VI. Mga Pang-aabusong may Kaugnayan sa Recruitment at Immigration, at Pagkukulong
Ang mataas na bilang ng mga kababaihang Asyano na nangingibang bayan para magtrabaho at ang malaking pangangailangan sa Gulpo ng murang domestic labor ay nagluwal ng kapaki-pakinabang na merkado para sa mga employment agency na nakatutok sa mga domestic worker. Sa Sri Lanka, Indonesia, at Pilipinas, karaniwang sangkot ang mga ahensiyang ito sa pag-recruit ng mga posibleng migrante, pagsasanay, pagkuha ng job order, at pag-proseso ng mga pangangailangan tulad ng pasaporte, visa, at medical certificate. Sa Saudi Arabia, pinapag-ugnay ng mga ahensiya ang magiging amo at recruitment agency mula sa labor-sending na bansa, humahawak ng paglipat ng trabaho, tunggalian sa pagitan ng amo at domestic worker, at maagang pagtatapos ng kontrata.
Magkahalong kakulangan sa mga patakaran at napakaliit na pagkalinga ng gobyerno ang nagbibigay ng napakalaking impluwensiya sa mga employment agency sa kasasapitan ng mga migranteng domestic worker. Habang sinisikap ng ilang recruitment agency at mga asosasyon na pagbutihin ang mga patakaran at gawi sa recruitment, ang iba naman ay nagsasamantala sa posibilidad na kumita ng pera na sangkot dito, kapalit ng kaligtasan at karapatan ng migranteng kababaihan.
Pang-aabuso ng mga Recruitment Agent na nasa mga Labor-sending na bansa
Nagbayad ako ng 22,000 rupee sa ahente para makapunta ng Dubai, pero pinadala niya ako sa Saudi Arabia. Niloko niya ako.
¾ Padma S., Umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006
Ang gawi ng mga ahente sa labor-sending na mga bansa ang posibleng maglagay sa kababaihang migrante sa kalagayan ng pang-aabuso, sapiliting paggawa, at trafficking. Kasama sa mga gawi ang panloloko sa tunay na kalagayan sa paggawa, pagsingil ng napakataas na fee na nagtutulak sa pagkakautang, pananakot o kawalan ng impormasyon kung paano tapusin ng maaga ang mga dalawang-taong kontrata, at pagkabigong tulungan ang domestic worker kapag humihingi ito ng tulong.
Ang mga recruitment agent, kasama ang mga "sub-agent" (mga informal na labor broker sa antas ng village) ay responsable sa pagbibigay-alam sa mga kababaihan tungkol sa mga termino at kundisyon sa kanilang trabaho sa ibang bansa at pagbibigay ng kontrata sa trabaho. Ang mga ahenteng ito ang pangunahing nakikipag-usap para sa mga babeng migrante, sa gobyerno, mga recruitment agent sa ibang bansa, at sa magiging amo.
Isa sa mga pinakamadalas na naitatalang reklamo ay ang pangangako ng mga labor agent ng isang takdang sahod, isang araw na day-off kada linggo, at iba pang partikular na takda ng trabaho. Subalit malaki ang pagkakaiba ng kanilang kalagayan sa oras na mag-trabaho na ang mga kababaihang domestic worker. Kung magkaminsan ay tinatalikuran ng mga amo ang obligasyon nila sa kontrata. Sa ibang pagkakataon naman ay recruitment agent ang nangako nang wala namang katotohonan. Lumilinaw ang panloloko ng mga recruitment agent kung napakalayo ng mga pangako nila sa pamantayang sahod at kalagayan sa trabaho sa ibayong dagat. Halimbawa, sabi ni Chitra G., "Wala akong day-off. Sabi ng agency (sa Sri Lanka) na kung mabait ang magiging amo ko, bibigyan ako nito ng day-off at sahod na 600 riyals. Ngunit noong dumating ako rito, sabi nila, 'Hindi, ang sahod mo ay 400 riyal ($104).'" [84]
Ang pamantayang sahod ng mga manggagawang Sri Lankan sa Saudi Arabia ng panahong iyon ay 400 riyals ($104). Ang sahod naman ng mga manggagawang Pilipina ay $200 noong sinabi sa amin ni Marjorie L. na, "Pinangakuan nila ako sa Pilipinas ng sahod na $300, pero pagdating ko rito, $200 lang ang ibinigay." [85]
Madalas na gusto ng mga ahente na magpadala sa Saudi Arabia ng manggagawang kababaihan dahil sa mataas na kumisyon na nakukuha nila at ang malaking pangangailangan doon sa mga domestic worker. Ayon sa isang opisyal ng Sri Lanka, karaniwang nagbabayad ang mga labor agent ng kumisyong 35,000-45,000 ($329-423) [86] rupee sa mga sub-agent sa antas ng kanayunan para mag-recruit ng isang domestic worker patungong Saudi Arabia. Mula 5,000-10,000 rupee ($49-94) ang kumisyon sa mga magtatrabaho sa ibang bansa sa Middle East. [87] Nakapagtala ang Human Rights Watch ng kaso kung saan niloko o pinilit ng mga ahente ang mga domestic worker na tumanggap ng trabaho sa Saudi Arabia. Ilan sa mga kababaihang nakausap namin ang pumayag na pumunta sa ibang bansa sa Gulpo, pero saka nila nalaman sa araw ng alis nila na sa Saudi Arabia pala ang punta nila. Sabi ni Indrani P., "Pumunta ako sa ahente… Gusto ko sa Dubai, sabi nila ilalagay daw ako sa bahay na walang bata… Hindi ko alam na hindi pala ako papuntang Dubai. Nalaman ko lang noong araw ng alis ko. Noong ibinigay sa akin ang ticket, doon ko nakita na Riyadh pala ang punta ko." [88]
Kaiba ang Saudi Arabia sa maraming bansa na tumatanggap ng mga domestic worker na Asyano sa pag-atas nito sa mga amo na sagutin ang gastos sa recruitment at biyahe ng domestic worker, na nagkakahalaga ng mula 5,000-9,000 riyal bawat manggagawa. Ang hindi napupunuang pangangailangan sa mga domestic worker na Muslim ay nangangahulugan na ilang kababaihan ang binabayaran para pumayag na magtrabaho sa Saudi Arabia. Tulad ng kaso ni Fathima S. na nagsabing, "Wala akong binayaran sa sub-agent, pero bingyan niya ako ng 10,000-15,000 rupees dahil isa akong Muslim… Kahit singko hindi ako gumastos. Sinagot niya ang aking medikal, pagkain, at biyahe." [89] Kung teorya ang pagbabatayan, wala dapat bayaran ang mga domestic worker para makakuha ng trabaho sa Saudi Arabia. Hindi alam ng maraming migrante ang probisyon na ito at nagbabayad sila ng sari-saring singilin sa mga walang konsiyensiyang ahente na naghahangad ng dobleng kita. Halimbawa, sabi ni Sandra C., "Dumating ang isang recruiter sa bayan namin. Sinabi niya sa akin na pagpunta ko rito sa Saudi… mawawala sa akin ang kabuuang anim na buwang sahod na mapupunta sa recruitment fee." [90]
Maraming mga domestic worker ang hindi kumpleto ang impormasyong nakukuha tungkol sa kanilang karapatan o sa mga obligasyon sa kontrata. Karaniwang ginigipit sila ng mga labor agent sa paniniwalang bawal silang iwanan ang amo ng mas maaga sa dalawang taon na tinukoy, kahit na sila ay inaabuso. Sa ibang kalagayan, nagbabanta ang mga labor agent ng malaking multa kung maagang bumitaw ang mga migrant worker sa kontrata o mabigong bayaran ang tiket pauwi kapag inayawan sila ng amo sa unang tatlong buwan ng kanilang pagtatrabaho.
Madalas na di nagbibigay ang mga recruitment agent ng detalye sa mga domestic worker kung paano hagilapin ang mga kausap nilang ahenteng Saudi o sa pagtugon kapag sila ay hiningan ng tulong ng manggagawa . Sa ganitong mga kaso, walang kontak ang mga domestic worker na puwedeng tumulong sa oras ng problema, maliban sa pagtakas patungo sa kanilang mga embahada o konsulado kung sila ay nasa Riyadh o Jeddah (tingnan sa banding ibaba). Sabi ni Prema C., "Meron akong address ng agency sa Sri Lanka, pero wala silang binigay na address o numero ng telepono ng agency dito sa Saudi." [91] Nangangako ang mga lokal na ahensiya na tutulungan ang mga manggagawa sakaling magkaproblema ang mga ito, subalit palagi namang hindi pinapansin ang mga tawag ng manggagawa o hindi na nakikialam. Sinabi ni Indrani P. na sinabi sa kanya ng ahente niya, "Tawagan mo kami kung magkaproblema ka… Tumawag ako sa kanila noong magkaproblema ako, pero wala silang ginawa." [92]
Ang sistema ng pre-departure labor recruitment, ang mga antas ng regular at irregular migration, at kung paano nangyayari ang sistema ng pagkakautang ay ipinapaliwanag nang mas detalyado sa mga ulat ng Human Rights Watch na una ng nailabas, kasama ang "Exported and Exposed: Abuses against Sri Lankan Domestic Workers in Saudi Arabia, Kuwait, Lebanon, and the United Arab Emirates"; "Swept Under the Rug: Abuses against Domestic Workers around the World"; at "Help Wanted: Abuses against Migrant Female Domestic Workers in Indonesia and Malaysia." [93]
Pang-aabuso ng mga Recruitment Agent na nasa Saudi Arabia
Maraming mga domestic worker ang halos walang ugnay o contact sa kanilang labor recruiter na nasa Saudi Arabia dahil direkta silang kinukuha ng kanilang amo mula sa airport. Subalit ang labor recruiter ang karaniwang dapat makausap ng manggagawa kung gusto nitong magpalit ng amo o bumitaw ng maaga sa kontrata. Habang maraming domestic worker ang walang reklamo sa kanilang mga ahente, sinabi naman ng iba na hindi sila tinulungan ng mga ahente o nakadanas sa mga ito ng pang-aabuso o pagsasamantala.
Lubhang napakabigat ng naging trabaho ni Fathima S. sa bahay ng kanyang amo. Nagtatrabaho siya ng 16 na oras sa malaking bahay, nagluluto, naglilinis, at nag-aalaga ng mga bata at isang matandang babae na baldado. Palagi siyang minumura at sinasaktan ng kanyang amo. Sabi ni Fathime S.,
TInawagan ng amo kong babae ang agent at sinabing hindi daw ako nagtatrabaho. Sinigawan ako ng agent sa telepono at sinabing, "Para kang sanggol na pinapasuso pa! Kung magpapatuloy ka sa asal mo, ibabalik kita dito sa agency at bubugbugin ng husto." Sinagot ko siya na nagtatrabaho naman ako, pero palaging naghahanap ng mali ang amo kong babae at sinisigawan ako. Sinabi ko sa ahente na iuwi na ako sa bahay ko sa Sri Lanka… Sabi niya na hindi ako puwedeng umuwi at dapat akong magtrabaho at tapusin ang dalawang taong kontrata. Doon lang daw niya ako pauuwiin sa Sri Lanka. Umiyak ako. Wala na akong ibang magagawa… Nakiusap ako sa kanya na ilipat sa ibang amo. Tumanggi siya at sinabing ang visa ko at ibang papeles na kinuha niya ay para magtrabaho ako sa aking amo. [94]
Naglabas ang Ministry of Labor ng mga Executive Order na naglalatag ng mga responsibildad ng mga recruitment agency. Ipinagbabawal ng mga regulasyong ito na tumanggap ng anumang recruitment fee mula sa manggagawa, pagpapabahay ng kababaihang manggagawa, at pagpapaupa ng serbisyo ng mga ito sa ibang tao. Mayroon ding tahasang obligasyon na kilalanin ng maigi ang katrabaho nilang agency sa ibang bansa upang masiguro na ang mga ito ay maasahan at kapuri-puri.[95] Ang parusa sa paglabag ay ang pagbawi sa lisensiya ng ahensiya. Naisadokumento ng Human Rights Watch ang mga kaso kung saan nilabag ng mga labor agencies ang mga probisyong ito ngunit hindi nalapatan ng parusa. Halimbawa, nakapanayam ng Human Rights Watch ang mga domestic worker na nagsabing pinilit sila ng labor recruiter na magtrabaho sa ibat-ibang bahay habang nakatira sa opisina ng agency.
Sa ilang pagkakataon, lalong pinalala ng mga agent ang pinsala dahil sa hindi nila binayaran ang mga manggagawa na iligal nilang dinedestino sa mga pansamantalang trabaho. Pinagtrabaho si Neelima R. sa limang magkakaibang bahay sa loob ng dalawang buwan at ang sahod niya ay ibinulsa naman ng ahente.[96] Noong tumakas si Yanti S. sa amo niya na hindi pumayag na siya ay magpatingin sa duktor, nakahanap siya ng ahente na ipinadala naman siya sa ibat-ibang bahay para maglinis. Sabi niya, "Ibinenta talaga ako ng ahenteng ito sa ibang amo sa halagang 10,000 riyals, pero hindi niya binigay sa akin ang pera. Kinuha ang tatlong-buwan kong sahod at ang 10,000 riyals."[97]
Ilang mga domestic worker ang lumapit sa labor agent nila para hilinging pauwiin na sila, pero sa halip ay pinagtrabaho sa ibang mga amo. Sabi nga ng isang diplomatiko na humahawak ng kaso ng mga inabusong mga domestic worker, "Nagbabayad ang manggagawa ng transfer fee. Kumikita ng husto ang ahente… Gusto nilang mahiyang umuwi ang babae kapag wala itong pera."[98]
Naidokumento rin namin ang mga kaso ng ahente na nananakit at nanghahalay ng mga domestic worker at nagkukulong sa mga ito sa opisina ng ahensiya. Ibinalik ng kanyang amo si Hasna M. sa agency noong hindi ito pumasa sa medical examination. Sabi ni Hasna M., "SInasaktan ako ng ahente. Araw-araw niya kaming sinasaktan (kasama ang ibang mga domestic worker na tumitigil sa agency). Ang peklat na ito sa baba ng mata ko ay gawa ng ahente… Sinuntok niya ako at pinalo ng patpat, pati sa binti ko. Sampung araw akong tumigil sa agency, at apat na araw lang akong nakakain."[99] Tumakas si Hasna M. patungo sa embahada, pero natakot siyang isumbong ang pang-aabuso dahil sa takot na dumating ang kanyang ahente at muli siyang bugbugin.
Kinailangan pa nina Farzana M. at mga kapwa domestic worker na pagplanuhan ang pagtakas sa nakakandadong agency na pinagkulungan sa kanila. Sabi niya, "Lima lahat kaming tumakas. Tumakas kami mula sa ground floor sa pamamagitan ng paglagay ng lamesa sa banyo at pagpatong ng silya sa bariles, at pagtalon sa bintana. Bubugbugin kami ng mga tauhan sa agency kung tumanggi kaming lumabas at magtrabaho."[100] Sabi ni Gina R., "Tatlo kaming Pilipino na… tumalon mula ikatlong palapag ng alas-tres ng umaga. Masama ang pagkatalon ko at nasaktan ako sa tadyang at siko kaya dinala ako sa ospital… Nilagyan ng molde ang paa ko. May Pilipinong dumaan noong nakatalon na kami at isinakay kami sa taxi at dinala sa ospital."[101]
Naidokumento namin ang tatlong kaso ng sekswal na panghahalay at pang-aabuso ng mga Saudi recruitment agent sa mga domestic worker. Halimbawa, sinabi ni Rosa L. sa Human Rights Watch,
Minsan nakita kong tinawag [ng ahente] ang mga kasama kong babae, at umiiyak sila pagbalik. Noong tinanong ko sila kung ano ang nangyari, parang takot silang magkuwento. Tapos ako naman ang tinawag. Talagang pinagsamantalahan kami. Pinaghahalikan kami, hinipuan, pinagsamantalahan talaga kami. May asawa na ako, pero yung ibang babae dalaga pa at wala pang karanasan. Unang karanasan nila iyon. Naawa talaga ako sa kanila… Lumaban iyong isang Indonesian. Pagbalik niya puro pasa at may black eye.[102]
Pagkulong ng mga Amo sa Domestic Helper
Itinago ng amo ko ang aking pasaporte at iqama. Kinulong nila ako sa bahay at kinandaduhan mula sa labas. Hindi talaga ako makakalabas.
¾Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006
Hindi ako pinayagang umuwi ng aking amo sa loob ng anim na taon at walong buwan… Hindi ako nakatanggap ng anumang sahod, kahit man lang isang riyal… Hindi naman ako pinagagalitan ng amo ko. Hindi niya ako sinaktan. Pero hindi niya ako pinayagang umuwi ng Indonesia.
¾ Siti Mujiati W., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Saudi Arabia, Disyembre 11, 2006
Gumagamit ang mga amo ng ilang paraan para epektibong mabitag ang domestic worker sa lugar na pinagtatrabahuan, kasama ang pagkandado sa loob ng bahay, pag-ipit ng sahod, pagkuha ng pasaporte, banta ng pananakit, at pagbibigay ng sobrang trabaho dito. Sabi ni Wati S. sa amin, "Hindi ako nakalabas, kahit na kasama ang amo ko. Hilig ko ang maglakad at tumingin-tingin, pero hindi pumapayag ang amo ko. Kinandado nila ako sa bahay at hinawakan ang susi. Wala akong susi." [103]
Kapag kontrolado ng amo ang pagkilos ng domestic worker hanggang sa puntong hindi na ito makatakas sa relasyon sa paggawa, kinakatawan na nito ang abusong katumbas ng pagkabusabos.
Pagkuha sa pasaporte
Bawat domestic worker na nakausap namin ay nagsabing kinuha ng kanyang amo ang pasaporte niya. Ito ay sa kabila na noong 2003 ang UN Committee on the International Convention on the Elimination of all forms of Racial Discrimination (CERD) ay nagsabing "ito ay nasisiyahan" na ang gobyernong Saudi ay gumawa na ng hakbang "para wakasan ang gawi ng mga amo na hawakan ang pasaporte ng mga dayuhan nilang empleyado, partikular ang mga domestic worker." [104] Sa ilang kaso, hindi nakakakuha ang mga amo ng iqama(residency permit) para sa mga domestic worker, na naglalagay sa mga ito sa mas malaking panganib na madakip at ikulong kung tumakas sila na walang dalang dokumento. Ang mga ganitong gawi, kasama ang kapangyarihan ng mga amo na pigilan ang domestic worker na lumipat ng trabaho o lisanin ang bansa, ang nakakadagdag sa mga kalagayan ng sapilitang paggawa at pagkabusabos.
Isang kilalang lider ng isang asosasyon ng recruitment agencies ang nagsabing, "Hawak ko ang pasaporte ng aking domestic worker, para na siyang bahagi ng pamilya ko."[105] Nakausap namin ang maraming amo na ikinatwiran ang takot nilang mabuntis o tumakas ang mga domestic worker kaya nila hinihigpitan ang pagkilos ng mga ito. Sabi ng isang amo,
Merong social cost at financial cost[sa pagbayad sa fees para kumuha ng domestic worker]. Amo ako ng isang katulong, isang drayber, at isang kusinero. Hindi pinapayagang lumabas ang maid. Sinasama ko kapag lumalabas kami ng aking pamilya. Pero kung lalabas siyang mag-isa, baka sumama siya sa isang dayuhan at mabuntis. Mahirap tanggapin ang ganitong bagay.[106]
Ang mga pangambang ito ay hindi katanggap-tanggap na katwiran para higpitan ang kilos ng mga kababaihan, o ibinatay sa hindi makatotohanang pag-tasa ng panganib. Halimbawa, humawak ang embahadang Indonesia noong 2007 ng 17 kaso ng nabuntis na mga domestic worker, na bahagi ng mula 600,000-900,000 na mga kababaihang nagtratrabaho sa Saudi Arabia.[107] Nirepaso ng Human Rights Watch ang ilang kaso ng mga domestic worker na nabuntis dahil sa panggagahasa. Pinoprotektahan ng International Law ang karapatang maging malaya at ang kalayaan sa pakikisalamuha, na parehong hindi naibibigay kapag ang mga batas, patakaran, o pinapayagang gawi ay nagpapahintulot sa mga amo na pilit na ikulong ang mga domestic worker.
Mga amo ang nagdidikta sa kakayanan ng mga domestic worker na umuwi o bisitahin ang kanilang pamiya. Sabi ni Fatima N., "Hawak nila ang pasaporte ko… Tinago nila ang iqama ko. Pinapauwi na ako ng pamilya ko. Tinanong ko ang aking amo kung puwede na akong umuwi, pero palagi silang tumatanggi. Nalungkot ako, gusto ko nang makita ang mga magulang ko… Namatay ang tatay ko habang nandito ako kaya gusto ko nang umuwi. Nakiusap ako kung puwedeng makapunta sa libing ng tatay ko, pero hindi nila ako pinayagan."[108] Sa isa pang kaso, sinabi ni Chemmani R.,
Sinabi ng tatay ko na… namatay ang nanay ko sa tsunami… namatay din ang aking lola, pinsan, ang pamangkin ko… Humingi ng pera ang tatay ko para sa pagpapagamot ng aking anak… Humiling ako ng pera sa amo ko, hindi sila nagbigay… Gusto ko nang umalis dahil bakit ako magtatagal dito kung hindi nila ako sasahuran para may maipadala ako sa aking anak. Binabastos din ako ni Baba [lalaking amo]. Wala akong pagkakataon na umalis dahil nakakandado lahat. Kapag umaalis sila Baba at Mama, kinakandado nila ang pinto mula sa labas. Hindi ako nakatakas dahil wala akong pagkakataon. Wala ring malapit na bahay.[109]
Sabi ni Sutiati,
Siyam na taon at apat na buwan na akong nagtatrabaho dito. Sa buong panahon na iyon, hindi ko pa nadadalaw pamilya ko sa Indonesia. Nangako ang amo ko na puwede kong dalawin ang aking pamilya kapag nakakuha sila ng isa pang domestic worker. Pero hindi pa rin ako makaalis kahit dumating na iyong pangalawang domestic worker. Kailangan ng pera ng nanay at tatay ko. Kailangan nila na umuwi ako, pero ayaw akong paalisin ng amo ko. [110]
Sabi ni Sandra C. sa Human Rights Watch, "Sabi sa akin ng amo ko, 'kung gusto mong umuwi, umuwi ka! Pero hindi kita bibigyan ng tiket pauwi ng Pilipinas. Itatapon kita sa ibang bansa.' Tatlong taon na ang nakalipas at gusto ko nang umuwi." [111]
Paghihigpit sa komunikasyon
Hindi ko alam kung nag-asawa na ang mga anak ko.
¾Sutiati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006
Gusto kong tawagan at sulatan ang pamilya ko. Sabi ng mga amo ko, "Dalawang taon kang walang contact sa pamilya mo."
¾ Chitra G., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 6, 2006
Sinabi ng mga domestic worker na pinagbawal ng amo nila na sila ay tumawag o tawagan sa telepono, makipagsulatan, at makipag-ugnayan sa kanilang pamilya o sa ibang migrante sa Saudi Arabia. Lalong nagiging bulnerable ang mga domestic worker dahil sa kanilang pagkabukod. Sa hanay ng mga domestic worker na nag-uulat ng ibang tipo ng problema kasama ang di pagpapasahod, pananakit, o hindi pagpapakain, halos lahat ay nag-ulat ng mahigpit na pagbabantay at kontrol sa kanilang komunikasyon.
Maraming domestic worker ang nagsabing hindi nila naihulog ang mga sulat na ginawa nila, o hindi nila natanggap ang mga sulat na padala sa kanila. Sabi ni Prema C., "Hindi ako makagamit ng telepono."[112] Hindi ibinibigay ang mga long-distance na tawag sa mga domestic worker, kahit na ginastusan ito nang malaki ng kanilang pamilya. Halimbawa, sabi ni Adelina Y., "Wala akong contact sa pamilya ko na nasa probinsiya. Minsan tumawag ang nanay ko, pero hindi ibinigay ni Madam ang telepono sa akin. Sabi niya, 'Dapat magtrabaho ka.' Sabi pa niya, 'Tatakas ka kapag tumawag ang nanay mo.' Sabi ko, 'Madam, calling card ang gamit ng nanay ko at malaki ang ginagastos nila kapag tinatawagan ako.' Pero ayaw talaga niyang makausap ko ang aking pamilya."[113]
Nagdulot ang antas ng kontrol na ito ng pasakit sa maraming domestic worker, dahil hindi nila maibalita sa kanilang pamiya ang kalagayan nila o makarinig ng mahalagang balita galling sa kanilang bayan. Naisalamin ni Shanti A. ang nararamdaman ng maraming domestic worker nang sabihin niyang, "Hindi alam ng mga magulang ko sa Sri Lanka kung buhay pa ako."[114]Sabi ni Sandra C., "Namatay ang asawa ko dahil sa sakit sa bato. Wala kaming ugnayan at hindi ko nalaman."[115] Sabi ni Marilou R., isang domestic worker na Pilipina, "Hindi ako puwedeng makipag-usap sa mga kasamahan kong maid. Hindi ako pwedeng magkaroon ng mobile phone, tumawag sa Pilipinas, o sumulat. Anim na buwan na akong walang ugnayan sa bahay. Kaya palagi akong umiiyak. Nagtrabaho akong walang sahod at walang ugnayan sa aking pamilya."[116]
Ikinakandado ng ilang amo ang mga kuwarto na may telepono upang pigilan ang mga domestic worker na makipag-ugnayan sa labas, at pinagbabawalan ang mga domestic worker na magmay-ari ng cell phone. Sabi ni Fatima N., "Tinatago rin nila ang telepono sa kanilang kuwarto kapag umaalis sila para hindi ako makatawag." [117] Sa ilang kaso, tinangka ng mga domestic worker na magtago ng mga cell phone nang palihim, at nagpapabili sa mga kaibigan nila ng dagdag na phone credit. [118] Ang ilang mga kontrata ay idinidiin ang pagbabawal na magdala ng cell phone ang domestic worker sa Saudi Arabia. Tulad ng sinabi ni Cristina M., "Hindi ko nagawang makipag-ugnayan sa aking pamilya… wala akong mobile phone, kasi sabi sa kontrata na huwag magdala ng mobile phone, kaya ganon."
Pagkulong sa bahay ng amo
Dalawamput-apat (24) sa mga domestic worker na kinapanayam ng Human Rights Watch ang ikinulong ng mga amo nila sa bahay na pinagtatrabahuan at ikinandano mula sa labas. Sabi ni Cristina M., "Ikinakandado nila araw-araw ang bahay mula sa labas. Kaya umakyat ako sa bintana. Parang masisira ang ulo ko kapag naiiwan ako sa loob. Iniisip ko, 'Paano ako makakalabas ng bahay na ito?'" [119] Isa na ring anyo ng pang-aabuso, ang pinipigil ng pagkukulong na makatakas ang mga domestic worker mula sa iba pang tipo ng pang-aabuso o kaya ay makauwi para tumugon sa mga problema ng kanilang mga pamilya.
Naikuwento ng ilang domestic worker ang pagkulong sa kanila sa kuwarto o sa banyo bilang minsanang parusa o regular na gawi upang hindi sila makatakas. Sabi ni Eni M. sa amin, "Palagi akong kinukulong ng amo ko sa aking kuwarto mula 9:00 p.m. hanggang umaga." [120] Sabi ni Lilis H., "Kinukulong ako ng amo ko sa banyo kapag aalis ito. Nangyari ito sa loob ng walong buwan." [121] Karaniwang pinapataw ang ganitong mga parusa kapag hiningi ng mga domestic worker ang kanilang sahod o kaya magtangka silang tumakas. Halimbawa, matapos mabigong tumakas, sinabi ni Ponnamma S., "Simula noong araw na iyon, hindi na ako pinagamit ng telepono. Ikinulong din ako sa kuwarto at binugbog." [122]
Kahit na hindi sila ikinukulong ng mga amo sa loob ng bahay, napakadami pa rin ng trabaho para magkaroon ng oras ang mga domestic worker na lumabas ng bahay. Sabi ni Chandrika M., "Parang malaking kulungan ang Saudi Arabia. Puwede kang makalabas pero walan namang oras dahil sa dami ng trabaho." [123]
Pagtakas
Napaka-limitado rin ng pagkakataong tumakas. Pagkaminsan, ang tanging paraan lang na makatakas ang mga domestic worker ay ang pagtalon sa bintana o hintayin ang mga bihirang pagkakataon na makalimutan ng amo nila na ikandado ang pinto at tarangkahan. Ilang manggagawa ang tumatakas sa oras na may makita silang pagkakataon, madalas kapag nakalimutan ng amo na ikandado ang pinto. Sabi ni Winarti N., "Nag-away minsan ang mga bata at naiwang bukas ang pinto. Tumakbo ako. Tumakbo akong palabas; iniwan ko na ang mga gamit ko." [124] Sabi ni Cristina M., "Sinisigawan at sinasampal kami ni Madam. Hindi ako makapagtrabaho kapag hindi nakakakain at nakakapahinga. Nakapagdala ako ng dalawang pantalon, dalawang bra, limang damit panloob. Sinuot ko lahat ang mga ito para makatipid sa oras. Sabay-sabay kaming tumakas 5:30 ng umaga habang nagdadasal ang mga amo namin. Tumalon ako sa bintana." [125]
Kahit na bukas ang pinto, maraming manggagawa ang atubiling tumakas dahil hindi nila hawak ang kanilang mga dokumento o kaya ay takot na maakusahan ng kung anong krimen. Malupit ang trato ng gobyernong Saudi sa mga tumatakas na domestic worker at mabagsik ang parusa sa pagnanakaw. Sabi ni Prema C., "Tatlong beses silang nagbakasyon at iniiwan nila ako sa bahay. Hindi rin kinakandado ang pinto. [Pero] hawak nila ang aking pasaporte… Gusto ko nang umuwi sa Sri Lanka. Hindi ako makaalis dahil wala akong iqama." [126] Sabi ni Dammayanthi K., "Ipinasya ko na lang na ituloy ang pagtatrabaho kasi hawak ng mga amo ko ang aking pasaporte at sila ang bibili ng tiket para sa pag-uwi ko… Hindi ko alam kung paano umalis ng bahay at gumala mag-isa. At kung tatakas ako, baka gumawa sila ng kuwento na nagnakaw ako ng gamit nila at tumakas." [127]
Sa ilang kaso, tumatakas ang mga domestic worker patungo sa embahada o konsulado. Ang iba naman ay lumalapit sa pulis. At ang iba ay humihingi ng tulong sa ibang migrante. Halimbawa, sinabi sa amin ni Lili S.,
Bagong bugbog ako ng aking amo noong araw na tumakas ako. Pinalo niya ako ng kable sa buong katawan ko. Pinapasok niya ako sa banyo para bugbugin pa uli. Noong papunta na ako sa banyo, nakita ko ang susi at saka ako nagtatakbo… Nagtago ako sa likod ng hagdanan hanggang makita ko ang isang Pakistani na taga-deliver. Humingi ako ng tulong niya. Sabi niya, "Isa kang Muslim, isa akong Muslim. Huwag kang matakot, sasamahan kita sa konsulado, sa mga kababayan nating Indonesian." [128]
Ilang migrant worker ang nakahanap ng mga bagong paraan para tumulong sa kanilang mga kababayan na nasa gipit na kalagayan. Ang mga Pilipinong migrante ay naglunsad ng isang mobile telephone hotline. Inaanunsiyo nila ang number ng hotline na ito gamit ang informal na network sa komunidad. Kapag ang isang domestic worker na nagigipit o nasa panganib ay magkaroon ng pagkakataon, gamit ang naitago o nahiram na mobile phone, maaari siyang magpadala ng text message sa hotline at ang mensahe niya ay tatanggapin ng isang kapwa migrante, isang NGO sa Pilipinas, at Embahada ng Pilipinas. [129] Matapos silang makipag-ugnayan, kanilang papayuhan ang migrante sa mga hakbang na puwede niyang gawin. Isang Indonesian na kasali sa isang mas hindi pormal na support group ang nagsabing, "Hindi nila alam ang itsura ko, hindi kami nagkikita, nagkakausap lang kami sa telepono. Ikinakalat ang number ng telepono sa pamamagitan ng bulungan." [130]
Maliban dito, kakaunti ang mga puwedeng lapitan ng domestic worker. Gaya ng naka-detalye sa ibang bahagi ng ulat na ito, ilang labor agent at pulis ang tumutulong sa mga domestic worker. Ang iba naman ay pinipilit ang mga domestic worker na ibalik sa malupit na amo.
Habang ang mga manggagawa sa Riyadh at Jeddah ay makakahingi ng tulong sa kanilang mga embahada at konsulado, wala namang puwedeng lapitan ang mga nasa ibang siyudad. Halimbawa, nagtrabaho si Sri H. sa isang maliit na siyudad na walang embassy o konsulado. Sabi niya, "Ilang beses akong nagtangkang tumakas pero lagi akong bigo dahil sa layo."[131]
Lalong humihigpit ang kanilang kalagayansanhi ng limitadong kalayaan ng mga kababaihan sa Saudi Arabia na magbiyahe at ang panganib na bumiyaheng mag-isa na hindi kasama ang sponsor. Ang mga domestic worker na nakakatakas ay maaaring wala namang perang pambayad sa taxi o hindi makatanggap ng tulong ng lalaking migrante dahil puwede silang makasuhan ng krimeng nakaugnay sa moralidad. Isang babae na hindi sinahuran sa loob ng anim na taon ay nagsabing, "Hindi ako makatakas. Nasa Yanbu ako… Takot akong tumakas dahil walang taxi."[132]
Sa ilang kaso, ang tanging paraan lang para makatakas ang mga migrant worker ay kapag grabe na ang kanilang kalusugan at nangangailangan na silang dalhin sa ospital. SInabi ni Sevandhi R. sa Human Rights Watch na, "ikinulong ako ng amo ko sa aking kuwarto sa loob ng apat na araw at saka ito umalis… Apat na araw akong walang pagkain at tubig. Hinimatay ako. Dinala nila ako sa ospital at bumili [ang amo ko] ng tiket [para sa pag-uwi ko]."[133]
Iyong mga gustong patuloy na magtrabaho sa Saudi Arabia ay napipilitang makipagsapalarang tumakas para makahanap ng ibang trabaho bilang mga undocumented worker. Ikwinento ni Marisa G., isang domestic worker na Pilipina, ang pagtakas niya sa kanyang amo at pagpunta sa Jeddah na nakatago sa likod ng isang truck ng mga paninda. Sabi niya, "Apat kaming Pilipina. Nagbayad kami ng 50 riyals [$50]. Labing-limang [15] oras kaming nagbiyahe. Nahilo ako. Tuloy-tuloy ang biyahe. Walang ilaw at walang bintana ang truck. Saradong-sarado ito. Kinabahan ako."[134]
Yaong mga nakakahanap ng ibang trabaho ay karaniwang nakakatagpo ng among magbabayad ng mas mataas na sahod at maluwag na trabahong part-time. Malamang na ang mga among ito ay hindi nabigyan ng permiso na kumuha ng domestic worker, at handang magbayad ng mas mataas sa pagkuha ng manggagawa na labas sa ligal na pamamaraan. Sabi ni Chemmani R. matapos ang pagtakas niya, "Nanatili ako [sa mosque] at kilala ko sina Babas at Mamas. Maraming lalaki at babae ang pumupunta doon para kumuha ng magiging katulong… May isang babae na dumating a t nakita ako. Sabi niya sasahuran niya ako ng 700 riyal [$182] at dalawang anak niyang bata ang aalagaan ko… Hawak pa ng dati kong Baba ang aking pasaporte… iyon ang dahilan kaya niya [ang babae] ako babayaran ng mas malaki. Magbabayad siya ng dagdag na 300 riyal dahil nananatili ako doon na walang hawak na pasaporte o bias. At alam niya na pag kailangan ko nang umuwi sa Sri Lanka ay kailangang pumunta ako sa embahada."[135]
[84] Panayam ng Human Rights Watch kay Chitra G., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 6, 2006..
[85] Panayam ng Human Rights Watch kay Marjorie L., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006..
[86] Gamit ng numerong ito ang palitan sa pagitan ng US dollar at Sri Lankan rupee noong Nobyembre 5, 2006.
[87] Panayam ng Human Rights Watch kay Srilatha Aryaratne, Sri Lanka Bureau for Foreign Employment, Kurunegala, Sri Lanka, Nobyembre 5, 2006..
[88]Panayam ng Human Rights Watch kay Indrani P., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[89] Panayam ng Human Rights Watch kay Fathima S., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006.
[90] Panayam ng Human Rights Watch kay Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[91] Panayam ng Human Rights Watch kay Prema C., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[92] Panayam ng Human Rights Watch kay Indrani P., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006..
[93] Human Rights Watch, Exported and Exposed: Abuses against Sri Lankan Domestic Workers in Saudi Arabia, Kuwait, Lebanon, and the United Arab Emirates, vol. 19, no. 16(C), Nobyembre 2007, http://hrw.org/reports/2007/srilanka1107/; Swept Under the Rug: Abuses against Domestic Workers around the World, vol. 18, no. 7(C), July 2006, http://hrw.org/reports/2006/wrd0706/; Help Wanted: Abuses against Migrant Female Domestic Workers in Indonesia and Malaysia, vol. 16, no. 9(B), July 2004, http://hrw.org/reports/2004/indonesia0704/.
[94] Panayam ng Human Rights Watch kay Fathima S., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006.
[95] Executive Regulations, Ministry of Labor, "Regulations for the non-renewal of an accreditation or its termination."
[96] Panayam ng Human Rights Watch kay Neelima R., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Marso 11, 2008.
[97] Panayam ng Human Rights Watch kay Yanti S., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.
[98] Panayam ng Human Rights Watch kay A., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Nobyembre 29, 2006.
[99] Panayam ng Human Rights Watch kay Hasna M., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 6, 2006.
[100] Panayam ng Human Rights Watch kay Farzana M., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[101] Panayam ng Human Rights Watch kay Gina R., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006..
[102] Panayam ng Human Rights Watch kay Rosa L., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006..
[103] Panayam ng Human Rights Watch kay Wati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[104] Tingnan ang pagtatapos ng Observations of the Committee on the Elimination of Racial Discrimination: Saudi Arabia, CERD/C/62/CO/8, March 21, 2003, para. 6.
[105] Panayam ng Human Rights Watch sa isang grupo ng recruitment agents, National Committee of Saudi Recruitment Agencies, Saudi Chamber of Commerce, Riyadh, Disyembre 12, 2006.
[106] Panayam ng Human Rights Watch sa isang among Saudi, Riyadh, Marso 8, 2008.
[107] Panayam ng Human Rights Watch sa isang opisyal ng embahada ng Indonesia na ayaw magpakilala, Marso 10, 2008.
[108] Panayam ng Human Rights Watch kay Fatima N., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006..
[109] Panayam ng Human Rights Watch kay Chemmani R., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006..
[110] Panayam ng Human Rights Watch kay Sutiati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006..
[111] Panayam ng Human Rights Watch kay Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[112]Panayam ng Human Rights Watch kay Prema C., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[113] Panayam ng Human Rights Watch kay Adelina Y., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[114] Panayam ng Human Rights Watch kay Shanthi A., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[115] Panayam ng Human Rights Watch kay Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[116] Panayam ng Human Rights Watch kay Marilou R., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Saudi Arabia, Disyembre 10, 2006.. .
[117] Panayam ng Human Rights Watch kay Fatima N., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006. .
[118] Panayam ng Human Rights Watch kay Dolores P., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 8, 2006.
[119] Panayam ng Human Rights Watch kay Cristina M., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006..
[120] Panayam ng Human Rights Watch kay Eni M., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 8, 2006..
[121] Panayam ng Human Rights Watch kay Lilis H., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[122] Panayam ng Human Rights Watch kay Ponnamma S., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[123] Panayam ng Human Rights Watch kay Chandrika M., umuwing domestic worker, Kurunegala, Sri Lanka, Nobyembre 4, 2006.
[124] Panayam ng Human Rights Watch kay Winarti N., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[125] Panayam ng Human Rights Watch kay Cristina M., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006.
[126] Panayam ng Human Rights Watch kay Prema C., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006. .
[127] Panayam ng Human Rights Watch kay Dammayanthi K., umuwing domestic worker, Kandy, Sri Lanka, Disyembre 10, 2006.
[128] Panayam ng Human Rights Watch kay Lilis H., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[129] Panayam ng Human Rights Watch kay Daniel S., Pilipinong migrant worker at aktibista, Riyadh, Nobyembre 29, 2006.
[130] Panayam ng Human Rights Watch kay Edi L., migrant worker na Indonesian at miyambro ng isang informal na support group, Riyadh, Disyembre 2, 2006..
[131] Panayam ng Human Rights Watch kay Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.
[132] Panayam ng Human Rights Watch kay Siti Mujiati W., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.
[133] Panayam ng Human Rights Watch kay Sevandhi R., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006.
[134] Panayam ng Human Rights Watch kay Marisa G., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 8, 2006..
[135] Panayam ng Human Rights Watch kay Chemmani R., umuwing domestic worker, Habaraduwa, Sri Lanka, Nobyembre 14, 2006.






