July 7, 2008

IX. Mga Kasong Kriminal Laban sa mga Domestic Worker

Ang desisyon ng korte ay makukulong ka ng isat-kalahating-taon kapag nakipagtalik ka nang labag sa loob mo at mabuntis – ito ang naging kaso ko. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari [sa amo kong gumahasa sa akin]' pero sa palagay ko hinuli siya at nagbigay ng lagay.
¾Amanthi K., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006

Nagiging seryosong problema para mga domestic worker ang sistemang pang-kriminal ng Saudi Arabia. Nalalaman na lang nila na sila ay kinasuhan ng mga palsong kaso ng pagnanakaw o pangkukulam ng kanilang among inireklamo nila ng pagmamaltrato, o may diskriminasyon at malupit na batas sa moralidad na itinuturing na kasong kriminal ang pakikisalamuha sa mga hindi kaanak na lalaki at pagkakaroon ng seksuwal na relasyon. Ang mga domestic worker na nabiktima ng panggagahasa o sexual harassment ay maaaring usigin sa salang imoral, adultery, o pakikipagtalik nang hindi kasal. Kasama sa mga parusa sa mga ganitong kaso ang pagkakulong, paghagupit, at, sa ibang kaso, pagbitay. Sa ilalim ng sistemang ito, malamang na makaranas sila ng hindi pantay o naantalang pagkuha ng interpreter, tulong na ligal, at madaling pag-ugnay sa kanilang mga konsulado.

Humaharap ang mga migrant worker sa mga isyung ito sa loob ng isang sistema ng hustisyang pang-kriminal na puno ng problema. Walang nakasulat na penal code ang Saudi Arabia. Karaniwang hindi sinusunod ng mga huwes ang procedural rules at nagpapalabas ng ibat-iba at hindi makatwirang sentensiya. Maraming huwes ang hindi naglalabas ng nakasulat na pasya, kahit sa mga kasong kamatayan ang parusa.[211]

 

Mga Paglabag sa mga Alituntunin

Mga 20 porsiyento lamang ang natatanggap naming diplomatic notice tungkol sa aming mga mamamayan na may kaso at nakakulong.  Madalas ito ay paiba-iba, at karaniwang naantala na  ng tatlong buwan.
¾opisyal ng Embahada ng isang labor-sending na bansa , Riyadh, Marso 8, 2008

Palaging sinusuway ng Saudi Arabia ang mga pandaigdigang pamantayan sa due process at katarungan, at ang mga domestic worker na may kasong kriminal ay maaaring hindi makakuha ng interpreter, legalcounsel, o makalapit sa mga opisyal ng kanilang konsulado sa kapag sila ay naaresto, nakulong, o nililitis.

Nakapanayam ng Human Rights Watch ang diplomatic officials mula sa anim na labor-sending na mga bansa na nag-ulat na karaniwang umaabot ng ilang buwan bago nila mabalitaan ang pag-aresto, paglilitis, paghatol, at pagpapa-deport sa kanilang mga kababayan, karaniwan sa mga puntong huli na para makapagbigay ng tulong ligal o ipagtanggol ang karapatan ng naakusa. Idinidikta ng Saudi protocol na ang notipikasyon ng pagkaaresto at iba pang patakarang pang-kriminal ay dapat na dumaan sa Ministry of Foreign Affairs (MOFA). Karaniwang nagdudulot ng pagka-abala ang pangangailangang ito.[212]

Karamihan sa mga opisyal ng mga foreign mission ay kinakailangang magbuo ng mga istratehiya sa pag-alam at pagtulong sa mga nakakulong nilang mamamayan. Halimbawa, ang ilan ay nakakahanap ng mga personal na contact sa mga istasyon ng pulis at mga kulungan. Sabi nga ng isang opisyal, "Habang hinihintay namin ang Ministry of Foreign Affairs, Ang mga awtoridad ng Saudi ay makakakuha na ng pag-amin mula sa manggagawa, walang maayos na translator, at ito ay sa paputol-putol na Arabic. Dapat magkaroon ng direktang komunikasyon sa pagitan ng mga nag-iimbestiga at ng embahada."[213] Sinabi ng mga opisyal ng mga embahada ng Indonesia at Sri Lanka sa Human Rights Watch ang suspetsa nila ay marami pang mga mamamayan nila ang naaresto at nahatulan sa mga krimen, subalit wala silang karagdagang impormasyon tungkol sa mga ito.[214]

Sinabi ng mga awtoridad ng Saudi na nakapanayam ng Human Rights Watch na maagap ang pagsunod nila sa mga patakarang nabanggit. Sabi ng minister of foreign affairs, "Kami sa Ministry of Foreign Affairs ay agad na nagsasabi sa mga embahada."[215] Subalit sinabi naman ng mga opisyal ng labor sending na mga bansa na ang ganitong mga notipikasyon at permiso ay lubhang naantala, at kung minsan ay wala talaga. Sabi ng isang opisyal, "Matagal na panahon ang dumaraan bago kami sabihan. Kahapon, may natanggap kaming notipikasyon mula sa Foreign Affairs tungkol sa ilang namatay naming mga mamamayan. Ilang buwan na naming naiuwi ang labi ng mga mamamayang ito. Nauna naming nalaman mula sa pamilya ng mga namatay."[216] Sabi naman ng isang opisyal, "Hindi namin sila [ang aming mga mamamayan] makausap bago litisin ang kaso nila… [sa ilang kaso] sa bintana lang namin sila nakikita. Kung may pasaporte ang may kaso, pinapauwi na lang siya nang hindi namin nalalaman."[217]

Sinusuway ng mga gawing ito ang criminal procedure code ng Saudi Arabia, na nagsasabing, "Ang sinumang aaraestuhin o ikukulong… ay may karapatang tawagan ang sinumang gusto niyang paalaman ng kanyang pagkahuli," at "May karapatan ang bawat nasasakdal na magkaroon ng abogado na magtatanggol sa kanya sa panahon ng imbestigasyon at paglilitis."[218] Sinusuway din ng mga kasalukuyang gawi ang mga pandaigdigang obligasyon ng Saudi Arabia sa ilalim ng Vienna Convention on Consular Affairs, na nag-mamandato na ang opisyal ng mga konsulado ay may karapatang lumapit at makipag-usap sa kanilang mga mamamayan, at katumbas nito, na ang mga dayuhang mamamayan ay makalapit at makipag-usap sa mga opisyal ng kanilang konsulado.[219]

Obligasyon ng Saudi Arabia na ipagbigay-alam sa mga nakakulong na dayuhan ang karapatan ng mga ito na lumapit sa kanilang konsulado, at payagan ang opisyal ng mga konsulado na bisitahin ang nakakulong at asikasuhin ang ligal na pagtatanggol dito.[220] Ang UN Committee on the Convention Against Torture, kung saan kasali ang Saudi Arabia, ay nag-paalala sa gobyernong Saudi na meron itong mga obligasyon bilang bahagi ng mga pananggalang laban sa mga ipinagbabawal na pagtrato sa mga detenido upang "siguruhin, sa gawa, na ang mga taong nakakulong o nasa kustodiya ay maagang makakalapit sa ligal at medikal na eksperto na kanyang pinili, sa ibang kapamilya nito, at, sa kaso ng mga dayuhang mamamayan, sa mga tauhan ng kanyang konsulado." (idinagdag ang diin).[221]

Isa sa mga gawing pumipigil sa mga walang-kinikilingang paglilitis ay ang kawalan ng kopya ng mga nakasulat na hatol. Nakausap ng Human Rights Watch ang mga opisyal ng embahada at abugadong kumakatawan sa mga domestic worker na may kasong kriminal, na hindi nakakuha ng nakasulat na hatol sa mga kasong napatunayang may sala, na nagiging balakid sa kakayanan nilang maghanda at maghapag ng apela. Sa mga kasong may nakukuha silang impormasyon, ipinaliwanag ng ilang diplomatiko na hindi nila maintindihan ang mga dokumento: "Nakasulat ito sa wikang Arabic at wala kaming maintindihan. Minsan mahirap din intindihin ang mga nakasulat na pangalan at partikular na lugar sa mga impormasyong galing sa Foreign Affairs."[222]

Umaasa ang mga domestic worker sa mga ad hoc na pakikipag-ayos sa interpretasyon sa mga istasyon ng pulis at sa court proceedings, at karaniwang wala silang abogado. Sa ilang kaso, nag-aalok ng interpreter ang gobyernong Saudi o ang embahada ng manggagawa; sa ibang kaso, umaasa na lamang ang manggagawa sa konti niyang alam sa salitang Arabic o tuwirang wala siyang maiintindihan. Dagdag pa rito, ayon sa isang opisyal ng Saudi Ministry of Interior, "Walang sinasabi sa batas na dapat naming hintaying dumating ang abogado bago namin umpisahan ang pagtatanong sa akusado."[223]

Sa isang kaso na umani  ng protesta mula sa mga grupo sa ibat-ibang panig ng mundo, hinatulan ng kamatayan ng isang korte sa Saudi si Rizana Nafeek, isang 19-anyos na domestic worker mula sa Sri Lanka, sa kasong pagpatay sa inaalagaan niyang sanggol. Walang interpreter si Nafeek noong siya ay pinaamin ng mga pulis. Binawi niya ang kanyang pag-amin sa katagalan at wala siyang abogado sa loob ng dalawang taong paglilitis sa kanya. Si Nafeek, na 17-anyos noong maakasuhan, ay walang karanasan sa pagiging domestic worker at nagsabing nabulunan sa  gatas ang sanggol na siyang ikinamatay nito. Naka-apela pa ang kaso ni Nafeek hanggang nitong Hunyo 2008.

Kontra-Kaso ng Pagnanakaw, Pangkukulam, at Maling Pagbibintang

Takbo ako ng takbo ng hindi alam kung saan papunta at walang suot na abaya.Lumabas ako na walang suot na abaya kasi kung kukunin ko ito, pagbibintangan akong nagnakaw at puputulin ang aking mga daliri.
¾Journey L., domestic worker na Pilipina, Riyadh, Disyembre 4, 2006

Isang karaniwang problema ay ang pagharap ng mga domestic helper na tumakas o nagreklamo sa kanilang amo sa mga palsong kontra-kaso ng pagnanakaw o pangkukulam mula sa kanilang mga amo.[224] Sinabi sa amin ng opisyal ng isang labor-sending na bansa, "Ang mga pulis… bilang mga Muslim ay maniniwala sa sasabihin ng ibang Muslim at ibang kababayan… [Pero] may nakikita kaming magbibigay ng pag-asa. Nasasanay na ang mga pulis sa pagtukoy sa ganitong mga klase ng palsong pagbibintang… Malaki itong pag-unlad kesa sa dati."[225] Sa kabila ng pagbabago sa pananaw ng ilang mga pulis, nananatili pa ring seryosong problema ang banta ng kontra-kaso. SInabi ng isang opisyal na humahawak ng isyu sa paggawa na mahirap para sa mga manggagawa ang humingi ng sahod na hindi nabayaran, dahil "maaaring takot ang isang manggagawang magsabi ng katotohanan [tungkol sa kanyang sahod] dahil sa banta ng kontra-kaso… Pinapabayaan na lamang ng manggagawa ang paghahabol."[226]

Isinalarawan ni Nurifah M. ang kanyang karanasan matapos siyang tumakas sa kanyang amo at tumakbo sa konsulada ng Indonesia: "Pagkatapos noon, iniulat ng amo ko sa awtoridad na nagnakaw daw ako ng 60,000 riyal ($15,6000) at ginto. Tumawag ang mga pulis sa konsulado at sinabing dapat daw akong pumunta sa presinto. Wala akong pera. Kung may pera ako, hindi na ako pumunta sa konsulado. Kung may pera ako, tumakbo na akong pauwi sa bansa ko."[227] Sa kaso ni Nurifah M., pinagtibay ng mga pulis na hindi siya nagnakaw ng anumang pera. Pero sa kabila ng subpoena sa kanyang mga amo at sunod-sunod na dalaw sa bahay ng mga ito, hindi na nakuha ni Nurifah M. ang kanyang hindi naibigay na sahod.

Sa ibang kaso, ang mga domestic worker na may ikinasong kriminal laban sa kanilang amo ay maaaring maharap sa matinding pag-uusisa at makasuhan ng paghahapag ng maling akusasyon. Si Nour Miyati, na tinalakay sa unang bahagi tungkol sa sapilitang pagtatrabaho, ay nahatulan ng 79 na hagupit sa salang paghahapag ng maling akusasyon laban sa kanyang amo, sa kabila ng pag-amin ng kanyang among babae sa pang-aabuso at sa masusing panggagamot sa kanyang mga sugat na natamo sa pambubugbog at paggutom na kinailangan ni Nour Miyati. Binaliktad ng isang korte sa Riyadh noong Abril 2006 ang naging hatol kay Nour Miyati. Tatlong taon makalipas ang paghapag ng unang kaso noong Marso 2005, ibinasura ng korte noong Mayo 2008 ang mga sakdal laban sa kanyang among babae.

Ang mga manggagawang tumatakas ay nahaharap din sa mga parusa sa pagtalikod sa kanilang kontrata at pag-iwan sa mga amo, na samakatuwid ay paglabag sa mga batas ng immigration. Noong 2007, sinintensiyahan ng isang korte sa Ha'il ang dalawang domestic worker na Sri Lankan ng 45 araw na pagkakulong at 70 hagupit bawat isa para sa kasong pagtakas sa kanilang mga amo. Dalawang lalaking Sri Lankan naman na napatunayang nagkasala sa pagtulong sa kanila ay nahatulan ng tatlong buwang pagkakulong at 200 hagupit bawat isa sa kanila.[228]

Mga Kaso ng Pangkukulam

Gaya ng maikling pagtalakay sa bahagi sa physical violence, pitong miyembro ng isang pamilyang Saudi, na may apat na domestic worker na Indonesian, ang nambugbog ng mga domestic worker noong unang bahagi ng Agosto 2007 matapos akusahan ang mga katulong ng pagsasagawa ng "black magic" sa binatang anak ng pamilya. Namatay sila Siti Tarwiyah Slamet, 32, at Susmiyati Abdul Fulan, 28, sa mga tinamo nilang sugat. Ginagamot naman sila Ruminih Surtim, 25, at Tari Tarsim, 27, sa Intensive Care Unit ng Riyadh Medical Complex nang alisin sila ng mga pulis sa nasabing ospital at ikinulong para tanungin tungkol sa kanila umanong "pangkukulam," at sa umpisa ay hindi pinayagang makausap ng mga opisyal mula sa embahada ng Indonesia.[229]

Sumusubok ang embahada ng Indonesia ng ligal na paraan para sa mga domestic worker na nahatulan sa salang pangkukulam. Halimbawa, inaasikaso nila ang kaso ng isang domestic worker sa Gassim na unang nahatulang mabitay sa salang pangkukulam pero naibaba ang hatol sa 10 taong pagkakulong.[230] Sa dalawang kaso ng pangkukulam na sangkot ang domestic worker na Indonesian sa Hofuf, alam ng embahada na napatunayan nang nagkasala ang mga mangagawa, pero hindi nito alam ang naging hatol dahil hindi sila nakakuha ng kopya ng naging hatol.[231]

Ang mga kaso ng pangkukulam ay arbitraryo at tumutuya sa pandaigdigang pamantayan sa human rights. Hindi binibigyang kahulugan ng batas ng Saudi ang pangkukulam bilang isang krimen. Wala ring napagkaisahang pag-unawa kung ano ang mga tipo ng gawain na maituturing na pangkukulam, na siyang nagbibigay ng napakalaking hamon sa pagdepensa sa akusado. Sa mga panayam sa Human Rights Watch, hindi mailinaw ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng Ministry of Justice ang eksaktong depinisyon ng pangkukulam, bagaman kanilang iginiit na nagbubunga ito ng pagkalagay ng buhay sa panganib.[232] Karaniwang target ng mga amo ang mga gawaing maaaring resulta ng pagkakaiba sa mga gawing pang-kultural tulad ng pagdadala ng anting-anting, bilang patibay sa gawaing pangkukulam. Sinabi ng isang opisyal ng isang labor-sending na bansa, "Napakahirap at komplikado ang mga kasong ito… Aakusahan sila ng mga simpleng bagay, tulad ng pagdadala ng litrato sa kanilang pitaka, o kung may mahulog na buhok nila [sa pagkain],"[233] at titingnan ito bilang ebidensiya ng pangkukulam.

Mga Krimeng "Moral"

Karaniwang tahimik na lang namin silang pinapauwi. Ayaw din ng mga pulis na patagalin pa ang mga ganitong kaso. May ilan kaming kaso ngayong taon ng mga babaeng ikinulong sa kasong adultery o pakikipagtalik nang hindi kasal. Karaniwan mga limang buwan ang sentensiya. Puwede rin silang bigyan ng parusang pisikal.
¾opisyal ng embahada mula sa isang labor-sending na bansa, Riyadh, Nobyermbre 29, 2006

Adultery, pakikipagtalik nang hindi kasal, prostitusyon, at pakikisalamuha sa mga lalaking hindi kamag-anak ang mga pinakakaraniwang dahilan kung bakit nahahatulan at nakukulong ang isang domestic worker sa Saudi Arabia.[234] Matindi ang mga parusa. Halimbawa, sa ilang kasong sinuri ng Human Rights Watch, ang mga kababaihang Sri Lankan na nahatulan sa kasong prostitusyon ay binabaan ng 18 buwang pagkakulong at 60 hanggang 490 na hagupit.[235] Binigyang-pansin ng opisyal ng isang embahada na iyong mga naakusahan ng prostitusyon ay karaniwan na natagpuan lamang na kasama ang mga kakilalang lalaki na hindi nila kaano-ano. Wala ring dagdag na ebidensiya na ang mga ito ay gumagawa ng seksuwal na aktibidad.[236]

Habang ang ibang domestic worker ay pamilyar sa mga batas sa Saudi Arabia, ang iba naman ay napakakonti nang nalalaman. Karamihan sa mga domestic worker ay nagmula sa mga bansang hindi krimen ang pakikisalamuha sa mga lalaking hindi kaano-ano, kaya hindi nila alam ang puwedeng mangyari. Sa ibang kaso, nilalagay ng mga domestic worker ang kanilang sarili sa peligro kung hihingi sila ng tulong sa mga lalaking hindi nila kaano-ano upang makatakas sa mga mapang-abusong amo.

Naidokumento ng Human Rights Watch ang ilang kaso kung saan hinatulan ng mga korte sa Saudi ang mga domestic worker sa mga krimeng "moral," na karaniwan sa mga situwasyong walang kontrol ang mga babae. Halimbawa, nasintensiyahan si Bethari R. at ang kanyang amo na mahagupit dahil sa pumasok ang nasabing amo sa bahagi ng bahay na para sa mga babae lamang. Nagpunta sa Saudi Arabia bilang isang sastre si Bethari R., ngunit pinagtrabaho siya ng kanyang mga amo ng mabigat na gawaing bahay at pag-aalaga ng bata sa mahabang oras. Ilang beses na ring nakabangga ng kanyang amo ang religious police. Walang kakayanan si Bethari R. na lumipat ng amo o kausapin ang amo tungkol sa saklaw ng kanyang gawain. Sabi niya, "Sinisigawan nila ako. Masyadong mayabang ang amo kong babae. Parang alipin ang trato niya sa amin… Ilang beses ng isinara ng mutawwa (religious police) ang beauty parlor nila. Ayoko nang magkaroon ng kinalaman dito."[237]

Iba-iba ang kuwento ng mga panig sa panahon ng paglilitis at walang depinidong ebidensiya. Hinatulan ng huwes ang lalaking amo ng 11 buwang pagkakulong at 200 hagupit sa harap ng publiko. Hindi pinansin ng huwes ang alegasyon ni Bethari R. na ginahasa siya ng kanyang amo. Sinisi pa ng huwes si Bethari R. dahil hindi nito isinumbong ang pagpasok ng among lalaki sa seksyon ng kababaihan at sa pagtatrabaho niya sa dis-oras ng gabi. Hinatulan siya ng 70 hagupit at deportation.[238] Nag-aapela sa parusa ang embahada ng Indonesia noong panahong nakausap namin si Bethari R.

Ang pagiging krimen ng pakikisalamuha sa mga hindi kaano-anong lalaki at ang pagpayag na makipagtalik ay isang paglibak sa mga pandaigdigang pamantayang nagtatanggol sa karapatan sa kalayaan at privacy.Dagdag dito, may diskriminasyon laban sa kababaihan ang mga pamantayan sa ebidensiya, na kalahati lamang ang binibigay na timbang sa testimonya ng babae kumpara sa testimonya ng lalaki. Ayon sa Sharia, Ang tanging garantiya lamang na mapatunayan ang panggagahasa ay kung aamin ang akusado o kung may apat na lalaking nasa tamang edad ang makakita sa panggagahasa. Kung hindi, wala nang ibang maaasahang pamantayan ang korte para patunayan ang panggagahasa. Bilang resulta, tinitingnan minsan ng mga korte na ang pag-akusa ng babae sa panggagahasa ay pag-amin din nito sa bawal na pakikipagtalik, na nagiging dahilan sa pag-usig sa kababaihan. Ang mga pamantayan sa ebidensiya para patunayan ang panggagahasa ay napakahirap tugunan, laluna sa kalagayan ng mga domestic worker na nakabukod sa mga pribadong bahay kung saan puwedeng walang saksi, at dahil hindi sila makakalabas ng bahay upang kumuha ng forensic na pagsusuri na puwedeng gamiting ebidensiya.

Ang mga babaeng nabubuntis dulot ng panggagahasa o boluntaryong pagpasok sa seksuwal na relasyon ay nahaharap sa banta na mausig, sapagkat ang kanilang pagbubuntis ay itinuturing na ebidensiya ng bawal na relasyong seksuwal sa labas ng matrimonya. Halimbawa, aming nabalitaan noong Marso 2008 ang kaso ng isang domestic worker na Nepalese na nagsabing ginahasa siya umano ng anak na lalaki ng kanyang amo. Ikinulong siya matapos manganak at naghihintay ng paglilitis noong panahong iyon.[239]

Sinabi ng opisyal ng isang embahada na sa nakaraang anim na buwan ay nakahawak siya ng apat hanggang limang kaso ng pagbubuntis, at maraming buntis na domestic worker ang bumabagsak sa Malaz prison.[240] Ayon sa opisyal ng mga labor-sending na bansa, kung minsan ay nakikisama sa kanila ang mga pulis at hindi na kinakasuhan ang mga babaeng nabubuntis. Sabi ng opisyal ng isang embahada, "Pero iyong nakapanganak na ay talagang kinukulong."[241]

Nabuntis si Amanthi K. matapos gahasain ng kanyang amo. Nahatulan siyang makulong ng anim na buwan sa kasong adultery noong 2006. Sabi niya, "Sabi ng huwes sa akin, 'Pumunta ka rito para magtrabaho at nakagawa ka ng isang krimen. ' Sabi ko ang amo ko ang nakagawa ng krimen, hindi ako. Pagkatapos noon, dinala ako sa ospital para manganak. Pagkatapos kong manganak, ikinulong na ako, kasama ang anak kong babae. [242] Iniulat din ni Amanthi K. na merong interpreter para magsalin ng Arabic sa Sinhali, pero wala siyang abogado. Hindi siya binigyan ng pagkakataon ng mga awtoridad ng Saudi na ipaalam sa Sri Lankan mission ang tungkol sa kanyang kaso at wala rin siyang ugnayan o natanggap na tulong sa mga ito habang dumadaan siya sa mahirap na karanasan.

Sinabi ng opisyal ng mga labor-sending na bansa sa Human Rights Watch na karaniwan nilang pinapayuhan ang mga babaeng manggagawa na huwag na lang ituloy ang kaso ng sexual harassment o assault kung walang matibay na ebidensiya. Sa palagay kasi ng marami ay mawawalang saysay lamang ang pagsampa ng kaso dahil sa mahigpit na hinihinging ebidensiya, ang mahabang panahong ginugugol bago maresolba ang mga kasong kriminal, at ang banta na masakdal sa kasong adultery at iba pang krimeng "moral." Sabi ng isang opisyal, "Sa 40 kaso ng sexual abuse o harassment, apat (4) lamang ang nagsampa ng reklamo." [243] Sabi pa ng isang opisyal,

Minsan sinasabi namin sa ibang babae, inabuso ka, pero wala akong kakayanan na ilagay ka sa shelter sa loob ng isa hanggang dalawang taon. Hindi ko puwedeng himukin ang mga babae o ang mga tauhan ko na ituloy nila ang kaso. Sino ang tetestigo? Kailangan ito sa ilalim ng Sharia. Ito ang mga implikasyon, kaya takot kaming itulak ang ganitong mga kaso. [244]

[211] Human Rights Watch, Precarious Justice; Human Rights Watch, Adults Before Their Time.

[212] Panayam ng Human Rights Watch kay Prince Sa'ud al-Faisal, minister of foreign affairs, Riyadh, Disyembre 2, 2006: "May kautusan mula sa gabinete na kapag may sinumang dayuhan na huhulihin, dapat na sabihan ang Ministry of Foreign Affairs."

[213] Panayam ng Human Rights Watch kay C. opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 4, 2006..

[214] Panayam ng Human Rights Watch sa opisyal ng mga embahada ng Sri Lanka at Indonesia, Riyadh, Marso 2008..

[215] Panayam ng Human Rights Watch kay Prince Sa'ud al-Faisal, Disyembre 2, 2006..

[216] Panayam ng Human Rights Watch kay B, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 3, 2006.

[217] Panayam ng Human Rights Watch kay J, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Disyembre 13, 2006..

[218] National Society for Human Rights, First Report on the Situation of Human Rights in the Kingdom of Saudi Arabia (Riyadh: NSHR, 2007), p. 11.

[219] Itinatakda ng Vienna Convention on Consular Relations, pinagtibay noong Abril  24, 1963, 596 U.N.T.S.261, pinatupad noong Marso 19, 1967, art. 36. na, "Kung kanyang hihilingin, ipagbibigay alam, ng walang pagkaantala, ng awtoridad ng Estadong tumatanggap,  sa konsulado ng Estadong nagpapadala na, kung sa loob ng distrito ng konsulado, isang mamamayan ng nasabing estado ang hinuli, ikinulong, o inilagay sa kustodiya habang naghihintay ng paglilitis, o ikinulong sa ibang paraan… Ipagbibigay alam ng mga nasabing awtoridad sa taong kinauukulan, ng walang pagkaantala, ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng subparagraph na ito… may karapatan ang opisyal ng mga konsulado na dalawin ang mamamayan ng Estadong nagpapadala, na nakakulong, nasakustodiya, o detention, at kausapin o makipag-ugnayan sa kanya at ayusin ang kanyang ligal na representasyon. May karapatan din sila na dalawin ang sinumang mamamayan nila na nakakulong o naka-detine sa kanilang distrito habang naghihintay ng hatol."

[220] Ibid.

[221] Mga konklusyon at rekomendasyon ng Committee against Torture : Saudi Arabia, Hunyo 12, 2002, CAT/C/CR/28/5, para. 8(h).   

[222] Panayam ng Human Rights Watch kina C at J, mga opisyal ng embahada mula sa labor-sending na mga bansa, Riyadh, Disyembre 4 at 13, 2006..

[223] Panayam ng Human Rights Watch kay Shaikh Al Abdallah, pinuno, Department of Prosecutions and Investigations, Ministry of Interior, Nobyembre 29, 2006.

[224] Panayam ng Human Rights Watch kay B, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 3, 2006..

[225] Panayam ng Human Rights Watch kay L, opisyal ng embahada ng isang  labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 8, 2008.

[226] Panayam ng Human Rights Watch kay P, opisyal ng embahada ng isang  labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 8, 2008.

[227] Panayam ng Human Rights Watch kay Nurifah M., domestic worker na Indonesian, Jeddah, Disyembre 11, 2006

[228] Mariam Al Hakeem, "Runaway maids face jail and flogging," Gulf News.

[229] Saudi Arabia: Migrant Domestics Killed by Employers," Human Rights Watch news release. Matapos ang mahabang negosasyon, napawalang sala ang mga kababaihan at tumanggap si Ruminih Surtim ng 30,000 riyal ($7,800) at si Tari Tarsim ng 15,000 riyal ($3,900) bilang kompensasyon, Panayam ng Human Rights Watch sa isang opisyal ng Embahada ng Indonesia na ayaw magpakilala, Riyadh, Marso 10, 2008. 

[230] Panayam ng Human Rights Watch kay Nasser Al-Dandani, abogado, Embahada ng Indonesia, Riyadh, Marso 10, 2008.   

[231] Ibid.

[232] Panayam ng Human Rights Watch kina M.R. Abdulhameed Al-Galiga, consultant, Ministry of Justice, M.R. Deefallh Al-Onzu, researcher, Ministry of Justice, at D.R. Naser Al-Shahrani, department of investigations and prosecutions, Riyadh, Marso 12, 2008.

[233] Panayam ng Human Rights Watch kay M, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

[234] Panayam ng Human Rights Watch kina B at E, mga opisyal ng labor-sending na mga bansa, Jeddah at Riyadh, Disyembrer 3 at 9, 2006, at kay J, opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 11, 2008; and "Details of Sri Lankan Female Prisoners/Detainees," sulat ng isang opisyal na ayaw magpakilala, Sri Lanka Ministry of Foreign Affairs, Colombo, Sri Lanka, Nobyembre 20, 2006.b

[235] "Details of Sri Lankan Female Prisoners/Detainees." Sinabi ng opisyal ng isang labor-sending na bansa na mula 50 hanggang 250 hagupit ang karaniwang parusa sa mga krimeng "moral." Panayam ng Human Rights Watch kay H., opisyal ng Embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 8, 2008.

[236] Panayam ng Human Rights Watch kay Nasser Al-Dandani, Marso 11, 2008.

[237] Panayam ng Human Rights Watch kay Bethari R., Indonesian na sastre na pinilit gumawa ng trabahong bahay, Riyadh, Marso 11, 2008.

[238] Hatol mula sa Qubba Public Court, 15/8/1428, at Panayam ng Human Rights Watch kay Nasser Al-Dandani, Marso 11, 2008.

[239] Panayam ng Human Rights Watch sa isang source na ayaw magpakilala. Riyadh, Marso 2008. .

[240] Panayam ng Human Rights Watch kay J., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

[241] Panayam ng Human Rights Watch kay M., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Marso 10, 2008.

[242] Panayam ng Human Rights Watch kay Amanthi K., umuwing domestic worker, Katunayake, Sri Lanka, Nobyembre 1, 2006.

[243] Panayam ng Human Rights Watch kay B., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 3, 2006.

[244] Panayam ng Human Rights Watch kay J., opisyal ng embahada ng isang labor-sending na bansa, Riyadh, Disyembre 13, 2006.