July 7, 2008

XI. Protection Measures sa Labor-sending Countries at Kahinaan ng mga Ito

Tinawagan ko ang agent at tinawagan ko ang embahada. Embahada lang ang sumagot para palakasin ang loob ko o mag-mungkahi ng solusyon… Sana mas marami at mas maayos ang gawin ng embahada. Dapat na lumaban ang gobyerno ng Indonesia. Dapat mag-matigas din ang embahada sa mga mamamayang Saudi. Ang bagal-bagal ng proseso.
¾ Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006
Isa akong diplomatiko, hindi isang social worker.
¾ Embassy official J mula sa isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008

Sa harap ng mahigpit na patakaran sa immigration na nagiging sanhi ng pagka-stranded ng mga migranteng kababaihan, at ang kawalan ng epektibong lokal na mekanismo sa bayad-pinsala para sa mga biktima ng pang-aabuso, napakahalaga ng papel na gagampanan ng foreign mission ng mga labor-sending na bansa sa pagbibigay ng masisilungan, serbisyo, at ligal na tulong sa mga domestic worker. Gaya ng tinalakay sa seksiyon na "Pang-aabuso at Pagsasamantala sa Paggawa" sa Chapter III, libo-libong kaso ang hinahawakan ng mga foreign mission bawat taon. [312]

Ayon sa mga diplomatiko mula sa embahada ng Pilipinas, bagaman 10-20 porsiyento ng mga Pilipino [sa Saudi Arabia] ay mga domestic worker, sa usapin naman ng mga may problema ay higit sa 90 porsiyento ang kanilang [domestic worker] kinakatawan." [313] Sinabi ng ambassador ng Sri Lanka sa Human Rights Watch na merong 185 na kababaihan sa shelter noong panahon ng pakikipanayam. Sinabi rin niya na halos 400 reklamo at tanong ang natatanggap niya bawat linggo mula sa Sri Lanka na galing sa pamilya ng mga nagtatrabahong domestic worker at mga umuwing domestic worker. [314]

Pinapagaan ng mga embahada ng Indonesia, Sri Lanka, Pilipinas, at Nepal ang pagpapauwi ng kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapatunay ng nasyonalidad ng manggagawa at paghahanda ng mga pansamantalang travel document na magagamit ng mga ito sa halip na pasaporte. Sinisikap din nila na makipag-ayos ng financial settlement sa pagitan ng mga amo, domestic worker, at labor recruitment agents sa mga kaso ng hindi nabayarang sahod o kawalan ng tiket pauwi. Ilang mission ang nagtayo ng safe houses na magbibigay ng masisilungan sa mga domestic worker bago umuwi ang mga ito o iyong mga kailangang maghintay ng ilang buwan o taon sa pagtatapos ng kanilang mga kasong kriminal. At nakapagbibigay din ang mga mission na ito ng tulong sa paglapit sa tulong ligal, interpreter, at alagang medikal.

Ilang embahada ang nagtangka na ring ayusin ang kanilang pangangalap ng datos at pagsubaybay sa mga domestic worker sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga kontrata, paghanap sa mga pangalan at tirahan ng mga amo, at paglagay sa blacklist ng mga among nakagawa ng pang-aabuso. Halimbawa, sinabi ng isang opisyal, "iyong mga nang-abuso ay nilalagay namin sa blacklist sa loob ng lima hanggang sampung taon. Iyong mga gumawa ng grabeng pang-aabuso ay permanente nang nasa blacklist." [315]

Mga Limitasyon sa Pagtatrabaho sa Saudi Arabia

Nahaharap sa maraming limitasyon ang mga diplomatiko mula sa labor-sending na mga bansa, kasama ang pangangailangan ng mga domestic worker ng exit visa bago sila umalis sa nasabing bansa, kakulangan sa pondong pambayad sa mga tiket sa eraplano, at ang pagtutol ng Saudi sa pagkakaroon ng embassy safe houses. Ilang opisyal ng ilang embahada ang nagsabi sa Human Rights Watch na delikado ang pagkakaroon nila ng embassy safe houses dahil matabang ang pagbigay ng permiso ng mga awtoridad ng Saudi sa operasyon ng mga ito. Sabi ng isang opisyal, "Wala kaming permiso sa operasyon ng safe house… Nakikita nila ang pangangailangan, pero ayaw kaming opisyal na kilalanin." [316]

Ang pasanin ng pagpapalaya sa mga domestic worker mula sa kalagayan ng pagkakulong ay nasa balikat ng mga embahada. Nakakatanggap sila ng mga tawag mula sa mga domestic worker na humihingi ng tulong, subalit hindi nila masagip kaagad ang mga ito kapag walang kooperasyon ng pulisya ng Saudi. Sa ilang kaso, nagtutulong ang mga staff ng embahada at pulisya sa pagsagip sa manggagawang ikinandado sa loob ng bahay na pinagtatrabahuan. Sa mga kasong walang pulis na tutulong, sinasabihan ng embahada ang mga domestic worker na kailangan nilang humanap ng paraan na tumakas mag-isa. Ang ilang domestic worker ay hindi nagkakaroon ng pagkakataong tumakas at ang iba naman nagtatangkang tumakas sa delikadong paraan tulad ng pagtalon sa bintana. Sinabi sa amin ng isang domestic worker,

Araw-araw akong umiiyak sa kaiisip. Nakausap ko ang embahada ng Sri Lanka sa Sinhala at sabi nila sa akin na hindi nila ako mapupuntahan. Sa halip, sinabihan nila ako na dapat na akong tumakas at tumakbo sa embahada. Hindi ako tumakas dahil sa aking takot. [317]

Iyon namang nakakatakas ay nanganganib namang maabuso ng mga taong kunwa'y tutulung sa kanila, maaresto at ma-deport dahil sa paggala nang nag-iisa at walang identity document. Sa kabilang banda, nahaharap naman ang mga embahada sa political pressure at karamihan ay kailangang bakahin ang karaniwang pananaw ng mga amo at awtoridad na mga embahada ang bumubuyo sa mga migranteng domestic worker na tumakas. Sinabi ni Dr. Abd- al-Muhsin al Akkas, ministro ng social affairs, sa Human Rights Watch, "umupa pa ang mga dayuhang embahada ng mga safe house para buyuin ang mga mangagawa na tumakas at pagkatapos ay papaupahan ang mga bahay sa mga bagong amo kapalit ng komisyon." [318] Sinabi naman ng isang opisyal ng embahada na "noong una ay tinatangka ng pulis na isara ang safe house, ngayon nasanay na sila." [319]

Habang gumagampan ang mga embahada bilang kanlungan ng mga domestic worker na tumatakas sa kanilang pinagtatrabahuan, kailangan ding bukas sila kahit Sabado at Linggo at sa gabi, dahil ito ang mga panahong may pagkakataong tumakas ang domestic worker. Ilang bahagi ng embahada ng Pilipinas ang bukas kapag Huwebes at Biyernes para tulungan ang mga domestic worker na tatakas sa katapusan ng linggo. Sa kabilang banda naman, walang nag-aabang na 24-oras na security guard ang embahada ng Sri Lanka sa Riyadh, kaya kung sarado ang embahada, ang tulirong takas na domestic worker ay maiiwang stranded sa kalye. Isa itong natatanging mapanganib na kalagayan para sa isang babaeng walang kasamang lalaking padrino at lumabag sa immigrationlaws dahil sa "pagtakbo" mula sa kanyang amo.

Kakulangan sa Resources at Hindi Pantay na Pagtugon

Ang tanging bagay na nagpapalungkot sa akin ay ang oras na ginugugol ko sa clerical, gawaing administratibo, pagsagot sa telepono, pag-asikaso sa mga bisita, air ticket, at iba pa.
Hindi ko maharap ang group therapeutic session. Isa akong social worker, ito ang kasanayan ko. Gusto kong gawin ito, pero hindi ko magawa dahil sa dami ng aking tungkuling pang-administratibo.
¾ Social worker, safe house ng embahada ng Pilipinas, Riyadh, Disyembre 7, 2006

Karaniwang embahada lang ang tanging magtataguyod sa isang domestic worker upang mapaganda ang kanyang pagkuha ng bayad-pinsala.Pinalakas din ng mga embahada ang kanilang serbisyo at kapasidad nitong mga nagdaang taon. Subalit karamihan sa mga foreign mission ay kulang pa rin sa mga tauhan para harapin ang malaking bulto ng reklamo, at walang mga may kasanayang staff tulad ng mga social worker o abogado. Nagsusumikap man sila, madalas na nabibigong punuan ang minimum na pangangailangan upang makapagbigay ng pansamantalang kanlungan, paghawak ng kaso, at ibang serbisyo para sa mga domestic worker.

Iba-iba ang kalidad ng ibinibigay na serbisyo sa pagitan ng mga diplomatic mission at karaniwang umaasa sa aktiitud ng mga staff. Kung ang iba ay may malalim na dedikasyon sa pagbibigay ng tulong sa kanilang kababayan, ang iba naman ay naiinis o hindi pinapansin ang reklamo ng mga domestic worker. Halimbawa, tumanggi ang isang ambassador na gamitin ang pondo ng embahada sa pagbili ng tiket para sa mga stranded na domestic woker at nagsabing, "Kailangan hawak namin ang pera nila kasi istrikto ako. Kung pagbibigyan ko ang isa, babahain naman kami ng reklamo" [320] Dagdag pa niya, "Masisisi mo ba ang among Saudi kung hindi niya pasasahurin ang domestic worker sa loob ng dalawang taon? Kasi kung hindi, tatakas lang ang katulong at magtatrabaho sa ibang amo" [321]  

Sa Riyadh at Jeddah lamang matatagpuan ang mga foreign mission.  Ito ay nagiging sanhi ng lalo pang pagkabukod ng mga domestic worker na nasa malalayong lalawigan. Isa ito sa mga problemang laging binabanggit ng mga diplomatiko at sinasabing, "Nasa malalayong lugar ang ilang domestic worker at hirap silang lumapit sa embahada." [322] Ang pagtugon sa mga ganitong kaso ay nangangailangan din ng mas mahabang oras, tauhan, at resources. Sinabi ng opisyal ng isang konsulado, "[halimbawa] nangyari ang isang kaso ng sexual harassment sa kanlurang rehiyon, sa rehiyon ng Aser na 1,200 kilometro ang layo. Kapag nagreklamo ang babae… kailangang magpadala kami roon ng tao para tulungan siya sa pagtakas at dalhin sa Jeddah. Kailangan naming isampa ang kaso sa Abha." [323]

Tinutulungan ng staff ng embahada ang domestic worker na makipag-usap sa pulisya at korte at magbigay ng tulong ligal doon sa mga may kasong kriminal. Dapat kilalanin at magbigay ng travel document ang staff ng embahada para sa mga domestic worker na nahaharap sa deportasyon. Habang ang gobyerno ng Pilipinas ay kalimitang nakakapagbigay ng tulong ligal doon sa mga nasasakdal sa kasong kriminal, paiba-iba naman ang naging pagbibigay tulong ng mga gobyerno ng Sri Lanka at Indonesia.

Si Rizana Nafeek, dalagitang Sri Lankan na hinatulan ng kamatayan sa umano'y salang pagpatay sa batang inaalagaan, ay walang natanggap na tulong ligal sa dalawang taong paglilitis sa kanya, hanggang sa pandaigdigang ingay matapos siyang sentensiyahan (tingnan sa taas). Sabi sa amin ng isang mataas na opisyal mula sa embahada ng Sri Lanka, "Sa kaso ni Rizana Nafeek, gagastos ng 50,000 riyal [$13,000] para pag-aralan ang pag-apela sa kaso. Limampung-libong riyal. Tama bang gumastos ng ganito kalaking halaga para sa mga kriminal?" [324]

Si Amanthi K., isang manggagawang Sri Lankan na nabuntis matapos siyang gahasain ng amo, ay nahatulang makulong sa kasong extramarital sexual relations. Sabi niya, "Wala nang dumalaw sa akin sa kulungan pagkatapos noong araw na iyon sa korte. Hindi nag-iwan ng anumang numero ang embahada at ang abogado para makaugnayan ko sila." [325]

Hindi naging pantay ang pagtataguyod ng mga embahada sa ngalan ng kanilang kababayan, kasama ang pag-imbestiga at pag-dokumento sa pang-aabuso. Habang ang ilang domestic worker ay nag-ulat na kumpleto ang naging pagtala sa kanilang mga naging karanasan, ang iba naman ay nagsabing nagkaroon sila ng malalaking pasa, pero hindi ito nai-dokumento ng embahada o pulisya sa pamamagitan ng pag-litrato. Halimbawa, Sabi ni Ani R., "Dati may mga peklat ako dahil sa bugbog… Nawala na ang mga ito noong nasa shelter ako. Walang kumuha ng litrato. Sanhi ng bugbog ang mga peklat, pamumula sa aking mga pulso at likod." [326] Isang opisyal ng embahada ang nagpamalas ng walang awa at pabayang aktitud sa mga kaso ng sexual abuse, at nagsabing, "Hindi kami hihingi ng husto hanggat hindi buntis ang babae. Ito ang kailangang impormasyon… Kung hindi siya buntis, walang silbi sa amin ang kaso ng sexual abuse." [327] Lumitaw na limitasyon ang kakulangan sa tao sa mga panayam sa staff ng mga foreign mission na nakapanayam ng Human Rights Watch. Ang kakulangan sa babaeng staff na tutulong sa mga domestic worker, partikular sa mga safe house at bilang mga social worker, ay matingkad na kakulangan sa staffing. Sabi ng isang lalaking opisyal, "Ayon sa ating kultura, hindi puwedeng tanungin nang direkta ng isang lalake ang isang babae tungkol sa sexual abuse." [328] Nabanggit ng isang diplomatiko ang mga balakid sa mga babaeng staff, at sinabing, "Hindi madali para sa isang babae ang magtrabaho sa Saudi nang walang maayos na guardianship. Kung gusto naming makipag-usap sa opisyal ng pantay, mas maganda kung staff na lalaki ang ipapadala, wala silang limitasyon." [329] Nakapanayam ng Human Rights Watch ang ilang domestic worker na dumanas ng pambihirang pisikal at psychological na pang-aabuso, pero hindi dumaan sa propesyunal na mental health care sa kabila ng ilang buwan o taong pagtigil sa safe house ng mga embassy.

Maraming mga domestic worker na nakapanayam ng Human Rights Watch sa shelter ng mga embassy ang umangal na konti ang kanilang impormasyon tungkol sa kanilang kaso, kung gaano sila katagal maghihintay para maresolba ang kanilang travel document, sahod na kinukuha, kasong kriminal, o pagbili ng tiket pauwi. Dahil sa kawalan ng impormasyon tungkol sa proseso o regular na pagdating ng impormasoyn tungkol sa kanilang kaso, hindi makakagawa ng maayos na desisyon ang mga domestic worker at karaniwang malungkot o balisa sila habang naghihintay sa shelter. Si Dian W., isang domestic worker na Indonesian, ang nagsabing,

Pangako sila ng pangako na makakaalis na ako, pero isang taon na ang lumipas at wala pa ring nangyayari… Dapat kahit papaano sabihin nila kung saang antas na ang kaso ko... Walang nag-aasikaso sa akin. Kahit papaano dapat may magpaliwanag kung may makukuha akong hustisya  o wala. Gusto ko nang umuwi at magtrabaho at magpalaki ng aking mga anak."[330]

Matingkad ang pagkakaiba-iba ng ibinibigay na shelter sa hanay ng mga foreign mission. Halimbawa, may bunk bed ang shelter ng embahada ng Pilipinas at compound kung saan makakagala sila at makakalanghap ng sariwang hangin. Sa kabilang banda naman, isang mananaliksik ng Human Rights Watch na dumalaw sa shelter ng Indonesia ang may natagpuang 200 babaeng natutulog sa masisikip na kuwarto na pinamumugaran ng ipis at daga. Hindi lalampas ng 100 tao ang kapasidad ng shelter, ngunit humigit kumulang sa 200 domestic worker sa safe house ng Sri Lanka ang natutulog sa sahig at karamihan ay nakaipon sa ikalawang palapag. Dalawa lamang ang banyong nagagamit ng mga kababaihan at sinabi ng mga ito na isa o dalawang beses lang sila nakakapaligo. Sabi ng isang domestic worker na taga Sri Lanka na nakatigil sa shelter noong panahon ng panayam, "Walang matulugan doon [sa embahada], hindi kami makagala. Grabe doon sa embahada."[331] Walang safe house para sa mga domestic worker ang embahada ng Nepal at panandalian at pansamantala (ad hoc arrangement)lamang ang ginagawa nitopara sa mga manggagawa.

Maliban sa pagkain, walang ibang ibinibigay na kailangang gamit ang shelter, tulad ng mga produktong pambabae (feminine hygiene products) o gamit sa pag-aalaga ng sanggol. Sabi ni Dian W., na nagkaanak matapos gahasain ng kanyang amo at isang taon ng nakatigil sa safehouse ng embahada ng Indonesia, mahirap kumuha ng mainit na tubig para sa anak niya. Nagsimula siyang umiyak nang ikuwento niya,

Mahirap pumunta sa ospital kung may sakit ka, kasi kailangan ng sulat galing sa embahada o sa pulisya. Sinisipon at inuubo ang anak ko… Ako lang ang kumikilos mag-isa. Hindi pa natingnan ng doktor ang anak ko mula noong ipanganak ito.  Mahirap makakuha ng murang gamot, kahit na lampin hindi ako makabili dahil sobrang mahal nito. Iyong mga pauwi binibigyan ako ng sampung riyal. Nagkakahalaga ng 55 riyal ang lampin. Hindi sagot ng embahada ang lampin. Wala akong nakukuha sa embahada.[332]

Arbitrasyon ng mga Foreign Mission sa Labor Dispute

Noong tinawagan ng staff ng embahada ang amo ko, sinabi nito, "Kung gusto niyang bumalik sa Pilipinas, pumunta siya sa deportation center." Ayaw nilang ibigay ang aking exit visa, pasaporte, o ang sahod ko. Laging tinatawagan ng staff ng embahada ang amo ko, pero hindi  sila sinasagot nito. Ayaw nilang pumunta dito dahil siguro takot sila.
¾ Sandra C., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006

Dahil sa limitadong mekanismo para sa bayad-pinsalapara makuha ng mga domestic worker ang sahod nilang hindi nabayaran, nagsimula ng mamagitan o mag-arbitrateang labor section ng mga embahada sa marami sa mga alitang ito. Nangangalap ng impormasyon ang staff ng embahada tungkol sa reklamo ng domestic worker at nagsisikap na makaugnay ang recruitment agency at ang amo. Karaniwang pinapapunta nila ang amo sa embahada para isuko nito ang mga gamit at identity document ng manggagawa, at para makuha ang hindi nabayarang sahod at perang pambili ng tiket pauwi. Sinabi sa amin ng isang opisyal, "Tinatawagan namin ang amo at sinasabihan itong ayusin niya ang kanyang ugali. Tinatakot namin siya na amin siyang isusuplong. Kung maayos ang alitan, puwede nang bumalik sa trabaho ang manggagawa. Karaniwan ayaw pakawalan ng amo ang manggagawa." [333]

Iba-iba ang maaaring maging resulta ng mga labor negotiation na ito. Isang matingkad na balakid sa paghabol ng bayad-pinsala ay ang pagkabukod ng mga domestic worker na nakakulong sa lugar na pinagtatrabahuan. at nalilimita ng mga balakid sa lengguwahe, batayang impormasyon tulad ng buong pangalan ng kanilang amo, address, at contact information. Halimbawa, isinalarawan ni Wati S. ang kalagayan ng maraming domestic worker ng kanyang sabihin,  "Hindi ko alam ang number ng telepono o address ng aking amo. Mr. Hassan lang ang tawag ko sa kanya." [334] Labing-isang (11) taon ng naghihintay sa embahada si Sisi R. para kanyang makuha ang anim na taong sahod na hindi ibinigay ng kanyang mga amo. Para mahagilap ang amo, sinabihan siya ng staff ng embahada at mga pulis na ituro niya ang direksiyon ng bahay nito. Sabi niya, "Anim na beses na naming sinubok na puntahan ito… Naliligaw ako sa daan. Hindi ko mahanap ang bahay." [335]

Dapat na may impormasyon na tungkol sa mga amo ang Saudi immigration at embahada ng mga labor-sending na mga bansa sa simula pa lamang ng pag-proseso ng visa ng manggagawa. Subalit sa maraming kaso ay hindi natutukoy ang datos na ito. Hindi nakausap ng Human Rights Watch ang departamento ng Saudi immigration at wala itong nakuhang sagot sa mga paghingi ng impormasyon para maintindihan lalo ang isyung ito. Sinabi ng isang opisyal ng Ministry of Labor na sa ilang kaso ay hindi nagbigay ang mga domestic worker ng tunay nilang pangalan dahil takot sila sa magiging resulta ng pagtakas mula sa kanilang amo. [336] Ipinaliwanag ng ilang opisyal ng mga embahada na ipinapakita lang ng kanilang record kung sinong manggagawa ang nabigyan ng awtorisasyon na pumunta sa Saudi Arabia, pero wala silang petsa o kompirmasyon ng pagpasok sa bansa. Kailangan ng Saudi Arabia at labor-sending na mga bansa ng mas pinaunlad na koordinasyon at maayos na database na tutukoy sa pangalan, address, at contact information sa bawat amo at manggagawa. Kung hindi, ang mga amo ay hindi mahahanap ng mga opisyal para ayusin ang mga labor dispute o magsampa ng kasong kriminal.

Kahit na makaugnayan ng mga embahada ang isang amo, madalas na magresulta ang mga negosasyon para resolbahin ang mga sahod o tiket na di nabayaran sa financial settlement na sumasalamin sa pagkakalayo ng kapangyarihan ng salita ng manggagawa laban sa kanyang amo, at sa kawalan ng awtoridad at lakas sa pagpapatupad ng isang dayuhang mission sa isang mamamayan ng Saudi. Parehong umaangal ang opisyal ng mga embahada at domestic worker sa kalagayan na kung saan tumanggi ang mga amo kahit na pumunta sa embahada para pag-usapan ang alitan sa pasahod. Sabi ng opisyal ng isang konsulado sa Jeddah, "Mabibilang ko sa isang kamay kung ilang amo ang pumunta sa isang tawag lang." [337]

Dahil sa kakayanan ng amo na hindi magbigay ng permiso para sa exit visa ng manggagawa o paglipat sa ibang trabaho, napakalaki ng kanilang kapangyarihang makipagtawaran kapag nag-aayos ng alitan sa pasahod. Sabi ni Sri H., "Sinikap nilang kunin ang siyam na buwan kong sahod at ang aking tiket, pero hindi sumasagot ang aking sponsor." [338] Sabi ni Latha P.,

Paulit-ulit na sinabi ni Baba na binayaran na niya ang sahod ko. Sabi ng mga tauhan ng embahada sa pulisya, 'Kung sinasabi mo na binayaran mo na ang sahod niya, dapat binayaran mo siya sa harap namin.' Pilit sila ng pilit na binigay na nila ang sahod ko at sinabing nagsisinungaling ako. Sumuko na ako at sinabi sa mga tauhan ng embahada, "Ilagay nyo na ako sa ibang bahay para kumita ako ng perang pambili ng aking tiket.' Sinubok ni Sir, pero nabigo siya dahil naglabas si Baba ng written statement na hindi ako puwedeng magtrabaho sa ibang bahay. [339]

Palaging natutuloy ang ganitong proseso sa pagtanggap na lamang ng domestic worker ng kahit anong halagang gustong ibigay ng amo. Ikuwinento ni Indara P. ang dinaanan niyang negosasyon, "Binigyan nila ako katumbas ng anim na buwan kong suweldo, pero hindi ang sahod ko sa natitirang dalawang buwan. Ibinigay sa akin ang sahod ko at pinagalitan ako. Sabi nila, :Tumahimik ka na lang at tanggapin ang ibinibigay namin" [340] Umaangal ang ilang dayuhang manggagawa na hindi sila ipinagtatanggol maigi ng kanilang foreign mission. Sabi sa Human Rights Watch  ng isang aktibista mula sa isang NGO, "Sinasabihan ng staff ang mga domestic worker na tanggapin ang settlement at kung hindi ay matatalo ang buong kaso. Pero hindi totoo na kung hindi sila pumayag ay hindi susulong ang kaso." [341]

Sa maraming kaso ay tumatagal ang pagsisikap ng embahada na makuha ang sahod at nagiging desperado ang mga domestic worker na makauwi. Karaniwang nararamdaman ng mga domestic worker na wala silang magagawa kundi huwag ng kunin ang kanilang sahod at bumili ng sarili nilang tiket pauwi, matapos ang matagal na pagkahiwalay sa kanilang pamilya, pagka-trauma sa naging karanasan nila sa paggawa, at may matinding pangangailangang muling magtrabaho para kumita. Isang opisyal ng labor-sending na bansa ang nagsabi, "May pressure mula sa pamilya, sa gobyernong Saudi, at sa manggagawa mismo. Umiiyak at sinasabing gusto na niyang umuwi kahit hindi niya makuha ang kanyang sahod. Karaniwan merong kompromiso. Pasalamat na kami kung makuha namin ang perang pambili ng tiket pauwi at ang kanyang kaligtasan." [342] Sabi ni Marjorie L. sa amin, "Payag na kong ako ang bumili ng tiket ko, pero kailangan ko pa rin ang exit visa at pasaporte. Kaya tumawag [ang konsulado] sa una kong amo at sinabihan din ako na dapat kong kunin ang aking sahod. Tinulungan nila akong magsampa ng kaso. Ayoko ng anumang kaso. Dalawang buwan na ang nakalipas at nandito pa rin ako. Sabi ng konsulado, 'Hindi, kailangang kunin natin ang pera mo.' Gusto ko nang bumalik sa Pilipinas. Kung makakalipad, makakalakad o makakalangoy ako – kasi gusto ko ng makita ang baby ko." [343]  

Sa ilang kaso, umuuwi ang mga domestic worker ng hindi nakukuha ang buo nilang sahod. Pagkauwi ay susulat sila sa embahada para humingi ng tulong na makuha ang sahod nilang hindi binayaran. "Pinakakaraniwan, lima o anim na buwan pagkauwi nila, maghihintay sila at aasang magpapadala ng pera ang kanilang amo. Susubukan naming ayusin ito," sabi ng isang opisyal ng embahada. [344] Sa oras na makaalis ng Saudi Arabia ang domestic worker, mas malabong tugunan ng mga amo ang mga pagsisikap ng embahada na ayusin ang mga kaso ng hindi pagpapasuweldo at iba pang alitan.

[312] Panayam ng Human Rights Watch sa mga opisyal ng mga labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 2006.

[313]Panayam ng Human Rights Watch sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas, Riyadh, Disyembre 2006.

[314] Panayam ng Human Rights Watch kay A.M.J. Sadiq, ambasador, Embahada ng Sri Lanka, Riyadh, Disyembre 2006..

[315] Panayam ng Human Rights Watch sa isang opisyal ng embahada ng Indonesia na ayaw magpakilala, Riyadh, Nobyembre  2006..

[316] Panayam ng Human Rights Watch kay P. opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 8, 2008.

[317] Panayam ng Human Rights Watch kay Jayanadani A., umuwing domestic worker, Kandy, Sri Lanka, Nobyembre 10, 2006.

[318] Panayam ng Human Rights Watch kay Dr. Abd al-Muhsin al-`Akkas, Riyadh, Disyembre 2, 2006.

[319] Panayam ng Human Rights Watch kay P, opisyal ng embahada ng isang  labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 3, 2006.

[320] Panayam ng Human Rights Watch kay C, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 4, 2006.

[321] Ibid.

[322] Panayam ng Human Rights Watch sa mga opisyal at konsulado ng mga labor-sending na bansa, Riyadh at Jeddah, Disyembre  2006 at Marso 2008.

[323] Panayam ng Human Rights Watch kay E, opisyal ng konsulado ng isang labor-sending na bansa, Jeddah, Disyembre 9, 2006.

[324] Panayam ng Human Rights Watch sa isang opisyal ng embahada ng Sri Lanka, Riyadh, Disyembre 2006.

[325] Panayam ng Human Rights Watch kay Amanthi K., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006.

[326] Panayam ng Human Rights Watch kay Ani R., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.

[327] Panayam ng Human Rights Watch kay J, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

[328] Panayam ng Human Rights Watch kay N, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

[329] Panayam ng Human Rights Watch interview kay A, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Nobyembre 29, 2006.  

[330]Panayam ng Human Rights Watch kay Dian W., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008.

[331] Panayam ng Human Rights Watch sa isang grupo ng mga domestic worker na Sri Lankan, MOSA center, Riyadh, Disyembre 6, 2006.

[332] Panayam ng Human Rights Watch kay Dian W., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008.

[333]Panayam ng Human Rights Watch kay A.., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa. Riyadh, Nobyembre 29, 2006

[334] Panayam ng Human Rights Watch kay Wati S., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006.

[335] Panayam ng Human Rights Watch kay Sisi R., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Marso 11, 2008.

[336] Panayam ng Human Rights Watch interview kay Fawzi Al-Dahan, Marso 10, 2008.

[337] Panayam ng Human Rights Watch interview kay E, opisyal ng konsulado ng isang labor-sending na bansa, Jeddah, Disyembre 9, 2006.

[338] Panayam ng Human Rights Watch kay Sri H., domestic worker na Indonesian, Riyadh, Disyembre 5, 2006.

[339] Panayam ng Human Rights Watch kay Latha P.,  domestic worker na Sri Lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.

[340] Panayam ng Human Rights Watch kay Indrani P.,  domestic worker na Sri lankan, Riyadh, Disyembre 15, 2006.

[341] Panayam ng Human Rights Watch kay Daniel S., migrant worker na Pilipino at aktibista, Marso 8, 2008.

[342] Panayam ng Human Rights Watch interview kay J, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 13, 2006.

[343] Panayam ng Human Rights Watch kay Marjorie L., domestic worker na Pilipina, Jeddah, Disyembre 9, 2006.

[344] Panayam ng Human Rights Watch kay A, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Nobyembre 29, 2006.