July 7, 2008

IV. Ligal na Balangkas para sa Migrant Domestic Workers

Hindi pasado sa mga pandaigdigang pamantayan ang sistemang panghustisya ng Saudi Arabia. Naglalagay din ito ng mabigat na balakid sa mga domestic worker.  Ibinubukod ng mga batas paggawa doon ang mga domestic worker sa mga susing proteksiyon at inilalagay sila ng patakaran sa immigration sa panganib sa pamamagitan ng mahigpit na sistemang kafala (sistema ng sponsorship). Maaaring may patakaran ang mga labor-sending na bansa na nagtatakda ng pinakamababang pamantayaan (minimum standards) para sa kanilang mga manggagawa na nasa ibang bansa. Ngunit ni isa sa mga bansang Pilipinas, Indonesia, at Sri Lanka ay wala pang naisarang bilateral na kasunduan sa paggawa sa Saudi Arabia para sa mga domestic worker.

Ginagamit ng Saudi Arabia ang interpretasyon nito ng Sharia (Islamic Law) bilang pangunahing ligal na balangkas. Ang kawalan ng codified system ng Sharia laws at rules of precendent ang dahilan kung bakit may sapat na espasyo ang gobyerno at hukuman para magkaroon ng ibang interpretasyon ng batas, at pahinain ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas. [40] Para sa mas detalyadong pagsusuri ng marayang paglilitis, paglabag sa due process, at pagtrato sa mga bata sa ilalim ng sistema ng hustisyang pangkriminal, tingnan ang mga ulat ng Human Rights Watch na lumabas noong Marso 2008: "Precarious Justice: Arbitrary Detention at Unfair Trials in the Deficient Criminal Justice System of Saudi Arabia" and "Adults Before Their Time: Children in Saudi Arabia's Justice System." [41]

Sinimulan kamakailan ng Saudi Arabia ang pagpapalabas ng batas pang-administrasyon. Inumpisahan ni King Fahd noong 1992 ang Basic Law, isang proto-constitution na nagtakdang ang Saudi Arabia ay isang monarkiyang Islamiko. Ang konstitusyon nito ay binubuo ng Koran at ang Sunna (mga tradisyon ng Propetang si Muhammad).[42] Simula noong 1992 ay bumuo ang gobyerno ng mga bagong batas upang punuan ang mga puwang na iniwan ng Basic Law. Kasama rito ang Civil Procedure Code noong 2000 at ang Criminal Procedure Code noong 2002.

Hindi Pagsama sa mga Batas Paggawa

Sinusugan ng Saudi Arabia ang Labor Law nito sa pamamagitan ng Royal Decree No. M/51 noong September 27, 2005.[43] Hindi saklaw ng mga probisyon nito ang mga domestic worker, kung saan nawawalan sila ng proteksyon na garantisado para sa ibang manggagawa.[44] Kasama sa mga proteksyong ito ang limitasyon sa haba ng oras ng pagtatrabaho, paghihigpit sa pagbawas sa sahod, pagbibigay ng araw ng pahinga, at mekanismo sa pagresolba ng mga sigalot sa paggawa.

Iminungkahi ng gobyernong Saudi ang paglabas ng annex sa Labor Law upang harapin ang usapin ng mga domestic worker. Ayon sa isang memorandum na binigay ng Ministry of Labor sa mga tagasaliksik ng Human Rights Watch, binubuo ang borador ng annex for domestic workers ng 49 na artikulo na sumasakop sa depinisyon ng paggawa, tungkulin ng amo, tungkulin ng domestic worker, kontrata sa paggawa, end of service award, oras ng pagtatrabaho at pagliban, at mga paglabag sa kontrata. Sinasabi ng memo ng Ministry of Labor na dapat bayaran ng mga amo ang lahat ng recruitment fees, tratuhin ng may respeto ang manggagawa, magpapasahod sa tamang araw, magbigay ng maayos na akomodasyon tulad ng pribadong kuwarto na may banyo at furnishing, at magbigay ng pag-aarugang medikal. Bukod pa rito, hihingi ang bagong annex ng kontrata na may pirmihang termino at dokumentado, at probisyon para sa overtime pay.[45]

Ang mga pagbabagong ito ay magsasakatawan ng dramatikong pagbabago sa kasalukuyang mga patakaran at sasalamin sa pagkilala na "dapat tratuhin ng amo ang empleyado bilang tao."[46] Subalit hindi malinaw kung pareho ang ibibigay na proteksyon ng annex sa mga domestic worker kumpara sa tinatamasa ng ibang manggagawa sa Saudi Arabia, o kung magpapatuloy pa ang mga particular na pagbukod sa mga domestic worker. Halimbawa, inilalaaan ng kasalukuyang borador ang maksimum na 12 oras ng trabaho bawat araw o 72 oras sa isang linggo para sa mga domestic worker, kumpara sa 48 oras bawat linggo sa ibang manggagawa.[47] Dagdag pa rito, hindi nilinaw ng mga awtoridad ng Saudi kung paano ipapatupad ang mga karapatan at tungkulin na nakalista sa annex -- halimbawa, kung mga labor courts ang magiging pangunahing mekanismo tulad sa ibang kategorya ng paggawa.

Ang Sistemang Kafala

Nalalagay sa panganib ang mga domestic worker hindi lamang dahil sa pagkabukod nila sa batas paggawa, kundi dahil rin sa napakahigpit na immigration policies na nakaasa sa visa na batay sa pag-isponsor ng amo. Nagpatupad ang Saudi Arabii ng mga patakaran para tumaas ang bahagi ng lakas paggawa ng Saudi, na hanggang ngayon ay bigo pa rin. Tinangka ng patakarang Saudi-zation na limitahan at kontrolin ang bilang ng mga dayuhang manggagawa at ang kanilang pagkakapamahagi sa ibat-ibang sektor ng ekonomiya. Isang pangunahing stratehiya ang kafala, o sistemang visa-sponsorship, kung saan ang visa at ligal na katayuan ng manggagawa ay nakatali sa kanyang amo. Niluluwal ng sistemang ito ang malalim na pagkakalayo ng kapangyarihan sa pagitan ng mga amo at manggagawa at nagtatakda ng mahigpit na limitasyon sa karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Maraming migranteng manggagawa ang dumarating sa Saudi Arabia tangan ang dalawang-taong kontrata kung saan nakatali ang kanilang visa sa kanilang amo, o "sponsor". Sinasagot ng amo ang responsibilidad sa recruitment fee ng manggagawa, pagkumpleto ng medical exams, at pagkuha ng iqama, o national identity card. Dapat kumuha ang manggagawa ng basbas ng kanyang sponsor para makalipat sa ibang trabaho o umalis sa naturang bansa (kumuha ng "exit visa").  Binibigyan nito ang amo ng labis na kapangyarihan laban sa karapatan ng manggagawa na lumipat ng trabaho o umuwi sa sariling bansa.

Gaya ng tatalakayin sa kalaunan ng ulat na ito, ilang abusadong amo ang nagsasamantala sa sistemang kafala at pinipilit ang mga domestic worker na patuloy na magtrabaho kahit labag sa kanilang kalooban at pinagbabawalang umuwi sa sariling bansa. Ang ligal na balakld na ito, na maaaring magresulta sa di-makatwiran at di makatarungang pagkakait ng karapatan sa mga domestic worker na iwanan ang Saudi Arabia at umuwi sa sariling bayan, ay malinaw na salungat sa article 13 ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), na nagtatakda ng karapatan sa pagkilos at karapatang umuwi sa sariling bayan.[48]  Dagdag pa sa ligal na batayan nito sa ilalim ng batas tratado,[49] ang karapatang umuwi sa sariling bayan ay kinikilala na isang pamantayan ng customary international law.[50]

Ipinaalam ng Saudi Ministry of Labor at ng Saudi Human Rights Commission sa Human Rights Watch na dumadaan ngayon sa pagrepaso ang sistemang sponsorship, at pinag-aaralan na ang mga alternatibo.[51] Isang mungkahi ay ang pagbuo ng tatlo hanggang apat na malalaking recruitment agencies na tatayo bilang mga sponsor ng lahat ng migrant workers sa Saudi Arabia.  Haharapin umano ng mungkahing ito ang isyu ng kontrol ng mga amo sa manggagawa kapag amo ang tumatayong immigration sponsor.

Ayon kay Saudi Minister of Labor, Dr. Ghazi al-Qusaibi,

Sa kasalukuyan ay mayroong 350 recruiting labor agencies. Maglalabas kami ng mga radikal na reporma na paliliitin ang bilang sa tatlong malalaking ahensiya, na gobyerno ang mamamahala ng ari-arian. Patuloy ang pagpapasara namin sa mga ahensiyang masasama, pero may mga bagong naglilitawan at pinapasara din namin ang mga ito… Gusto naming iatas na dapat ang mga ahente ay nakatuntong ng kolehiyo at may perang deposito. Maraming ahensiya ang may kakaunting pag-aari. Maliliit silang pagawaan na may isa o dalawang tauhan na nagtatrabaho doon. Lulusawin namin ang mga ito at magtatayo ng mga malaki at pribadong kumpanya na pamamahalaan ng gobyerno.[52]

Kung ang mungkahing ito ay umusad, ang mga recruitment agencies na ito ay magkakaroon ng napakalaking kapangyarihan at pera. Kailangan ng gobyerno na pamahalaan at subaybayan ng mahigpit ang mga ahensiyang ito, na may malinaw na pamantayan sa palakad at pagpapatakbo, parusa kung may kaso ng pang-aabuso, at probisyon para sa independiyente na pagsubaybay. Isang opisyal ng isang labor-sending na bansa ang nagsabing may parehong sistema na pinaiiral sa Kuwait, pero hindi maganda ang resulta. Sabi niya, "Merong hindi magandang aspeto. Nawawala ang isang dalaga sa sistema ng ahensiya. Ibabalik siya ng sponsor sa ahensiya at ilalagay siya ng ahensiya sa ibang trabaho…. Bakit interesado ang mga ahensiya sa ganitong mungkahi? Dahil may malaking populasyon ng mga taga-ibang bansa na mataas ang suweldo. Gusto ng mga ahensiya na pakinabangan ang nasabing merkado."[53]

Kontrata sa Empleyo at Paraan ng Pag-recruit

Dahil sa kawalan ng proteksyon sa ilalaim ng batas paggawa, kontrata sa empleyo ang ginagamit na pangunahing mekanismo sa paglatag ng karapatan at obligasyon ng mga amo at manggagawa. Ang mga gawi sa pag-recruit, tulad ng paunang bayad na sinisingil sa amo at bayad sa tiket na pauwi ng domestic worker, ay nagtatakda rin ng ilang pinansiyal na obligasyon at insentibo.

Karaniwang itinatakda ng kontrata sa empleyo ang buwanang sahod ng migrant worker, dalawang-taong haba ng pag-empleyo, at ang tungkulin ng amo na pakainin ang domestic worker at bigyan ng matutulugan dagdag sa sahod nito. Karaniwan ding itinatakda ng mga kontratang ito na makapagbakasyon ang migrant worker ng isang buwan bakasyon na may bayad tuwing dalawang taon. Maraming kahinaan ang mga kontratang ito. Bihirang meron ang mga itong mga partikular na impormasyon sa kalagayan ng paggawa tulad ng takdang oras ng pagtatrabaho at detalyadong paglalarawan ng magiging gawain. Ang mga kontratang ito ay walang mekanismo sa pagpapatupad tulad ng proteksyon sa ilalim ng batas paggawa. Tinatalakay sa susunod na pahina ang mga mapanlokong gawi sa recruitment at mga kalagayang iba ang laman ng kontratang pinirmahan ng manggagawa, sa aktuwal na kalagayan ng paggawa.

Iba-iba ang mga kasunduang inaayos ng mga recruitment agencies sa mga amo at domestic worker kaugnay ng pagbabayad sa tiket pauwi. Dapat bayaran ng mga amo ang tiket pauwi ng mga domestic worker kung nabuo ng mga ito ang dalawang-taong kontrata o sa mga kaso ng pagmaltrato. Kapag maagang hininto ng domestic worker ang kanyang kontrata, maaaring siya ang pagbayarin ng kanyang tiket pauwi. Maraming ahensiya sa mga labor-sending na bansa at sa Saudi Arabia ang nag-aalok ng panahon ng probasyon kung saan nagbibigay sila ng katulong na pamalit sa loob ng tatlong buwan kung magpasya ang sinuman sa amo o domestic worker na hindi maganda ang naging kasunduan. Sa mga ganitong kaso, maaaring bayaran ng recruitment agencies ang tiket pauwi ng domestic worker o ang paglipat sa ibang amo. Sa ibang kaso naman ay hindi tumutupad ang mga recruiter sa kanilang pangako.

Ang paunang bayad sa recruitment fees ay maaari ding makaimpluwensiya ng matindi sa relasyon at kundisyon sa paggawa. Mula 5,000-9,000 riyals ($1300-2300) ang sinisingil ng recruitment agencies sa mga amo sa pagkuha ng domestic worker. Kapag amo ang umako ng responsibilad sa unang bayad sa recruitment fees, makakaiwas ang domestic worker na magkautang ng malaki sa kanilang pangingibang bayan. Kasabay nito, maraming amo ang mag-iisip na malaki ang pinuhunan nila at idinadahilan ang pauna nilang bayad upang bigyang-katwiran ang paghihigpit sa domestic worker, tulad ng pagkuha ng pasaporte, di pagpapasahod, at pagkukulong sa loob ng bahay, upang hindi ito makatakas.

Isang kritikal na larangan ng reporma ay ang proteksiyon ng karapatan ng mga domestic worker sa kalayaang gumalaw at disenteng kalagayan sa paggawa. Dagdag sa pagbabawal at pagpaparusa sa pang-aabuso, at pagmumulat sa mga amo na mas lalong mag-iisip ang mga domestic worker na tumakas dahil sa ganitong pagtrato sa kanila, dapat ding harapin ng gobyernong Saudi ang pag-aalala ng mga amo na wala namang nagawang pang-aabuso. Halimbawa ay ang pagpapasimula ng insurance program upang mabawi ang recruitment fees sa mga kaso na maagang nilalayasan ng mga domestic worker ang kanilang pinagtatrabahuan.

Mga Pandaigdigang Kasunduan

Dagdag sa kanyang local na sistemang ligal, sumang-ayon na rin ang Saudi Arabia sa limang pandaigdigang tratado sa karapatang pantao na nag-oobliga sa mga estado na wakasan ang diskriminasyong nakabatay sa lahi at kasarian, pangalagaan ang karapatan ng mga bata, ipagbawal ang tortyur, at pigilan ang trafficking ng mga tao.[54] Ang mga tungkuling nakasaad sa mga tratado ay nagtutulak sa Saudi Arabia na siguruhing ang sarili nitong mga patakaran ay pipigil sa mga kalagayang magluluwal ng trafficking at protektahan ang mga domestic worker laban sa diskriminasyon at nakakababang pagtrato.

Ayon sa mga opisyal ng Saudi, ang mga pandaigdigang tratadong ito ay awtomatikong isinasama sa kanilang lokal na batas. Bilang resulta, ang mga pandaigdigang pamantayang ito ay may pantay na katayuan sa lokal na batas at maaaring gamitin sa mga lokal na paglilitis ng korte.[55] Subalit naghapag ang Saudi Arabia ng malawak na reserbasyon sa mga nasabing tratado nang ito ay sumang-ayon. Sinabi nito na sa usapin ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (CEDAW), "Sa kaso ng salungatan sa pagitan ng anumang itinatakda ng nasabing Convention at ng pamantayan ng batas ng Islam, hindi obligado ang kaharian na tuparin ang mga salungat na itinatakda ng  Convention." Ang mga pag-aalinlangan na sumasalungat sa layon at pakay ng isang tratado ay isang pagsuway dito at hindi katanggap-tanggap sapagkat pinawawalang-saysay ng mga ito ang isang batayang obligasyong pandaigdigan.[56]

Nilalampasan ng migrasyon ang mga pambansang hangganan, at ang labor-sending na bansa at tumatanggap ng manggagawa ay patuloy na umaasa sa mga bilateral na kasunduan sa paggawa o mga impormal na mekanismo upang bumuo ng mga transnational na patakaran sa recruitment. Nagpapasimula din ang mga labor-sending na bansa ng mga panukala sa pamamagitan ng mga patakaran sa labor-emigration. Halimbawa ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nag-utos na simula Disyembre 15, 2006, ang sahod ng mga domestic worker ay hindi bababa ng $400 kada buwan at hindi sila papayagang lumabas para magtrabaho kung hindi nila matatanggap ang minimum na sahod na ito.[57] Matapos galitin ng mga ulat ng pang-aabuso sa mga migranteng domestic worker, pinatigil ng Indonesia ang pagpapalabas ng mga domestic worker sa loob ng limang buwan noong 2005.[58]

Sa ibang kalagayan, nagkakasundo ang mga recruitment associations sa mga labor-sending at labor-receiving na mga bansa sa usapin ng takdang sahod  para sa mga migrant worker. Subamit bihira nilang harapin ang ibang kalagayan sa empleyo. Halimbawa, noong Setyembre 2007, nagkasundo ang mga Chamber of Commerce ng Saudi Arabia at Indonesia sa minimum na sahod na 800 riyals ($208) kada buwan para sa mga domestic worker na Indonesian. At simula noong Enero 1, 2008, itinaas ng gobyernong Sri Lanka at Saudi Chamber of Commerce ang minimum na sahod ng mga domestic worker na Sri Lankan mula 400 riyals ($104) tungo sa 650 riyals ($169) kada buwan. [59]

Humihina ang mga bilateral na kasunduan sa paggawa dahil sa hindi pantay na kapangyarihang makipagtawaran sa pagitan ng labor-receiving at labor-sending na mga bansa. Ang hindi malusog na kompetisyon sa pagitan ng mga labor-sending na bansa ay nangangahulugan na  atubili ang mga labor-sending na bansa na itulak ang mga pamantayan sa paggawa tulad ng lingguhang day-off o mas mataas na sahod dahil sa takot na mapunta ang trabaho sa manggagawa ng ibang bansa. Kailangan ang mas malawak na kooperasyong multilateral upang mapaunlad at mapatupad nang maayos at nakabatay sa karapatan, na patakaran sa migrasyon. Ni-rekomenda ng International Labor Organization (ILO) na dapat pag-usapan ang mga kasunduang bilateral sa balangkas ng multilateral at pang-rehiyon na mga kasunduan. [60]

Noong Enero 2008, lumahok ang Saudi Arabia sa "Gulf Forum on Temporary Contractual Labor" (ang "Abu Dhabi Dialogue"), na pinagsama-sama sa unang pagkakataon ang 22 ministro ng paggawa mula sa Asya at Persian Gulf upang pag-usapan ang labor migration sa rehiyon. Kasama sa mga lumilitaw na mga pandaigdigang inisyatiba ang Global Forum on Migration and Development at ang panukalang ILO Convention on Domestic Work. Maaaring magsilbing behikulo ang mga inisyatibang ito sa pagharap sa usapin ng karapatan ng mga migranteng domestic worker. 

Mga Bagong Reporma

Sinimulan na ng gobyernong Saudi ang pagpapatibay ng mga repormang  humaharap sa labor exploitation at trafficking in persons. Kasama ang desisyon ng Ministry of Labor No.  738/1 na may petsang  16/5/1425h (Hulyo 4, 2004) na nagbabawal sa lahat ng uri ng trafficking in persons at nagtatatag sa foreign workers' care department. [61] Sa isa pang desisyon, maaari nang kumuha ang mga migrant worker ng exemption sa pagkuha ng permiso ng amo para sa exit visa kung hindi sila nasahuran ng tatlong buwan o hindi mahanap ang amo. [62]

Bumuo rin ang Ministry of Labor ng guidebook na nakasulat sa ibat-ibang wika at nagpapayo sa kanila tungkol sa kanilang karapatan at pamamaraan para maghapag ng reklamo. Sinasabi ng guidebook na makakapunta kahit saan ang mga dayuhang manggagawa habang mayroon silang balidong residence permits at puwede nilang hawakan ang kanilang pasaporte.. [63] Hindi malinaw kung gaano kalawak ang distribusyon ng nasabing guidebook.

Sinabi ng Saudi Mnister of Labor sa Human Rights Watch na puwede ng idiretso ng mga manggagawa ang kanilang kaso sa mga labor courts sa halip na kailangan munang ipareshistro ang kaso sa mga pulis. [64]

Sa aktuwal, tumututok lamang ang mga positibong hakbang na ito sa ibang uri ng migranteng manggagawa, at hindi hinaharap ang partikular na kalagayan ng mga domestic worker.  Halimbawa, ang foreign workers' care department, na nasa Ministry of Labor, ay walang particular na mandato para humarap sa kaso ng mga domestic worker. [65] Ang paglilibre sa rekisitos na kumuha ng permiso ng amo para sa exit visa ay pangunahing ginagamit sa kaso ng ibang mga migrant worker, dahilan sa ang mga kaso ng mga domestic worker na may sigalot sa kanilang amo ay ipinapasa sa Ministry of Social Affairs (tingnan sa Chapter X). Walang particular na gabay sa pagpapayo para sa mga domestic worker na nahaharap sa balangkas ng regulasyon na natatangi sa ibang migrante dahil hindi sila sakop ng labor law. Gayunman, naglunsad ang gobyerno ng media campaign noong huling bahagi ng 2007 na nananawagan sa mga amo tungkol sa disenteng pagtrato sa mga domestic worker. [66]

Hindi pa pinapagtibay ng gobyernong Saudi ang mga pangunahing reporma na kailangan para magbigay ng sapat na proteksyon sa mga domestic worker, bagaman ilan sa mga repormang ito ay pinag-aaralan na. Kasama dito ang panukalang annex sa 2005 Labor Law at ang panukalang repormahin ang sistemang kafala upang lahat ng migranteng manggagawa ay mapunta sa  pangangalaga ng tatlo o apat na recruitment agencies sa halip na sa mga amo. Walang malinaw na iskedyul para sa pagpapatibay o implementasyon, at marami sa mga panukalang ito ang pinag-uusapan na ng ilang taon at walang malinaw na pag-usad.

[40] Sinusunod ng Saudi Arabia ang Hanbali school of jurisprudence. Karaniwang sinusunod ng mga Sunni Muslim ang isa sa apat na school of thought, na kinuha ang pangalan sa mga iskolar na nagtayo ng mga ito, Shafi'i, Hanafi, Maliki, or Hanbali. Hindi ginagamit ng Hanbalis ang mga precedents o derivative sources ng batas o scholarly consensus (ijma') sa paghusga sa anumang isyu. Ang ibang schools of thought ay nagbibigay ng jima' ang force of legally binding opinion. Sa halip, pinipili ng mga Hanbali jurists na gumamit ng kanilang original legal reasoning (ijtihad)

sa Quran at Sunna upang pagkuhanan ng kapasyahan sa mga kaso.  

[41]  Human Rights Watch, Precarious Justice: Arbitrary Detention and Unfair Trials in the Deficient Criminal Justice System of Saudi Arabia, vol. 20, no. 3(E), March 2008, http://hrw.org/reports/2008/saudijustice0308/, and Adults Before Their Time: Children in Saudi Arabia's Justice System, vol. 20, no. 4(E), Marso 2008, http://hrw.org/reports/2008/saudicrd0308/.

[42]Isinabatas din ng hari ang Law of the Provinces na nagtakda ng hatian ng kapangyarihan sa pagitan ng mga lalawigan at ng central government. Sa kasalukuyan, lahat ng governador ng mga lalawigan ay mga royal princes. Ang pangatlong administrative law ay patungkol sa Majlis al-Shura (Advisory Council). Hinirang ng hari ang 60 miyembro nito (150 na ngayon) na maaaring "mag-aral" o "magbigay-pakahulugan," ngunit hindi magpasimula, ng lehislasyon.

[43]Saudi Arabia Labor Law, Royal Decree No. M/51, Setyembre 27, 2005, Part VI.

[44] Ibid., Part I, Chapter Two, Art. 7(2).

[45]Deputy Ministry for Planning and Development, Ministry of Labour, "A Short Note on the Draft of the Regulation for the Employment of 'Domestic Helpers and the Like,'" ibinigay na kopya sa Human Rights Watch, Disyembre 3, 2006. Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, Marso 9, 2008.

[46] Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, Marso 9, 2008.

[47] Ibid.

[48] Universal Declaration of Human Rights (UDHR), pinagtibay noong Disyembre 10, 1948, G.A. Res. 217A(III), U.N. Doc. A/810 at 71 (1948)..

[49] Tingnan, halimbawa, ang International Covenant on Civil and Political Rights(ICCPR), na pinagtibay noong Disyembre 16, 1966, G.A. Res.2200A (XXI), 21 U.N. GAOR Supp. (No. 16) at 52,U.N. Doc. A/6316(1966),999 U.N.T.S. 171, ipinatupad noong Marso 23, 1976,  art. 12. Pinoprotektahan din ng Migrant Workers Convention ang karapatan ng mga migrante na pumasok sa bansang pinagmulan. International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of Their Families (Migrant Workers Convention), pinagtibay noong Disyembre 18, 1990, G.A. Res. 45/158, annex, 45 U.N. GAOR Supp. (No. 49A) at 262, U.N. Doc. A/45/49 (1990), ipinatupad noong Hulyo July 1, 2003, art. 8. Hindi kalahok ang Saudi Arabia sa anuman sa dalawang convention.

[50] Tingnan sa "Current Trends in the Right to Leave and Return," U.N. Doc. E/CN.4/Sub.2/1985.

[51] Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, Marso 10, 2008.

[52] Panayam ng Human Rights Watch kay Dr. Ghazi al-Qusaibi, minister of labor, Riyadh, Disyembre 3, 2006.

[53]Panayam ng Human Rights Watch kay J., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

.

[54] CEDAW, ni-ratipikahan ng Saudi Arabia noong  Setyembre 7, 2000; International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination (ICERD), pinagtibay noong Disyembre 21, 1965, G.A. Res. 2106 (XX), annex, 20 U.N. GAOR Supp. (No. 14) at 47, U.N. Doc. A/6014 (1966), 660 U.N.T.S. 195, ipinatupad noong Enero  4, 1969, sinang-ayunan ng Saudi Arabia noong Oktubre  23, 1997; Convention on the Rights of the Child (CRC), pinagtibay noong Nobyembre 20, 1989, G.A. Res. 44/25, annex, 44 U.N. GAOR Supp. (No. 49) at 167, U.N. Doc. A/44/49 (1989), ipinatupad noong Setyembre  2, 1990, sinang-ayunan ng Saudi Arabia noong Enero  26, 1996; Convention against Torture andOther Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (Convention against Torture), pinagtibay noong Disyembre 10, 1984, G.A. res. 39/46, annex, 39 U.N. GAOR Supp. (No. 51) at 197, U.N. Doc. A/39/51 (1984), ipinatupad noong Hunyo 26, 1987, sinang-ayunan ng Saudi Arabia noong Setyembre 23, 1997; atProtocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons, Especially Women and Children, Supplementing the United Nations Convention Against TransnationalOrganized Crime (Trafficking Protocol), G.A. Res. 25, annex II, U.N. GAOR, 55th Sess. Supp. No. 49, at 60, U.N. Doc. A/45/49 (Vol. I) (2001),pinatupad noong Disyembre 25, 2003, sinang-ayunan ng Saudi Arabia noong Hulyo  20, 2007.

[55]UN Committee on the Rights of the Child, "Summary Record of the 1114th Meeting (Chamber A)," U.N. Doc. CRC/C/SR.1114, Enero 30, 2006, http://www.unhchr.ch/tbs/doc.nsf/898586b1dc7b4043c1256a450044f331/eeebbc1b779d9c72c12571070058b061/$FILE/G0640238.pdf (binuksan noong Hulyo 26, 2007), para. 13.

[56]Tingnan ang Vienna Convention on the Law of Treaties, Mayo 23,  1969, ipinatupad noong Enero 27 1980, art. 19,. United Nations, Treaty Series, vol. 1155, p. 331.

[57]Philippines Overseas Employment Administration (POEA), "Guidelines on the Implementation of the Reform Package Affecting Household Service Workers (HSWs)," http://www.poea.gov.ph/ (binuksan noong Abril 9, 2008).

[58] Ali Al-Migbali, "Kingdom, Indonesia Iron Out Maid Flap," Al-Eqtisadiah/Arab News, Agosto 1, 2005.

[59] Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, Marso 10, 2008. Tingnan din ang Mariam Al Hakeem, "Sri Lankan maids' wages up by 65 percent," Gulf News, Disyembre 31, 2007. 

[60] Piyasiri Wickramasekara, "Labour Migration in Asia: Role of Bilateral Agreements and MOUs,"presentasyon ng ILO sa IPLT workshop on International Migration and Labour Market in Asia, Tokyo, Pebrero 17, 2006.

[61] Decree, Ministry of Labor No. 738/1 dated 16/5/1425h.

[62] P.K. Abdul Ghafour, "New Measures to Help Workers," Arab News, Pebrero 1, 2007. .

[63] Ministry of Labor, "Guidebook for Expatriates Recruited for Work in the Kingdom of Saudi Arabia," 2006.

[64] Panayam ng Human Rights Watch kay Dr. Ghazi al-Qusaibi, Disyembre 3, 2006. Hindi sinabi ni Dr. Ghazi al-Qusaibi kung kailan ito sinimulan o kung anong mekanismo ang ginamit. 

[65] Panayam ng Human Rights Watch kay Mohamed Rashid Al-Suleiman, director, Expatriate Workers' Care Department, Ministry of Labor, Riyadh, Disyembre 13, 2006.

[66] "Be nice to your maids, Be kind to your guests," Manila Times, Oktubre 9, 2007, http://www.manilatimes.net/national/2007/oct/09/yehey/opinion/20071009opi1.html (binuksan noong Oktubre 16, 2007).  .