July 7, 2008

I. Buod

Sa umpisa ay tumatanggap ako ng 400 riyal bilang buwanang sahod. Dinadagdagan nila ito ng 100 hanggang 200 riyal tuwing dalawang taon. Sa bandang huli ay tumanggap ako ng 700 riyal [$182][1] kada buwan… Bukod pa sa aking suweldo ay binigyan din nila ako ng pera noong huli kong pag-uwi. Dati ay nakakaipon ako at nakakapagpadala ng 200 riyal, 500 riyal, o 700 riyal sa amin... Naging maingat ang asawa ko sa paggamit ng pera, ginamit niya ito sa pagpapagawa ng bahay na ito, sa pagpapaaral at pagkain ng mga anak namin, at pambayad sa mga gastusing pangkalusugan.
¾Fathima F., umuwing domestic worker, Gampaha, Sri Lanka, Nobyemre 8, 2006
Kulang ang isang buong araw kung ikukuwento ko ang aking pinagdaanan. Siguro wala akong dala pag uwi ko… Palo ng electric cable ang natatanggap ko sa aking amo mula alas-dose ng gabi hanngang 2:30 ng madaling araw. Noong huli ang sabi niya, "Pinauwi ka na kung iba ang naging amo mo, pero hindi ko gagawin iyon. Dalawa lamang ang mapagpipilian mo: magtrabaho ka ng walang suweldo o mamatay dito. Kung mamatay ka, sasabihin ko sa mga pulis na nagpakamatay ka."
Kahit na nagtrabaho ako ng walang suweldo ay hindi rin ako nakakasiguro na hindi ako sasaktan ng amo ko. Kaya ako tumakas. Nakakandado lahat ng mga pinto at may rehas na bakal ang mga bintana, kaya walang paraan para makalabas. Merong butas na singawan ng hangin sa banyo at doon ako dumaan para makatakas. Bago ako tumakas ay nagdasal ako at hiniling kay Allah na ako'y tulungan  niya. Maduming-madumi ang katawan ko noon dahil isang buwan akong hindi pinayagang maligo.
¾ Mina S., domestic worker mula sa Indonesia, Riyadh, Saudi Arabia, Marso 12, 2008

Pagkakataon at panganib ang maibibigay ng migrasyon. Napakalinaw nito sa pagdagsa ng mga migranteng manggagawa mula sa Asya patungong Middle East.  Sa isang banda, ang mga migranteng manggagawa ay nakakapagpadala sa kanilang pamilya ng libo-libong dolyar na remittance.  Malaki ang naitutulong nito sa pag-ahon ng kanilang pamilya sa kahirapan, sa pagpapagawa ng bahay, pantustos sa pagpapaaral, at pambayad sa gastusing pangkalusugan – habang nakakatulong sa ekonomiya ng bansang pinagtatrabahuan.  Sa kabilang banda naman ay may mga migranteng namamatay, nasasadlak sa sapilitang pagtratrabaho, at nagiging biktima ng trafficking. Ang mga karanasan ng karamihan sa mga migrante ay nasa gitna ng dalawang mukhang ito ng migrasyon.

Mahigit-kumulang sa 1.5 milyong domestic worker ang nagtratrabaho sa Saudi Arabia, karamihan sa kanila at mula sa Indonesia, Sri Lanka, at Pilipinas. Ang mga manggagawang ito na kinikilala sa kanilang sariling bayan bilang mga "bagong bayani" dahil sa kanilang kinikitang dolyar ay tumatanggap ng mas konting proteksyon sa Saudi Arabia, kumpara sa ibang uri ng trabaho. Humaharap sila sa hindi pangkaraniwang pang-aabuso, subalit wala halos pag-asa na maituwid ang mga pang-aabusong ito. Halos ikaapat na bahagi ng mga dayuhang manggagawa sa Saudi ang bilang ng mga domestic worker. Subalit ayon sa ulat ng mga embahada ng mga nagpapadalang bansa, karamihan sa mga natatanggap nilang reklamo ay mula sa mga domestic worker.

Marami sa mga domestic worker ang napupunta sa maayos na trabaho. Marami rin ang nahaharap sa ibat-ibang uri ng pang-aabuso tulad ng hindi pagtanggap ng sahod, pagkakulong sa bahay ng kanilang mga amo, hindi pagkain, sobrang trabaho, at ilang kaso ng matinding psychological, pisikal, at seksuwal na pang-aabuso. Nakapagtala ang Human Rights Watch ng dose-dosenang kaso kung saan ang pinagsamang mga kalagayang ito ay kahalintulad na ng kalagayang sapilitang pagtatrabaho, trafficking, o mala-aliping kalagayan.

Inamin ng mga opisyal ng Saudi labor at social affairs na kinapanayam ng Human Rights Watch ang problema sa pang-aabuso sa mga domestic worker. Subalit kanilang idiniin na maayos ang trato sa karamihan ng domestic worker sa nasabing bansa. Wala pang datos na lumalabas ang eksaktong makakapagbigay ng wastong bilang ng mga domestic worker na nahaharap sa paglabag sa kanilang karapatan sa paggawa o sa iba pang karapatang pangtao. Subalit lalong lumalaki ang banta na sila ay maabuso dahil sa mga kahinaan sa labor code at mahigpit na gawi sa immigration sa nasabing bansa. Maliit lamang ang pag-asa ng mga nakatikim ng pang-aabuso na tuluyang maituwid ang sinapit nila. 

Ligal na Balangkas at Paraan ng Recruitment

Hindi saklaw ang domestic worker ng Saudi Labor Law na sinusugan ng Royal Decree No. M/51 noong Setyembre 27, 2005. Hindi sila nakakatanggap ng proteksyon na maaaring tanggapin ng ibang manggagawa, tulad ng isang araw na day-off bawat linggo, hangganan sa oras ng paggawa, at paglapit sa mga labor courts na itatayo ayon sa reporma sa sistemang pangkorte na inanunsyo noong Oktubre 2007. Paulit-ulit na inihayag ng gobyernong Saudi na bubuo ito ng isang annex sa labor law na sasaklaw sa mga domestic worker. Subalit hanggang Hunyo 2008 ay hindi pa napipinal ang nasabing annex.

Naniniwala ang Human Rights Watch na ang pagpapatibay at pagpapatupad ng nasabing annex ay isang makabuluhang hakbang tungo sa kagalingan ng mga domestic worker. Subalit upang tunay na maging epektibo ang nasabing reporma, kailangan ng mga may kapangyarihan na magpalabas ng hakbanging mangangalaga sa mga domestic worker na kapantay ng pangangalagang ibinibigay sa ibang manggagawa. Dapat ding mayroon itong sapat na mekanismo upang maipatupad. Kung hindi, magiging mababaw lamang na pagbabago ang naturang annex na mabibigong harapin ang ligal na diskriminasyon sa mga domestic worker.

Ang mahigpit na sistemang kafala (sponsorship) ng Saudi Arabia na nagtatali sa employment visa ng domestic worker sa kanilang mga amo ay nagsisilbi ring gatong sa pagsasamantala at pang-aabuso. Sa sistemang ito, inaako ng amo ang responsibilidad sa magtatrabahong migrante. Ang amo ang dapat na magbigay ng malinaw na pahintulot bago makapasok ang manggagawa sa Saudi Arabia, lumipat ng trabaho, o umalis sa naturang bansa. Binibigyan ng sistemang kafala ang mga amo ng napakalawak na kontrol sa migranteng manggagawa. Marami nang naitalang kaso ang Human Rights Watch kung saan hindi makaalis ang migrante sa mapang-abusong kalagayan o makauwi man lamang. Ito ay sa kadahilanang hindi sila binigyan ng kanilang amo ng permisong umalis sa nasabing bansa.

Nagdurusa ang mga domestic worker hindi lamang sa kahinaan ng mga batas sa paggawa at immigration, kundi pati na rin sa malawak, matakaw sa tubo, at di nasusubaybayang industriya ng labor recruitment sa mga labor-sending na bansa at maging sa Saudi Arabia.  Lumago ang negosyong recruitment ng manggagawa sa Asya at paglalagay sa kanila sa mga amo sa Middle East habang lumaki ng makailang ulit ang migrasyon nitong mga nagdaang dekada.  Sa mga labor-sending na bansa ng manggagawa, ang mga recruiter ay naniningil ng napakataas na bayad at nagbibigay ng mali o nakakalitong impormasyon tungkol sa kalagayan ng paggawa sa bansang pupuntahan.  Sa Indonesia, kinukulong ng ilang buwan sa mga training center at inaabuso bago umalis ang mga aplikanteng kababaihan at dalaga. Sa Saudi Arabia, naisadokumento ng Human Rights Watch ang mga kaso ng hindi pagpansin o pagtanggi ng mga labor agent sa domestic worker na humihingi ng tulong. Sa mga kasong nais ng umuwi ng mga domestic worker, inilipat lamang sila sa ibang amo upang makaiwas ang mga recruiter sa gastos sa pagpapauwi.

Pinag-iisipan ng gobyernong Saudi na pagbutihin ang sistemang kafala sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tatlo o apat na malalaking recruitment agency na mangangalaga sa mga migranteng manggagawa. Nilulutas ng opsyong ito ang ilang likas na problema sa isang sistemang nakabatay sa pangangalaga ng amo sa migrante. Subalit nagluluwal din ito ng mga bagong problema sa pamamagitan ng paglagay ng kontrol ng isang kumikitang industriya sa kontrol ng iilang malalaking ahensiya na magkakaroon ng malakas na kapangyarihan sa buhay ng mga migranteng manggagawa. Upang mapigilan ang katiwalian at pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa ng mga recruitment agency, dapat na kasama sa mga ganitong reporma ang checks and balances upang maprotektahan ang karapatan ng mga migranteng manggagawa. Kasama dapat dito ang mahigpit at nakahiwalay na pagsubaybay.

Pang-aabuso sa mga Domestic Worker

Maraming domestic worker ang makakatagpo ng mga responsableng amo na tatrato sa kanila ng maayos, regular silang sasahuran, at magsisiguro ng maayos na lagay sa paggawa.  Ang mga karanasang ito ang nagsisilbing batayan ng malawak na pananaw na mayroong mapagkakakitaan at nakakapukaw na trabaho sa ibang bansa. Sa kasawiang-palad, suwerte at hindi garantiya ang nagtatakda kung makakahanap sila ng kalagayang tutupad sa minimum standards ng isang disenteng trabaho. Ang mga hindi naman papalarin ay maaaring maipit sa mga napakamapagsamantalang kalagayan na kokonti ang pagkakataong lumabas (exit options).

Ginagamit ng ilang amo ang kanilang kontrol sa ligal na katayuan ng mga migranteng domestic worker at sa pag-iwas sa pananagutan sa labor laws ng Saudi Arabia. Sa mga panayam sa mga domestic worker, diplomatiko ng mga nagpapadalang bansa, at opisyal ng Saudi, karaniwang di-pagbabayad o kulang na pasahod ang nagiging reklamo. Dagdag pa rito, maraming kababaihan ang nagsabing mas mababa ang natatanggap nilang sahod kumpara sa sahod na ipinangako sa kontratang kanilang pinirmahan bago sila umalis ng sariling bansa.

Naisadokumento namin ang ilang kaso ng pisikal at psychological na pang-aabuso ng mga amo at ng mga recruitment agent sa ilang kaso. Ilang halimbawa ng pang-aabuso ay ang pambubugbog, pagpaso ng mainit na plantsa, pananakot, pang-iinsulto, at ilang anyo ng panghihiya tulad ng pagkalbo sa mga domestic worker. Pangkaraniwan din ang hindi pagpapakain. Naikuwento rin ng ilang kababaihan ang mga kaso ng rape, attempted rape, at sexual harassment. Karaniwan itong ginagawa ng mga among lalake o mga anak na lalake ng mga ito. Sa ilang pagkakataon, ginagawa rin ito ng ibang mga dayuhang manggagawa na hiningan ng tulong ng mga domestic worker.  Iniulat ng mga embahada na kakaunti lamang ang mga kababaihang lumalapit sa mga maykapangyarihan sa Saudi upang magreklamo dahil sa takot na sila ang makasuhan ng adultery, pakikipagtalik, at iba pang imoral na asal.

Isa sa mga karaniwang reklamo na natatanggap ng mga embahada at ng Saudi Ministry of Social Affairs ay ang sobrang trabaho. Maraming domestic worker ang nagsabing pinagtatrabaho sila ng 15-20 oras sa isang araw. Isang oras lamang ang kanilang pahinga o kung minsan ay hindi sila nakakapahinga.  Kahit isa sa mga nakapanayam ay hindi nakatikim ng day off o paid leave. Lumalaki at humahaba ang oras ng trabaho sa panahon ng Ramadan. Napipilitan ding magtrabaho ang ilang nakapanayam na domestic worker kahit na sila ay may sakit o masama ang pakiramdam. Dagdag pa rito, marami sa mga domestic worker ang nagtatrabaho sa malalaking bahay, subalit pinapatulog sa masikip na storage room. Isa ang nag-ulat na sa banyo siya natutulog.

Itinatakda ng Saudi immigration policy na dapat may pirma ng amo ang exit visa ng mga migranteng manggagawa na nais nang umuwi. Maraming amo ang tumatangging pirmahan ang exit visa, kaya napipilitan ang mga domestic worker na patuloy na magtrabaho ng ilang buwan o taon kahit labag sa kanilang kalooban. Sa ibang kaso naman, natatagalan bago makauwi ang mga domestic worker na tumakas at naghihintay sa mga shelter dahil hindi pinirmahan ng dating amo ang kanilang exit visa. Nasa kalagayang sapilitang paggawa o pagkaalipin ang mga manggagawa kung sila ay pinipilit ng kanilang mga amo na patuloy na mamasukan kahit labag sa kanilang kagustuhan, magtrahaho sa ilalim ng mapagsamantalang kundisyon, sinasaktan o binabastos, hindi pinapasahod, at kinukulong sa bahay na pinagtatrabahuan.

Ilang salik ang nagiging dahilan ng pagkakabukod, kahirapan sa pera, at limitadong access sa tulong ng mga domestic worker. Maaaring wala na silang makitang paraan upang makatakas sa mapagsamantalang kalagayan na kanilang kinasasadlakan. Dahil sa nakatali ang kanilang work permit sa mga indibidwal na amo, ang pag-alis o pagkatanggal sa trabaho ay nangangahulugan ng agarang pagpapauwi. Kinukumpiska ng maraming amo ang pasaporte at work permit ng mga domestic worker na namamasukan sa kanila. Ibig sabihin, dahil wala silang mga dokumento, nahaharap sa pagkaaresto at pagkakulong ang mga kababaihan at kadalagahan na tumatakas sa kanilang abusadong amo. Hawak ng kanilang mga amo ang pasaporte ng lahat ng aming nakapanayam na domestic worker.  Sa maraming kaso, hindi rin ito pinapakita ng mga amo kahit nakialam na ang mga awtoridad ng Saudi o mga embahada. Ipinagbabawal din ng ilang amo ang tumawag o tawagan sa telepono, makipag-usap sa kapitbahay, o umalis mag-isa. Karamihan sa mga nakapanayam ng Human Rights Watch ay nagsabing kinukulong sila sa bahay na pinapasukan kung umaalis ang kanilang mga amo. Ang iba naman ay ikinukulong sa kuwarto o banyo ng ilang araw.

Mahinang Mekanismo sa Bayad-Pinsala (Redress)

Libo-libong reklamo ng mga domestic worker ang natatanggap taun-taon ng gobyernong Saudi at diplomatiko ng mga labor-sending na bansa. Pinapakita ng aming pagsasaliksik na maraming problema ng mga domestic worker ang hindi naiuulat dahil sa kanilang pagkabukod sa mga pribadong bahay, kakayanan ng mga amo na magpauwi kahit anong oras, at sa mahinang mga mekanismo sa bayad-pinsala na hindi makapagbigay ng insentibo sa mga manggagawa na humingi ng tulong sa kinauukulan.

Sa mga reklamong umaabot sa mga opisyal ng Saudi at mga embahada, ang mga aksyong ginagawa ay nananatiling madalian at pansamantala (ad hoc)at maaari pang makadagdag sa pang-aabuso.Natutulungan ng mga opisyal ng Saudi ang ilang migrant worker na makuha ang kanilang sahod at makauwi. Ang iba naman ay binabalik sa malulupit na amo, inuusig sanhi ng kontra-reklamo ng mga amo, o inuutusang makipag-ayos na lamang kahit kiling sa amo ang resulta. Dahil sa hindi pantay na kapangyarihang makipag-tawaran, umuuwi ang mga domestic worker na hindi nakatanggap ng kanilang buong sahod o nabigyang katarungan sa natamong pang-aabuso.

May pinapatakbong center sa Riyadh ang Ministry of Social Affairs para sa mga domestic worker na nangangailangan ng exit visa, tiket pauwi, identification documents, at may alitan sa amo tungkol sa pasahod.  Isang mahalagang hakbang ang center na ito sa pagbibigay sa mga domestic worker ng isang mekanismo na lulutas sa kanilang problema sa labor at immigration. Subalit ilang aspeto ng operasyon ng nasabing center ang lubos na nakakabahala. Karaniwan ay napipilitang tanggapin ng mga domestic worker ang di pantay na kasunduan na magbibigay sa kanila ng mas maliit na kabayaran. Tumatagal din sila ng ilang buwan sa masikip at punong-puno na center na halos walang alam sa takbo ng kanilang mga kaso.

May mga problemang haharapin ang mga domestic worker sakaling sila ay bumangga sa criminal justice system ng bansang Saudi Arabia: kakulangan ng maagap at mahusay na interpreter, tulong ligal, paglapit sa mga konsulado; palsong kontra-kaso ng pagnanakaw at pangkukulam na layong itago ang pagmamaltrato; malupit at may diskriminasyong batas sa moralidad na ginagawang krimen ang pakikisalamuha sa mga di kaanu-anong kalalakihan at pakikipagtalik. Ang mga domestic worker na biktima ng panggagahasa o sexual harassment subalit hindi ito mapatunayan ayon sa pamantayan ng ebidensiya ng mahigpit na Sharia ay maaari ring usigin sa kasong imoralidad at adultery. Ang mga parusa sa ganitong mga krimen ay pagkakulong, paghagupit at sa ilang kaso ay parusang kamatayan.

Umaangal ang mga opisyal ng mga embahada na walang takdang alituntunin o sistema sa paghawak ng kaso ng pang-aabuso laban sa mga domestic worker. Isang hindi nagpakilalang opisyal ng embahada ang nagsabing, "Walang pamantayan. Hindi namin masabi na ganito ang alituntunin sa mga kababaihan sa Riyadh sapagkat bawat kaso ay naiiba. Iba ang solusyon sa tuwi-tuwina dahil nga walang alituntunin."[2]

Sa kawalan ng mabisang mekanismo sa bayad-pinsala para sa mga biktima ng pang-aabuso, kritikal ang magiging papel ng legasyon o foreign mission ng mga labor-sending na bansa sa pagbandila ng karapatan ng kanilang kababayan sa Saudi at pagbibigay serbisyo tulad ng matutuluyan, tulong ligal, at pag-asiste sa pagkuha ng hindi binayarang sahod mula sa mga amo. Malaki ang pagkakaiba ng kakayanan at tulong na maibibigay ng mga legasyon ng Indonesia, Sri Lanka, Pilipinas, Nepal, at ibang nagpapadalang bansa. Marami sa kanila ang nagsisikap na harapin ang napakaraming reklamo sa kabila ng kakulangan sa pinansiya at tauhan. Bagaman kinakaya ng mga mission na ito na makapagbigay ng batayang tulong sa maraming pagkakataon, umaangal pa rin ang mga domestic worker sa haba ng panahon ng paghihintay at kakulangan sa impormasyon tungkol sa kanilang kaso. Punong-puno at napakadumi ng mga shelter na pinapatakbo ng mga bansang Indonesia at Sri Lanka. Wala namang pinapatakbong shelter ang Nepal kahit na napakarami ritong naghahapag ng reklamo.

Bilang tugon sa mga pang-aabusong inilabas ng report na ito, ilang mga labor-sending na bansa ang sumubok o nanawagan ng ban o pagtigil  sa pagpapadala ng kababaihang manggagawa sa Saudi Arabia. Subalit pinatunayan ng karanasan na itinutulak lang ng mga nasabing ban ang mga kababaihan na mangibang bayan sa pamamagitan ng mas delikado o iligal na pamamaraan na naglalagay sa kanila sa mas malaking panganib. Bilang tugon, sinubok namang bawasan ng Saudi Arabia at ibang pinagtatrabahuang bansa na bawasan ang kanilang pag-asa sa migrant labor o magpalabas ng mahigpit na immigration policy sa pagsisikap na pigilan ang daloy ng iligal na mga migrante.

Mahalaga ang mas malawak na multilateral at regional na pagtutulungan sa pagbubuo at pagpapatupad ng maayos at nababatay sa katarungang (rights-based)migration policy. Dahil sa di-pantay na kakayanang makipagtawaran, humihina ang mga bilateral na labor agreement sa pagitan ng mga labor-sending at labor-receiving na mga bansa. Ang mga inisyatibang pag-usapan ng mga bansa ang usapin ng migrasyon, tulad ng Colombo Process, Abu Dhabi Dialogue, at Global Forum on Migration and Development, ay posibleng magsilbing mahalagang behikulo upang harapin ang usapin ng karapatan ng mga dayuhang migrant worker. Dapat na bumuo ang mga pulong na ito ng mas malakas na ugnayan sa mga pamamaraan ng United Nations, at katawanin at gawing tuntungan ang mga umiiral na tratado at patnubay sa human rights para sa mga migrante.

Mga Rekomendasyon sa Gobyerno ng Saudi Arabia

Hindi pagpapatigil sa pangingibang bayan ang susi sa pagwakas sa pang-aabuso, kundi ang pagbibigay ng sapat na proteksyon upang umalis ang mga domestic worker batay sa malayang pagpili (informed choice) at may garantiyang igagalang ang kanilang karapatan.  Maraming pang-aabuso sa mga domestic worker ang maaaring mapigilan o maiwasan. Kung mangyari man ang mga ito, may malinaw na mga hakbang na magagawa ang mga gobyerno upang singilin ang mga may kasalanan.

Iniri-rekomanda ng Human Rights Watch sa gobyerno ng Saudi Arabia na:

  • I-reporma ang sistemang visa sponsorship upang hindi na matali ang mga manggagawa sa mga indibidwal na sponsor at makalipat sa ibang amo o umalis sa Saudi Arabia anumang oras na pagpasyahan nila.
  • Pagtibayin ang panukalang annex sa 2005 Labor Code na magbibigay proteksyon sa mga domestic worker, siguruhing kapantay ito ng proteksyong ibinibigay sa ibang manggagawa, at bumuo ng iskedyul at kasangkapan para sa implementasyon nito.
  • Makipagtulungan sa mga labor-sending na bansa sa pagsubaybay sa kalagayan ng mga domestic worker, padaliin ang pagliligtas, siguruhin ang pagkuha ng sahod na hindi nabayaran, at ayusin ang napapanahong pagpapauwi.
  • Pagbutihin ang mga pasilidad at protokolpara sa mga center na pinapatakbo ng Ministry of Social Affairs.
  • Makipagtulungan sa mga labor-sending na bansa sa pagsasabi sa mga ito tungkol sa mga nakakulong na dayuhan at magtayo ng mga shelter, atensiyong medikal, counseling, at ligal na tulong, para sa mga biktima ng pang-aabuso.
  • Bumuo ng mekanismo para sa regular at independiyenteng pagsubaybay sa mga labor agency at paraan ng recruitment, kasama ang biglaang inspeksyon.

Mga Susing Rekomendasyon sa mga Gobyernong Nagpapadala ng mga Manggagawa (kasama ang Indonesia, Sri Lanka, Pilipinas, at Nepal)

  • Pag-igihin ang serbisyo, kasama ang kalidad ng mga shelter, kahandaan ng counseling, at bilang ng mga turuang tauhan, para sa mga migranteng domestic worker sa mga embahada at konsulado sa Saudi Arabia
  • Palakasin ang regulasyon at pagsubaybay sa mga recruitment agent, kasama ang biglaang inspeksyon at epektibong mekanismo sa mga reklamo.
  • Palawakin ang mga programa sa pagpapalakas ng kamalayan ng publiko para sa mga umaasang migrant domestic worker at palakasin ang mga pre-departure training programs.

May kumpletong listahan ng mga rekomendasyon sa dulo ng report na ito.

[1]Maliban na lamang kung babanggitin, gamit ng ulat na ito ang palitan sa pagitan ng US dollar at ng Saudi riyal noong Disyembre 2006. Ang palitan noon ay 1 riyal sa $US20.26.

[2]Panayam ng Human Rights Watch kay J., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Saudi Arabia, Disyembre 13, 2006