III. Migrasyon ng mga Kababaihang Manggagawang Asyano
Ang mga domestic worker ay naging hayag na kalakal na ibinebenta (consumption item).
¾Opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Marso 10, 2008
Saklaw ng kababaihan ang kalahati ng lahat ng migrante sa buong mundo. Ang migrasyon mula sa ilang Asyanong bansa ay lubusan ng naging pangkababaihan. Mula 50-80 porsiyento ng mga dokumentadong bagong upao nagtatrabaho na sa ibang bansa ay babae. Karamihan sa kanila ay lumalabas upang magtrabaho bilang domestic worker sa Middle East at ibang bahagi ng Asya.[4] Kumbinasyon ng mga salik ng pagtulak at paghila ang dahilan ng paglaki ng hanay ng mga Asyanong migrant worker sa Middle East.
Ayon sa International Monetary Fund, "Para sa maraming umuunlad na bansa, ang remittance ang pinakamalaking pinagmumulan ng foreign exchange, mas malaki pa sa export revenues, foreign direct investment (FDI), at ibang pagpasok ng pribadong kapital."[5] Halimbawa, ang mga Filipino migrant worker, na karamihan ay kababaihan na nagtratrabaho sa bansang Arabo sa Persian Gulf bilang domestic worker, ay nagpadala ng US$15.2 bilyon noong 2006 – 13 porsiyento ng GDP[6] ng Pilipinas. Tuloy-tuloy ang naging pagtaas ng remittance sa nakaraang tatlong dekada. Ayon sa tantiya ng World Bank, ang mga migrant worker mula sa mga umuunlad na bansa ay nakapag-remit ng $240 bilyon noong 2007.[7] Nakapag-remit ang mga migrante sa Saudi Arabia ng $15.6 bilyon noong 2006, halos 5 porsiyento ng GDP ng Saudi Arabia. Pangalawa sa pinakamalaking tagapagpadala ng remittance sa mundo ang Saudi Arabia sunod sa Estados Unidos.[8]
Ayon sa General Statistics department ng Saudi Arabia, mahigit walong milyong migrante ang nagtatrabaho ngayon sa nasabing kaharian.[9] Saklaw nila ang halos ikatlong (1/3) bahagi ng 24.7 milyong[10] populasyon ng nasabing bansa. Lampas sa tig-isang milyon ang mga migrante mula sa Indonesia, India, at Pilipinas. Lampas naman sa 600,000 ang mula sa Sri Lanka. Sila ang bumubuhay sa ekonomiya ng Saudi Arabia sa pamamagitan ng pagpuno sa mga critical gaps at kailangang skill sa larangan ng kalusugan, construction, domestic service, at negosyo.
Malaki ang pagkakaiba ng mga pagtantiya sa bilang ng domestic worker sa Saudi Arabia, sanhi na rin ng kawalan ng pampublikong datos at kahirapan sa pagtukoy sa ilang manggagawa: Hindi palaging ikinukuha ng mga amo ang domestic worker ng national identity card (iqama), isang mekanismo para ma-monitor ang dami ng manggagawa sa nasabing bansa. Ayon sa mga ulat sa pahayagan , tinataya ng mga opisyal ng Saudi na halos may 200,000 domestic worker na may employment visa ang dumarating kada buwan. Subalit sinabi naman ng embahada ng Indonesia na sila pa lamang ay 15,000 na bagong kontrata ang ina-aprobahan kada buwan.[11] Isang asosasyon ng mga Saudi Recruitment agencies ang nagtayang 30-40,000 domestic worker ang kanilang naipapasok kada buwan.[12]
Binigyan ng Saudi Ministry of Labor ang Human Rights Watch ng opisyal na bilang na 1.2 milyong household workers sa Saudi Arabia, kasama rito ang mga domestic worker, driver, at hardinero. Ayon sa bilang na ito, 480,000 domestic worker ang opisyal na nakarehistro.[13] Subalit batay sa bilang ng deployment ng mga labor-sending na bansa, lampas sa isang milyon ang bilang ng mga domestic worker sa Saudi Arabia. Halos 600,000 ang taya ng Indonesia sa bilang ng mga dokumentadong domestic worker na ipinadala nito sa Saudi Arabia.[14] Aabot namon sa 275,000 ang naitalang documentadong worker[15] ng Sri Lanka, at 200,000.[16] ang ipinadala ng Pilipinas. Sinubok ng Saudi press na tantiyahin ang bilang ng undocumented workers at inilagay nila sa dalawang milyon ang kabuuang bilang ng domestic worker sa naturang bansa. Kasunod ng mga kasunduan sa recruitment na pinirmahan kasama ang Nepal noong 2007 at Vietnam noong unang bahagi ng 2008, malamang na lumaki ang bilang ng mga domestic worker na manggagaling sa mga bansang ito. Mayroon ding maliit na bilang ng domestic worker mula sa mga bansang India, Bangladesh, Ethiopia, at Eritrea.[17]
Kalagayan ng Kababaihang Asyano at Dahilan ng Pangingibang Bayan
Nakatira ako sa isang maliit na dampa na gawa sa retasong tela. Walang trabaho ang aking asawa at may lima kaming anak na alagain. Dahil sa kahirapan at kakulangan sa pera, nagpasya akong mangibang bayan upang kumita… Naghanap ako ng trabaho (sa Sri Lanka) pero wala akong makita… Minsan wala kaming makain kapag panahon ng tag-ulan.
¾Noor F., a repeat Sri Lankan migrant domestic worker to the Middle East, Gampaha, Sri Lanka, Nobyembre 8, 2006
Malaki ang impluwensiya ng mababang katayuan ng kababaihan at kadalagahan sa kanilang pagkakaroon ng pagkakataon sa edukasyon at trabaho. Ito rin ang nagtutulak sa marami na mangibang bayan upang mabuhay. Magkakaiba ang rekord ng mga gobyerno ng mga bansang Indonesia, Pilipinas at Sri Lanka sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng kababaihan. Patuloy na nagiging mabigat na problema sa mga nasabing bansa ang diskriminasyong nakabatay sa kasarian at karahasan.[18] Dahil nahaharap sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay sa sarili nilang bansa, napipilitan ang mga kababaihan sa Indonesia, Pilipinas, Sri Lanka, at ibang nagpapadalang bansa na humanap ng trabaho sa ibang bayan.
Malaki ang pagkakaiba ng katayuan ng kababaihan sa loob at sa pagitan ng tatlong bansa. Nitong mga nakaraang dekada ay nakaranas na ng pag-unlad ang tatlong bansa. Ang masiglang kilusan ng women's rights ay nagpataas ng kamalayan, nagtulak ng pagbibigay ng serbisyong pangsuporta, at nanganak ng reporma sa mga patakarang nakatutok sa karahasan at diskriminasyong nakabatay sa kasarian. Dramatiko ang naging pagtaas ng bilang ng kabataang babaeng nag-aaral. Halos pareho na ang bilang ng kabataang lalaki at babae na nasa mga paaralang primary at secondary[19] sa tatlong bansa.
Nangyayari ang karahasan laban sa kababaihan at kadalagahan sa tatlong bansa. Ibat-iba ang kanilang porma, kasama ang karahasan sa loob ng bahay, trafficking, at karahasang sexual. Ilang salik ang nagiging balakid sa paghahanap ng bayad-pinsala sa pamamagitan ng criminal justice system sa Indonesia, Sri Lanka, at Pilipinas. Karaniwang kulang sa kasanayan ang mga alagad ng batas upang humawak ng mga kaso ng karahasang batay sa kasarian, at pamamaraan sa pagkalap ng ebidensya. Karaniwang hindi na nagrereklamo ang mga biktima dahil sa kahihiyan, takot na sila ay gantihan, o kawalan ng impormasyon tungkol sa kanilang karapatan.
Lumalabas pa rin ang di pagkakapantay ng mga kasarian sa larangan ng higher education, partisipasyon sa labor force, at sa kakayanang kumita [20] Ang karaniwang kita ng mga kababaihan ay 41-61 porsiyento lamang ng karaniwang kita ng kalalakihan, na ipinapakita sa Table 1 sa ibaba.
Makikita sa ilang salik ang matingkad na pagkakaiba sa kita ng kababaihan at kalalakihan, kasama ang pagkaipon ng kababaihan sa mga di-gaanong kontroladong industriya. Dagdag pa rito ay ang pagharap ng kababaihan sa mga balakid na pang-sosyal at cultural sa mga industriyang mataas ang pasahod at kalalakihan ang nangingibabaw. Ang kawalan ng interes ng gobyerno at pribadong sector na magbigay ng murang pangangalaga sa mga sanggol, benepisyo sa panganganak, polisiya sa sexual harassment, at proteksyon laban sa diskriminasyon sa kababaihan sa pagkuha sa trabaho ay nakakaapekto rin sa paglahok ng kababaihan sa labor force at kakayanan nilang kumita.
Table 1: Tinatayang Kita ng Kalalakihan at Kababaihan noong 2005 [21]
|
Bansa |
Kita ng Babae ($) |
Kita ng Lalake ($) |
Ratio ng Kita ng Babae sa Kita ng Lalake (%) |
|
Indonesia |
2,410 |
5,280 |
46 |
|
Philippines |
3,883 |
6,375 |
61 |
|
Sri Lanka |
2,647 |
6,479 |
41 |
Ilan sa babaeng nakapanayam ng Human Rights Watch ay nangibang bayan upang humanap ng bagong karanasan at pakikipagsapalaran. Marami naman sa kanila ang nagsabing nangibang bayan sila dahil sa kawalan ng pag-asa, hindi dahil sa malayang pagpili. Si Chandrika M., isang 45-taong-gulang na babaeng Sri Lankan na naghahandang magbiyahe sa ika-siyam na ulit ay nagsabing:
Nagdurugo ang aking puso. Kapag naaalala ko ang anak kong babae, naiisip ko kalokohan ang mangibang bayan… Kung malulutas ko ang problema namin sa pera sa biyaheng ito, hindi na ako aalis muli… Wala kaming magagawa kundi mangibang bayan kung wala kaming pera. Dapat wakasan na ng gobyerno ang kahirapang ito.[22]
Sabi naman ni Yuniarti, isang migranteng mula sa Indonesia: " Sana hindi na kailangan ng susunod na henerasyong pumunta rito sa Saudi Arabia. Sana pumunta na lang sila rito para sa pilgrimage… Dapat magbigay (ang gobyerno) ng trabaho sa Indonesia."[23] Ilan sa mga nakapanayam ng Human Rights Watch ang nangibang bayan upang makatakas sa karahasan sa loob ng bahay.
Mas karaniwan na nangingibang bayan ang mga domestic worker upang tustusan ang pag-aaral ng kanilang mga nakababatang kapatid o kanilang mga anak, makapagpatayo o magpaayos ng bahay, kumita ng pera para sa pang-araw-araw na pangangailangan, makabayad ng utang na ginamit sa pagpapagamot o sa naluging negosyo. Sinabi halimbawa ni Farzana M., isang migranteng Sri Lankan, "Kinailangan ko ng pera para mabawi ang bahay namin. Nagkautang kami ng Rs. 70,000 [$625] na dapat bayaran. Gusto ng asawa ko na pumunta ako sa Saudi Arabia. Sabi niya, 'Mababawi natin ang bahay kung kikita ka ng sapat.' Pumunta ako rito para mabayaran ang utang namin, wala nang ibang paraan."[24]
Napaiyak naman si Adelina Y. nang ikuwento niya sa Human Rights Watch, "Single mother ako at gusto kong mapag-aral ang aking mga anak at tulungan ang aking pamilya. Pumunta ako rito [sa Saudi Arabia] dahil gusto kong magkapera, pero hindi ito naging maganda para sa akin."[25] Si Hermanthi J. naman ay pinilit ng kanyang asawa na mangibang bayan. Sabi niya, "Ayokong pumunta sa Saudi Arabia, pero pinilit ako ng aking asawa… Sabi niya, 'Mangibang bayan ka at kumita ng pera para magkaron tayo ng sariling bahay.'"[26]
Sa ilang kaso, kahit na ang mga babaeng mataas ang pinag-aralan ay hirap kumita ng sapat na pera sa bayan nila at napilitang maging domestic worker sa ibang bayan para matugunan ang mga bayaran. Sabi ni Marilou R., domestic worker na Pilipina na hindi sinahuran ng amo, "Tapos ako ng BS [Bachelor of Science] in Agriculture at Crop Science. Naging technician ako sa Mindanao. Oo, nagustuhan ko dahil kumita ako ng 5,000 piso [$107]. Nangibang bayan ako dahil sa pamangkin ko na may sakit sa puso. Kailangan namin ng 10,000 piso [$214] para sa mga gamot niya."[27]
Maraming kababaihan ang may nakakausap na mga umuwing migrante na nagtagumpay na kumita sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Inihahambing nila ang kanilang kita sa kanilang sariling bayan sa puwede nilang kitain sa ibang bansa. Sa isang kaso, sinabi ni Krishna S., "Sa palagay ko mas magandang magtrabaho sa abroad [kesa magtrabaho sa taniman ng tsaa] kasi kikita ako ng 20,000 rupees [$179] sa loob ng dalawang buwan. Pero kung sa taniman ng tsaa ako magtratrabaho, may bawas pa, at kikita lamang ako ng 2,000-3,000 rupees [$18-27]."[28]
Nagpapasya ang mga kababaihan na mangibang bayan hindi isa, kundi maraming beses. Dahil sa pagharap sa patuloy na problema sa pera, nahihirapan ang maraming migrante at kanilang pamilya na makaipon. Matapos ang dalawang-taong kontrata, haharap pa rin ang mga kababaihan sa parehong gastusin na siyang nagtulak sa kanila na mangibang bayan. May nakapanayam ang Human Rights Watch na mga kababaihang labing-apat (14) na beses nang nangibang bayan bilang domestic worker. Sabi ni Krishna S., "Nakabili ako ng radyo at telebisyon, nakapagpadala ng pera sa pamilya ko para sa gastusin nila araw-araw tulad ng pagkain at pag-aalaga sa anak kong babae, at nakabili ako ng gintong alahas. Ngayon apat na ang pinapakain ko at ako ang nagbabayad ng kuryente. Kaya balak ko uling umalis pagkatapos kong manganak."[29]
Mas detalyadong tatalakayin sa mga susunod na bahagi ang mga kababaihan at kadalagahan na napupunta sa ibang bansa dahil sa panloloko at pamimilit – mga kasong maituturing na trafficking.
Katayuan ng Kababaihan sa Saudi Arabia
Karaniwang mas nakikinabang sa kanilang karapatan at kalayaan ang mga babae sa Indonesia, Pilipinas, at Sri Lanka sa kanilang sariling bayan kumpara kung nagtatrabaho sila sa mga amo sa Saudi Arabia. Hindi pamilyar at nagugulat ang mga migranteng kababaihan sa mga pagbabawal sa pananamit, kalayaan sa paggalaw, pakikihalubilo sa ibang lalake, at kalayaan sa pagsamba. Halimbawa, sinabi ni Journey L., "Iniwan mo ang iyong mga mahal sa buhay upang kumita ng pera para mabuhay… Tapos pagdating mo rito, magugulat ka sa kultura. Galing ka sa isang malayang bansa… tapos dito hindi ka pwedeng makipagusap sa mga lalaki. Kailangang magsuot ka ng abaya, pero hindi ka kaagad masasanay. Kailangang isuot mo ito palagi kahit nagmamadali ka. Delikado rin na maglakad mag-isa."[30]
Pinipigil ng sistematikong diskriminasyon ang pantay na karapatan ng mga kababaihang Saudi sa trabaho, kagalingan sa kalusugan, public participation, pagkakapantay sa ilalim ng batas, at iba pang karapatan. Nasa ika-92 ang Saudi Arabia sa 93 bansa na tinasa ng United Nations sa usapin ng gender empowerment – isang indicator na naipapakita sa paglahok ng kababaihan sa larangan ng ekonomiya at politika.[31] Nakakaapekto ang mababa at di pantay na katayuan ng mga kababaihang Saudi sa karapatan at pagtrato sa kababaihang domestic worker. Pinapalala pa ng mahigpit na paghihiwalay sa kasarian ang pagkabukod at pagkakakulong ng mga domestic worker sa lugar na pinagtatrabahuan.
Mahigpit na itinatakda ng polisiya ng gobyerno at panlipunang gawi ang pagkuha ng kababaihan mula sa kanilang sponsor ng permiso para makapagtrabaho, mag-aral, tumanggap ng benepisyong pangkalusugan, o makinabang sa iba pang serbisyo publiko. Mahigpit ang gobyerno sa pagpapatupad ng paghihiwalay ng mga kasarian, kasama rito ang paggamit sa muttawa' (religious police). Karamihan ng mga opisina, restaurant, shopping malls, at pribadong bahay ang may hiwalay na puwesto para sa mga lalaki at babae.
Hinaharap ng mga babaeng Saudi ang mga balakid sa bayad-pinsala sa pamamagitan ng criminal justice system. Dahil sa umiiral na pagbukod sa kasarian, karaniwang atubili ang mga babaeng Saudi na pumasok sa mga prisinto, dahil lahat ng pulis ay lalaki. Kasong kriminal sa Saudi ang pagkikita ng mga walang asawang lalaki at babae, at nailalagay nito ang mga biktima ng panggagahasa na mausig sa kasong pakikisalamuha sa lalaki o sa extramarital sexual relation kung hiindi nila matutugunan ang mahigpit na pamantayan sa paglatag ng ebidensiya para patunayan ang panggagahasa. Sa bantog na kaso ng Qatif, hindi lamang hinatulan ng korte ang isang biktima ng gang-rape sa kasong iligal na pakikisalamuha at sinisi sa paglabas ng nag-iisa, kundi dinoble pa ang sintensiya sa kanya na naging anim na taong pagkakulong at 200 hagupit dahil sa paglapit sa media..[32] Pinatawad ni King Abdullah ang nasabing dalaga matapos ang ingay na umalingawngaw mula sa ibang bansa.
Sa 2008 Human Rights Watch na ulat, "Perpetual Minors: Human Rights Abuses Stemming from Male Guardianship and Sex Segregation in Saudi Arabia," mas detalyadong tinalakay dito ang paglabag sa karapatan ng kababaihan at ang sistemang male guardianship sa mga nasa-edad na kababaihan.[33]
Lawak ng Pang-aabuso
Aaminin ko na maraming paglabag sa karapatan at di-makataong pagtrato ang nangyayari. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong alam ko ang bilang ng mga kaso. Ang alam ko lang ay pinaparusahan ang mga dumarating sa aming kaso.
¾ Dr. Ghazi al-Qusaibi, ministro ng paggawa, Riyadh, Disyembre 3, 2006
Hindi malinaw ang mga kontrata, walang kuwenta at manloloko ang mga agent sa KSA [Saudi Arabia]… Parang alipin ang trato ng ibang amo sa mga domestic workes, ang iba naman ay parang bahagi ng pamilya ang trato. Kailangang harapin natin ang kalagayang ito.
¾Dr. Abd al-Muhsin al-`Akkas, ministro ng social affairs, Riyadh, Disyembre 2, 2006
Sa mga panayam ng Human Rights Watch at mga pahayagan, naninindigan ang mga opisyal ng Saudi Ministries of Labor at Social Affairs na maraming mga amo ang maayos ang trato sa kanilang mga domestic worker, na para na ring bahagi ng pamilya. Maliit lamang daw na bilang ng domestic worker ang inaabuso at maayos ang paghawak ng korte sa mga kasong ito. Sabi ng isang opisyal ng labor, "Hindi pangkaraniwan ang tortyur… Maayos ang paghawak sa karamihan ng mga kaso. Meron sigurong isang kaso ng pagpatay at isang kaso ng pambubugbog, pero hindi ito ang pinakamarami."[34]
Mahirap tantiyahin ang paglaganap ng pang-aabuso, at malamang konti lamang ang naiuulat dahil sa pagkabukod ng mga domestic worker sa mga pribadong bahay, kapangyarihan ng mga amo na pauwiin agad ang mga domestic worker bago pa makahingi ng tulong ang mga ito, at sa mga pinapayagan ng korte at lipunan na pang-aabuso tulad ng pagpigil sa pagkilosat sobrang haba ng oras ng trabaho. May nakapanayam sa kanilang bansa ang Human Rights Watch
na mga migrant worker na dumanas ng pang-aabuso subalit hindi nagkaroon ng pagkakataon na humingi ng tulong.[35] Ginawa ang panayam sa kanilang mga sariling bansa. Ang mga ganitong kaso ay dokumentado rin sa mga bansang pinagmulan ng mga state foreign employment departments, nongovernmental organizations, at local na mamamahayag.
Kahit walang datos na tatantiya sa eksaktong bilang ng domestic worker na inabuso, pinapahiwatig naman ng mga lumalabas na impormasyon ang tindi ng problema. Ang pinaka-karaniwang uri ng mga pang-aabuso ay iyong pinapayagan ng lipunan at mga hindi napapangasiwaan. Halimbawa, kahit iyong mga domestic worker na nagsasabing "masaya" sila sa kanilang trabaho ay posibleng kunin ng mga amo ang kanilang pasaporte, papagtrabahuin ng sobra at walang pahinga, at hindi bayaran sa overtime. Kailangan ng mas malalim na pagsasaliksik upang matukoy ang kalaganapan ng ganitong tipo ng kalagayan sa paggawa. Subalit ipinapakita ng mga nakukuhang impormasyon na ito ay laganap na.
Dahil sa klase ng umiiral na ligal na balangkas, iyon lamang mga kapansin-pansin na kaso tulad ng hindi pagpapasahod, pananakit, sexual na pang-aabuso o harassment, o problema sa immigration ang nakakaabot sa mag awtoridad. Walang makuhang maaasahang pagtantiya ang Human Rights Watch kung gaano karaming kaso ang hinahawakan ng Saudi Ministry of Social Affairs. Pero may pinapatakbong shelter sa Riyadh ang nasabing ahensiya. Ilang libong kaso ng domestic worker ang pinoproseso taun-taon ng shelter. Pag-uusapan ito sa dakong dulo ng ulat na ito.
Iniulat ng embahada ng Indonesia sa Riyadh na humawak ito ng 3,687 na reklamo noong 2006 at 3,428 noong 2007. [36] Hiwalay pa ito sa ulat ng konsulado sa Jeddah na humahawak ng 20 reklamo bawat araw. [37] Ang embahada naman ng Sri Lanka sa Riyadh ay humahawak ng 200-300 kaso bawat buwan at nagproseso at nagpauwi ng 606 na domestic worker mula Enero 1-Marso 11, 2008. [38] Ang shelter sa Riyadh para sa mga Pilipinang domestic worker ay nangalaga ng 1,129 kababaihan noong 2007. At ang embahada ng Nepal, na kakaunti ang bilang ng mga domestic worker, ay humawak ng 94 kaso mula Agosto 2007 hanggang Marso 2008. [39]
[4]Philippines Overseas Employment Administration, "OFW Global Presence: A Compendium of Overseas Employment Statistics 2006," http://www.poea.gov.ph/stats/2006Stats.pdf (binuksan noong Mayo 29, 2008); Sri Lanka Bureau of Foreign Employment, "Estimated Stock of Sri Lankan Overseas Contract Workers by Country 2006," http://www.slbfe.lk/feb/statistics/statis9.pdf (binuksan noong Mayo 29, 2008); Komnas Perempuan and Solidaritas Perempuan/CARAM Indonesia, Indonesian Migrant Domestic Workers: Their Vulnerabilities and New Initiatives for the Protection of Their Rights (Jakarta: Komnas Perempuan and Solidaritas Perempuan/CARAM Indonesia, 2003), p. 9.
[5]International Monetary Fund, "Workers' Remittances and Economic Development," World Economic Outlook: Globalization and External Imbalances (Washington D.C.: IMF, 2005), pp. 69-84.
[6]World Bank, Migration and Remittances Factbook, March 2008, http://econ.worldbank.org/WBSITE/EXTERNAL/EXTDEC/EXTDECPROSPECTS/0,,contentMDK:21352016~isCURL:Y~menuPK:3145470~pagePK:64165401~piPK:64165026~theSitePK:476883,00.html (binuksan noong April 9, 2008).
[7] Ibid.
[8] Ibid.
[9] P.K. Abdul Ghafour , "Government Jobs for Saudi Women," Arab News, May 29, 2007, http://www.saudi-us-relations.org/articles/2007/ioi/070529-saudi-women.html (binuksan noong Mayo 30, 2007).
[10] United Nations Department of Economic and Social Affairs, "World Population Prospects: The 2006 Revision, Highlights," Working Paper No. ESA/P/WP.202, 2007,http://www.un.org/esa/population/publications/wpp2006/WPP2006_Highlights_rev.pdf (binuksan noong Hunyo 10, 2008).
[11]Mariam Al Hakeem, "Runaway maids face jail and flogging," Gulf News, April 5, 2007; Panayam ng Human Rights Watch kay R., opisyal ng embahada ng Indonesia, Riyadh, Nobyembre 29, 2006.
[12] Panayam ng Human Rights Watch sa isang grupo ng recruitment agents, National Committee of Saudi Recruitment Agencies, Saudi Chamber of Commerce, Riyadh, Disyembre 12, 2006.
[13] Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, general manager, Manpower Planning Department, Ministry of Labor, Riyadh, Marso 10, 2008.
[14]Nakapagtala ang embahada ng Indonesia sa Riyadh ng 626,895 na mga manggagawang Indonesian noong 2007, at 96 porsiyento nito ay mga domestic worker at drayber. Pero nakapgtala naman ang Saudi labor department ng 980,000 ng kabuuang bilang ng manggagawang Indonesian. Panayam ng Human Rights Watch kay Sukamto Jalavadi, labor attaché, embahada ng Indonesia, Riyadh, Marso 2008.
[15] Sri Lanka Bureau of Foreign Employment, "Estimated Stock of Sri Lankan Overseas Contract Workers by Country 2006."
[16] Panayam ng Human Rights Watch sa grupo ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas, Riyadh, Marso 2008
[17] Panayam ng Human Rights Watch sa mga opisyal ng embahada ng mga labor-sending na bansa, Disyembre 2006 at Marso 2008.
[18]Para sa bansa-bansang pagsusuri ng mga pagyurak sa karapatan ng mga kababaihan at kaugnay na reporma sa gobyerno, tingnan sa http://www.un.org/womenwatch/daw/cedaw/reports.htm. Ang site na ito ay naglalaman ng mga submission sa Committee on the Elimination of Discrimination against Women (CEDAW Committee) at sa Committee's concluding observations. Ang CEDAW Committee, na binubuo ng mga independiyenteng dalubhasa, ang sumusubaybay sa Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women (CEDAW), G.A. res. 34/180, 34 U.N. GAOR Supp. (No. 46) at 193, U.N. Doc. A/34/46, na ipinatupad noong Setyembre 3, 1981.
[19]World Bank, "Gender Stats: database of gender statistics," regular na binabago, http://devdata.worldbank.org/genderstats/home.asp (binuksan noong Agosto 20, 2007).
[20] Ibid.
[21] Ang 2005 ang may pinakabagong datos na may mapaghahambingang datos. United Nations Development Programme (UNDP), "Human Development Report 2007/2008, Fighting climate change: Human solidarity in a divided world," November 27, 2007, http://hdrstats.undp.org/indicators/ (binuksan noong Abril 9, 2008). Ayon sa UNDP, ang tayang kita ay nanggagaling sa ratio ng non-agricultural wage ng kababaihan sa non-agricultural wage ng kalalakihan, ang kabahagi ng kalalakihan at kababaihan sa populasyon ng mga aktibo sa ekonomiya, kabuuang populsayon ng kababaihan at kalalakihan, at GDP per capita (PPP $).
[22] Panayam ng Human Rights Watch kay Chandrika M., domestic worker na Sri Lankan, Kurunegala, Sri Lanka, Nobyembre 4, 2006.
[23] Panayam ng Human Rights Watch kay Yuniarti, domestic worker na Indonesian, Jeddah, Saudi Arabia, Disyembre 8, 2006.
[24] Panayam ng Human Rights Watch kay Farzana M., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.
[25] Panayam ng Human Rights Watch kay Adelina Y., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.
[26] Panayam ng Human Rights Watch kay Hemanthi J., domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 14, 2006.
[27] Panayam ng Human Rights Watch kay Marilou R., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 10, 2006.
[28] Panayam ng Human Rights Watch kay Krishnan S., domestic worker na Sri Lankan, Maskeliya, Sri Lanka, Nobyembre 13, 2006.
[29] Ibid.
[30] Panayam ng Human Rights Watch kay Journey L., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Marso 12, 2008.
[31] UNDP, "Human Development Report 2007/2008." Ang panukalang magbibigay kapangyarihan sa kababaihan ay pinaghalong indikasyon nanaglalarawan sa hindi pagkakapantay ng mga kasarian sa tatlong larangan: ang lawak ng partisipasyon ngkababaihan sa pulitika, partisipasyon sa ekonomiya, at kapangyarihan sa kayamanang pang-ekonomiya.
[32]"Saudi Arabia: Rape Victim Punished for Speaking Out," news release ng Human Rights Watch, Nobyembre 17, 2007, http://hrw.org/english/docs/2007/11/16/saudia17363.htm; "Saudi Arabia: Ministry of Justice should Stop Targeting Rape Victim," news release ng Human Rights Watch, Nobyembre 29, 2007, http://hrw.org/english/docs/2007/11/28/saudia17433.htm.
[33]Human Rights Watch, Perpetual Minors: Human Rights Abuses Stemming from Male Guardianship and Sex Segregation in Saudi Arabia, 1-56432-307-2, April 2008, http://hrw.org/reports/2008/saudiarabia0408/.
[34]Panayam ng Human Rights Watch kay Fawzi Al-Dahan, Marso 10, 2008.
[35] Malinaw ang pagtampok ng ulat na ito sa mga panayam na ginawa ng Human Rights Watch sa Sri Lanka, subalit ang mga kabuuang resulta ay sumasalamin din sa mga panayam na ginawa sa Indonesia noong mayo 2006.
[36] Panayam ng Human Rights Watch kay Sukamto Jalavadi, labor attaché, Embahada ng Indonesia, Riyadh, Marso 2008.
[37] Panayam ng Human Rights Watch kay Winardi Hanafi Lucky, vice consul, Konsulado ng Indonesia, Jeddah, Disyembre 2006.
[38] Panayam ng Human Rights Watch kay N.L.D. Abeyratne, counselor, Embahada ng Sri Lanka, Riyadh, Marso 2008.
[39] Panayam ng Human Rights Watch kina Rustico S.M. Dela Fuente, labor attaché, Embahada ng Pilipinas, Riyadh, Marso 2008, at Prakash Kumar, deputy chief of mission, Embahada ng Nepal, Marso 2008.
Delicious
Digg
StumbleUpon
Reddit
Ma.gnolia
Facebook
Google
Yahoo
Technorati