V. Sapilitang Pagtatrabaho, Trafficking, Pang-aalipin at Mala-aliping Kalagayan
Naisadokumento ng Human Rights Watch ang malawak na saklaw ng pang-aabuso sa mga migranteng domestic worker sa Saudi Arabia, kasama ang panloloko sa recruitment, paglabag sa kalayaang gumalaw, pisikal at seksuwal na pang-aabuso, labor exploitation, at double victimization sa sistemang criminal justice. Tatalakayin ng malaliman sa mga susunod na kabanata ang lahat ng mga isyung ito. Sa ilang kaso, sabay-sabay na naranasan ng domestic worker ang mga pang-aabusong ito.
Nakapanayam ng Human Rights Watch ang 36 kababaihan at dalagitang domestic worker na ang kalagayan ay katumbas na ng sapilitang paggawa, trafficking, pang-aalipin o mala-aliping kalagayan. Ipinapakita ng mga sumusunod na case studies kung paano ang sari-saring uri ng pang-aabuso, mula recruitment hanggang employment, ay maaaring sama-samang naglilikha ng ganitong mga kondisyon sa karanasan ng domestic worker.
Wala pang lumalabas na pagtantiya sa bilang ng mga nasabing kaso sa Saudi Arabia, bagaman kaunti lamang ang ganitong kapansin-pansin na mga kaso kumpara sa mga karaniwang reklamo ng naantalang sahod at sobrang trabaho. Gayunpaman, maraming kaso ng sapilitang pagtatrabaho, trafficking, pang-aalipin o mala-aliping kalagayan ang malamang na hindi na matutukoy o maiuulat dahil sa pagkabukod ng manggagawa, kawalan ng impormasyon tungkol sa kanyang karapatan, at ang kapangyarihan ng amo na magpauwi anumang oras.
Ipinagbabawal ng International Law ang sapilitang paggawa, trafficking, at mga institusyon o gawi na katumbas ng pagkaalipin o pagkabusabos. Ang Universal Declaration of Human Rights, ang International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), ang ILO Forced Labor Convention, ang Trafficking Protocol, ang Slavery Convention, ang Supplementary Convention on the Abolition of Slavery, ang Slave Trade, ang Institutions and Practices Similar to Slavery (Supplemental Slavery Convention), at ang Rome Statute establishing the International Criminal Court ang mga pangunahing pinagmumulan ng international law na nagpapaliwanag at nagbabawal sa mga ganitong gawi.[67] Sa pamamagitan ng royal decree, binuwag noong 1962 ng dating hari na si King Faisal ang pang-aalipin sa Saudi Arabia.
Sapilitang Pagtatrabaho
Nour Miyati
Ito ang pangatlo kong bihaye. Apat na taon ako sa Medina noong una kong biyahe. Dalawang taon naman ako sa Ta'if noong pangalawang biyahe ko. Mabait ang mga dati kong amo at binigay ng buo ang sahod ko.
Sa pangatlong biyahe(sa Riyadh), binugbog ako ng amo kong babae. Wala siyang trabaho. Araw-araw niya akong binubugbog. Pinapalo niya ako sa ulo at tinatakpan ko ito ng aking mga kamay. Sinisipa niya ako sa paa gamit ang mataas niyang takong na sapatos. Araw-araw niya itong ginagawa hanggang magkasugat ang paa ako. Binugbog din ako ng amo kong lalaki matapos kong isumbong sa kanya ang ginagawa ng kanyang asawa. Noong mamaga ang mga kamay ko sa pangbubugbog ng amo kong babae, inutusan nila akong hugasan ito ng isang buong tasang bleach. Sobra ang sakit na naramdaman ko. Hindi ako nakakakain ng husto. Hindi pa rin nila binigay ang sahod ko pagkalipas ng isang taon.
Wala akong pagkakataong magpahinga. Ginigising ako 4 a.m., nagluluto ng almusal ng mga bata. Nagtatrabaho ako buong araw nang walang pahinga. Nakakatulog lang ako3 a.m. Maraming beses na di ako nakatulog. Buong araw akong nagtatrabaho.
Hawak ng amo ko ang aking pasaporte. Isa siyang pulis (miyembro ng National Guard). Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong lumabas ng bahay. Kinukulong nila ako at kinakandado ang pinto mula sa labas. Nagkaroon ako ng pagkakataon na tumakas matapos ang isang taong pagtatrabaho doon. Huwebes noon at tumakbo ako. Grabe ang kalagayan ko – sarado ang kaliwa kong mata, maga ang buo kong katawan. Sumakay ako ng taxi at dinala ako ng drayber sa pulis… Pumunta ang amo ko sa presinto at gusto akong bawiin. Tumanggi ako at sinabing, "Masamang tao ang amo k o."Sagot naman niya, "Hindi pa tapos ang kontrata mo, dalawang taon ito."
Binugbog na naman nila ako pagdating sa bahay. Sinuntok ako sa bibig at isang ngipin ang tumalsik (pinakita ang peklat sa labi niya). Pagkatapos noon, kinandado nila lahat ng pinto maliban sa pinto ng banyo. Di ako pinayagang lumabas, kahit na magtapon ng basura. Di rin ako pinagamit ng telepono. Lalong lumala ang sitwasyon. Araw-araw akong binubugbog ng mag-asawa. Hindi ako binigyan ng gamot.
Lalong lumala matapos ang tangka kong pagtakas… Sa banyo ako pinapatulog noong huling buwan… Tinakpan nila ng tape ang bibig ko, ayaw nilang malaman ng kapitbahay ang tungkol sa akin.
Hindi na ako nagtangkang tumakas. Nakiusap ako sa amo ko na dalhin ako sa ospital dahil sa aking kalagayan. Pero nangako muna ako na hindi magsasalita tungkol sa naging trato nila sa akin. Pinilit nila akong tumahimik.
Napansin ng isang duktor ang pang-aabuso at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad. Pagkatapos ay sumailalim si Nour Miyati sa masusing gamutan na tumagal ng ilang buwan, kasama ang pagputol sa kanyang mga daliri dahil sa kanggrena.
Lumampas ng tatlong taon ang pagdinig sa kaso ni Nour Miyati, habang naghihintay siya ng kapasyahan sa loob ng punong-punong shelter sa embahada ng Indonesia. Una siyang hinatulan ng isang korte sa Riyadh sa salang maling pagbibintang at sinentensiyahan ng 79 na hagupit, subalit binawi rin ang desisyon noong kalaunan. Ibinasura ng korte ang sakdal laban sa amo niyang lalaki. Hinatulan ng korte ang among babae ng 35 hagupit sa salang pang-aabuso, pero ibinasura ng isang huwes ang mga sakdal laban sa among babae noong Mayo 19, 2008. Binigyan naman ng nasabing huwes ng 2,500 riyal ($668) si Nour Miyati bilang bayad-pinsala, maliit na bahagi lamang ng karaniwang binibigay sa klase ng sugat na tinamo. [68] Plano ng embahada ng Indonesia na iapela ang inilabas na pasya. [69]
[crying] Nangangamba ako na hindi na ako makakapagtrabaho dahil sa aking mga kamay. Hindi ko alam kung ano ang magiging kinabukasan ko.
¾ Nour Miyati (tunay na pangalan ginamit batay sa kanyang kahilingan), domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006, at Marso 11, 2008
Ayon sa ILO Convention on Forced Labor, Number 29, ang ibig sabihin ng puwersahan o sapilitang pagtatrabaho ay " lahat ng trabaho o serbisyo na hinihingi sa isang tao sa ilalim ng banta ng parusa at kung saan hindi binoluntaryo ng nasabing tao ang kanyang sarili." [70]
Ipinaliwanag nang mabuti ng ILO ang mga halimbawa ng "banta ng parusa" kasama ang "pisikal na pananakit sa manggagawa o malalapit dito, pagkukulong, pagmumulta, pagsuplong sa awtoridad (police, immigration) at deportasyon, pagtanggal sa kasalukuyang trabaho, pagtangging papasukin sa ibang trabaho, at ang pag-alis ng karapatan at pribilehiyo" [71] Sa karamihan ng nirepaso naming kaso ng sapilitang pagtatrabaho sa Saudi Arabia, ikinukulong ng mga amo ang domestic worker sa bahay na pinagtatrabahuan, kasama ang pagkandado mula sa labas, at di pagbigay ng pasaporte, bagay na naglalagay sa manggagawa sa banta ng pagka-aresto at parusa kung sila ay tatakas. Katulad sa kaso ni Nour Myati, ilang amo ang gumawa o nagbanta ng pananakit, at lalong lumalala ang parusa kung magtangkang tumakas ang manggagawa.
Kasama sa halimbawang ibinigay ng ILO sa hindi boluntaryong anyo ng paggawa ang: Pagkukulong sa loob ng pinagtatrabahuan, psychological pressure (utos na magtrabaho kasabay ng banta ng parusa o multa), pamemeke ng pagkakautang, napakataas na interes, at iba pa), panloloko sa klase at takda sa oras ng paggawa,pag-ipit at hindi pagbibigay ng sahod, at pag-hawak sa mga dokumentong nagpapakilala sa manggagawa at iba pang personal at mahalagang mga pag-aari.. [72]
Marami kaming na-dokumentong kaso ng mga domestic worker na pumaloob sa mga criteria na ito.Nagkakaisa ang mga opisyal ng gobyernong Saudi, opisyal ng mga embahada, at mga domestic worker na karaniwang gawi ng mga amo ang paghawak sa pasaporte ng manggagawa. Pag-ipit at di pagbayad ng sahod pinaka-karaniwang reklamo na inihahapag ng mga domestic worker sa mga awtoridad. Gaya ng malalimang pagtalakay, niloloko ng maraming mga labor agent ang domestic worker sa usapin ng laman ng kontrata.
Ang paghingi ng Saudi Arabia sa mga domestic worker ng pahintulot ng amo para makakuha ng kinakailangang clearance ("exit visa") upang makaalis ng nasabing bansa ang nagpapataas ng panganib ng sapilitang pagtatrabaho. Nakapanayam ng Human Rights Watch ang ilang mga domestic worker na napilitang magtrabaho ng ilang buwan, sa iba ay ilang taon, na lampas sa kanilang kontrata, dahil sa ayaw silang payagan ng mga amo na umalis ng bansa. Mas malalim na tatalakayin ang pangangailangan na ito sa Chapter VI sa bandang baba.
Kahit na dumating ng Saudi Arabia ang domestic worker na hindi pinilit at may sapat na kaalaman sa papasukang trabaho, posible pa ring bumagsak sila sa katayuang pilit na paggawa. Pinansin ng ILO na posibleng bawiin ng manggagawa ang ibinigay nitong malayang pagpayag: "maraming biktima ang sa umpisa ay kusang pumapasok sa sapilitang paggawa… upang malaman lamang sa katagalan na wala silang kalayaan na umatras sa trabaho. Sa dakong huli ay hindi na nila maiwan ang trabaho dahil sa ligal, pisikal o psychological pressure. "[73] Halimbawa, maraming mga domestic worker ang kusang bumabagsak sa kalagayang sapilitang paggawa dahil hindi pinayagan ng kanilang amo ang exit visa para makaalis ng naturang bansa, inipit ng ilang buwan o taong sahod, o ikinulong sila sa lugar na pinagtatrabahuan.
Trafficking
Ani R.
Nakapag-asawa ako ng isang Saudi, isa siyang guro. Sa Indonesia kami ikinasal. Pumunta siya sa P.T. Sariwati [labor agency] at sinabi sa labor agent na naghahanap siya ng mapapangasawa. Nakilala ko siya sa P.T. matapos kaming pagkilalananin ng isang tagapamagitan na nagmula sa Cianjur.
Alas-singko ng hapon ko siya nakilala at nagpakasal kami alas dose ng gabi ng araw ding iyon… Ginawa ko iyon dahil gusto kong makatulong sa pangangailangan sa pera ng aking mga magulang [nagsimulang umiyak]. Bibigyan daw niya ako ng 15 million rupiah [$1,636][74] bago ang kasal. Pero hindi niya binigay angdote(dowry).Nangako siyang ibibigay ito pagdating namin sa Saudi Arabia, at… ipapadala niya ito sa mga magulang ko… at dadalhin noong taong taga Cianjur. [patuloy ang pag-iyak]
Nakatanggap ang tatay ko ng 6 milyong rupiah. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa 9 milyon. Dinala ako ng aking asawa sa Saudi Arabia matapos kaming ikasal. Noong unang buwan ay mabait siya. Pagkatapos… katulong na ang trato niya sa akin at binubugbog ako… Hindi niya ako pinapayagang tumawag sa telepono o sumulat sa pamilya ko sa Indonesia.
Sabi niya wala siyang asawa noong hilingin niya na pakasalan ko siya. Pero pagkatapos naming magsiping, sinabi niyang may dalawa siyang asawa at anim na anak. Tigatlo ang anak ng dalawa niyang asawa. Gusto ko ng umuwi noong marinig ko iyon… Alam ng labor agent sa Indonesia na may pamilya ang napangasawa ko pero pinabayaan lang niyang magpakasal ako. Iyong babaeng taga Cianjur [niloko din ako] ay nagtatrabaho bilang katulong sa bahay ng kapatid na babae ng asawa ko.
Kapag may problema ang asawa ko, mainit ang ulo niya pag uwi ng bahay. Gagamit siya ng tissue para malaman kung may alikabok ang bookcase. Kung may makita siyang alikabok, hahablutin niya ako sa buhok at sasabihing, "Sinungaling ka," tapos kakaladkarin ako papasok ng kuwarto at bubugbugin ng paulit-ulit. Palagi niyang sinasabi na hindi ako maayos magtrabaho at saka ako bubugbugin.
Noong unang beses akong tumakas, napunta ako sa shelter… Puro tumakas ang mga nandoon, at pareho ang problema tulad sa akin. Binubugbog din sila ng mga sponsor nila. Isang linggo akong lumagi doon tapos dumating ang asawa ko. Sinabi ng isang pulis na sumama ako sa aking asawa dahil ang alam lang nila ay sponsor ko siya. Akala nila katulong niya ako…
Pinilit ako ng mga pulis na bumalik sa aking asawa, ang sponsor ko. Pinilit nila ako na sumama sa kanya. Sabi ko sa mga pulis,"Ayokong sumama sa sponsor ko kasi salbahe siya at palagi akong binubugbog. Gusto kong pumunta sa embahada ng Indonesia." Ang sagot naman ng pulis: "Mas maganda kung sasama ka sasponsor mo dahil kulang pa ang kinita mo para makabili ng tiket pauwi." Noong nakauwi na ako, nagbigay ang asawa ko ng pera sa mga pulis. Marami, hindi ko alam kung magkano.
Noong sumama ako sa kanya pabalik ng bahay, tinapon ng aking asawa ang mga damit ko habang nakasakay kami sa kotse niya. Nakakuha ako ng dalawang bistida at dalawang pares ng damit pangloob. TInapon niya ang iba ko pang damit habang nagbibiyahe kami. Binugbog niya ako uli pagdating namin sa bahay. Sabi ko, "Tama na, nasasaktan na ako," pero hindi siya tumigil. Iyak ako ng iyak, pero hindi niya ito pinansin.
Katulong din ang turing ng nanay niya sa akin kapag nasa bahay kami nito. Hindi niya alam na asawa ako ng anak niya. [umiiyak]
Hindi rin alam ng kapatid ng asawa ko. Ayako nang makita ang asawa ko. Takot ako sa kanya. Na-trauma na ako dahil sa pambubugbog niya. Palagi kong naiisip kung paano niya ako saktan. Kung magtatagal pa ako rito, lalo lang akong maii-stress at malulungkot. Mas mabuti pa kung umuwi ako sa Indonesia sa aking mga magulang.
¾ Ani R., 17-taong dalagang Indonesian na pinaniwalang magiging asawa siya ng isang taga Saudi pero dinala doon gamit ang employment visa para sa domestic worker. Riyadh, Disyembre 5, 2006
Sakop ng trafficking ang anumang akto ng recruitment, pagdadala, pagtanggap, pagbenta, o pagbili ng mga tao gamit ang puwersa, pandaraya, panlilinlang, o iba pang taktika ng pamimilit para ilagay sila sa katayuang pinilit na paggawa, pagkaalipin, o pagkabusabos. [75] Nangyayari ang ganitong mga kundisyon kapag kinukuha ang paggawa sa pamamagitan ng pisikal o di-pisikal ng paraan ng pamimilit, katulad ng blackmail, pandaraya, panloloko, pananakot o paggamit ng puwersa, o psychological na panggigipit.
Magkaugnay ang migrasyon at trafficking, sapagkat ginagamit ng mga trafficker ang mga proseso sa pagpapalabas ng tao. Halimbawa, maaaring lokohin ng recruiter ang mga umaasang domestic worker tungkol sa daratnan nilang aktuwal ng kundisyon ng paggawa. Sa kaso ni Ani R., isang taga Saudi, isang labor agent na Indonesian, at isang migranteng manggagawa na Indonesian ang nagpapaniwala sa kanyang pupunta siya ng Saudi Arabia para magka-asawa. Pero dinala siya roon noong taga Saudi bilang domestic worker at trinato gaya ng inaasahan. Maaaring matagpuan ang mga biktima ng trafficking sa mga kalagayan ng forced labor sa sa loob ng bahay at iba pang anyo ng forced labor, forced sex work, at forced marital arrangement.
Pinagbabawal ng anti-trafficking na batas ng Saudi Arabia (tingnan sa "mga bagong reporma," sa itaas) ang lahat ng anyo ng trafficking, at kasama rito ang mga particular na probisyong ukol sa migrant workers at kabataan. Halimbawa, ipinagbabawal ng nasabing batas ang pagbebenta ng work permit, pagtanggap ng kumisyon kapalit ng pagka-empleyo, pagsuway sa kasunduan sa kontrata, at pagtratong imoral.[76] Medyo magaan ang parusa, kasama ang pagbabawal sa mga sumuway na mag-recruit ng dayuhang manggagawa sa loob ng limang taon. Ang umulit sa pagsuway ay maaaring patawan ng permanenteng ban sa pag-recruit ng dayuhang manggagawa.[77]
Paulit-ulit na naitatampok sa taunang ulat na United States Trafficking in Persons ang Saudi Arabia bilang isa sa pinakamalalang bansa sa mundo sa pagtugon nito sa human trafficking. Kinilala ng US State Department na ang mga pang-aabuso sa recruitment, ang sistemang kafala, at ang pagtrato ng mga amo sa migrant workers ay nakakadagdag sa paglawak ng trafficking para sa sapilitang paggawa. Sinabi ng 2008 report na,
Hindi lubusang sumusunod ang Saudi Arabia sa minimum na pamantayan para wakasan ang trafficking at hindi rin ito nagsisikap na gawin ito. Wala pa ring sapat na batas anti-trafficking ang gobyerno, at, sa kabila ng maraming patunay ng laganap na trafficking, hindi ito nag-ulat ng kahit anong kriminal na pag-uusig, pag-hatol, o pagpapakulong sa mga kaso ng trafficking ng mga dayuhang domestic worker. [78]
Sanhi ng pagkabigo ng Saudi Arabia na magsimula ng kahit minimum na pamantayan para labanan ang trafficking, maaari na itong tumanggap ng parusa mula sa United States. Subalit tatlong taon nang umuurong ang Estados Unidos sa ganitong parusa sa ngalan ng pambansang interes nito.
Pagka-alipin at Mala-aliping Kalagayan
Haima G.
Labing-pitong (17) taong-gulang na ako at taga Mindanao. Nakaabot ako ng third-year high school. Labing-limang (15) taon ako noong ako ay umalis. Gusto kong tumulong sa aking pamilya. Niloko ako ng mga pinsan ko na mapapunta rito. Akala ng mga magulang ko makakasama nila ako, pero malayo pala sila… Talagang naloko ako. Kung nalaman ko lang ang lagay dito sa Saudi Arabia, hindi na ako pumunta, kahit na milyon pa ang ibigay nila sa akin. [puno na ng luha ang mga mata] Hindi ako tinanong ng tatay ko kung gusto ko, pinapunta na lang ako dito. Akala ko mag-aalaga ako ng mga bata at puwede pang mag-aral. Hindi ko inasahan na magiging katulong ako, tagalinis. Ni hindi ko alam kung magkano ang sahod ko.
Dinala nila ako sa opisina ng isang agency (sa Saudi Arabia), kung saan marami ang naloloko. Tumagal ako ng isang linggo sa agency. Pinaglinis ako sa limang bahay noong buong linggong iyon. Isang araw sinabi sa akin ng agent na dadalhin niya ako sa bahay ng kanyang kapatid. Nag-iisa lang sa bahay ang kapatid ng agent. Hinawakan ako nito at pinaghahalikan. Sabi niya pakakasalan niya ako, na tatawagan niya ang magulang ko, at bibigyan ako ng pera. Tinanong niya ang edad ko. Sabi ko, "24 na ako." Ang sagot niya, "Alam kong hindi ka 24." Pinaghahalikan pa rin niya ako. Umiiyak ako habang nakikiusap: "Huwag mong gawin sa akin ito, isa akong Muslim."
Pagbalik namin sa agency, andoon na ang talagang magiginig amo ko. Siya ang pagbebentahan sa akin. Ayoko nang bumalik sa agency dahil hinipuan niya ako at pinaghahalikan. Akala ko gagahasain niya ako. Kinuha ako ng talagang magiging amo at dinala sa bahay niya. Sabi niya, "Magpakabait ka para hindi kita ibalik [sa agency]."
Pagkalipas ng ilang sandali, nagparamdam na ang aking employer na gusto niya ako. Tinawag niya ako sa kuwarto. Sabi niya, "Gusto kong sabihin kung paano kita nakuha sa agency." Sabi niya, "Binili kita sa halagang 10,000 riyal." Doon ko nalaman na ibinenta pala ako…
Sabi niya, "May gagawin ako sa iyo, pero huwag mong sasabihin kahit kanino." May itinurok siya sa akin, pero hindi ko alam kung ano ito. Sabi niya, "Kung ayaw mong bumalik sa agency, dito ka na lang." Nakaramdam ako ng pagkahilo at parang lalagnatin matapos akong turukan. Talagang tinakot niya ako, "Huwag mong sasabihin sa madam mo."
[tumahimik] Nawalan na ako ng pag-asa. GInahasa ako ng aking amo. May napansin sa akin ang amo kong babae, na sobra ang pagod ko. Maraming beses akong ginahasa ng amo kong lalaki. Hindi sa kuwarto, kasi kinakandado ko ito, pero sa ibang parte ng bahay.
[umiiyak] Pakiramdam ko hindi ko na kakayanin. Nagkulong ako sa kuwarto ng dalawang araw. Mayaman ang mga amo ko kaya may telepono rin sa kuwarto ko. Tinawagan nila ako. Ikinuwento ko ang lahat kay Madam. Umiyak din siya. Sabi niya, "Wala tayong magagawa, alam kong masama siya. May ginagawa siyang hindi maganda tuwing lasing siya."
Sabi ko, "Gusto ko nang umuwi sa Pilipinas. "Ayaw akong paalisin ng buong pamilya, si Madam, ang amo kong lalaki. Kinandado nila ang mga pinto at ang mga tarangkahan. May party sa bahay noong isang gabi ng Pebrero. Naisip ko puwede na akong tumakas. Nagdasal ako ng nagdasal. Nakita ko na bukas ang tarangkahan… [at tumakas na ako patungong embahada.]
Pumunta ako sa presinto kasama ang isang opisyal ng embahada. Pagkatapos noon, dinala ang amo kong lalaki sa Suleimaniya at doon ikinulong. Dinala nila ako sa SSWA [shelter na pinapatakbo ng Ministry of Social Affairs.] Lumagi ako doon ng isang buwan. Matapos ang apat na araw ko sa SSWA, dinala doon ang employer kong lalaki at nag-usap kami. Tinanong niya kung magkano ang gusto [para sa out of court settlement]. Sabi ko, "Hindi ko kailangan ang pera, gusto kong magdusa siya at makulong."
Ayokong umuwi ng walang iuuwi, kahit isang riyal lang. Palagi akong umiiyak. Gaano katagal pa akong maghihintay dito sa embahada? Siyam na buwan na ako dito.
Isang araw sinabi nila sa akin natalo ang aking kaso [at ipapa-deport ako pauwi]
Masama talaga ang naging trato sa akin. Para bang wala akong pamilya at hindi ako tao.
¾ Haima G., domestic worker na Pilipina, 17 taong-gulang, Riyadh, Disyembre 7, 2006
Ang katayuan ng pagkaalipin ay naitatangi ng paggamit ng kapangyarihan ng pagmamay-ari sa isang tao. [79] Ang Elements of Crime, na nagpapalawig kung paano dapat bigyang-kahulugan ang Rome Statute (na nagtatatag ng International Criminal Court), nagbibigay ng pinakabagong depinisyon ng pagkaalipin: "Ginamit ng maysala ang isa o lahat ng kapangyarihang kaakibat ng karapatang mag-ari ng isa o maraming tao, tulad ng pagbili, pagbenta, pagpapahiram, o ipinagpapalit ang naturang tao o mga tao, o sa pamamagitan ng pagkakait ng kanilang kalayaan." [80] Idinagdag nito na
Ang nasabing pagkakait ng kalayaan ay maaaring, sa ilang pagkakataon, kasama ang paghingi ng paggawa o pagsadlak sa tao sa katayuang busabos, ayon sa depinisyon nito sa Supplementary Convention on the Abolition of Slavery. [81]
Ang kalagayan ni Haima G. ay katumbas na ng trafficking at katayuang pagka-alipin, dahil niloko siya ng kanyang mga kamag-anak tungkol sa papasukang trabaho sa abroad, ginahasa siya ng kanyang agent, at tinakot siya ng kanyang amo na ibalik sa abusadong agent kapag nagreklamo siya. GInahasa siya ng kanyang amo, hinawakan nito ang kanyang pasaporte, at Ikinandano siya sa bahay para hindi makatakas.
Aming napag-alaman na ang kumbinasyon ng napakataas na halaga ng recruitment fee na binabayaran ng mga among Saudi at ang kapangyarihan na binibigay sa kanila ng sistemang kafala na nagbibigay ng kapangyarihan kung pwedeng magpalit ng amo ang manggagawa o umalis ng Saudi ang nagbigay sa ilang amo ng kaisipan na pwede silang umasta na pag-aari nila ang domestic worker. Ayon sa mga recruitment agent at opisyal ng mga embahada na nakapanayam ng Human Rights Watch, karaniwang nagbabayad ang mga amo ng 6,000-9,000 riyal ($1,560-2,340) para makakuha ng domestic worker. Ang pagbanggit ng amo na "binili" niya si Haima G. sa halagang 10,000 riyal dahil nagbayad siya ng 10,000 riyals ang nagsasalarawan ng kaisipan ng pagmamay-ari na nagluluwal ng mala-aliping kalagayan.
Ikinakatwiran ng ilang amo sa paghawak nila sa pasaporte ng domestic worker at paghihigpit sa kalayaang kumilos na nagbayad sila ng malaking halaga sa pag-recruit at ayaw nilang tumakas ang domestic worker, at dahil dito ay mawawala ang kanilang "pinuhunan." Sa kahabaan ng ulat na ito, may mga halimbawa ng mga amo na nagbabanggit ng malaking halaga na binayaran nila para bigyang katwiran ang pang-aabuso sa manggagawa. Tulad ng kaso ni Haima G., maaaring iparamdam ng amo na binili sila nito, at karaniwang nagmamanipula upang ibukod ang babaeng migrante at matakot ang mga ito sa kalayaan nila sa Saudi Arabia.
Nakapanayam namin ang maraming domestic worker, opisyal ng mga embahada, at mga mamamayang Saudi na nagsabing ang hindi makataong pagtrato at pagtingin ng ilang amo sa mga domestic worker ay katulad ng mala-aliping kalagayan. Sa ilang panayam, tinawag ng mga domestic worker ang kanilang amo na "master" o "owner," o ang karanasan nila na "ibinenta." Sinabi ng isang mataas na opisyal ng isang konsulado na, "Tinatrato sila ng mga Saudis bilang ari-arian, alipin, at parang baka. Ang domestic helper ay alipin at walang karapatan ang mga alipin. Kaya hindi saklaw ng batas paggawa." [82]
Maaari ding isadlak ng mga recruitment agent sa mala-aliping kalagayan ang mga domestic worker sa pamamagitan ng pagtulak sa mga ito na magtrabaho sa mga bagong amo kahit gusto ng mga itong umuwi, pagmaltrato sa mga ito, at pag-umit ng suweldo. Nakapanayam ng Human Rights Watch ang mga domestic worker na nag-akalang binili sila at ibinenta. Sabi ni Gina R., "Ikinakandado ang agency noong tumuloy ako doon. Kanin lang ang pinapakain sa isang araw… Gusto ko nang umuwi sa Pilipinas. Gusto ko nang umuwi, sabi ko. Wala silang sinabi na ibebenta nila ako sa ibang amo. Sabi ko, "Ayoko nang magtrabaho dito." Sa sahig ako pinatulog at walang sapin o kumot." [83]
Lumapit minsan si Haima G. sa embahada ng Pilipinas at sa Saudi police. Nahuli nila ang amo niya. Ayon sa sistemang diya(blood money) sa mga kaso ng aisas(retribution), maaaring tumanggap ang biktima ng bayad na pera mula sa nagkasala pagkatapos na ibaba ng pinal ng korte ang pasyang guilty. Diya o "blood money" ang tawag sa kabayarang ito. Natalo ang kaso ni Haima G., at umuwi siya sa Pilipinas na walang nakuhang anuman matapos maghintay ng lampas sa isang taon na matapos ang kanyang kaso.
[67] ILO Convention No. 29 concerning Forced or Compulsory Labour (Forced Labour Convention), pinagtibay noong Hunyo 28, 1930, 39U.N.T.S. 55, pinatupad noong Mayo 1, 1932, ni-ratipikahan ng SaudiArabia Hunyo 15, 1978; Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons, Especially Women and Children, Supplementing the United Nations Convention Against Transnational Organized Crime (Trafficking Protocol); Slavery, Servitude, Forced Labour and Similar Institutions and Practices Convention of 1926 (Slavery Convention), pinagtibay noong Setyembre 25, 1926, 60 L.N.T.S. 253, pinatupad noong Marso 9, 1927; UN Supplementary Convention on the Abolition of Slavery, the Slave Trade, and Institutions and Practices Similar to Slavery, pinagtibay noong Setyembre 7, 1956, 226 U.N.T.S. 3, pinatupad noong Abril 30, 1957, sinang-ayunan ng Saudi Arabia noong July 5, 1973; at Rome Statute of the International Criminal Court (Rome Statute), U.N. Doc. A/CONF.183/9, July 17, 1998, pinatupad noong Hulyo 1, 2002.
[68] Gamit ng numerong ito ang palitan sa pagitan ng US dollar at Saudi riyal noong Mayo 21, 2008..
[69] "Saudi Arabia: Nour Miyati Denied Justice for Torture," Human Rights Watch news release, Mayo 21, 2008, http://www.hrw.org/english/docs/2008/05/21/saudia18914.htm.
[70] ILO Forced Labour Convention, art. 2. Ginagamit din ng European Court of Human Rights ang pamantayang ito upang bigyang-pakahulugan ang pagbabawal sa pang-aalipin, sapilitan, o pwersahang pagtatrabaho sa European Convention on Human Rights (Van der Mussele v. Belgium, November 23, 1983 Series A No. 70; Siliadin v. France February 1, 2005 ECHR 2005)..
[71]ILO, A Global Alliance Against Forced Labour: Global Report under the Follow-up to the ILO Declaration on Fundamental Principles and Rights of Work (Geneva: ILO, 2005), p. 6.. Nadiskubre din ng European Court of Human Rights na sa kawalan ng particular na "parusang," ipinapataw, isang katumbas na kalagayan ang lumilitaw kung saan may nakikitang seryosong banta ng parusa – tulad ng takot na hulihin o deportasyon kung mahuling walang pasaporte o papeles, o kung magtangka silang tumakas. Siliadin, para. 118.
[72] ILO, A Global Alliance Against Forced Labour, p. 6.
[73] ILO, A Global Alliance Against Forced Labour, p. 6.
[74] Gamit ng numerong ito ang palitan sa pagitan ng US dollar at Indonesian rupiah noong Disyembre 5, 2006.
[75] UN Trafficking Protocol, art. 3.
[76] Decree, Ministry of Labor No. 738/1 dated 16/5/1425h.
[77] Ibid.
[78] US Department of State, Trafficking in Persons Report 2007 (Washington, D.C.: U.S. Department of State, Hunyo 2008), http://www.state.gov/g/tip/rls/tiprpt/2008/105389.htm (binuksan noong Hunyo 10, 2008).
[79] Slavery Convention, art. 1.
[80] Elements of Crimes, ICC-ASP/1/3, art. 7(1)(c).
[81] Ibid.
[82] Panayam ng Human Rights Watch kay E., opisyal ng konsulado ng isang labor-sending na bansa, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[83] Panayam ng Human Rights Watch kay Gina R., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 7, 2006.






