae raw ako. Madumi ang bibig niya. Sabi niya, "Sinungaling ka, tae ka.'" [137] Sa ibang kaso naman, gustong kontrolin ng mga amo ang bawat galaw ng domestic worker. Sabi ni Mina S., "Kailangan kong humingi ng permiso kapag magdadasal, iihi, o pupunta sa banyo." [138]
Minsan lalong pinapahiya ng amo ang mga mangggawa kapag iginiit ng mga ito ang kanilang karapatan. Sabi ni Shanika R., isang payat at kalbong babae noong araw ng kanyang panayam sa Human Rights Watch, "Sinabi ko [sa aking amo] na 'May anak akong paslit, ibigay mo na sa akin ang sahod ko…' Humingi ako ng suweldo at kinalbo nila ako… Tuwing hihingi ako ng sahod, puputulan nila ang buhok ko. Pero noong huling beses kinalbo na nila ako" [139] Ang ibang mga domestic worker ay minabuting lumaban na lang, sa kabila ng panganib ng mas grabeng pang-aabuso. Sabi ni Eni M., "Araw-araw nila akong sinisigawan at sinasaktan… Binabato ako ng silya ng amo kong lalaki. Tinatawag nila akong hayop. Kapag sinisigawan nila ako, nakakaramdam ako ng lakas at lumalaban ako." [140]
Isang karaniwang padron (pattern)ang pang-iinsulto ng mga amo habang labis at paulit-ulit na pinipintasan ang paggampan ng gawain ng mga domestic worker, madalas na pinauulit ng ilang beses ang trabaho. Sabi ni Lucy T., "Kapag hindi niya nagustuhan ang pagkain, itatapon niya ang bandehado habang nagsisisigaw." [141] Sabi ni Mina S.,
Tatanungin ako ng amo ko, "Anong oras ka gumising?" Kapag sinabi ko ang totoo, ako ang mali at kapag hindi ako nagsabi ng totoo, ako pa rin ang mali. Kapag may ginawa akong trabaho, tatanungin niya ako, "Bakit mo ginawa iyan nang hindi ko nalalaman, Ikaw ba ang may-ari nitong bahay?" Kapag wala naman akong ginawa, sasabihin niya wala akong utak. Ano na lang ang gagawin ko?" [142]
Maraming mga domestic worker ang nag-ulat na parang hayop ang trato sa kanila, o masahol pa sa alagang hayop sa bahay. Madumi naman ang tingin at parang nandidiri ang ibang amo sa mga domestic worker, at parang makakahawa kung madikit ang mga ito sa kanila. Sinabi ng isang Pilipinang migrante, si Nur A., "Parang aso ang trato nila sa akin, hindi isang tao. Ganito ang trato sa akin ng buong pamilya… Lahat ng bagay dapat nakahiwalay sa akin. Hindi ako pinapayagang lumapit sa kanila. Kahit mga damit ko hindi pwedeng ilagay sa washing machine. Kailangan kamayin ko at ihiwalay ang paglalaba sa mga damit ko. Iba rin ang ipinagamit sa aking kutsara at tinidor." [143]
Naging salik din ang racismat diskriminasyon sa mga hindi Muslim sa trato ng ilang amo sa manggagawa na parang hindi tao ang mga ito. Sinabi sa Human Rights Watch ni Dammayanthi K., isang manggagawang Sri Lankan, "Napakasama ng trato nila sa mga hindi Muslim. Noong malaman nila na hindi ako Muslim, palagi na nila akong sinisigawan ng salitang infidel… Hindi talaga nila ako gusto dahil hindi ako Muslim… Sinisigawan din akong, "aso," at "toro." [144]
Dinuduro din ng mga amo ang manggagawa sa pamamagitan ng pananakot na sasaktan ito, papatayin, at pagtapon ng bangkay ng mga ito sa basurahan. Halimbawa, isang domestic worker na Sri Lankan ang nagsabi, "Sinasaktan nila ako. Sabi nila papasuin nila ako ng plantsa. Sinampal niya ako at sinabing paplantsahin niya ang mukha ko. Natakot ako at tumakas." [145]
Pisikal na Pang-aabuso
Namamalantsa ako at inutusan ako ng amo kong babae na ipagtimpla siya ng tsaa. Sabi ko tatapusin ko muna ang pamamalantsa para mabunot sa koryente ang plantsa. May mga bata kasi at natakot ako na baka paglaruan nila ang plantsa… Nagalit siya at hinablot ang plantsa at pinaso ang kamay ko.
¾ Sithy M., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006
Maraming mga migranteng domestic worker ang may sariwang sugat o peklat na dulot ng pisikal na pang-aabuso. Sa ilang kaso, napakagrabe ng pisikal na pang-aabuso na kinailangang ma-ospital o namatay ang mga migranteng kababaihan. Isang halimbawa, noong Agosto 2007, pinagbintangan ng isang pamilyang Saudi ang apat na domestic worker na Indonesian ng pagkulam sa kanilang anak na lalaki. Sobra ang ginawang pambubugbog sa mga manggagawa na ikinamatay ng dalawa at naglagay naman sa dalawa pa sa Intensive Care Unit ng isang ospital. [146] Si Shanika R., na kinalbo ng kanyang amo nang humingi siya ng sahod, ay nabungian ng ngipin at ipinakita ang maraming peklat sa kaniyang bisig, balikat, at ulo sa isang tagapanayam ng Human Rights Watch. Sabi niya,
Pinutol din [ng amo kong babae] ang mga daliri ko. Piningas din niya ang dalawa kong tenga. Pinainom niya ako ng Clorox… Talagang nakakatakot! Binantaan niya akong papatayin. Sabi niya papatayin niya ako pagkatapos ng Ramadan… Natakot ako at tumakas. Hindi ako dapat sumagot kapag sinisigawan niya ako. Kailangang nakababa ang kamay ko. Hindi ko puwedeng itaas ang kamay ko hanggat hindi pa tapos ang pangbubugbog niya sa akin. Natakot [ang mga amo ko} na tatakas ako kaya tatlong araw nila akong ikinulong sa banyo. Binunot nila ang mga kuko ko. [147]
Madalas na ipinagbabawal ng mga abusadong amo na magpagamot ang mga domestic worker matapos nilang bugbugin ang mga ito. Sabi ni Lilis H., isang 25-taon na babaeng Indonesian na may peklat sa ibaba ng kanyang mata, "Hinampas ako ng aking among babae ng kable. Pinalo niya ako ng kahoy na patpat sa ulo. Mataba at ilang talampakan ang haba noong patpat. Araw-araw niya akong binubugbog. Sinusuntok niya ako sa mata at likod. Namaga ang aking ulo at meron akong mga peklat. Hindi ako nakapagpatingin sa ospital." [148] Sabi ni Sisi R., "Nagpainit sa baga ang amo ko ng kutsilyo at idinikit ito sa aking pisngi. Inutusan niya akong ilabas ang dila ko at inilapat ang mainit na kutsilyo sa aking dila. Makalipas ang isang linggo ay tumakas ako… Hindi nila ako dinala sa ospital kahit nasugatan ako sa pangbubugbog nila." [149]
Maraming kababaihan ang nagsabing lumala ang pambubugbog sa kanila kapag humingi sila ng sahod, humiling na pauwiin na sila, o iginiit ang kanilang karapatan. Habang ginagaya ang kanyang amo sa pagkuha ng kutsilyo at pagtutok nito sa kanyang ulo, sinabi ni Ponnamma S., 52-taong domestic worker,
Sa loob ng isang taon at limang buwan, wala akong natanggap [na suweldo]. Pag humingi ako ng pera, bubugbugin nila ako, susugatan ng kutsilyo, o papasuin. Pinupukpok din ako sa ulo. Itong braso ko hiniwa nila ng kutsilyo. May mga peklat sa likod ko. Masakit ang buong katawan ko. Bugbog-sarado ako. Inuuntog nila ang ulo ko sa pader. Kapag humingi ako ng sahod, merong kasunod na pananakit. [150]
Nakapanayam namin si Sevandhi R. sa araw ng pag-uwi niya sa Sri Lanka mula sa Saudi Arabia. Meron siyang mga marka ng paso sa braso. Sabi niya, "Noong hilingin ko na makatawag sa Sri Lanka, binugbog ako [ng aking amo]. Pinaso ako ng plantsa ng amo kong babae. Nagsimulang sumakit ang ulo ko matapos niya akong paluin sa ulo… Noong hingin ko ang aking sahod, bingbog niya ako." [151] Si Padma S., na nakilala rin namin sa Sri Lanka, ay binanlian ng kumukulong tubig sa kanyang braso noong ipagtanggol niya ang kanyang sarili: "Pinalo ako [ng aking amo] sa ulo ng walis, hanggang ngayon masakit pa. Noong pangalawang beses na uulitin niya ito, hinampas ko siya ng tsinelas ko. Umasta ang amo kong babae na bubugbugin ako… Kumuha siya ng mainit na tubig at babanlian na ako. Itinaas ko ang aking mga braso para takpan ang mukha ko." [152]
Ilang mga domestic worker ang nagsabi sa Human Rights Watch na karaniwan nang nagaganap ang pisikal na pang-aabuso. Halimbawa, sinabi ni Winarti N., "Madalas akong bugbugin ng amo ko. Sinasampal ako. Hinahablot ang buhok ko. Kahit anong mahawakan ibinabato sa akin. Araw-araw o tuwing makalawang araw niya itong ginagawa. " [153]
Hindi Pagpapakain ng Sapat
Kinakandado ng mga amo ko ang refrigerator at binibilang ang mga laman nito.
¾ Marisa G., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 8, 2006
Isang madalas na anyo ng pag-mamaltrato na lalong nagpapatingkad ng mababang katayuan ng mga domestic worker sa loob ng bahay na pinagtatrabahuan ay ang hindi pagpapakain sa kanila ng sapat. Sa 86 na domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch para sa ulat na ito, 32 ang nagsabing kulang o panis ang pinapakain sa kanila. Makakapagdulot ito ng pagpayat o pagkakasakit para sa mga domestic worker. Si Nour Miyati, na tinalakay na sa unang bahagi, ay nagsabi sa Human Rights Watch, : Noong dumating ako sa Saudi Arabia, 60 kilo ang timbang ko. Noong bandang huli ay 45 kilo na lamang ito."[154]
Maraming domestic worker ang umangal na kulang ang binibigay sa kanilang oras para sa pagkain o kaya ay pinapagalitan sila kapag humingi sila ng dagdag na pagkain. Sabi ni Malini S., "Konting-konti lang ang pinapakain sa akin. Habang kumakain ako ay halos isandaang beses akong uutusan. Bandang huli ay napuno na ako at itinapon ko ang pagkain. Palagi nila akong pinapagalitan at minumura habang ako'y kumakain."[155]
Ilang amo ang nagbabanta ng pambubugbog kapag kumain ng sobra ang domestic worker, o ginagamit na parusa ang hindi pagpapakain sa mga "pagkakamali" sa paggampan ng gawaing bahay. Sabi ni Mina S.,
Salbahe ang amo kong babae. Noong una pinapakain ako, pero noong bandang huli hindi na ako pinapakain. Minsan dalawang araw akong hindi pinakain kaya uminom na lang ako ng tubig sa gripo. Minsan gutom na gutom ako noong alas dos (2 a.m.) ng umaga. Kinain ko ng palihim yung panis na pagkain sa basurahan. Nag-ingat din ako na makita niya ako, kasi hahampasin niya ako ng kable ng koryente.[156]
Sabi ni Teresa O., na masama ang loob, "Kulang talaga ang nakakain ko. Minsan dalawang beses akong nakakakain sa isang araw. Hindi regular ang kain ko. Gutom na gutom talaga ako at kulang ang oras sa pagkain. Pagod ako… at gutom sa araw… hindi nila ako pinapayagang bumili ng pagkain ko… talagang sumama ang loob ko."[157]
Sexual Harassment at Pang-aabuso
Palaging nagtatangka ang aking amo na gahasain ako. Tumatanggi ako dahil meron akong asawa at anak. [Nagsimulang umiyak] Napilitan akong magtrabaho sa loob ng walong buwan dahil may utang ako na dapat bayaran sa amin. Nagkautang ako sa kapitbahay namin na ginamit sa pagpapagamot sa ospital ng mga anak ko. Walang trabaho ang asawa ko.
Nooong gabi ng Eid al-Fitr, nasa labas lahat ng tao. Pinaglinis ako ng parteng ibaba ng bahay, kung saan natutulog ang amo kong lalake. Wlang ibang tao sa ibaba maliban sa kanya na nakita kong nakahubad. GInahasa niya ako. Tinulak niya ako. TInangka kong lumaban pero napakalakas niya. Ginahasa niya ako sa sofa.
Sabi niya, "Hindi kita pinagsamantalahan dahil malaki naman ang ginastos ko sa iyo." Sabi ko, "Pinagsamantalahan mo ako dahil ginahasa mo ako."
¾Isdiah B., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006
Dalawamput-walo (28) sa 86 mga domestic worker na aming nakapanayam ang nag-ulat ng sexual harassment o pagdaluhong ng kanilang mga amo o ng mga agent. Pinatotohanan ng opisyal ng mga embahada ang sexual violence ay isang pangunahing reklamo sa hanay ng mga babaeng humihingi ng tulong. Karaniwan, ang mga lalaking amo o kanilang kaanak, kasama ang mga binatilyo at binatang anak na lalaki, ang may kasalanan sa ganitong mga pang-aabuso. Saklaw nito ang panghihipo, pagyakap, at paghalik, hanggang sa paulit-ulit na paggahasa. Halimbawa, isinalarawan ni Chamali W. ang karanasan niya sa sexual harassment mula sa dalawang anak na lalaki ng kanyang amo: "Mabait sila sa akin noong unang anim o pitong buwan ko roon. Tapos nagsimula silang mambastos. Naglililis sila ng pantalon. May litrato ng mga hubad na babae sa kanilang mobile phone at ipinakita nila ito sa akin."[158]
Sa ilang kaso, nililigalig ng mga amo ang kababaihan sa pamamagitan ng pag-alok ng pera kapalit ng pakikipagtalik o pagbabanta na hindi sila sasahuran kung hindi sila magpapagahasa. Sabi ni Nining W., "Nililigalig ako ng aking amo… Noong hiningi ko ang aking sahod, sabi niya makipagtalik daw muna ako sa kanya. Kapag tulog ang amo kong babae, pupuntahan niya ako, yayakapin, at tatangkaing halikan. Sabi niya sa akin, 'Do me up and down.' Noong tanungin ko, 'Ano iyon?' sabi niya, 'Babae ka, dapat alam mo iyon.'"[159] Sa isa pang kaso, tumakas si Lili S. sa bahay ng kanyang amo kasi, "takot ako sa 25-taong anak niyang binata. Isang beses… pinaupo niya ako, at sinabing gusto raw niya ako. Tinanong niya kung gusto kong magkapera. Sabi ko ayoko. Pinakita ko ang litrato ng aking asawa at anak. Tiningnan niya ito saka siya humalakhak."[160] Sabi ni Sutiati S., "Inaakit ako ng aking amo kapag ako ay nag-iisa, pero ang sabi ko ang gusto ko lang ay perang halai [pinahihintulutan sa batas ng Islam]. Hindi ko gagawin ang ganyang mga bagay. Nagalit ako. Gusto ko lang ay magtrabaho ng maayos at marangal. Iyon lang."[161]
Iba-iba ang naging karanasan ng mga kababaihang nakapanayam ng Human Rights Watch kapag sila ay nagtangkang lumaban o magreklamo tungkol sa mga insidente ng sexual harassment at karahasan. Hinalay ng kanyang among lalaki si Kamala K. at binugbog ang asawa nito nang siya ay pagsabihan sa kanyang kabastusan. Tumakas si Kamala K. matapos ang dalawang buwang harassment. Tungkol sa kanyang mga hakbang na puwedeng gawin, sabi niya, "Anong magagawa natin? Hindi niya ako sinaktan. Binigay niya ang sahod ko. Hindi ako puwedeng magreklamo."[162] Sa ilang kaso, naiipit ang mga domestic worker sa mga mapang-abusong kalagayan. Ang iba naman ay nakukuhang umalis sa trabaho o kaya ay nakakatakas. Susi rito ang dali ng paglapit sa mga shelter. Matapos siyang gahasain ng 20-anyos na anak na binata ng kanyang amo, sabi ni Dian W., "Gusto ko nang tumakas at pumunta ako sa shelter ng embahada."[163]
Sa ibang kaso, takot ang mga domestic worker na sila ay gantihan kapag humingi sila ng tulong o sisantehin dahil sa pagsisinungaling kapag sila ay magreklamo. Sabi ni Amihan S., "Isang beses lang akong ginahasa [ng aking amo]. Simula noong Nobyembre 22, dinugo ako sa loob ng tatlong araw. Gusto kong lapitan ang amo kong babae, pero takot ako… Hindi ako makalapit sa amo ko. Nagkukulong ako sa banyo hanggang makaalis siya ng bahay [tuwing umaga]. Noong matapos niya akong gahasain, sabi niya, 'Huwag kang magsusumbong sa asawa ko. Hindi ako nagsumbong sa amo kong babae dahil baka mahuli ako ng amo kong lalaki.'"[164] Sabi ni Nur A.,
Sabi ng amo kong babae, 'Sinungaling ka' noong isumbong ko ang ginawa sa akin ng kapatid na lalaki ng amo kong lalaki. Minsan lumalabas ng bahay ang nanay ng amo ko, at doon ako ginagahasa ng kapatid ng aking amo. Malaki siyang mama. Wala akong magawa. Tatlong beses itong nangyari. Noong unang beses nasa banyo ako. Hinablot niya ang buhok at saka ako kinaladkad papunta sa kuwarto. Walang saysay kung magrereklamo ako dahil wala namang maniniwala sa akin."[165]
Ilang mga domestic worker ang nagkuwento ng tindi ng kanilang pangangailangan na kumita ng pera para ipadala sa kanilang mga pamilya. Pakiramdam nila na kailangan nilang tiisin ang pang-aabuso para lamang malutas ang problema ng kanilang pamilya. Si Isdiah B., na tinalakay na sa bandang itaas, ay umiyak nang sinabi niya sa Human Rights Watch na, "Nangutang ako ng 2 milyong rupiah sa kapitbahay ko. Ngayon 5 milyon na ang dapat kong bayaran. Iyong iba kong utang umabot na ng 10 milyon. Kukunin nila ang lupa't bahay namin kung hindi kami makakabayad ng utang. Hindi na bale 'yung bahay, pero mahalaga sa amin iyong lupa.[166]
Maaaring takutin ng mga amo ang mga domestic worker ng pagganti, kasama ang dagdag pang karahasan, kapag isumbong ng mga ito ang pang-aabuso. Sabi ni Kumari G., "Sa loob ng tatlong araw, lumalapit sa akin ang amo ko at nang-aakit. Sabi ko, 'Sasabihin ko ito sa asawa mo' Sabi niya, 'Kung magsusumbong ka sa asawa ko, papatayin kita.'" [167] Sabi ni Chamali W.,
Ipinakuha ng binatang anak ng amo ko ang mobile phone niya. Bigla na lang ay niyakap niya ako. Pinukpok ko siya ng plantsa. Naagaw niya ang plantsa at ibinato ito. Hinawakan niya ako sa braso at kinaladkad sa isang kuwarto. Tumama sa pader ang braso ko at nagkapasa. Idinapa niya ako sa sahig at hinubaran. Ginahasa niya ako. Para akong namatay. Hindi ako makatayo sa sobrang panghihina… Nagsumbong ako kay Mama, "Ayoko nang magtrabaho dito, gusto ko nang umuwi sa amin." Sabi ni Mama, "Hindi ka puwedeng umuwi sa kalagitnaan ng kontrata mo. Tapusin mo ang dalawang taon. Kung mabuntis ka, akong bahala sa iyo." Apat na araw nila akong kinulong sa aking kuwarto. Kinandaduhan ang kuwarto ko mula sa labas. Hindi ako makapagtrabaho. Walang paraan para makalabas ako. Kaya nagsinungaling na lang ako at sinabi sa kanila, "Magtatrabaho pa rin ako sa inyo," saka lang ako pinalabas ng kuwarto. [168]
Gaya ng mas detalyadong pagtalakay sa Chapter IX at X, nahaharap din sa karagdagang balakid ang mga domestic worker sa paghapag ng reklamo sa mga awtoridad dahil sa panganib ng kontra-akusasyon na adultery o pakikipagtalik, kawalan ng ebidensiya, at dungis sa karangalan. Ang mga paghihigpit sa pagkilos at pagkukulong ng mga domestic worker sa loob ng bahay ay nangangahulugang magiging imposible ang pagkalap ng kritikal na forensic evidence. Sabi ni Sri H. sa Human Rights Watch,
Isang beses akong ginahasa ng aking amo… Pero palagi niya akong hinihipuan. Hindi lang niya ako hinihipuan, hinuhubaran din niya ako. Ikinulong niya ako sa kuwarto matapos akong gahasain. Namroblema ako pagkatapos noon. Kung pupunta ako sa ospital, makikita nila ako. Pero dalawang linggo nila akong ikinulong sa bahay. [169]
Ilang mga domestic worker ang nakaranas ng social stigma at pagsumpa ng kanilang mga pamilya matapos matapos silang mahalay sa ibang bansa. Isang bagong uwing domestic worker sa Kandy, Sri Lanka ay naikuwento ang reaksyon ng kanyang asawa matapos nitong malaman na siya ay ginahasa at nabuntins ng kanyang among Saudi: "Ginulpi ako ng aking asawa matapos niyang malaman ang nangyari sa akin. Sinakal niya ako at inipit. Sinipa niya ako sa likod habang ako ay natutulog. Pinalayas niya ako. Ayoko nang bumalik sa aking bayan para manganak. Kasi sa bayan namin malalaman ng mga tao na kahihiyan iyon… Isang kahihiyan iyon… at hindi kami tanggap ng mga tao." [170]
[136] "Record of Placement and Protection: Indonesian Migrant Workers (TKI) in Saudi Arabia, 2007," Galing ang datos sa embahada ng Indonesia,Marso 10, 2008; at panayam ng Human RightsWatch sa isangopisyal ng embahada ng Sri Lanka na ayaw magpakilala, Riyadh, Marso 2008.
[137] Panayam ng Human Rights Watch kay Leilani P., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[138] Panayam ng Human Rights Watch kay Mina S., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 12, 2008. .
[139] Panayam ng Human Rights Watch kay Shanika R., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[140] Panayam ng Human Rights Watch kay Eni M., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 8, 2006.
[141]Panayam ng Human Rights Watch kay Lucy T., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 8, 2006.
[142] Panayam ng Human Rights Watch kay Mina S., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 12, 2008.
[143] Panayam ng Human Rights Watch kay Nur A., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 7, 2006..
[144] Panayam ng Human Rights Watch kay Dammayanthi K., umuwing domestic worker, Kandy, Sri Lanka, Nobyembre 10, 2006.
[145] Panayam ng Human Rights Watch kay Indrani P., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[146]Panayam sa telepono ng Human Rights Watch kay Nasser Al-Dandani, abogado ng embahada ng Indonesia, Riyadh, Agosto 14, 2007; Ridwan Max Sijabat, "Two RI workers dead, two others hospitalized in Saudi Arabia," The Jakarta Post, August 13, 2007; "Saudi Arabia: Migrant Domestics Killed by Employers," news release ng Human Rights Watch, Agosto 17, 2007 http://hrw.org/english/docs/2007/08/17/saudia16699.htm.
[147] Panayam ng Human Rights Watch kay Shanika R., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[148] Panayam ng Human Rights Watch kay Lilis H., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[149] Panayam ng Human Rights Watch kay Sisi R., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008..
[150] Panayam ng Human Rights Watch kay Ponnamma S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[151] Panayam ng Human Rights Watch kay Sevandhi R., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006.
[152] Panayam ng Human Rights Watch kay Padma S., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006.
[153] Panayam ng Human Rights Watch kay Winarti N., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006..
[154] Panayam ng Human Rights Watch kay Nour Miyati, domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006..
[155] Panayam ng Human Rights Watch kay Malini S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[156] Panayam ng Human Rights Watch kay Mina S., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 12, 2008..
[157] Panayam ng Human Rights Watch kay Teresa O., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006.
[158] Panayam ng Human Rights Watch kay Chamali W., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006..
[159] Panayam ng Human Rights Watch kay Nining W., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 6, 2006..
[160] Panayam ng Human Rights Watch kay Lina B., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006.
[161] Panayam ng Human Rights Watch kay Sutiati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[162] Panayam ng Human Rights Watch kay Kamala K., domestic worker na Nepalese, Riyadh, Marso 10, 2008.
[163] Panayam ng Human Rights Watch kay Dian W., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 10, 2008.
[164] Panayam ng Human Rights Watch kay Amihan F., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006..
[165] Panayam ng Human Rights Watch kay Nur A., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 7, 2006.
[166] Panayam ng Human Rights Watch kay Isdiah B., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[167] Panayam ng Human Rights Watch kay Kumari G., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 6, 2006..
[168] Panayam ng Human Rights Watch kay Chamali W., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[169]Panayam ng Human Rights Watch kay Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.
[170] Panayam ng Human Rights Watch kay Jayanadani A., umuwing domestic worker, Kandy, Sri Lanka, Nobyembre 10, 2006.






